Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pinalawak na mga Pasilidad Para Makatugon sa Paglago ng Kaharian
ANG araw ng pag-aalay para sa kamakailang pinalawak na mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova ay naging isang napakasayang araw sa isla ng Jamaica sa Caribbean. Ang paglawak na ito ay kinailangan dahilan sa pagpapala ni Jehova sa tapat na mga pagsisikap ng mga kapatid sa pangangaral ng mabuting balita sa magandang islang ito sa tropiko.
Isang tahanang misyonero ang itinayo sa Jamaica sing-aga ng 1946. Palibhasa’y pinangungunahan ng mga misyonero ang gawain, ang pagdami ng mamamahayag ay mabilis, kung kaya’t sa loob lamang ng sampung taon ang katamtamang bilang ng mga Saksi na nag-uulat buwan-buwan ay lumago buhat sa 732 hanggang 3,216. Kaya’t kinailangan na magsaayos ng bagong mga pasilidad upang mag-asikaso sa karagdagan pa.
Noong 1954 nakabili ng angkop na lote at nagsimula ang konstruksiyon ng isang matibay na bagong dalawang-palapag na gusali sa isang tahimik na lugar sa arabal ng Kingston. Ito’y natapos noong Mayo 1958. Ang bilang ng mga mamamahayag nang taon na iyon ay umabot sa pinakamataas na bilang na 4,367.
Ang ‘pagtatanim’ at ‘pagdidilig’ ay nagpatuloy at si Jehova ang “patuloy na nagpalago niyaon,” kung kaya’t noong 1983 ang bilang ng mga mamamahayag ay umabot sa mahigit na 7,000, kaya naman kinailangan ang higit pang pagpapalawak. (1 Corinto 3:6) Ang Komite ng Sangay, sa pagsang-ayon ng Lupong Tagapamahala, ay nagpasiya na palawakin ang kasalukuyang pasilidad. Mahigit na 250 mga kapatid sa buong isla ang nagpunta roon upang tumulong. Dalubhasa at di-dalubhasang mga manggagawa ang nagboluntaryo ng kanilang mga paglilingkod bilang mga kantero, karpintero, elektrisista, at mga tubero. Ang kanilang mga edad ay mula 10 hanggang 86. Ang mga iba ay nag-abuloy ng salapi sa proyekto, ang iba naman ay nag-abuloy ng pagkain para sa mga manggagawa, at ang mga iba pa ay nagbukas ng kanilang mga tahanan upang maglaan ng tuluyan para sa mga boluntaryo na naggaling sa malayo. Sa loob ng isang taon ang proyekto, na binubuo ng karagdagang ikatlong palapag na may limang kuwarto at isang lugar na nagsisilbing libangan, isang kuwarto sa ikalawang palapag, at 400 piye kuwadrado (37 m ku) na lugar na bodegahan, ay natapos, at handang gamitin ng 11 na mga kabilang sa pamilyang Bethel.
Si Milton Henschel, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang nagpahayag sa pag-aalay nito noong Pebrero 22, 1986. Siya’y nagsalita sa temang “Ang Pagmamartsa sa Tagumpay.” (2 Corinto 2:14) Yaong mga nakinig sa programa ng pag-aalay ay umabot lahat-lahat sa 2,949. Sa mga ito, 380 ang nasa Kingdom Hall at sa mga iba pang parte ng gusali at ang mga iba naman ay nakinig sa pamamagitan ng sistema ng telepono at radyo na ikinunekta sa mga Kingdom Hall sa siyudad at sa isang awditoryum ng paaralan.
Karamihan ng mga inanyayahan sa Kingdom Hall sa sangay ay mga kapatid na may 30 taon o higit pa sa katotohanan. Maraming mga kapahayagan ng pagpapahalaga ang narinig dahil sa magandang dugtong na ito sa gusali. Inaasahan natin na marami pa sa “lubhang karamihan” ng “mga ibang tupa” ang makikisama sa martsa ng tagumpay samantalang sa pamamagitan ng mga bagong pasilidad ng sangay ay naaasikaso ang paglago ng Kaharian sa Jamaica.