Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 5/15 p. 10-15
  • Kapayapaan sa Wakas!—Pagka Nagsasalita ang Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapayapaan sa Wakas!—Pagka Nagsasalita ang Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Mga Bisita Buhat sa Kalawakan’
  • “Walang-Hanggang Mabuting Balita”
  • Pagkilos ng Makalangit na mga Hukbo
  • Mga Anghel—Apektado ba Nila ang Buhay Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Kung Ano ang Kahulugan ng mga Panahon at mga Kapanahunan ni Jehova sa Ating Kaarawan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Gagawin ng Kaharian ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 5/15 p. 10-15

Kapayapaan sa Wakas!​—Pagka Nagsasalita ang Diyos

“Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”​—ISAIAS 9:7.

1. Bagaman palaging binabanggit ng mga lider ng daigdig ang tungkol sa kapayapaan, ano ba ang nangyayari sa buong kasaysayan ng tao?

PALAGING binabanggit ng mga lider ng daigdig ang tungkol sa kapayapaan, at ang karamihan naman ng mga tao ay nagsasabi na ibig nila nito. Gayunman, ang situwasyon sa ngayon ay nagpapaalaala sa atin ng sinabi ni propeta Jeremias: “Tayo’y naghihintay ng kapayapaan, ngunit walang dumating na mabuti; at ng panahon ng kagalingan, ngunit, narito! malaking takot!” (Jeremias 8:15) Talaga naman, sapol nang paslangin ni Cain si Abel, ang daigdig ay hindi nagkaroon ng tunay na kapayapaan at bagkus ito’y sinasalot ng karahasan. At ang ating ika-20 siglo ang pinakamarahas na panahon sa lahat, sa mga digmaan ay may nasawing humigit-kumulang sandaang milyong katao. Sa panahon natin, 97 porsiyento ng populasyon ng daigdig ang nakasangkot sa humigit-kumulang isang digmaan. Kaya’t bagaman ang mga lider ng daigdig ay nangungusap tungkol sa kapayapaan, kanila namang inaakay ang kanilang mga mamamayan sa sunud-sunod na kapahamakan.

2. Gaano karami ang napapahamak sa karagdagang karahasan na mapapansin sa lahat ng bansa?

2 Sa lahat ng karahasang iyan ay maidaragdag pa ang sa araw-araw ay napapahamak dahil sa marahas na krimen. Halimbawa, sa Estados Unidos, sa taun-taon ay mga 20,000 katao ang pinapaslang. Mahigit na 80,000 babae ang ginagahasa, at marami pang ginagahasa na hindi naman iniuulat. Halos dalawang milyong mga babae ang pinagmamalupitan nang husto ng mga lalaking kinakasama nila. At mga isang kaapat ng lahat ng mga sambahayan ang nagiging biktima ng isang uri ng krimen. Isang ulat ang nagtatapos: “Tayo ay naging isang kakila-kilabot na lipunan ng karahasan.” Ang situwasyon ay umiiral sa karamihan ng iba pang mga lupain.

3. Anong lalong malaking karahasan ang maaaring dumating sa sangkatauhan ngayon?

3 Datapuwat, lahat na iyan ay walang-wala kung ihahambing sa karahasan na maaaring likhain ng mga armas nuklear sa ngayon. May sapat na dami nito upang ang bawat naninirahan sa lupa ay patayin nang 12 beses! Isang doktor ang nagsabi: “Ang modernong medisina ay walang magagawa sa mga biktima ng isang digmaang nuklear.” Bakit wala? Isa naman ang sumagot: “Karamihan ng mga doktor, narses, at teknisyan ay masasawi . . . Ang mga ospital ay mawawasak. Kaya’t kakaunti ang matitira na may sapat na kaalaman at mga gamit upang iligtas ang sinuman.”

4, 5. (a) Ano ang sinabi ng isang publikasyon tungkol sa kawalan ng kapayapaan sa panahon natin? (b) Paanong ang isang dating mataas na opisyal ng gobyerno ay nagkomento rin ng ganoon?

4 Tungkol sa kawalan ng kapayapaan sa panahon natin, ang pangunahing artikulo ng isang Encyclopædia Britannica yearbook kamakailan ay pinamagatan: “Ang Ating Nagkakawatak-watak na Daigdig​—Ang Banta ng Pangglobong Anarkiya.” Sinabi niyaon: “Pagkatapos ng 1945 ang mga ideya na ang ‘progreso’ ay mahirap maiwasan at na ipinagpapalagay na ang kinabukasan ng modernong daigdig ay higit sa lahat magiging ugnay-ugnay at tugma-tugma.” Subalit ang mga palagaying iyan, ang sabi nito, “ay napatunayan na ligaw na ligaw,” at isinusog: “Ang nangyari sa halip . . . ay na ang daigdig ay tahimik ngunit walang lubay na pinagwawatak-watak ng mabagal na pagguho. Maraming mga bansa na ang kayarian at espirituwal na pagkakaugnay-ugnay ay ipinagwalang-bahala ang nagkakawatak-watak . . . [sa] mga tribo, angkan, relihiyosong [mga sekta], . . . mga gang sa siyudad, mga squad ng kamatayan, mga kilusang terorista, mga kilusang gerilya, at mga grupo na taglay ang makitid at masugid magtaguyod ng sariling kapakanan.”

5 Ganoon din, isang dating mataas na opisyal ng gobyerno sa Estados Unidos ang nagsabi: “Ang mga salik na sanhi ng pandaigdig na kawalang kapanatagan ang nangingibabaw sa kasaysayan higit kaysa mga puwersa na gumagana para sa lalong organisadong pagtutulungan. Ang di-maiiwasang konklusyon ng anumang walang kinikilingang pagsusuri sa pangglobong kalakaran ay na ang panlipunang kaguluhan, pulitikal na kaligaligan, krisis sa ekonomiya, at pandaigdig na iringan ang malamang na maging lalong malaganap sa natitira pang bahagi ng siglong ito.” Siya’y nagtapos nang ganito: “Ang panganib na nagbabanta sa sangkatauhan, sa maikli, ay . . . pangglobong anarkiya.”

‘Mga Bisita Buhat sa Kalawakan’

6. Paanong binanggit ng isang editor ng pahayagan ang mga obserbasyon na marahil ay sasabihin ng mga bisita buhat sa kalawakan tungkol sa daigdig ngayon?

6 Dahil sa lahat na ito, isang editor ang sumulat sa isang pahayagan sa Cleveland: “Kung sakaling mga bisita ang dumating sa susunod na linggo galing sa isang malayong galaksi, masasabi ba natin sa kanila na tayo’y kailangang magpatayan upang itatag ang kahigitan ng komunismo o kapitalismo? Maipaliliwanag ba natin na tayo’y isang uri na naghati-hati ng ating sarili sa mga bansa, at na ang mga bansang iyon ay nagsumpaan na magpapatayan sa pana-panahon sa pagbububo ng dugo? Paano natin maipaliliwanag na tinulutan nating ang iba sa ating mga kauri ay magutom at ang iba naman ay malubalob sa lusak ng kawalang-dangal at kamangmangan dahilan sa pagkaimbento ng lansakang pamatay na inuuna natin higit sa lahat? Ang mga bisita mula sa malayong galaksing iyan pagka nakauwi na sila sa kanilang sariling tahanan ay tiyak na magsasabing tayong mga tagarito ay mga barbaro. . . . Baka tayo ay tumutol at sabihin natin na tayo ay gumawa rin naman ng dakilang sining at naniniwala sa hustisya. Sila’y malungkot na ngingiti at lilisanin tayo bago maganap ang mga pagsabog.”

7, 8. (a) Anong makapangyarihang mga bisita ang ngayo’y gumagawa ng pagsusuri sa sangkatauhan? (b) Bakit sila naririto?

7 ‘Kung sa bagay,’ baka sabihin ng iba, ‘wala namang “mga bisita buhat sa kalawakan” na gumagawa ng gayong pagsusuri.’ Hindi, hindi buhat sa pisikal na kalawakan. Subalit mayroon na ngayon mga ilang taon na, makapangyarihan at lubhang intelihenteng mga bisita ang gumagawa ng lubusang pagsusuri sa kung ano ang ginagawa ng tao sa kaniyang sarili at sa lupa. Isa pa, kanilang pinapangyayari na isang malinaw na pabalita ang madala “bago maganap ang mga pagsabog.”

8 Sino ba ang makapangyarihang mga bisitang iyan na gumagawa ng pagsusuri sa sangkatauhan? Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na sila ay ang mga kinatawan ng Diyos sa dako ng mga espiritu, ang tapat na mga anghel, na kaniyang isinugo sa lupa upang magsuri dito. Tungkol sa mga espiritung nilalang na ito, ang Awit 103:20 ay nagsasabi: “Purihin ninyo si Jehova, Oh ninyong mga anghel niya, ninyong makapangyarihan sa kalakasan, na gumaganap ng kaniyang salita, at nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.” Ang makapangyarihang mga anghel na ito ay malimit na binabanggit sa Bibliya. Halimbawa, sa Mateo kabanata 25 ang hula tungkol sa panahon natin ay nagsasabi sa Mat 25 talatang 31 at 32: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.”

9. Anong bahagi ang ginagampanan ni Kristo Jesus sa panahon ng pagsusuring ito sa sangkatauhan?

9 Ang “Anak ng tao” na ito ay siyang pangunahing kinatawan ng Diyos, si Jesu-Kristo. Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli sa langit, siya’y naghintay para ibigay sa kaniya ni Jehova ang pantanging atas na ito. Ayon sa paglalarawan sa Awit 110:1, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Maupo ka sa aking kanan hanggang sa aking gawing tuntungan mo ang iyong mga kaaway.” Ipinakikita ng katuparan ng hula ng Bibliya na ang panahon upang suguin ng Diyos ang makapangyarihang espiritung nilalang na ito upang kumilos ay sumapit noong taóng 1914.

10. Ilang mga anghel ang maaaring kasama ni Kristo na tumutulong sa kaniya sa pagbubukud-bukod?

10 Subalit siya’y hindi maaaring pumarito nang nag-iisa, sapagkat sinasabi ng Mateo 25:31 na “lahat ng anghel” ay kasama niya. Ilan kaya iyan? Ang Apocalipsis 5:11 ay nagsasabi: “Nakita ko, at narinig ko ang tinig ng maraming anghel sa palibot ng trono [ng Diyos] . . . at ang bilang nila ay laksa-laksa.” Ang isang laksa ay 10,000. Ang isang laksa na paramihin mo nang isang laksa ay 10,000 paramihin nang 10,000, na lahat-lahat ay 100 milyon na mga anghel! Datapuwat, tinukoy ito ng Apocalipsis sa pangmaramihan, “laksa-laksa” ng mga anghel ang naglilingkod sa Diyos. Iyan ay daan-daang milyon, marahil bilyun-bilyon o higit pa. Sa ilalim ng pamamatnubay ni Kristo, ang mga espiritung nilalang na ito ay tumutulong sa mga kinatawan ng Diyos sa lupa sa pagbubukud-bukod sa sangkatauhan sa dalawang grupo, isa para sa “walang-hanggang pagkalipol,” ang isa naman ay para sa “walang-hanggang buhay.”​—Mateo 25:46; tingnan din ang Mateo 13:41, 42.

“Walang-Hanggang Mabuting Balita”

11. Ano ang “walang-hanggang mabuting balita” na itinataguyod ng hukbo ng mga anghel sa panahong ito?

11 Ano ba ang pinakasentrong mensahe na itinataguyod sa lupa sa panahong ito ng mga bisitang anghel na ito? Ang Apocalipsis 14:6 ay nagbibigay-alam sa atin: “Nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, at siya’y may walang-hanggang mabuting balita na inihahayag bilang masasayang balita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa at angkan at wika at bayan.” Ano ba ang “walang-hanggang mabuting balita” na ito? Ito’y may kinalaman sa sinabi ni Jesus na magiging isa sa maraming ebidensiya na tayo ay nabubuhay sa mga huling araw. Sa Mateo 24:14 sinabi niya: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”

12, 13. (a) Ano ang pamamahala ng Kaharian? (b) Bakit ang balita ng Kaharian ang pinakamagaling na balita?

12 Ang Kaharian ng Diyos ang makalangit na pamahalaan na magpupuno sa lupa pagkatapos na maalis na rito ang kasalukuyang pamamahala ng tao. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Ang Hari nito ay si Kristo Jesus, at siya’y may kasamang mga tagapamahala na magpupunong kasama niya. (Apocalipsis 14:1-4; 20:4) Ang Kahariang iyon ang tinutukoy sa Daniel 7:14 sa mga salitang ito: “Binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang-hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”

13 Bakit ang balita tungkol sa pamamahala ng Kaharian ay gayon na lamang kagaling na balita, ang pinakamagaling na balita? Sapagkat ito’y magdadala ng isang bagong sanlibutan, isang bagong balangkas ng lipunan ng tao. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos ang sangkatauhan ay tatanggap ng mga pagpapala na lubhang kamangha-mangha kung kaya’t sinasabi ng Awit 37:11 tungkol sa mga mabubuhay sa panahong iyon: “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Oo, “ang kaniyang bayan ay pagpapalain ni Jehova ng kapayapaan.” (Awit 29:11) Sa ngayon, bago lubusang pamahalaan ng Kaharian ang buong lupa, ang mabuting balita ng permanenteng, mapayapang pamahalaan nito sa kamay ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay ipinangangaral sa lahat ng bansa. Ito’y isinasagawa ng makalupang mga lingkod ng Diyos sa ilalim ng patnubay ni Kristo at ng mga anghel.​—Isaias 9:6, 7.

14. (a) Ano ang isang paraan na tiyakang mapagkakakilanlan natin sa mga lingkod ng Diyos sa lupa? (b) Paanong nahahalatang pinagpapala sila ng Diyos?

14 Sino ang mga lingkod na ito ng Diyos sa lupa? Bueno, sino ba ang tanging mga tao na regular na dumadalaw sa mga tao upang dalhan sila ng mabuting balita ng Kaharian? Kahit na ang mga mananalansang ay kumikilala sa kanila bilang mga Saksi ni Jehova. Ngayon mahigit na tatlong milyon ang mga ito, at patuloy ang mabilis na pagdami ng mga tagapagbalitang ito ng Kaharian. Noong nakaraang taon, 225,868 mga bagong ministro ng mabuting balita ang naging ordinado. At sa nag-iisang taon na iyan, 2,461 mga bagong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang itinatag sa buong lupa, sa katamtaman ay mahigit na 6 ang natatatag bawat araw, kaya may kabuuang 52,177 mga kongregasyon sa 208 mga bansa. Tunay nga, ang hula ng Isaias 60:22 ay natutupad: Pinabibilis ni Jehova ang kaniyang gawaing pangangaral at pagtitipon “sa takdang kapanahunan.” At ngayon na ang panahong iyan!

15. Ano ang batayan sa paghatol sa mga tao ngayon?

15 Ang reaksiyon ng mga tao sa balita ng pamamahala ng Kaharian ang batayan para sa paghatol kung baga sila ay ibubukod para sa “walang-hanggang pagkalipol” o para sa “walang-hanggang buhay” sa bagong sanlibutan. Ang reaksiyon ng marami ay gaya niyaong tinutukoy sa 2 Cronica 36:15, 16: “Si Jehova . . . ay patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, anupa’t paulit-ulit na nagsusugo, sapagkat siya’y nahahabag . . . Ngunit kanilang patuloy na tinutuya ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at dinudusta ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang poot ni Jehova ay sumiklab.” Subalit ang mga iba ay may magandang reaksiyon at sumasailalim ng proteksiyon ni Jehova. “Ngunit ang nakikinig sa akin [tunay na karunungan] ay tatahang tiwasay at matatahimik na walang takot sa kapahamakan.”​—Kawikaan 1:20, 33; Mateo 25:34-46.

Pagkilos ng Makalangit na mga Hukbo

16. Paanong malapit nang magsalita ang Diyos sa masuwaying sangkatauhan?

16 Hindi na magtatagal, ang gawaing pangangaral ng mga lingkod ni Jehova ay matatapos sa lawak na kaniyang ipinasiya. Matatapos ang pagtitiis ng Diyos sa masuwaying sangkatauhan. Ang mapayapang balita na kaniyang sinasalita sa sangkatauhan sa salinlahing ito ay magbabago. Sa halip, “sa panahong iyon ay magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot at babagabagin sila sa kaniyang kagalitan.” (Awit 2:5) Gaya ng sinabi mismo ni Jehova: “Sa aking paninibugho, sa sigalbo ng aking poot, ay magsasalita ako.” (Ezekiel 38:19) At kung magkagayon ay kaniyang bibigyan ng hudyat si Jesu-Kristo upang pakilusin ang kaniyang makalangit na mga hukbo laban sa mapaghimagsik at tampalasang sanlibutang ito.

17. Paanong ipinakita ang lakas ng isa lamang anghel?

17 Ang magagawa ng mga hukbong iyan ay makikita sa nangyari sa Asiria nang sumapit ang panahon ng pagkilos ng Diyos laban doon. Ang 2 Hari 19:35 ay nagsasabi: “Nangyari nang gabing iyon nang ang anghel ni Jehova ay lumabas at namaslang ng isang daan at walumpu’t limang libo sa kampamento ng mga taga-Asiria. . . . Silang lahat ay mga bangkay na.” Iyan ay isa lamang anghel ang gumawa! Ang gagawin ng laksa-laksang mga anghel hindi na magtatagal ay totoong kasindak-sindak.

18. Gaano kalubos ang magiging pagkapuksa sa katapusan ng sistemang ito?

18 Sa pamamagitan ng ganitong mga salita ay inilalarawan ng Jeremias 25:31-33 ang mangyayari: “‘Si Jehova ay may pakikipag-alitan sa mga bansa. Siya mismo ay hahatol sa lahat ng tao. Tungkol sa mga balakyot, kaniyang ibibigay sila sa tabak,’ sabi ni Jehova. Ganito ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Narito! Kasakunaan ay mangyayari sa bansa at bansa, at malakas na bagyo ay ibabangon mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa. At ang mapapatay ni Jehova sa araw na yao’y magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa. Sila’y hindi tataghuyan, o dadamputin man, o ililibing man. Sila’y magiging parang dumi sa ibabaw ng lupa.’”

19. Ano pang mga detalye ang isinususog ng Apocalipsis kabanata 19?

19 Sa Apocalipsis kabanata 19 ay inilalahad kung paano gagawin ni Jehova ang lahat ng ito. Iyon ay sa pamamagitan ng pag-uutos sa kaniyang Haring si Jesu-Kristo na kumilos na, gaya ng sinasabi ng Apoc 19 talatang 14, “ang mga hukbo na nasa langit” ay kasunod niya. At pagkatapos ang Apoc 19 talatang 17 at 18 ay nagsasabi: “Nakita ko ring nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya’y sumigaw nang malakas na tinig at sinabi sa lahat ng ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid: ‘Halikayo, at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos, upang kayo ay makakain ng laman ng mga hari at ng laman ng mga pangulo ng hukbo at ng laman ng mga taong makapangyarihan at ng laman ng mga kabayo at ng kanilang mga mangangabayo, at ng laman ng lahat, ng mga taong laya at gayundin ng mga alipin at ng maliliit at ng malalaki.’” At sa Apoc 19 talatang 19 hanggang 21 ay inilalarawan ang pagkawasak ng lahat ng mga institusyon ng tao sapagkat ang mga iyon ay tumangging makinig nang ang Diyos ay magsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero sa lupa.

20. Bakit ang sanlibutang ito ay hindi maaaring magwakas sa isang kapahamakang nuklear?

20 Sa gayon, malapit nang dumating ang panahon na wawakasan ng Diyos ang marahas, na nagkakalansag-lansag na sistemang ito ng sanlibutan. Subalit ang wakas na iyan ay hindi ang pagpapatiwakal sa pamamagitan ng digmaang nuklear ng mga bansa. Kung ganiyan ang mangyayari, ang matuwid ay malilipol kasama ng mga balakyot. Subalit, ang mga ‘pagpapasabog’ ng Diyos sa sanlibutang ito ay hindi magiging ganiyan kundi mayroon lamang pipiliin. Mayroong mga makakaligtas tungo sa bagong sanlibutan. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 2:21, 22: “Ang mga matuwid ang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa lupa mismo; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”

21. Ano pang mga tanong ang tatalakayin sa ating susunod na artikulo?

21 Bakit nga ang sanlibutang ito ay napasa kalagayan na kung saan napipinto ang pambuong-lupang pagkapuksa? Hindi baga posible na ang kasalukuyang mga pagsisikap sa kapayapaan na ginagawa ng mga lider ng daigdig ay magbubunga, upang mailigtas ang sistemang ito? At kung ibig nating makasali sa “mga matuwid” at “mga walang kapintasan” na maliligtas sa bagong sanlibutan at patuloy na mabubuhay, paano tayo dapat mamuhay sa pinakamahalagang panahong ito sa buong kasaysayan ng tao? Ang susunod na artikulo ang tatalakay ng mga tanong na ito.

Ano ang mga Sagot Mo?

◻ Paanong ang kawalan ng kapayapaan ay mahahalata, lalo na sa panahon natin?

◻ Paanong ang hukbo ng mga anghel ay may bahagi sa pagbubukud-bukod sa mga tao ngayon?

◻ Bakit ang balita ng Kaharian ay “walang-hanggang mabuting balita”?

◻ Ano ang batayan ng paghatol sa mga tao ukol sa buhay o ukol sa kamatayan?

[Larawan sa pahina 13]

Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay itinataguyod ng hukbo ng mga anghel

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share