Ang mga Saksi ni Jehova sa Larangang Misyonero
ANG mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova sa Asia at saanman ay malimit na tinatanong: “Bakit wala kayong mga klase sa Ingles gaya ng mga ibang misyonero?” “Mayroon ba kayong mga paaralan na doon ko maaaring pag-aralin ang aking mga anak o mga ospital para sa mga maysakit?” Mangyari pa, ang sagot ay wala. Bakit wala? Sa katunayan, ano nga ba ang layunin ng mga Saksi? At ano ang nagawa nila para sa mga tao sa mga bansang ito?
Magkaiba ang mga Punto-de-vista
Hindi maikakaila na ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay maraming nakumberte sa pamamagitan ng kanilang ibinibigay na mga paglilingkod sa madla. Subalit dahil sa ang gayong mga gawain ay nakatuon lalung-lalo na sa pagbibigay kasapatan sa materyal na mga pangangailangan ng tao imbis na sa kanilang espirituwal na pangangailangan, ang mga misyonerong ito ay hindi nagtagumpay sa paggawa ng tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo. (Mateo 7:22, 23; 28:19, 20) Lalong mahalaga, hindi nila naipaaalam ang anumang permanenteng solusyon sa mga sakit ng lipunan na sinisikap nilang madaig.
Sa kabilang panig, ang mga Saksi ni Jehova ay nababahala lalong higit na sa mahalagang atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Ito’y hindi dahil sa hindi nila pinapansin o wala silang pagkabahala sa lahat ng pagdurusa ng sangkatauhan at sa mga pang-aapi na kanilang nakikita. Bagkus, ito ay dahilan sa kinikilala nila na ang tanging remedyo para sa mga malulubhang problemang ito ay nakaatang, hindi sa kamay ng mga tao, kundi sa Kaharian ng Diyos.—Awit 146:3-10.
Iyang-iyan ang ipinangaral ni Jesus at ng kaniyang mga alagad noong unang siglo. “Kailangang ipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat dahil dito ako sinugo.” (Lucas 4:43) Ang itinuro ni Jesus at ang ipinangaral ay ang Kaharian ng Diyos bilang tanging lubos na remedyo, sapagkat batid niya na ang mga suliranin ng daigdig ay napakalaki upang makaya ng tao na lunasan. Bagaman gumawa si Jesus ng mga kahima-himalang pagpapagaling, ipinayo niya sa kaniyang mga alagad na “patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:33.
Nang malaunan, noong suguin ni Jesus ang kaniyang mga alagad, sa una pa lamang ay sinabihan niya sila: “Sa inyong paghayo, mangaral kayo, na sinasabi, ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” Pagkatapos ay isinusog pa niya: “Magpagaling kayo ng mga taong maysakit, bumuhay kayo ng mga taong patay, linisin ninyo ang mga may ketong, magpalabas kayo ng mga demonyo.” (Mateo 10:7, 8) Iyan ang nagbibigay ng ideya sa modernong-panahong mga alagad ni Jesu-Kristo tungkol sa kung ano ang dapat na unahin. Kailangang unahin nila ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian bilang kanilang pangunahing layunin, higit at lalong mahalaga kaysa mga gawaing pagkakawanggawa. Iyan ang sinisikap na gawin ng mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova.
Sinasapatan ang Espirituwal na mga Pangangailangan ng mga Tao
Bilang isang grupo ng mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasagawa ng isang malawakang kusang-loob na programa ng pagtuturo ng Bibliya sa mga tao. Yamang sila’y mga tagapaghayag ng mabuting balita, sila’y interesado na tulungan ang iba na makinabang sa karunungan at payo ng Bibliya, kapuwa ngayon at sa hinaharap. (Awit 68:11) Bakit nga gayon?
Natatalos ng mga Saksi na pagka tinulungan ang mga tao na makaunawa at makasunod sa ipinapayo ng Bibliya, sila’y nagkakaroon ng higit na kakayahan na humarap sa mga problema at mga kagipitan sa buhay. Sa kabilang dako, nakakamit nila ang lakas ng loob na kailangan upang madaig ang umaalipin at nakapipinsalang mga ugali tulad halimbawa ng paninigarilyo, paglalasing, maling paggamit ng mga droga, karumihan, pagsusugal, at seksuwal na imoralidad. Sa kabilang dako, ang katotohanan ng Bibliya ay tumutulong sa kanila upang baguhin ang kanilang mga pag-iisip, at nagkakaroon sila ng layunin sa buhay at ng isang totohanang pag-asa para sa hinaharap.
Sa gayon, dahil sa paglalaan nila ng pinakamataas na uri ng edukasyon—yaong nanggagaling sa Salita ng Diyos, ang Bibliya—ang mga Saksi ni Jehova ay may tuwirang abuloy tungo sa pagtataas ng moral at pisikal na kalusugan ng komunidad na kanilang kinaroroonan at pinangangaralan. Malimit na ito’y napapansin ng iba na nagmamasid sa kanila nang taimtim. Halimbawa, si Dr. Bryan Wilson ng Oxford University, na nag-aral ng mga aktibidades ng mga Saksi ni Jehova sa Aprika, ay nagsabi sa isang liham sa London Times:
“Ang mga Saksi ni Jehova ay puspusan kung magtrabaho at kadalasan lalong maingat at masigasig kaysa karaniwang mga mamamayan. Sila’y hinihimok ng kanilang mga lider na magbayad sa tamang panahon ng kanilang mga buwis, umiwas sa karahasan at huwag magbibigay ng ikatitisod. Sila’y maayos, mapagtapat at seryoso. Ang mga katangiang ito ay lubhang mahalaga sa pangkabuhayan at panlipunan na pag-unlad ng Kanlurang lipunan, at hindi isang pagmamalabis na sabihin na ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa pinakamatuwid at masusugid na mga mamamayan ng mga bansang Aprikano.”
Sa nahahawig na mga salita, isa pang tagapagmasid sa Timog Amerika ang nagsabi ng ganito sa isang editoryal sa pahayagan:
“Ang mga Saksi ni Jehova ay puspusan kung magtrabaho, mapagtapat, mga taong natatakot sa Diyos. Sila’y konserbatibo at maibigin sa tradisyon at ang kanilang relihiyon ay nasasalig sa mga turo ng Bibliya.”
Samakatuwid bagama’t hindi ang ipinakadiriin ng mga Saksi ni Jehova ay yaong karaniwang tinatawag na panlipunang ebanghelyo, sila’y aktibo ng pagtataguyod ng mga kapakanan ng komunidad sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na ang kanilang mga buhay ay makasuwato ng matataas na pamantayan ng Bibliya. (Roma 12:1, 2) Pinakamahalaga, kanila ring tinutulungan ang mga tao sa lahat ng dako upang magmasid sa kabila pa roon ng mga pang-aapi at paniniil ng mabilis na bumabagsak na mga sistemang ito ng mga bagay at sa bagong sistema na gawa ng Diyos, na malapit nang dumating.—Apocalipsis 21:5.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Lulunasan ng Kaharian ng Diyos ang mga Sakit sa Lipunan
Basahin sa iyong sariling Bibliya ang sumusunod na mga talata at maaaliw ka sa pagkakita kung paano aalisin ng Diyos ang kasalukuyang mga suliranin at mga sakit ng lipunan sa sumusunod na mga larangan:
Kalusugan Isaias 33:24; 35:5, 6; Apocalipsis 21:4
Edukasyon Isaias 11:9; Habacuc 2:14
Trabaho Isaias 65:21-23
Pagkain Awit 67:6; 72:16; Isaias 25:6
Katarungan Isaias 11:3-5; 32:1, 2