Ang Kahulugan ng mga Balita
Resipe Para sa Kapahamakan
“Noong mga sinaunang araw ng telebisyon, ang karahasan ay mapapanood nang hindi gaanong madalas at hindi totohanang-totohanan na di-gaya sa ngayon,” ang puna ni Dr. Paul Wilson ng Australian Institute of Criminology. Ngunit, sa paglalarawan sa itinuturing niyang resipe para sa kapahamakan at anarkiya ng lipunan, isinusog ni Wilson: “Ngayon, bumubulwak ang dugo sa mga sugat sa katawan at ang paghihingalo ng isang mamamatay ay inilalarawan nang buong kalupitan. . . . Ang mga tin-edyer ay pinapalakol upang mamatay at unti-unting napupugto ang hininga dahil sa kanilang hiniwang mga leeg at ang kanilang paghihingalo ay mapagmahal na kinukunan ng kamera.”
Sa kaniyang artikulo na inilathala sa The Sydney Morning Herald, si Dr. Wilson ay nagkomento tungkol sa hirap na dinaranas ng mga reporter upang ang interes ng publiko sa Australia ay maakit sa kamakailang kudeta na walang pagdanak ng dugo sa karatig na Fiji. Ang dahilan? “Ang karahasan ang pamantayan ng modernong mga panoorin,” ang sabi ni Wilson. Ang pagsasabalita na ginawa ng TV at ng mga pahayagan ay totoo, maingat na sinuri, at may katibayan, subalit walang “pumipintig na mga eksena ng karahasan at mga balita sa pahayagan na naglalahad tungkol sa mga gulo,” ang sabi niya.
Ang ganitong lumalaking hilig sa mga panooring karahasan ay katugmang-katugma ng binabanggit ng Bibliya na mga taong nabubuhay sa “mga huling araw” ng kasalukuyang sistema ng mga bagay! Sa mapanganib na huling salinlahing ito ng tao, ang mga tao ay tinutukoy na “walang pagpipigil sa sarili, mababangis, walang pag-ibig sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1, 3.
Monogamya o Poligamya?
Dapat bang tanggapin bilang mga miyembro ng simbahan ang sinumang mayroong higit sa iisang asawa? Upang lutasin ang tanong na ito, ang Simbahang Anglicano sa Uganda ay humirang ng isang grupo upang mag-aral ng tungkol sa “poligamya at sa pamilyang Kristiyano.” Ang Ecumenical Press Service ay nag-uulat na, sang-ayon sa isang miyembro ng grupong iyon, si Obispo Christopher Senyonjo, ang pagkakaroon ng maraming asawa ay hindi lamang sinasang-ayunan kundi kapaki-pakinabang din naman. Bakit kaya ganoon ang kaniyang nadarama? Ang poligamya, sang-ayon sa kaniya, ay tutulong upang masugpo ang paglaganap ng sakit na AIDS. Higit diyan, sinabi niyang ang poligamya ay maaaring sundin o hindi sundin ng mga Kristiyano, anupa’t si Kristo ang “magbabago sa ating lipás na at wala nang lasang mga pag-aasawa upang maging masarap na alak, ang mga ito man ay monogamya o poligamya.”
Gayunman, malinaw na ipinakikita ng Bibliya na hindi sang-ayon diyan ang Diyos na Jehova, ang Tagapagtatag ng pag-aasawa sa isa lamang. Kinasihan niya si apostol Pablo na sumulat: “Ang bawat lalaki ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa at ang bawat babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa.” (1 Corinto 7:2) Makabuluhan nga, nang maglaon ay sumulat si Pablo tungkol sa kuwalipikasyon ng mga nagpapastol sa kawan: “Ang isang obispo nga ay kailangang walang kapintasan, asawa ng iisang babae.—1 Timoteo 3:2, King James Version.
Sa gayon, para sa mga tunay na Kristiyano sa Aprika, o saanman, ganoon nga ang kanilang pagkakilala sa poligamya—isang paglabag sa kautusan ng Diyos.
Nagpapabayad sa Pangangaral
Ang mga pari sa Simbahang Lutherano ng Sweden ay naligalig dahilan sa kanilang suweldo sapagkat, gaya ng iniulat, ito ay “mababa kung ihahambing sa mga isinusuweldo sa mga ibang propesyonal na mas maikli ang panahong ipinag-aral o ipinagsanay.” Datapuwat, alinsunod sa ahensiya ng pagbabalita ng World Council of Churches, ang mga bagay ngayon ay humuhusay na. Pagkatapos ng “isang mahaba at medyo mahirap na pangangampaniya,” kamakailan ay natamo ng mga pari ang 40-oras na sanlinggong pagtatrabaho. Subalit kumusta naman kung ang mga Suweko ay nangangailangan ng tulong ng pari pagkatapos ng mga oras ng trabaho? Ang bagong kasunduan sa paggawa ay gumagarantiya rin ng bayad sa pag-oobertaym para sa bawat ekstrang oras ng trabaho ng pari. Ang gayong kita sa pag-oobertaym ay inaasahan na makakaragdag sa kanilang taunang suweldo ng 10 hanggang 12 porsiyento.
Kabaligtaran ng pagsusumakit ng mga paring Suweko para sa karagdagang kita sa kanilang mga serbisyo, nang suguin ni Jesus ang kaniyang mga alagad upang mangaral, kaniyang sinabihan sila: “Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay naman ninyong walang bayad. Huwag kayong magdala ng ginto o pilak o tanso sa inyong mga lukbutan.” (Mateo 10:8, 9) Ano ang ibig niyang sabihin? Ang mabuting balita ng Kaharian ay hindi dapat ipangalakal, ni gamitin man para sa mapag-imbot na sariling kapakanan. Ang mga alagad ay sumunod sa itinagubilin ni Jesus, at natapos ang kanilang ministeryo. Bakit? Sapagkat ang Diyos ang tumustos sa kanila sa ministeryo.