Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 7/15 p. 3-4
  • Ang Pananampalataya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pananampalataya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Pananampalataya?
  • Ang Pananampalataya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok!
  • Pananampalataya—Isang Katangiang Nakakapagpalakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Tunay na Pananampalataya—Ano ba Ito?
    Gumising!—2000
  • Isagawa ang Pananampalataya Salig sa Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 7/15 p. 3-4

Ang Pananampalataya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok!

ANG pulutong ng mga tao ay nasa sukdulan ng pananabik. Isang ama ang kadadala lamang ng kaniyang himataying anak sa mga lalaking itinuturing na makapagpapagaling sa kaniya. May pananabik na hinihintay nila ang lunas. Subalit walang nangyari! Bigo sa inaasahan, ang ama ay lumisan.

Sa sandaling iyon may dumating na apat pang mga lalaki at kasama nila ang kanilang lider, si Jesus ng Nazaret. Ang ama’y nagtatakbong lumapit sa kaniya, at nagmakaawa: “Mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya’y himatayin at lubhang naghihirap, sapagkat madalas na siya’y bumabagsak sa apoy at madalas sa tubig; at siya’y dinala ko sa iyong mga alagad, ngunit hindi nila siya mapagaling.”

“Dalhin ninyo siya rini sa akin,” ang sabi ni Jesus. Ang resulta? “At pinagwikaan iyon ni Jesus, at ang demonyo’y lumabas sa kaniya; at ang bata’y gumaling mula nang oras ding iyon.” Oo, isa pang himala! Subalit bakit bigo ang mga alagad ni Jesus?

Ipinaliwanag ni Jesus kung bakit, at ang sabi: “Dahilan sa kakauntian ng inyong pananampalataya.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito hanggang doon,’ at ito’y lilipat, at walang magiging imposible para sa inyo.”​—Mateo 17:14-20.

Buhat sa karanasang ito sa tunay na buhay, maliwanag na ang pananampalataya ay makapangyarihan. Subalit ano nga ba ang pananampalataya? Maaari bang ito’y mapatibay at mapalakas? Talaga bang ito’y makapagpapalipat ng mga bundok?

Ano ba ang Pananampalataya?

Sinabi ni apostol Pablo na ang pananampalataya “ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang malinaw na katunayan [o, kapani-paniwalang ebidensiya] ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Sa ibang pananalita, ang pananampalataya ay kapani-paniwalang ebidensiya ng isang bagay na di-nakikita. Ito’y hindi nakasalig sa hamak na sabi-sabi lamang kundi may matatag na saligan. Kung gayon, ang pananampalataya ay naiiba sa basta paniniwala lamang. Ayon sa isang diksiyunaryo ang credulity ay “paniniwala o pagiging handang maniwala, lalong [lalo na] sa bahagya o walang katiyakan na ebidensiya.” Sa kabaligtaran naman, ang taong may pananampalataya ay may matatag na ebidensiya sa kaniyang pinaniniwalaan. Samakatuwid, kaniyang masasabi sa iyo kung bakit siya kumbinsido na ang isang bagay ay mangyayari. Ang ama na binanggit sa unahan ay mayroong mga ilang ebidensiya na kukumbinsi sa kaniya na mapapagaling ni Jesus ang kaniyang anak. Anong ebidensiya? Bueno, may mahigit nang dalawang taon na naghihimala noon si Jesus, at napabantog siya sa karamihan ng lugar sa Palestina.​—Lucas 7:17; Juan 10:25.

Sinasabi ring ang pananampalataya “ang titulo torrens ng mga bagay na hinihintay.” Ang isang taong bumili ng isang malayong lupa ngunit may hawak na titulo torrens ay may kapani-paniwalang ebidensiya na umiiral ang lupang iyon at talagang siya ang may-ari, bagama’t maaaring hindi niya kailanman nakita iyon. Gayundin naman, ang taong may pananampalataya ay makapagpapakita ng nakikitang ebidensiya ng kaniyang pinaniniwalaan. Halimbawa, siya’y may pananampalataya na ang Diyos na Jehova ay magdadala ng tunay na kapayapaan sa lupang ito sa pamamagitan ng Kaniyang Kaharian. Kung magkagayon ang taong iyon ay kailangang may taglay na ebidensiya na umiiral ang Diyos at may kapangyarihan, kalooban at karunungan na kinakailangan upang makapagdala ng kapayapaan at na Siya ay nagtatag ng Kaharian para sa layuning iyan. Ang gayong ebidensiya ay kailangang may sapat na tibay upang makakumbinsi hindi lamang sa taong may pananampalataya kundi rin naman sa mga iba pa na maaaring ‘humihingi sa kaniya ng dahilan ng kaniyang pag-asa’ sa kapayapaan.​—1 Pedro 3:15.

Ang Pananampalataya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok!

Datapuwat, baka itanong ninuman, ‘Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay na literal na makapagpapalipat ng mga bundok ang gayong pananampalataya?’ Baka nga isinali iyan dito ni Jesus, subalit malimit na ang ginagamit niya’y mga ilustrasyon. (Mateo 13:34) Kaya marahil ay nasa isip niya yaong mga hadlang na maaaring magsilbing mga bundok sa nananampalataya. Ang totoo, ang salitang “bundok” ay malimit na ginagamit na ang kahulugan ay isang malaking kantidad, tulad baga ng “isang bundok ng mga utang.” Pinatutunayan ng maraming mga karanasan sa ngayon na ang tunay na pananampalataya ay makapagpapalipat o makapag-aalis ng tulad-bundok na mga hadlang.

Halimbawa, hindi ba sasang-ayon ka na ang pagiging paralisado mula leeg pababa ay isang bundok? Gayunman, isang lumpo na taga-Vancouver, B.C., Canada, ang hindi lamang natutong magpinta sa pamamagitan ng isang brush o isang paleta na tangan sa kaniyang bibig, kundi sinusuportahan din naman niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbibenta ng kaniyang ipinintang mga larawan. At, pinakikilos siya ng kaniyang pananampalataya upang magsalita sa iba tungkol sa kaniyang natutuhan sa Bibliya, samantalang siya’y nasa kaniyang silyang de-gulong o sa pamamagitan ng mga liham. Kaniyang minamakinilya ang kaniyang mga liham sa tulong ng isang kapirasong patpat na tangan niya sa kaniyang bibig. Siya’y regular na dumadalo rin sa mga pulong Kristiyano at nagpapahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang ulirang pananampalataya, lakip na ang kasipagan at determinasyon, ay nagpapatibay-loob sa mga taong nasa paligid niya.

Ang pananampalataya sa Salita ng Diyos at sa kaniyang mga pangako ay nakatulong din sa iba. Halimbawa, tinulungan nito ang marami na madaig ang di-maka-Kristiyanong mga ugali at kustumbre, tulad baga ng alanganing mga kinaugalian na sa negosyo, pagnanakaw, paninigarilyo, pagsusugal, paglalasing, espiritismo, imoralidad sa sekso, at mga kinaugalian sa huwad na relihiyon. Ang pangkalahatang salik sa ganiyang mga karanasan ay ang pagkuha ng kapani-paniwalang ebidensiya na ang Diyos na Jehova ay umiiral, na ang Bibliya ay kaniyang nasusulat na Salita, at na ang kaniyang mga pangako na nasusulat sa Kasulatan ay mapagkakatiwalaan at matutupad. Ang gayong pananampalataya ay maaaring magpalipat sa mga bundok.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share