Natatandaan Mo Ba?
Maingat na napag-isipan mo ba ang kamakailang mga labas ng Ang Bantayan? Kung gayon, marahil ay maaalaala mo pa ang sumusunod:
◻ Bakit di dapat magdiwang ng Pasko ang isang Kristiyano?
Ang isang dahilan ay sapagkat ang kapistahan ng Pasko ay nagmula sa paganong selebrasyon ng Saturnalia, ang Romanong kapistahan ng diyos ng pagsasaka na si Saturno. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di-sumasampalataya.” (2 Corinto 6:14-17) Ang isang Kristiyano ay hindi maaaring maihiwalay sa mga di-sumasampalataya samantalang siya’y nagseselebra pa rin ng isang kapistahan na nagmula sa mga pagano.—12/15, pahina 6.
◻ Ano ba ang Jubileong Kristiyano?
Isang pagpapalaya na kaugnay ng “katotohanan” ang makapagpapalaya sa mga tao buhat sa “batas ng kasalanan at ng kamatayan.” Ang katotohanang ito ay nakasentro sa “Anak,” si Jesu-Kristo. (Juan 8:31-36; Roma 8:1, 2, 21)—1/1, pahina 21.
◻ Kailan ipinagdiriwang ang Jubileong Kristiyano?
Noong Pentecostes 33 C.E., ang Jubileong Kristiyano ay sinimulang ipagdiwang niyaong mga magtatamo ng buhay sa langit. Para sa sumasampalatayang sangkatauhan na magtatamasa ng buhay na walang hanggan sa lupa, isang dakilang Jubileong Kristiyano ang tatamasahin sa panahon ng Milenyo, samantalang lahat ng bakas ng minanang kasalanan at di-kasakdalan ay pinapawi.—1/1, pahina 21, 22, 27.
◻ Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay walang mga paaralan sa mga bata sa Asia at saanman?
Dahilan sa sinasabi ng Bibliya, ang pangunahing pinagkakaabalahan ng mga Saksi ni Jehova ay ang kanilang gawain na mangaral ng mahalagang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Hindi nila ipinagwawalang-bahala ang mga pagdurusa ng tao at ang mga kaapihan sa kasalukuyang sistema, at sila’y tumutulong hangga’t makatutulong sila. Gayunman ay kinikilala nila na ang tunay na remedyo ay naroroon, hindi sa mga kamay ng tao, kundi sa katubusan na malapit nang pangyarihin ng Kaharian ng Diyos. (Awit 146:3-10)—1/15, pahina 7.
◻ Anong mga katangian ng pananampalataya ang matututuhan natin buhat sa mga halimbawa nina Abel, Enoc, Noe, Abraham, at Moises?
Ang pananampalataya na katulad ng kay Abel ay nagpapalaki sa ating pagpapahalaga sa inihandog na hain ni Jesus. Ang tunay na pananampalataya ay tumutulong sa atin na magkaroon ng tibay ng loob, tulad ni Enoc. Gaya ni Noe, ang pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumunod sa mga tagubilin ng Diyos. Ang pananampalataya ni Abraham ay nagtuturo sa atin ng pangangailangan na sumunod sa Diyos at magtiwala sa kaniyang mga pangako. Dapat tayong manatiling walang dungis buhat sa sanlibutan at manindigang tapat sa panig ng bayan ng Diyos, gaya ni Moises.—1/15, pahina 20.
◻ Sa paanong ang pagkamausyuso ay maaaring maging isang pagpapala o isang sumpa?
Ang malusog na pag-uusisa tungkol sa ating Maylikha, sa kaniyang kalooban, at sa kaniyang mga layunin ay magiging kasiya-siya at kapaki-pakinabang, na nagdadala ng kagalakan at kaginhawahan sa ating buhay. Sa kabilang panig, ang walang direksiyong pag-uusisa ay maaaring umakay sa atin sa masalimuot na paghahaka-haka at sa mga bungang-isip ng mga tao, na sumisira sa tunay na pananampalataya at maka-Diyos na debosyon. 2/1, pahina 29.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang idalangin: “Ama ko, kung baga maaari, ang sarong ito ay palampasin mo sa akin”? (Mateo 26:39)
Ang ikinababahala noon ni Jesus ay ang paratang na pamumusong na nakini-kinita niya na ipapataw sa kaniya. Ito ang pinakamasamang krimen na maaaring iparatang sa isang Judio. Ang kaniyang kamatayan sa ilalim ng ganiyang kalagayan, samakatuwid, na nagdadala ng kadustaan sa kaniyang makalangit na Ama. 2/15, pahina 13.
◻ Kung ang isang tao ay dumaranas ng kahirapan o pagdurusa, ano ang pinakamatalinong dapat niyang gawin?
Ang pinakamagaling para sa kaniya ay maging matiisin, na sa Diyos may pag-asang nakatingin para sa ikagiginhawa, at higit pang maging malapit sa Kaniya. Sa pamamagitan nito ay nagiging mas madali para sa taong iyon na dumanas ng iba pang kahawig na mga karanasan sa buhay samantalang siya’y hindi nawawalan ng pag-asa. (Panaghoy 3:25-31) 2/15, pahina 24.
◻ Sino “ang labindalawang tribo ng Israel” na binanggit ni Jesus sa Lucas 22:28-30?
Ang mga ito’y kumakatawan sa lahat ng mga bayan ng sangkatauhan na hahatulan ni Kristo at ng kaniyang 144,000 mga katulong na saserdote may kaugnayan sa isang pagbabagong-lahi ng lahat na ipinanukala ni Jehova para sa lupang ito. (Mateo 19:28) 3/1, pahina 28.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng banal na kapayapaan, at paano ito makakamit?
Ang banal na kapayapaan ay isang kalmadong kalagayan ng isip at puso, isang panloob na katayuan na may katahimikan, anuman ang nangyayari. (Awit 4:8) Ito’y tanging makakamit buhat sa isang sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos, na posible dahilan sa haing pantubos na inihandog ni Kristo Jesus. (Colosas 1:19, 20) 3/15, pahina 11, 14, 15.
◻ Anong mga tulong ang mayroon tayo sa ngayon upang makilala ang Diyos ng isang matalik na pagkakilala?
Taglay natin kapuwa ang Bibliya at ang pagkaunawa na natutupad na mga hula ng Bibliya sa loob ng mga daan-daang taon. At, taglay din natin ang mga ulat ng Ebanghelyo ng buhay, mga gawa, at mga salita ni Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya’y sumulat si Pablo: “Sa kaniya [kay Kristo] nananahan nang siya’y maging tao ang buong kapuspusan ng kalikasan ng Diyos.” (Colosas 2:9) 4/1, pahina 6.