Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isang Ninanasang Hari na mas Makapangyarihan Kaysa Tao
NANG makahimalang pakainin ni Jesus ang libu-libo, nanggilalas ang mga tao. “Tiyak na ito ang propeta na inihulang darating sa sanlibutan,” ang sabi nila. Kanilang naisip na si Jesus ay hindi lamang ang propetang iyon na lalong dakila kay Moises kundi siya rin naman ay magiging isang lubhang kanais-nais na hari. Kaya’t binalak nila na sunggaban siya at gawin siyang hari.
Subalit, alam ni Jesus ang kanilang binabalak. Kaya’t dagling kumilos siya upang maiwasan na siya’y sapilitang gawin nilang hari. Kaniyang pinaalis ang karamihan ng mga tao, pinilit ang kaniyang mga alagad na sumakay sa kanilang mga bangka at maglayag pabalik sa direksiyon ng Capernaum, at pagkatapos ay nagpunta na siya sa bundok upang manalangin doon. Nang gabing iyon si Jesus ay naroroong mag-isa.
Nang malapit nang magmadaling-araw ay tumanaw si Jesus buhat sa kaniyang mataas na kinaroroonan at napansin niya na maunos ang dagat dahilan sa malakas na hangin. Sa liwanag ng halos kabilugan ng buwan, palibhasa’y malapit na ang Paskua, natanaw ni Jesus na ang kaniyang namamangkang mga alagad ay nagpupumilit na sumalunga sa alon. Ibinibigay ng mga lalaki ang buong kaya nila sa paggaod.
Nang makita niya ito, si Jesus ay bumaba sa bundok at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo sa bangka. Pagkatapos na makalakad siya ng layong mga tatlo o apat na milya, kaniyang narating ang kaniyang mga alagad. Subalit, siya’y nagpatuloy ng paglakad na para bang lalampasan niya sila. Nang siya’y makita nila, sila ay humiyaw: “Iyon ay isang multo!”
Sila’y inaliw ni Jesus sa pagsasabing: “Ako nga; huwag kayong matakot.”
Subalit sinabi ni Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.”
“Halika!” ang sagot ni Jesus.
Pagkatapos, nang makalunsad na si Pedro sa bangka, siya’y lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus. Pero nang makita niya ang malakas na hangin, natakot si Pedro, at nang lulubog na, ay sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!”
Agad na iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay, at hinawakan siya, at sa kaniya’y sinabi: “Ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”
Pagkatapos na si Pedro at si Jesus ay bumalik sa bangka, ang hangin ay huminto, at nanggilalas ang mga alagad. Ngunit dapat kayang magkaganoon sila? Kung kanilang naintindihan “ang kahulugan ng mga tinapay” sa pamamagitan ng pag-unawa sa dakilang himala na ginawa ni Jesus mga ilang oras lamang ang nakalipas nang pakainin niya ang libu-libo ng lilimang tinapay at dadalawang maliliit na isda, hindi magtitingin na waring kagila-gilalas na siya’y lumalakad sa tubig at nagpapahinto ng malakas na hangin. Gayunman, ang mga alagad ay nagpatirapa kay Jesus at nagsabi: “Ikaw nga talaga ang Anak ng Diyos.”
Hindi nagtagal at dumating sila sa Gennesaret, isang maganda at mabungang kapatagan na malapit sa Capernaum. Doon ay lumunsad sila sa bangka. Subalit nang sila’y bumababa na sa katihan, nakilala ng mga tao si Jesus na pupunta sa karatig na lugar, upang hanapin yaong mga may sakit. Nang ang mga ito ay dalhin na nakahiga sa kanilang mga higaan at nang mahipo lamang nila ang laylayan ng panlabas na kasuotan ni Jesus, sila’y lubusang gumagaling na.
Kinabukasan napansin ng karamihan ng tao na nakasaksi sa kahima-himalang pagpapakain sa libu-libo na umalis na si Jesus. Kaya nang dumating doon ang maliliit na bangkang galing sa Tiberias, sila’y nagsakayan dito at naglayag patungong Capernaum upang hanapin si Jesus. Nang kanilang makita siya, sila’y nagtanong: “Rabbi, kailan ka pa dumating dito?” Ang sagot ni Jesus ay totoong malaki ang isinisiwalat. Juan 6:14-25; Mateo 14:22-36; Marcos 6:45-56.
◆ Pagkatapos na makahimalang pakainin ni Jesus ang libu-libo, ibig ng mga tao na gawin siyang ano?
◆ Ano ang natanaw ni Jesus nang siya’y nasa itaas ng bundok na pinuntahan niya, at ano ang ginagawa niya ngayon?
◆ Bakit ang mga alagad ay hindi sana lubhang nanggilalas sa mga bagay na ito?
◆ Ano ang nangyari pagkatapos na sila’y makarating sa dalampasigan?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 9]