Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 10/15 p. 4-7
  • Ang Pag-ibig sa Diyos—Ang Lakas sa Ikabubuti ng Asal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pag-ibig sa Diyos—Ang Lakas sa Ikabubuti ng Asal
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Sampung Utos​—Isang Lakas sa Ikabubuti
  • Ano ba ang Ibig Sabihin ng Pag-ibig sa Diyos?
  • Ang Pag-ibig sa Diyos ang Lakas sa Ikabubuti
  • Ang Pag-ibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman
  • “Ito ang Kahulugan ng Pag-ibig sa Diyos”
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Isang Kautusan ng Pag-ibig na Nasa Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ibigin ang Diyos na Umiibig sa Iyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Ibigin ang Ating Kapuwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 10/15 p. 4-7

Ang Pag-ibig sa Diyos​—Ang Lakas sa Ikabubuti ng Asal

ANG makatuwirang mga tao ay agad sasang-ayon na kailangang pigilin ang paggawa ng imoralidad. Gaya ng sabi ng isang ministro ng United Church of Canada: “Ang mga ibinubunga, pagka hindi sinunod ng mga indibiduwal at ng lipunan ang batas moral, ay nakasisindak; mga digmaan, implasyon, Watergate, at anarkiya.” Gaya ng ipinakita sa naunang artikulo, ang mga pangunahing relihiyon ng sanlibutang ito ay hindi nagpatunay na isang matibay na lakas para sa ikabubuti ng asal. Kaya kung bilang mga indibiduwal ay ibig nating mamuhay nang may kalinisang asal, kailangang sa ibang awtoridad tayo humanap ng makapagbibigay ng gayong lakas at pagkatapos ay sumunod sa awtoridad na iyon.

Ang impluwensiya ng gayong superior na awtoridad ay napatunayan sa isang insedente sa buhay ni Jose, isang administrador na Hebreo para sa isang opisyal ng palasyo sa Ehipto. Nang si Jose ay akitin ng asawang babae ng opisyal upang makipagtalik sa kaniya, si Jose ay tumanggi, at ang sabi: “Paano ko magagawa ang ganitong malaking kasamaan at aktuwal na magkasala laban sa Diyos?” (Genesis 39:7-9) Palibhasa’y kinikilala ni Jose ang awtoridad ng Diyos at naghahangad na makalugod sa kaniya kung kaya nagkaroon si Jose ng lakas upang madaig ang panghihikayat ng babae.

Makalipas ang dalawang daang taon, ang bansa ng Israel, na mga inapo ng ama ni Jose, na si Jacob, ay tumanggap ng Sampung Utos bilang bahagi ng Kautusan na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Samantalang ang pagsuway ay nagbunga ng di pagkalugod ng Diyos na Jehova, ang pagsunod naman sa Kautusang ito ay nagdala ng mga pagpapala ng Diyos. Kaya ang mga utos na ito ay nagsilbing giya ng asal para sa bansa.

Ang Sampung Utos​—Isang Lakas sa Ikabubuti

Gaano ba katibay na lakas ang Sampung Utos? Ang impluwensiya nito ay nadarama pa rin kahit na sa ika-20 siglong ito. Noong 1962 ang gobernador-heneral noon ng New Zealand ay nagsabi: “Sa palagay ko’y may mga taong naniniwala na lipás na ang Sampung Utos. Subalit marahil ay may kabuluhang sabihin na kung lahat tayo ay susunod sa mga iyan sa ngayon, ang ordinaryong batas ng lupain ay kalabisan na.”

Gayunman, sa isang pakikipag-usap sa isang kabataang Judiong tagapamahala, ipinakita ni Jesu-Kristo na mayroon pang isang bagay na kailangan kaysa pagsunod lamang sa Sampung Utos. Ang lalaking iyon ay nagtanong: “Anong kabutihan ang kailangang gawin ko upang magtamo ako ng buhay na walang-hanggan?” Nang sabihin ni Jesus na dapat niyang “sundin nang patuluyan ang mga utos,” anupa’t binanggit niya ang ilan sa Sampu, ang tagapamahala ay sumagot: “Nasunod ko ang lahat ng ito; ano pa ba ang kulang sa akin?” Ang tugon ni Jesus: “Humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay sa dukha at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit, at sumunod ka sa akin.” Ang ulat ay nagpapatuloy: “Nang marinig ng binata ang sinabing ito, siya’y humayong namimighati, sapagkat siya’y maraming mga ari-arian.”​—Mateo 19:16-22.

Ang paghahambing ng ulat na ito sa isang nahahawig na pag-uulat sa Lucas 10:25-28 ay tumutulong sa atin na maunawaan ang pangunahing suliranin ng binatang tagapamahala. Mababasa natin: “Isang lalaking dalubhasa sa Kautusan ang tumindig, upang subukin siya [si Jesus], at nagsabi: ‘Guro, ano ang kailangan kong gawin upang magmana ako ng buhay na walang-hanggan?’” Tinulungan siya ni Jesus upang mangatuwiran tungkol sa bagay na iyon, kaya nasagot ng tao ang sarili niyang tanong, na ang sabi bilang pinaka-diwa: ‘Iibigin mo si Jehovang Diyos ng iyong buong puso, kaluluwa, lakas, at pag-iisip, at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ Saka nagwakas ng ganito si Jesus: “Patuloy na gawin mo ito at ikaw ay magtatamo ng buhay.”

Nakikita mo ba ngayon ang problema ng binatang tagapamahala na binanggit na? Ang kaniyang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay nadaig ng kaniyang pag-ibig sa materyal na mga ari-arian. Anong lungkot! Sa kabila ng kaniyang pagtatangkang sundin ang Sampung Utos, siya’y nanganganib na mawalan ng buhay na walang-hanggan.

Ano ba ang Ibig Sabihin ng Pag-ibig sa Diyos?

Tayo’y nabubuhay sa panahon na ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay hinalinhan ng pag-ibig sa sarili, sa materyal na ari-arian, at sa sekso. Aba, kahit na ang paniniwala sa Diyos bilang isang Maylikha ay hinalinhan sa maraming pag-iisip ng paniniwala sa di pa napatutunayang teoriya ng ebolusyon. Ano ba ang sanhi ng lahat ng ito?

Sa loob ng daan-daang taon, ginamit ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang wala-sa-Bibliya na aral tungkol sa isang kakila-kilabot na apoy ng impierno sa pagtatangkang madominahan ang kaasalan ng mga tao. Sinasabi ng Encyclopedia International: “Ang pinakamatibay na lakas sa ikabubuti ng karaniwang mga tao sa panahon ng Edad Medya ay tiyak na yaong pagkatakot sa impierno, anupa’t kahit na ang mga Hari at mga Emperador ay naging masunurin sa Simbahan, at ito marahil ang tanging makakapigil sa kanilang walang patumanggang silakbo ng damdamin.” Ang doktrinang ito ng apoy ng impierno ang lumikha ng impresyon na ang Diyos ay walang pag-ibig, walang awa, at mapaghiganti. Kahit na kung ang doktrina ay nagsilbing isang pampigil sa mga ibang tao, ang maraming mga iba pa ay nailayo naman nito sa Diyos, at sila’y madaling nadaig ng mga turo at mga bungang-isip na labag sa Kasulatan, tulad baga ng ebolusyon.

Datapuwat, ang Bibliya ay hindi nagtuturo na nagpaparusa ang Diyos ng mga kaluluwa sa apoy ng impierno. Sa halip, sinasabi sa atin ni apostol Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.” “Siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan.” Si Moises ay sumulat: “Si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging awa at katotohanan.” (1 Juan 4:8; 1:9; Exodo 34:6) Ito’y ilan lamang sa kahanga-hangang mga katangian ng Diyos. Ito’y umaakit sa atin na lumapit sa kaniya. Ang mga katangiang ito, lalo na ang kaniyang pag-ibig, ang nagtatanim sa atin ng pagnanais na ibigin siya. “Sa ganang atin, tayo’y umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Ang pag-ibig na ito sa Diyos ang pinakamatinding lakas sa ikabubuti ng asal; ito’y makaaakay tungo sa buhay na walang-hanggan!

Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay hindi isang katangian na mahirap unawain. Ito’y nag-uudyok sa isang tao na kumilos alang-alang sa kapakanan ng iba. Binanggit ni apostol Pablo ang maraming paraan na maipakikita ang pag-ibig na ito. Bilang pagbanggit sa ilan lamang: “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob. Ang pag-ibig ay hindi nananaghili, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot.” (1 Corinto 13:4, 5) Ang pagpapakita natin ng ganitong pag-ibig ay isang pagtatangka na tularan ang ating makalangit na Ama. Sinabi ni Jesus: “Ang dalawang utos na ito [pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa] ang kabuuan ng buong Kautusan at ng mga Propeta.” (Mateo 22:40, An American Translation) Sa madaling salita, kung ating ipinakikita ang ganitong pag-ibig, tayo’y hindi magnanakaw sa ating kapuwa o papaslangin man natin siya o makikilaguyo tayo sa kaniyang asawa. Si apostol Juan ay sumang-ayon, na nagsasabi: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na sundin natin ang kaniyang mga utos.”​—1 Juan 5:3.

Ang Pag-ibig sa Diyos ang Lakas sa Ikabubuti

Pansinin ang naging epekto sa sinaunang mga Kristiyano ng pag-ibig sa Diyos, gaya ng ipinakita ni Tertullian, noong ikalawang siglo. Kaniyang hinamon ang kaniyang mga kalaban na ituro ang kahit isang Kristiyano sa kanilang mga kriminal. Nang wala silang maituro, kaniyang isinusog: “Kami lamang, kung gayon, ang walang krimen.” Ang aklat na The Old Roman World ay sumusuporta sa ganitong paniniwala, at ang sabi: “Kami’y may patotoo tungkol sa kanilang walang kapintasang mga buhay, sa kanilang walang kapintasang asal.” At, ang Christianity Today ay sumisipi sa historyador ng simbahan na si Roland Bainton: “Buhat sa katapusan ng yugto ng panahon ng Bagong Tipan hanggang sa dekada ng 170-180 ay walang anumang katibayan na mayroong mga Kristiyano sa hukbo.” Ang pag-ibig sa Diyos ang nag-udyok sa kanila na sumunod sa kaniya sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kalinisang-asal. Datapuwat, marahil ay maiisip mo, ‘Mayroon bang katibayan na mayroon sa ngayon nitong lakas na umaakay tungo sa ikabubuti ng asal?’

Tunay na mayroon nga! Ang kolumnista sa pahayagan na si Mike McManus ay sumulat sa Herald & Review at sinabing kailanman ay hindi siya nakarinig ng isang sermon laban sa pagtatalik bago pa pakasal. Makalipas ang isang buwan ay iniulat niya na kabilang sa mga liham na tinanggap bilang pagtugon ay yaong isa na nanggaling sa isang 14-anyos, isa sa mga Saksi ni Jehova, na sumulat: “Kahit na lamang ang kaisipan na baka mahawa ka sa mga sakit na ito ay sapat na upang pigilin ang karamihan ng mga tao [sa pagtatalik bago pa pakasal]. Subalit ang dahilan kung bakit umiiwas diyan ang mga Saksi ay sapagkat iniutos sa atin ni Jehova na lumayo sa pakikiapid.” (Amin ang italiko.) Sa pagkukomento tungkol sa liham na iyan, si McManus ay nagtanong: “Ilang 14-anyos na kabataan sa inyong kongregasyon ang makasisipi kay San Pablo nang buong linaw (1 Cor. 6:18)?”

Ang ganiyan ding simulain ng pagsunod sa mga utos ni Jehova, na binanggit ng dalagitang iyan, ay ikinakapit ng mga Saksi sa mga ibang lugar. Ang buod ng ilan sa mga utos ng Diyos na nakasulat sa Kasulatan ay: ‘Maging tapat sa lahat ng bagay,’ ‘Iwasan ang mga idolo,’ ‘Umiwas sa dugo at sa pakikiapid,’ ‘Magsabi ng katotohanan,’ ‘Sanayin ang inyong mga anak sa mga daan ng Diyos.’ (Hebreo 13:18; 1 Juan 5:21; Gawa 15:29; Efeso 4:25; 6:4) Iyo bang napansin ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sa lugar na pinagtatrabahuhan nila na nagsisikap sumunod sa mga utos na ito? Ipinagtataka mo ba kung bakit sumusunod sila, kung bakit sila’y tumatanggi na salinan ng dugo, kung bakit sila tumatangging sumali sa digmaan, kung bakit sila’y dumadalaw sa iyo sa iyong tahanan, sa madaling sabi, kung bakit sila ay naiiba? Ang kanilang pag-ibig sa Diyos ang sagot.

Ang Pag-ibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman

Sa pag-ibig nila na makalugod sa Diyos, isinasa-puso ng mga Saksi ni Jehova ang payo: “Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang inyong mapatunayan sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Pagka kanilang natutuhan ang “kalooban ng Diyos” para sa kanila, ibig nilang gawin iyon. Ang kanilang pag-ibig sa Diyos ang lakas na nasa likod ng kanilang pagnanais. Inaakala mo kayang ito’y guniguni lamang, hindi praktikal para sa panahon natin? Pag-isipan sumandali ang sumusunod na mga karanasan.

Matagal na, noong 1963 si José, ng São Paulo, Brazil, ay nagsimulang makisama kay Eugênia, na dati nang may asawa. Makalipas ang dalawang taon, sila’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa pag-aaral na ito ay napag-alaman ng dalawa na isang kahilingan ng Diyos na “maging marangal nawa sa lahat ang pag-aasawa.” (Hebreo 13:4) Kanilang natanto na sila’y dapat na magpakasal, subalit ang Brazil ay walang batas sa diborsiyo na sa pamamagitan niyaon si Eugênia ay malilibre upang magpakasal kay José. Subalit, noong 1977, nang magkabisa ang isang batas sa diborsiyo, si Eugênia ay nag-aplay para sa diborsiyo, at noong 1980 sila’y napakasal, at tinupad ang mga kahilingan ng Diyos. Ang kanilang pag-ibig sa Diyos ay may gantimpala.

Sinubok ni Inire ang lahat ng klase ng droga sa New York. Siya’y nakisama sa kaniyang nobya, si Ann. Dahil sa pangangailangan ng salapi, kaniyang nahimok si Ann na magpadala ng kaniyang mga larawan sa isang kilalang magasin ng mga lalaki. Si Ann ay inalok ng malaking halaga para pakuha ng retrato na hubo’t hubad. Samantala, si Inire ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at nang malaunan si Ann ay sumali rin. Si Inire ay huminto ng paggamit ng mga droga. Makalipas ang tatlong linggo, sila mismo, ay nagpasiyang kusa na magpakasal. Ngayon, pagkatapos mapag-alaman buhat sa Bibliya na kailangang manamit nang mahinhin ang isang Kristiyano, ipinasiya ni Ann na hindi na niya ngayon mapapayagan na pakuha ng larawan na hubo’t hubad, gaano mang salapi ang ialok sa kaniya. (1 Timoteo 2:9) Ano sa palagay mo ang dahilan ng gayong mga pagbabago? Ipinagtapat ni Ann na nang kaniya raw matalos na ang pagiging isa sa mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang isang bagay na gaya ng pagsapi sa isang relihiyon kundi ito’y isang buhay na nakatalaga sa Diyos, nabatid niya na kailangang mabilis na gumawa siya ng mga pagbabago. Oo, ang pag-ibig sa Diyos ay isang matibay na lakas sa ikabubuti.

Baka madama at sabihin ng isa, ‘Bueno, ito’y mga pambihirang kaso.’ Subalit ang mga ito’y hindi pambihirang mga kaso. Katulad na mga pagbabago ang naganap maraming beses sa mga lugar na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo. Bakit hindi magpatuloy na alamin ito? Patunayan sa iyong sarili na ang pag-ibig sa Diyos gaya ng makikita sa tunay na relihiyon ang siya pa ring lakas sa ikabubuti ng asal.

[Blurb sa pahina 6]

Tungkol sa mga sinaunang Kristiyano, ang aklat na “The Old Roman World” ay nagsasabi: “Kami’y may patotoo tungkol sa kanilang walang kapintasang mga buhay, sa kanilang walang kapintasang asal.” Ano ba ang lakas na nasa likod ng kanilang “walang kapintasang asal”?

[Larawan sa pahina 7]

Ang pag-ibig sa Diyos ay makatutulong sa iyo upang madaig ang tukso na magkasala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share