Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Isang Masayang Reunion sa Brazil
SA 67 sinanay-sa-Gilead na mga misyonero na kasalukuyang naglilingkod sa Brazil, 63 ang nagsama-sama sa tanggapang sangay at nagpakuha sila ng makasaysayang larawang ito. Ang masayang reunion na ito ay naganap noong Nobyembre 18, 1986, nang dumalaw si A. D. Schroeder, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.
May 41 taon na ang nakalipas halos sa kaparehong araw—noong Nobyembre 17, 1945—nang dalawang nagtapos sa unang klase ng Watchtower Bible School of Gilead ang dumating sa Brazil. Para sa isa sa kanila, si Charles Leathco (sa bandang likod, sa kaliwa ng nasa gitna), ito ay isang natatanging reunion dahilan sa siya at ang bisitang si Charlotte Schroeder ay magkaklase sa Gilead, at si Brother Schroeder ay isa sa kanilang mga instruktor.
Sapol ng unang klaseng iyan, lahat-lahat ay 258 mga misyonero ang nadestino sa Brazil. Kabilang sa kanila ang 16 na lihitimong mga taga-Brazil. Isa sa kanila, si Augusto Machado (nasa harap sa gawing kaliwa), ang natuto ng katotohanan buhat sa isang naunang misyonero, nag-aral sa Gilead at bumalik sa Brazil. Siya’y naglingkod sa tanggapang sangay sa nakalipas na 30 taon at siya ngayon ang coordinator ng Branch Committee. Bagaman marami sa mga misyonero ang hindi na naglilingkod sa larangang misyonero, ang mabuting gawa na kanilang nagawa ay nariyan pa rin. Noong 1945 ay mayroon lamang 344 na mga mamamahayag ng Kaharian sa bansang iyan; ngayon ang Brazil ay malapit na sa tunguhin nila na 200,000, yamang nag-ulat sila ng pinakamataas na bilang na 196,948 mamamahayag noong 1986 na taon ng paglilingkod.
Anong laking kagalakan para sa mga misyonero sa Brazil, bata at matanda, na gunitain sa masayang reunion na ito ang lahat ng kahanga-hangang gawain noong nakalipas na 41 taon.