Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 10/15 p. 15-20
  • Sasabihin Mo ba, “Narito Ako! Suguin Mo Ako”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sasabihin Mo ba, “Narito Ako! Suguin Mo Ako”?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Utos kay Isaias na Mangaral
  • Higit na mga Katuparan
  • “Suguin Mo Ako”
  • Ang Diyos na Jehova ay Nasa Kaniyang Banal na Templo
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Isang Sinaunang Propeta na May Makabagong Mensahe
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Patuloy na Maghintay kay Jehova
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Isang Propeta ng Diyos ang Nagdadala ng Liwanag Para sa Sangkatauhan
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 10/15 p. 15-20

Sasabihin Mo ba, “Narito Ako! Suguin Mo Ako”?

“Si Jehova ay [nagsabi]: ‘Sino ang aking susuguin, at sino ang yayaon para sa amin?’ At ako’y nagpatuloy na magsabi: ‘Narito ako! Suguin mo ako.’”​—ISAIAS 6:8.

1, 2. Ano ang pantanging dahilan ng kaligayahan ng isang mag-asawa?

“KAMI’Y maligaya na ipadala ang aming liham ng pagsang-ayong pumaroon sa Colombia. Kami’y nasisiyahan sa aming pribilehiyo ng paglilingkod dito sa Ecuador higit kaysa mailalarawan ng makinilyang ito.” Ganiyan ang pasimula ng isang liham na galing sa dalawang Saksi ni Jehova na nagpunta sa Ecuador na kung saan isang bagong tanggapang-sangay para sa Watch Tower Society ang itinatayo.

2 Ang mga ministrong ito ay naparoon sa Ecuador upang higit pa ang gawin kaysa sa pagtulong lamang sa pagtatayo; sila’y maaaring tumulong din bilang mga tagapagturong Kristiyano. Sila’y sumulat: “Aming napatunayan na ang paglilingkod sa larangan ay isa sa pinakamahalagang bagay. Mga tatlong linggo lamang ngayon ang nakalipas, walo kaming lumabas sa larangan sa isang talipapa at kami’y nakapagpasakamay ng 73 mga aklat at mahigit na 40 mga magasin. Noong nakaraang linggo, kami’y nagsimula ng dalawang bagong pag-aaral sa Bibliya. Tunay na nakikita namin na kailangan ang bagong sangay. Kami ng aking asawa’y nagpapasalamat sa inyo sa pribilehiyo na makapagpatuloy sa pantanging anyong ito ng buong-panahong paglilingkod” ngayon sa Colombia.

3. Paanong marami ang nagpakita ng espiritung katulad niyaong ipinakita ni Isaias?

3 Ang mag-asawang ito, at ang daan-daang pang iba na nagboluntaryong idistino sila sa ibang bansa, ay nagpakita ng espiritung katulad ng kay propeta Isaias. Nang kaniyang marinig na sabihin ni Jehova: “Sino ang aking susuguin, at sino ang yayaon para sa amin?” ang tugon ni Isaias ay: “Narito ako! Suguin mo ako.” Nang magkagayo’y iniutos ng Diyos: “Yumaon ka, at sabihin mo sa bayang ito, ‘Kayo’y paulit-ulit na nakikinig, Oh mga tao, ngunit hindi ninyo nauunawaan.’” (Isaias 6:8, 9) Sa ano ba nagbuboluntaryo si Isaias na siya’y suguin, at ano ang resulta nito? At ano ang matututuhan natin buhat sa salaysay na ito kung tungkol sa modernong mga katuparan at mayroon bang maiaaral ito sa atin?

Ang Utos kay Isaias na Mangaral

4, 5. (a) Anong kalagayan ang umiiral nang tanggapin ni Isaias ang pangitain na nasusulat sa Isa kabanata 6? (b) Ano ang nakita ni Isaias sa pangitaing ito?

4 Ang Diyos na Jehova ay nagtanong kay Isaias, “Sino ang aking susuguin?” noong taon na namatay si Haring Uzzias. (Isaias 6:1) Iyon ay noong 777 B.C.E., o humigit-kumulang isang siglo at pitumpu’t-limang taon bago niwasak ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at iniwang giba ang lupain ng Juda. Nakikita noon ni Jehova na darating ang gayong pangyayari, kaya kaniyang sinugo si Isaias na magdala ng isang mensahe tungkol doon. Ano ba ang maaari nating matutuhan buhat sa utos sa kaniya na mangaral?

5 Katulad din ng ating mararanasan kung tayo ang naroroon noon, tiyak na si Isaias ay totoong naapektuhan ng kaniyang kapaligiran noong tanggapin niya ang pagkasugo sa kaniya. Siya’y sumulat: “Aking . . . nakita si Jehova, na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas, at pinunô ang templo ng laylayan ng kaniyang damit. Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serapin. Bawat isa’y may anim na pakpak. May dalawa na nagtatakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagtatakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya. At nagsisigawan sa isa’t isa at nagsasabi: ‘Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang lupa ay punô ng kaniyang kaluwalhatian.’”​—Isaias 6:1-3.

6. Bakit isang pribilehiyo na makita ni Isaias ang gaya ng kaniyang nakita?

6 Batid ni Isaias na si Uzzias ay pinadapuan ng ketong nang siya, gayong hindi kabilang sa angkan ng mga saserdote, ay pangahas na pumasok sa Banal ng templo upang maghandog ng kamangyan. Kaya naman, anong laking pribilehiyo para kay Isaias na mamasdan ang mismong presensiya ng Diyos! Si Isaias, isang di-sakdal na tao, ay hindi literal na nakakita kay Jehova, kundi siya’y pinayagan na makita Siya sa pangitain. (Exodo 33:20-23) Ang kadakilaan nito ay itinampok ng mga anghel na may matataas na ranggo (mga serapin) na doon naglilingkod sa palibot ng trono ni Jehova. Palibhasa’y kanilang nadarama ang kabanalan ng Diyos, may paggalang na tinakpan nila ang kanilang ‘mga mukha.’ Sa kabila ng ganitong hindi nila pagtataas ng sarili, kanila namang buong diin na ipinapahayag ang kabanalan ng Diyos. Ano sa palagay mo ang magiging epekto ng lahat ng ito sa isang tao?

7. Paano naapektuhan si Isaias, at bakit kung minsan ganiyan din ang nadarama natin?

7 Hayaan nating si Isaias ang sumagot. “Nang magkagayo’y sinabi ko: ‘Sa aba ko! Sapagkat ako’y mistulang nasa katahimikan na, dahil sa ako’y isang taong may maruming mga labi, at ako’y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, si Jehova ng mga hukbo, mismo!’” (Isaias 6:5) Batid ni Isaias na siya’y isang tagapagsalita para sa Diyos, gayunman ang pangitaing ito ang nagkintal ng kaalaman sa kaniya na siya’y di-malinis, wala niyaong dalisay na mga labi na karapat-dapat na maging tagapagsalita ng maluwalhati at banal na Haring ito. Ang iba sa atin ay maaari ring paminsan-minsan nadadaig ng ating pagkamakasalanan, at nadarama natin na tayo’y hindi karapat-dapat dumulog sa Diyos sa panalangin, at lalong hindi karapat-dapat na taglayin natin ang kaniyang pangalan. Ang higit pang karanasan ni Isaias, kung gayon, ang dapat makapagpatibay-loob sa atin.

8. Anong paglilingkod ang ginawa ng isang anghel, at ano ang epekto?

8 Isa sa naglilingkod na mga serapin ay lumipad patungo sa kaniya taglay ang nag-aapoy na baga na galing sa dambana ng mga hain na hayop. Pagkatapos idiit ang baga sa bibig ni Isaias, sinabi ng anghel: “Narito! Ito’y napadiit sa iyong mga labi, at ang iyong kasamaan ay naalis at pinagbayaran mo na ang iyong kasalanan.” (Isaias 6:6, 7) Noong mga kaarawan ni Solomon, ang apoy na nanggaling sa langit ang patotoo na tinanggap ni Jehova ang hain buhat sa dambana, bagaman hindi nagagawa ng mga handog na lubusang linisin kahit ang mga saserdote sa harap ng Diyos. (2 Cronica 7:1-3; Hebreo 10:1-4, 11) Gayumpaman, nang ang karumihan ni Isaias ay alisin ng nag-aapoy na baga na idinikit sa kaniya, tinanggap niya ang hatol ni Jehova na pinagbayaran na niya ang kaniyang kasalanan ayon sa kinakailangan upang tumanggap ng isang natatanging atas na mangaral. Ano ang kapana-panabik na ipinahihiwatig nito tungkol sa hinaharap?

9. Ano ba ang diwa ng mensahe ni Isaias?

9 Ang kagila-gilalas na karanasang ito ay humantong sa pagtanggap ng propeta ng binanggit na atas na mangaral. (Isaias 6:8, 9) Subalit bakit dahil sa sasabihin ni Isaias ay paulit-ulit na makikinig ang mga tao ngunit hindi sila magkakaroon ng anumang kaalaman? Isinusog pa ng tinig ng Diyos: “Patigasin mo ang puso ng mga tao, at gawin mong lampasan ang kanilang mga pandinig, at iyong idikit ang kanilang mga mata, upang sila’y huwag makakita . . . at upang sila’y huwag magbalik-loob at magsigaling.” (Isaias 6:10) Ang ibig bang sabihin niyan ay na, sa pamamagitan ng tahasang pagsasalita o ng kawalang taktika, dapat na kumilos si Isaias sa paraan na magpapalayo sa mga Judio upang sila’y manatiling may pakikipag-alitan kay Jehova? Hindi. Ipinakikita lamang nito kung paano tutugon ang karamihan ng mga Judio bagaman buong katapatan at lubusan na tinupad ni Isaias ang gawaing pangangaral na kusang-loob na ginagawa niya nang kaniyang sabihin na, “Narito ako! Suguin mo ako.”

10. (a) Sino ba ang may pagkukulang dahil sa gayong pagiging parang bulag at bingi ng mga tao? (b) Ano ang ibig sabihin ni Isaias sa pagtatanong ng, “Hanggang kailan”?

10 Ang pagkukulang ay nasa mga tao. Sa kabila ng pagsisikap ni Isaias na sila’y “paulit-ulit na makapakinig,” sila’y ayaw kumuha ng kaalaman o magtamo ng kaunawaan. Sinabi na ng Diyos bago pa man na ang karamihan sa kanila, dahilan sa kanilang katigasan ng ulo at kakulangan ng espirituwalidad, ay hindi tutugon. Ang ilan ay baka makinig. Subalit ang karamihan ay nagiging parang bulag na ang mga mata’y mistulang idinikit ng pinakamadikit na kola, kung kaya mong gunigunihin iyan. Gaano katagal magpapatuloy ang ganitong masamang kalagayan? Iyan, imbis na kung ilang mga taon kakailanganin siyang maglingkod, ang itinanong ni Isaias nang sabihin niya: “Hanggang kailan, Oh Jehova?” Kaya naman ang Diyos ay tumugon: “Hanggang sa ang mga bayan ay magiba, na walang tumatahan.” At gayon nga ang nangyari, bagama’t patay na noon si Isaias. Inalis doon ng mga taga-Babilonya ang makalupang mga tao, kaya ang Juda ay “naging isang kagibaan.”​—Isaias 6:11, 12; 2 Hari 25:1-26.

11. Paano nagbigay ng kaaliwan ang pangangaral ni Isaias?

11 Sa wakas, si Isaias ay binigyan ni Jehova ng katiyakan na may pag-asa pa naman. “Magkakaroon pa rin sa [lupain] ng ikasampung bahagi.” Oo, iyon ay ‘makakatulad ng isang malaking punungkahoy na, pagka pinutol, mag-iiwan iyon ng tuod, isang banal na binhi.’ (Isaias 6:13) Pagkatapos ng 70 mga taon ng pagkabilanggo sa Babilonya, isang binhi, o nalabi, ang bumalik sa lupain, na para bagang muling sinupangan nang panibago ang tuod ng isang malaking punungkahoy. (2 Cronica 36:22, 23; Ezra 1:1-4; ihambing ang Job 14:7-9; Daniel 4:10, 13-15, 26.) Sa gayon, bagama’t malungkot ang mensahe ni Isaias, iyon ay may taglay na pang-aliw. May maka-Kasulatang dahilan, kung sa bagay, na ituring natin na ang Isaias ay isang tipo ng mga mangyayari sa hinaharap. Sa paano?

Higit na mga Katuparan

12. Ano ang batayan sa Kasulatan sa pagkakapit kay Jesus ng tawag na Lalong-dakilang Isaias?

12 Mga ilang siglo pagkamatay ni Isaias, may isang naparito na matatawag nating ang Lalong-dakilang Isaias​—si Jesu-Kristo. Bago siya naparito bilang tao, siya’y nagboluntaryo sa kaniyang Ama na siya’y ipadala rito sa lupa, at dito’y ilalakip niya sa kaniyang pangangaral ang mga bagay na isinulat ni Isaias. (Kawikaan 8:30, 31; Juan 3:17, 34; 5:36-38; 7:28; 8:42; Lucas 4:16-19; Isaias 61:1) Ang lalong mahalaga, iniugnay ni Jesus ang kaniyang sarili sa Isaias kabanata 6 nang Kaniyang ipaliwanag kung bakit Siya’y nagturo na gaya ng pagtuturo Niya. (Mateo 13:10-15; Marcos 4:10-12; Lucas 8:9, 10) Iyon ay nararapat naman, sapagkat karamihan ng mga Judio na nakarinig kay Jesus ay hindi tumanggap sa kaniyang mensahe at hindi kumilos ayon doon katulad din niyaong mga nakarinig kay propeta Isaias. (Juan 12:36-43) Gayundin, noong 70 C.E. ang mga Judio na ‘nagpakabulag at nagpakabingi’ sa mensahe ni Jesus ay nangapuksa katulad ng mga Judio noong 607 B.C.E. Ang pangyayaring ito noong unang siglo ay isang kapighatian na sumapit sa Jerusalem ‘na hindi pa nangyayari sapol nang pasimula ng sanlibutan ni mangyayari pa uli.’ (Mateo 24:21) Gayunman, gaya ng inihula ni Isaias, isang nalabi, o “banal na binhi,” ang nanampalataya. Ang mga ito ay binuo upang maging isang espirituwal na bansa, ang pinahirang “Israel ng Diyos.”​—Galacia 6:16.

13. Bakit natin maaasahan ang isa pang katuparan ng Isaias 6?

13 Tayo ngayon ay sumapit na sa isa pang salig-sa-Bibliyang katuparan ng Isaias kabanata 6. Bilang isang susi sa pagkaunawa nito, isaalang-alang ang salita ni apostol Pablo noong mga taóng 60 C.E. Kaniyang ipinaliwanag kung bakit maraming mga Judio na nakapakinig sa kaniya sa Roma ang ayaw tumanggap sa kaniyang “patotoo tungkol sa kaharian ng Diyos.” Ang dahilan ay sapagkat natutupad na naman noon ang Isaias 6:9, 10. (Gawa 28:17-27) Ito ba’y nangangahulugan na pagkatapos lumisan si Jesus sa lupa, ang kaniyang pinahirang mga alagad ay gaganap ng isang atas na katulad ng atas kay Isaias? Oo, totoo iyan!

14. Paanong ang mga alagad ni Jesus ay gagawa ng isang gawaing katulad ng kay Isaias?

14 Bago umakyat sa langit ang Lalong-dakilang Isaias, sinabi niya na ang kaniyang mga alagad ay tatanggap ng banal na espiritu at pagkatapos sila’y “magiging mga saksi [niya] sa Jerusalem at sa buong Judea at sa Samaria at sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Kung paanong ang dambana na pinaghahandugan ng hain ang nagtakip sa pangangailangan para maalis ang kasamaan ni Isaias, ang inihandog na hain ni Jesus naman ang saligan upang ‘mapagbayaran ang kasalanan’ ng kaniyang mga alagad. (Levitico 6:12, 13; Hebreo 10:5-10; 13:10-15) Kaya naman, maaari nang sila’y pahiran ng Diyos ng kaniyang banal na espiritu, at ito’y nagbibigay-kapangyarihan din sa kanila upang maging ‘mga saksi hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.’ Kapuwa ang propetang si Isaias at ang Lalong-dakilang Isaias ay sinugo upang ibalita ang pasabi ng Diyos. Gayundin naman, ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay “mula sa Diyos . . . na sinugong kasama ni Kristo.”​—2 Corinto 2:17.

15. Ano ang pangkalahatang tugon sa pangangaral na katulad niyaong kay Isaias sa panahon natin, na hahantong sa anong pangyayari sa hinaharap?

15 Sa modernong panahon, lalo na sapol nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I, nakita ng pinahirang mga Kristiyano na kailangang ihayag ang mensahe ng Diyos. Kasali na rito ang katotohanang dapat pag-isipan na “ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos” ay malapit na. (Isaias 61:2) Ang kagibaang lilikhain nito ay magiging isang dagok lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan, na namamaraling bayan ng Diyos, gaya rin ng Israel noong una. Sa kabila ng maraming taon ng tapat na pangangaral ng pinahirang mga saksi ng Diyos, karamihan sa Sangkakristiyanuhan ay ‘nagpatigas ng kanilang puso at ginawang lampas-lampasan ang kanilang pakinig; ang kanilang mga mata ay nakadikit nang mahigpit.’ Ang hula ni Isaias ay nagpapakita na ito’y magpapatuloy “hanggang sa ang mga bayan ay magiba, na walang tumatahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba.” Ito ay hahantong sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay.​—Isaias 6:10-12.

“Suguin Mo Ako”

16. Bakit masasabing ang “malaking pulutong” ay nakikibahagi sa isang gawain na katulad niyaong gawain ni Isaias?

16 Sa ngayon, milyun-milyong mga tapat na Kristiyano ang may pag-asang tinutukoy ng Bibliya na walang-hanggang buhay sa isang lupang paraiso. Salig sa inihandog na dugo ni Jesus, ang “malaking pulutong” na ito ay maaari nang patawarin sa kanilang mga kasalanan ayon sa kinakailangang lawak ngayon. Sila ay tumatanggap din naman ng lakas at suporta sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos samantalang sila’y kasama ng nalalabi pang bilang ng pinahirang mga Kristiyano sa pagsasabi, “Narito ako! Suguin mo ako.” Suguin sila upang gumawa ng ano? Sinasabi ni Pablo sa Roma 10:13-15: “ ‘Lahat ng magsisitawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Subalit, paano sila magsisitawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kaniya na tungkol sa kaniya’y hindi nila napakinggan? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? Paano naman sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat [sa Isaias 52:7]: ‘Anong ganda ng mga paa niyaong mga nangangaral ng mabuting balita ng mabubuting bagay!’ ”​—Apocalipsis 7:9-15.

17. Kahambing ng hula ni Isaias, ano ang nilalaman ng ating mensahe?

17 Alalahanin na bago pa niya nalaman ang buong nilalaman ng mensahe sinabi na ni Isaias, “Narito ako! Suguin mo ako.” Bilang kaibahan, alam natin kung ano ang ibig ng Diyos na ihayag ngayon ng mga tumutugon sa kaniyang paanyaya: “Sino ang aking susuguin, at sino ang yayaon para sa amin?” Kasali na rito ang pagbibigay ng babala tungkol sa “araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” Subalit, kasali rin sa mensahe ang “mabuting balita ng mabubuting bagay.” Halimbawa, yaong mga ‘sinusugo’ ay nakikibahagi sa paghahayag ng “kalayaan sa mga bihag at nagbubukas ng mga mata ng kahit mga bilanggo.” Hindi ba ang paggawa niyan ay dapat na magdulot ng malaking kasiyahan?​—Isaias 61:1, 2.

18, 19. Sa anong mga pantanging paraan sinasabi ng marami na, “Suguin mo ako”?

18 Kung ikaw ay naghahayag na ng “mabuting balita ng mabubuting bagay,” ang pagrerepasong ito ng Isaias kabanata 6 ay maaaring humila sa iyo na magtanong: Paano kaya ako makatutugon nang lalong higit sa diwa ng Isaias 6:8? Tulad ng mag-asawang binanggit na sa pasimula nito, daan-daan ang nakikibahagi na sa programa ng International Volunteer Construction Workers. Marami pang iba, na walang kasanayan sa konstruksiyon, ang nagsilipat sa mga lupain na kung saan lalong higit ang pangangailangan sa mga tagapangaral ng Kaharian. Ito’y pinakamagaling na nagagawa pagkatapos na humingi ng payo sa tanggapang-sangay ng Watch Tower Society. Mangyari pa, kailangan ng pagpaplano, sapagkat ang wika, ang mga pamantayan ng pamumuhay, ang mga trabahong mapapasukan, at ang iba pang mga bagay ay maaaring lubhang naiiba sa isang lupaing banyaga. Gayunman, huwag bitawan ang posibilidad na iyan dahil lamang sa baka kailanganin ang paggawa ng malalaking pagbabago. Marami na may saloobing “Narito Ako! Suguin mo ako” ay gumawa nang gayong mga pagkilos at saganang pinagpala ng Diyos sa paggawa nang gayon.​—Ihambing ang Kawikaan 24:27; Lucas 14:28-30.

19 May mga iba pa​—mga kapatid na binata o mga dalaga, mga mag-asawa, at pati buong mga pamilya​—​ang nagsilipat sa mga ibang lugar sa kanilang sariling bansa o lugar kung saan may lalong malaking pangangailangan ng mga mangangaral ng Kaharian o ng mga tagapangasiwang Kristiyano. (Gawa 16:9, 10) Ang paggawa nito ay marahil nangailangan ng pagsasakripisyo, tulad halimbawa ng pagkuha ng ibang uri ng mapapasukang trabaho, marahil yaong trabahong hindi gaanong malaki ang kita. Ang iba naman ay maagang rumitero at tumanggap ng limitadong pensiyon at nakakita ng trabahong part-time upang magkaroon nang higit pang panahon para sa ministeryo. Anong inam nga kung buong mga pamilya ang magsabi, “Narito kami! Suguin mo kami.” Dito rin naman ay mababanaag ang kalagayan ni Isaias. Ang kaniyang asawa ay aktibong nakibahagi sa paggawa ng kalooban ng Diyos bilang isang propetisa, at ang kaniyang mga anak na lalaki ay nakibahagi rin sa paghahatid ng makahulang mga mensahe.​—Isaias 7:3, 14-17; 8:3, 4.

20. Samantalang isinasaisip ang Isaias 6:8, ano ang dapat mong pag-isipan?

20 Kahit na kung ang iyong kasalukuyang kalagayan ay hindi nagpapahintulot nang gayong malalaking pagbabago, maaari mong pag-isipan, ‘Ginagawa ko kaya ang lahat ng magagawa ko kung saan matutularan ko ang ginawang pagtugon ni Isaias?’ Magsumikap kang ihayag ang mensahe ng Diyos, kahit na sa masungit na lagay ng panahon o sa harap ng pagwawalang-bahala ng madla; tiyak, gayon ang ginawa ni Isaias. Maging masigasig sa pagsasalita sa mga iba tungkol sa “mabuting balita ng mabubuting bagay!” Sinabi ni Jehova, “Sino ang susuguin ko?” Patunayan na, tulad ni Isaias noong una, ang iyong tugon ay, “Narito Ako! Suguin mo ako” upang ihayag ang Kaniyang mensahe.

Mga Punto sa Repaso

◻ Sa anong mga kalagayan tinanggap ni Isaias ang pangitain sa Isa kabanata 6, at ano ang kaniyang nakita?

◻ Anong uri ng pagkasugo ang tinanggap ni Isaias?

◻ Bakit si Jesus ay matatawag na ang Lalong-dakilang Isaias, at paanong ang kaniyang mga alagad ay kasangkot sa isang gawain na katulad ng kay Isaias?

◻ Paano ka makapagpapakita ng espiritu na katulad ng kay Isaias?

[Larawan sa pahina 17]

Si Isaias ay nilinis at sinugo upang mangaral

[Larawan sa pahina 18]

Marami ang tumugon, na nagsasabi, “Narito ako! Suguin mo ako”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share