Ang Pambihirang Katangian ng mga Bata
ANG taimtim na mga naipahahayag ng mga bata ay kalimitang humihila sa mga adulto na huminto at mag-isip. Minsan, pagkatapos makitang gumawa si Jesus ng ilan sa kaniyang mga himala, ang mga batang lalaki ay nagsimulang magsigawan: “Iligtas, isinasamo namin, ang Anak ni David!” Ang relihiyosong mga lider ay tumutol dito. Palibhasa’y binulag ng pagkainggit, hindi nila napag-unawa na si Jesus ang Mesianikong inapo ni Haring David. Subalit sila’y sinagot ni Jesus at kaniyang sinabi: “Kailanma’y hindi ba ninyo nabasa ito, ‘Buhat sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay pinanggaling [ng Diyos] ang pagpupuri’?” (Mateo 21:15, 16) Sa ngayon, ginagamit pa rin ng Diyos ang “bibig ng mga sanggol” upang tulungan ang mga taong ang mga pag-iisip ay binulag ng kasinungalingang turo.—2 Corinto 4:4.
◻ Si Daleen, edad 12, ay nagpatunay na isang responsableng bata sa paaralan. Isang araw ang batang babaing ito’y inatasan na mangasiwa sa klase habang gumagawa ng ibang trabaho ang kaniyang guro. Ano kaya ang dapat niyang gawin? “Minabuti ko na ipaliwanag sa aking mga kaklase na ang matuwid na mga tao ay mabubuhay magpakailanman sa lupa at hindi naman lahat ay sa langit pupunta,” ang sabi ni Daleen. Sa pahintulot ng guro, ang kaniyang impormasyon ay iniharap ni Daleen sa klase sa anyo ng isang pakikipag-usap sa isang pumayag na kaklase niya. Siya’y bumasa ng mga ilang teksto, kasali na ang Awit 37:29: “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” Ano ba ang naging tugon? “Ang guro ay huminto sa kaniyang gawain at matamang nakinig gaya ng mga bata,” ang sabi ni Daleen. “Pagkatapos ay nagpasalamat siya sa akin, at ang ilan sa mga bata ay nagtanong.”
◻ Si Lillian, edad 5, at ang kaniyang mga magulang ay nakatira sa layong 12 milya (19 km) buhat sa isang munting bayan sa Timog Aprika na kung saan sila’y malimit na dumadalo sa mga pulong at nakikibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay. Isang araw ng Linggo, dahilan sa nasira ang kanilang sasakyan, minabuti ng kaniyang mga magulang na dumoon na lamang sa tahanan. “Bakit tayo hindi lalabas upang mangaral?” ang tanong ni Lillian. Palibhasa’y hindi siya nasisiyahan sa idinahilan, sinabi niya: “Hindi ko papayagang pigilin ako niyan.” Pagtatagal ay napansin ng ina na si Lillian at ang kaniyang bag na dinadala sa paglabas ay wala. Ang munting nene na ito ay abala ng pagdalaw sa mga kalapit-bahay, liberal sa pagbibigay ng literatura sa Bibliya—pati na yaong sariling Bibliya ng kaniyang nanay! Ganiyan na lang ang paghanga ng isang may edad nang babae sa paliwanag ni Lillian tungkol sa darating na Paraiso kung kaya’t nang maglaon ay pumayag siya na siya’y aralan ng Bibliya ng nanay ni Lillian. Ang babaing ito nang bandang huli’y naging isang nag-alay na mananamba kay Jehova.
Oo, ginagamit pa rin ng Diyos ang “bibig ng mga sanggol” upang magbigay ng kapurihan. Ang kanilang kataimtiman ay lubhang nakababagbag ng puso ng mga matatanda. Angkop, kung gayon, na ang mga bata kasama ang mga matatanda ay kasali sa dakilang paanyaya: “Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, . . . kayong mga binata at gayundin kayong mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati mga batang lalaki. Purihin nila ang pangalan ni Jehova, sapagkat ang kaniyang pangalang mag-isa ang sukdulan ng kataasan.”—Awit 148:7, 12, 13.