Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 11/15 p. 15-20
  • Di-pag-aasawa—Isang Kasiya-siyang Paraan ng Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Di-pag-aasawa—Isang Kasiya-siyang Paraan ng Buhay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kasiya-siyang mga Taon ng Pagkabinata o ng Pagkadalaga
  • Ang mga Kagantihan ng Malinis na Pagbibinata o Pagdadalaga
  • Mga Halimbawa Noong Nakaraan
  • Makabagong-Panahong mga Halimbawa
  • Pananatiling Malinis Bilang Walang Asawa
  • Isang Kasiya-siyang Kinabukasan
  • Walang Asawa Ngunit Walang Kulang sa Paglilingkod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Samantalahin ang Iyong Pagiging Walang Asawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • “Maglaan ng Dako Para Rito”
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
  • Walang Asawa at Kontento sa Paglilingkod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 11/15 p. 15-20

Di-pag-aasawa​—Isang Kasiya-siyang Paraan ng Buhay

“Malaya siyang mag-asawa sa sinumang nais niya, ngunit sa nasa Panginoon lamang. Ngunit magiging lalo siyang maligaya kung mananatili siya sa gayong kalagayan.”​—1 Corinto 7:39, 40.

1. Tayo’y may asawa man o wala, ano ang utang natin kay Jehova?

Si Jehova ay karapat-dapat sa buong-kaluluwang pagsamba buhat sa lahat ng mga nag-alay ng kanilang buhay sa kaniya. May asawa man o wala, dapat na ibigin natin ang Diyos ng ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) Totoo, ang Kristiyanong walang asawa ay mayroong mas kakaunting pinagkakaabalahan kaysa mga may asawa. Subalit ang walang asawang lingkod ni Jehova ay tunay kayang maligaya?

2, 3 (a) Ano ang pinaka-diwa ng sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 7:39, 40? (b) Anong mga tanong ang dapat isaalang-alang?

2 Si apostol Pablo ay sumasagot ng oo. Tungkol sa mga dati’y nagkaasawa na subalit nagbago ang mga kalagayan, siya’y sumulat: “Nakatali ang babae sa kaniyang asawa habang nabubuhay ito. Ngunit kung mahimbing sa kamatayan ang kaniyang asawa, malaya siyang mag-asawa sa sinumang nais niya, ngunit sa nasa Panginoon lamang. Ngunit magiging lalo siyang maligaya kung mananatili siya sa gayong kalagayan, sa aking kuru-kuro. Tiyak ding taglay ko ang espiritu ng Diyos sa palagay ko.”​—1 Corinto 7:39, 40.

3 Yamang ipinakikita ni Pablo na ang mga taong walang asawa ay maaaring maging maligaya, sino ang may katuwirang mag-isip na manatiling walang asawa, kahit man lamang sa ilang panahon? Ano ba ang tumutulong upang lumigaya ang mga Kristiyanong walang asawa? Oo, paano ngang ang di-pag-aasawa ay isang kasiya-siyang paraan ng buhay?

Kasiya-siyang mga Taon ng Pagkabinata o ng Pagkadalaga

4. Ano ang totoo tungkol sa mga taon ng pagkabinata at ng pagkadalaga ng isang kabataan?

4 Nanghimok ang pantas na si Haring Solomon: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha sa mga kaarawan ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw [ng pagtanda], o sumapit ang mga taon na iyong sasabihin: ‘Wala akong kaluguran sa mga yaon.’ ” (Eclesiastes 12:1) Ang mga taon ng pagkabinata at pagkadalaga ay karaniwan nang isang panahon ng kasiglahan at mabuting kalusugan kung ihahambing sa ibang panahon. Kung gayon, anong pagkaangkup-angkop nga na ang mga katangiang ito ay gamitin sa paglilingkod kay Jehova nang walang kaabalahan! Isa pa, ang mga taóng ito ng kabataan ay panahon upang magtamo ng karanasan sa buhay, patungo sa pagiging matatag. Subalit isa rin namang panahon ito ng kabataan ito na ang mga kabataan ng sanlibutan ay dumaranas ng pagkahaling sa pag-iibigan. Halimbawa, pag-isipan ang resulta ng isang surbey na ginawa sa 1,079 katao na nangasa pagitan ng edad 18 at 24. Sa katamtaman ay nagkaroon sila ng pitong “romantikong mga karanasan” bawat isa at isa’t isa’y nagsabi na ang kanilang kasalukuyang karanasan ay tunay na pag-ibig, hindi pagkahaling sa pag-iibigan.

5. Tungkol sa pag-aasawa, anong mga tanong ang angkop na pag-isipan ng isang kabataan para sa kaniyang sarili?

5 Mga estadistika sa paghihiwalay, diborsiyo, at watak-watak na mga pamilya ang nagpapakita ng pagiging di-dapat ng maagang pag-aasawa. Sa halip na magdumali ng pakikipag-date, panliligaw, at pag-aasawa, ang mga kabataang Kristiyano ay matalino kung positibong pag-iisipan nila kung paano nila magagamit ang kahit man lamang mga taon ng kanilang kabataan sa walang abalang paglilingkod kay Jehova. Sa pag-unawa sa iyong katayuan bilang isang kabataan, makabubuting tanungin ang iyong sarili ng mga tanong na katulad nito: Ako kaya ngayon ay maygulang na sa emosyon at handang seryosong pag-isipan ang pag-aasawa? Mayroon ba akong sapat na karanasan sa buhay upang maging isang mabuting asawa? Wastong maisasabalikat ko kaya ang mga pananagutan sa pag-aasawa at marahil ay sa isang pamilya na may mga anak? Dahilan sa aking pag-aalay kay Jehova, hindi baga dapat kong ibigay sa kaniya ang sigla at lakas ng kabataan nang walang kaabalahan dahil sa pagkakaroon ng asawa?

Ang mga Kagantihan ng Malinis na Pagbibinata o Pagdadalaga

6, 7. (a) Ano ang ilan sa mga kapakinabangan na karaniwang tinatamasa ng mga Kristiyanong walang asawa? (b) Tungkol dito, ano ang sinabi ng isang misyonero sa Aprika na walang asawa?

6 Ang mga Kristiyanong walang asawa ay nagtatamasa ng kalayaan buhat sa mga kaabalahan at sila’y nakakasumpong ng “maraming gawain sa Panginoon.” (1 Corinto 7:32-34; 15:58) Imbis na magpako ng pansin sa isang indibiduwal lamang na hindi niya kasekso, ang taong walang asawa ay may higit na pagkakataon na palawakin ang pag-ibig Kristiyano sa marami pa na nasa kongregasyon, kasali na ang mga may-edad at ang mga iba pa na nangangailangan ng maibiging tulong. (Awit 41:1) Sa pangkaraniwan, ang mga taong walang asawa ay may higit na panahon para sa pag-aaral at pagbubulaybulay sa Salita ng Diyos. (Kawikaan 15:28) Sila’y may lalong malaking pagkakataon na pagyamanin ang isang matalik na kaugnayan kay Jehova, na natututong lubusang umasa sa kaniya at humingi sa kaniya ng patnubay. (Awit 37:5; Filipos 4:6, 7; Santiago 4:8) Isang binata na naglingkod kay Jehova nang maraming taon bilang misyonero sa Aprika ang nagsabi:

7 “Ang buhay sa mga nayon sa Aprika ay simple sa mga nakalipas na taóng ito, at walang napakaraming kaabalahan na dulot ng modernong kabihasnan. Dahil sa wala nitong mga pang-abalang ito, nagkaroon ako ng maraming pagkakataon na mag-aral at magbulaybulay ng Salita ng Diyos. Ito ang tumulong sa akin upang manatiling malakas. Oo, ang buhay misyonero ay naging isang tunay na pagpapala at proteksiyon laban sa materyalismo. Kung kaaya-ayang mga gabi rito sa tropiko ay may sapat na panahon kang magbulaybulay at magdilidili sa mga gawang paglalang ni Jehova at maging malapit sa kaniya. Ang pinakamalaking kaligayahan ko ay sumasapit tuwing gabi na ang aking isip ay gising pa, at samantalang nag-iisa ay nagpapalipas ako ng kaunting panahon sa silong ng mabituing kalangitan habang naglalakad at nakikipag-usap kay Jehova. Ito ay lalong nagpalapit sa akin kay Jehova.”

8. Tungkol sa di-pag-aasawa, ano ang sinabi ng isang sister na walang asawa na matagal nang naglilingkod sa punung-tanggapan ng Society?

8 Kapuna-puna, rin naman, ang ganitong komento ng isang sister na walang asawa na matagal nang naglilingkod sa punung-tanggapan ng Watch Tower Society: “Ipinasiya kong manatiling walang asawa sa aking paglilingkod kay Jehova. Ako ba ay nalulungkot kailanman? Hindi nga. Ang totoo, ang mga sandali na ako’y nag-iisa ang ilan sa pinakamahalagang mga sandali. Ako’y maaaring makipag-usap kay Jehova sa panalangin. Nagagawa kong magbulaybulay at mag-aral nang sarilinan na walang pagkaabala. . . . Ang pagkawalang-asawa ay malaki ang nagawa sa pagkakaroon ko ng kagalakan.”

9. Ano ang ilan sa mga pribilehiyo sa paglilingkod na maaaring tamasahin ng isang Kristiyanong walang asawa?

9 Ang isang taong walang asawa ay maaari ring tumanggap ng mga pribilehiyo sa paglilingkod na maaaring hindi bukás sa mga taong may asawa at may mga pananagutan sa pamilya. Halimbawa, baka may mga pagkakataon na ang isa’y makalahok sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir sa isang lugar na kung saan malaki ang pangangailangan sa mga tagapangaral ng Kaharian. O ang isang binata ay maaaring magkapribilehiyo na maglingkod bilang isang miyembro ng pamilyang Bethel sa punung-tanggapan ng Watch Tower Society o sa isang tanggapang sangay. Ang isang kabataang dalaga ay maaaring makisama sa isang medyo may-edad na sister na dalaga sa pagpapayunir sa kanilang kongregasyon o sa ibang teritoryo na kailangang gawin. Bakit ang ganiyang mga posibilidad ay hindi ipakipag-usap sa tagapangasiwa ng sirkito? Bilang isang Kristiyanong walang asawa, ihandog mo ang iyong sarili para sa lalong malawak na paglilingkod sa ikapupuri ni Jehova, at ikaw ay saganang pagpapalain niya.​—Malakias 3:10.

Mga Halimbawa Noong Nakaraan

10. Sino ang pinakamainam na halimbawa ng isang lingkod ni Jehova na walang asawa, at bakit inaakala mo na ang kaniyang pagiging walang asawa ay kapaki-pakinabang?

10 Ang pinakamainam na halimbawa ng isang lingkod ni Jehova na hindi nag-asawa ay si Jesu-Kristo. Siya’y buhos na buhos sa paggawa ng kalooban ng Diyos. “Ang pagkain ko ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain,” ang sabi ni Jesus. (Juan 4:34) Laging magawain siya​—nangangaral, nagpapagaling sa mga maysakit, at iba pa! (Mateo 14:14) Si Jesus ay tunay na interesado sa mga tao at maalwan sa harap ng mga lalaki, mga babae, at mga bata. Oo, siya’y naglakbay nang paroo’t parito sa kaniyang ministeryo, at may mga okasyon na may kasama siyang mga iba pa. (Lucas 8:1-3) Subalit anong laking hirap ang daranasin sa gayong aktibidad kung siya ay may kasamang asawa at maliliit na mga anak! At tiyak iyan, ang pagkawalang-asawa ay isang bentaha sa halimbawa ni Jesus. Sa ngayon, ang isang Kristiyanong walang asawa ay maaaring magtamasa ng katulad na mga kapakinabangan, lalo na kung tinawag upang mangaral ng balita ng Kaharian sa liblib o mapanganib na mga lugar.

11, 12. Anong maiinam na halimbawa ang binanggit para sa mga dalagang naglilingkod kay Jehova sa ngayon?

11 Subalit natuklasan ng mga iba pa na praktikal at kasiya-siya ang di-pag-aasawa. Kusang tinupad ng anak na dalaga ni Jephte ang panata ng kaniyang ama sa pamamagitan ng pananatiling walang asawa sa isang lipunan na ang pag-aasawa at ang mga anak ang higit na minamahalaga. Siya’y nakasumpong ng kagalakan sa kaniyang paglilingkod kay Jehova, at kapuna-puna na siya’y palagiang pinalalakas-loob ng mga iba. Aba, “sa taun-taon ang mga anak na babae ng Israel ay napaparoon upang magbigay ng kumendasyon sa anak na dalaga ni Jephte na Gileadita, apat na araw sa isang taon”! (Hukom 11:34-40) Gayundin naman, ang mga Kristiyanong may asawa at ang mga iba pa ay dapat magbigay ng kumendasyon at ng pampatibay-loob sa mga dalagang may lakas ng loob na maglingkod kay Jehova ngayon.

12 Ang apat na anak na dalaga ni Felipe ay “nagsipanghula.” (Gawa 21:8, 9) Ang mga babaing ito na walang asawa ay tiyak na nagkaroon ng malaking kasiyahan buhat sa kanilang aktibong paglilingkod para sa ikaluluwalhati ni Jehova. Sa katulad na paraan, maraming mga kabataang dalaga ngayon ang may kasiya-siyang pribilehiyo ng paglilingkod bilang mga payunir, o buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian. Tunay, sila’y karapat-dapat bigyan ng kumendasyon bilang bahagi ng ‘malaking hukbo ng mga babaing naghahayag ng mabuting balita.’​—Awit 68:11.

13. Paano makikita sa halimbawa ni Pablo na ang di-pag-aasawa ay maaaring maging isang kasiya-siyang paraan ng buhay?

13 Napatunayan ni apostol Pablo na ang pagkawalang-asawa ay kapaki-pakinabang. Siya’y naglakbay ng libu-libong kilometro sa kaniyang ministeryo at dumanas ng maraming kahirapan, maraming panganib, mga gabing walang tulog, matinding gutom. (2 Corinto 11:23-27) Walang alinlangan, lahat na ito ay kaypala magiging lalong mahirap at nakahahapis kung si Pablo ay may asawa. Isa pa, marahil ay hindi siya nagkaroon kailanman ng kaniyang pribilehiyong iyon bilang “isang apostol sa mga bansa” kung siya’y may pamilya. (Roma 11:13) Sa kabila ng mga pagsubok na napaharap sa kaniya, si Pablo ay nagkaroon ng tuwirang ebidensiya na ang di-pag-aasawa ay maaaring maging isang kasiya-siyang paraan ng buhay.

Makabagong-Panahong mga Halimbawa

14. Anong mga karanasan ang tinamasa ng mga colporteur, na marami sa kanila ang di nag-asawa?

14 Katulad ni Pablo at ng mga iba pang sinaunang mga Kristiyano na walang asawa, marami sa mga lingkod ng Diyos na nakibahagi sa gawaing colporteur (mula 1881 pasulong) ang mga taong walang asawa at walang mga pamilya na sinusustentuhan. Sila’y kusang-loob na naparoon sa di nila kabisadong mga siyudad, mga bayan, at mga lugar sa kabukiran, na doo’y hinahanap nila yaong mga taong may mabubuting puso at nagpasakamay sila ng mga babasahin sa Bibliya. Ang paglalakbay ay sa pamamagitan ng tren, bisikleta, hila-ng-kabayong karuwahe, o awto. Malimit, sila’y masayang naglalakad sa pagbabahay-bahay. (Gawa 20:20, 21) “Kung minsan [ang literatura sa Bibliya] ay kanilang ipinagpapalit ng mga produkto na ani sa bukid, ng mga manok, ng sabon at marami pang iba, na kanilang ginagamit o ipinagbibili sa iba,” ang nagunita pa ng isang saksi ni Jehova, at isinusog niya: “Kung minsan, sa isang lugar na kakaunti ang mga bahay, sila’y nakikituloy nang magdamagan sa mga magsasaka at mga rantsero, at kung minsan ay natutulog pa nga sila sa mga mandala ng dayami . . . Ang mga tapat na ito [na karamihan sa kanila’y walang asawa] ay nagpatuloy sa taun-taon hanggang sa sila’y nagsitanda na.” Tunay, isa sa kanila’y nagsalita para sa mga sinaunang colporteur na iyon sa pangkalahatan nang siya’y sumulat: “Kami’y nasa kabataan at maligaya sa paglilingkuran, natutuwang gugulin ang aming lakas sa paglilingkod kay Jah.”

15. Para sa maraming mga payunir na walang asawa, anong pinto na patungo sa lalong malaking gawain ang nabuksan mga 45 taon na ngayon ang lumipas?

15 Marami sa mga payunir, o buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian, ang nitong mga dakong huli ay wala ring asawa. Malimit na sila’y nagpapatotoo sa mga liblib na lugar, tumutulong sa pagtatatag ng mga bagong kongregasyon, at sila’y nagtamasa ng iba pang mga pagpapala sa paglilingkod kay Jehova. Para sa iba sa kanila, isang nakatutuwang pinto na patungo sa lalong malaking gawain ang nabuksan nang ang Watchtower Bible School of Gilead ay nagsimula noong 1943 habang nagaganap pa noon ang Digmaang Pandaigdig II. (1 Corinto 16:9) Oo, marami sa mga payunir na iyon na wala pang asawa ang sinanay bilang mga misyonero sa Gilead School at hindi nagtagal kanilang pinalaganap ang mensahe ng Kaharian sa mga bagong teritoryo. Palibhasa’y wala silang mga pananagutan sa buhay di gaya ng mga may asawa, kanilang inihandog na kusa ang kanilang sarili sa paglilingkod kay Jehova, at ang iba sa gayong mga unang graduwado ay wala pa ring asawa at sila’y aktibo sa larangang misyonero o sa mga iba pang pitak ng buong-panahong paglilingkod.

16. Ano ang ebidensiya na ang walang asawang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay may isang kasiya-siyang paraan ng buhay bilang mga walang asawa?

16 Marami sa mga Kristiyanong walang asawa ang naglingkod nang maraming taon bilang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa punung-tanggapan ng Watch Tower Society o sa mga sangay nito saanman sa daigdig. Kanila bang napatunayan na ang di-pag-aasawa ay isang kasiya-siyang paraan ng buhay? Oo, totoo iyan. Halimbawa, isang kapatid na binata na nakapaglingkod na sa Brooklyn Bethel sa loob ng maraming taon ang nagsabi: “Ang kagalakan na makita mo ang milyung-milyong mga magasin at iba pang mga publikasyon na may mensahe ng Salita ng Diyos at nakararating hanggang sa kadulu-duluhan ng mundo ay sa ganang sarili isang kahanga-hangang gantimpala na.” Pagkaraan ng humigit-kumulang 45 mga taon ng paglilingkod sa Bethel, isa pang brother na walang asawa ang nagsabi: “Araw-araw sa panalangin ay hinihiling ko sa ating mahal na Ama sa langit na tulungan ako at bigyan ng karunungan upang makapanatili akong malakas sa espirituwal bukod sa malusog sa pisikal at malakas upang patuloy na magawa ko ang kaniyang banal na kalooban. . . . Tunay na nagtatamasa ako ng isang maligaya, kasiya-siya at pinagpalang pamumuhay.”

Pananatiling Malinis Bilang Walang Asawa

17. Ano ang dalawang pantulong upang ang isa ay makapanatiling malinis bilang walang asawa?

17 Ang pamumuhay na walang asawa ay kasiya-siya at ito’y mahahalata buhat sa mga halimbawa na nasa Bibliya at sa modernong panahon. Kung sa bagay, anumang yugto ng iyong buhay ang ginugol mo sa kalagayang pagkawalang-asawa, kailangan na ikaw ay ‘manatiling matatag sa iyong puso.’ (1 Corinto 7:37) Subalit ano ang makatutulong sa iyo upang manatiling malinis habang wala kang asawa? Ang pinakadakilang Bukal na makukunan ng tulong ay si Jehova, ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kaya’t ugaliin na manalangin sa kaniya nang malimit. “Maging matiyaga sa panalangin,” na hingin ang espiritu ng Diyos at ang kaniyang tulong sa pagpapakita ng mga bunga nito, na kasali na riyan ang kapayapaan at pagpipigil sa sarili. (Roma 12:12; Lucas 11:13; Galacia 5:22, 23) Gayundin naman, taglay ang saloobin na nakahilig sa panalangin, palagiang bulaybulayin ang payo ng Salita ng Diyos at sa tuwina’y ikapit ito.

18. Paanong ang 1 Corinto 14:20 ay may kaugnayan sa pananatili ng isa na malinis bilang isang taong walang asawa?

18 Ang isa pang tulong sa pananatiling malinis bilang walang asawa ay ang iwasan ang anuman na pupukaw ng silakbo ng damdamin sa sekso. Maliwanag, kasali na rito ang pornograpya at masagwang libangan. Sinabi ni Pablo: “Magpakasanggol kayo sa kasamaan; gayunma’y sa kapangyarihang umunawa ay magpakatao kayong lubos.” (1 Corinto 14:20) Huwag maghangad ng kaalaman o ng karanasan tungkol sa masama, kundi sa tulong ng Diyos ikaw ay manatiling musmos at walang malay na gaya ng isang sanggol sa bagay na ito. Kasabay nito, tandaan na ang seksuwal na imoralidad at ang gawang masama ay di-nararapat sa paningin ni Jehova.

19. Anong mga Kasulatan ang bumabanggit ng iba pang mga paraan upang ang isa’y makapanatiling malinis bilang isang taong walang asawa?

19 Ikaw ay matutulungan din na manatiling malinis bilang isang taong walang asawa sa pamamagitan ng pag-iingat sa kung sino ang iyong mga kahalubilo. (1 Corinto 15:33) Iwasan ang pakikihalubilo sa mga taong sekso at pag-aasawa ang ginagawang mga pangunahin sa kanilang buhay at mga usap-usapan. Sa lahat ng paraan ay iwasan ang mahalay na pagbibiro! Ang payo ni Pablo: “Ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat, kundi bagkus kayo’y magpasalamat.”​—Efeso 5:3, 4.

Isang Kasiya-siyang Kinabukasan

20. Kung ang mga taon na ang isang tao’y walang asawa ay gagamiting sa pinakamagaling na paraan sa paglilingkod kay Jehova, ano ang ibubunga niyaon?

20 Kung ang iyong mga taon bilang isang Kristiyanong walang asawa ay gagamitin mo sa pinakamagaling na paraan sa paglilingkod kay Jehova ito’y magdadala sa kasalukuyan ng kasiyahan at ng kapayapaan ng isip. Ang paggawa ng gayon ay may bahagi rin sa iyong espirituwal na pagkamaygulang at katatagan. Kung ikaw ay mananatiling walang asawa alang-alang sa Kaharian hanggang sa katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay, hindi kalilimutan ni Jehova ang iyong pagsasakripisyo sa sarili sa banal na paglilingkod sa kaniya.

21. Kung mag-aasawa ka na pagkatapos ng isang panahon ng pananatiling malinis at ng kasiya-siyang pagkabinata o pagkadalaga, ano ang malamang na taglay mo?

21 Kung masugid na itataguyod mo ang mga kapakanan ng Kaharian bilang isang binata o dalaga, ikaw ay magtatamasa ng maraming pagpapala. (Kawikaan 10:22) At kung magkagayon kapag mag-aasawa ka na sa bandang huli, ikaw ay papasok sa pag-aasawa na taglay ang lalong malaking karanasan at mayamang espirituwal na pagsasanay. Gayundin, sa pagsunod sa payo ng Kasulatan, ikaw ay pipili ng isang nag-alay na kabiyak na nag-iingat ng katapatan at tutulong sa iyo na maglingkod sa Diyos ng buong katapatan. Samantala, masusumpungan mo na ang di-pag-aasawa ay isang kasiya-siyang paraan ng buhay sa paglilingkod sa ating maibiging Diyos, si Jehova.

Paano Mo Sasagutin?

◻ Sa mga lingkod ni Jehova, ano ang mga ilang gantimpala ng kalinisan bilang isang walang asawa?

◻ Anong mga halimbawa sa Kasulatan ang nagpapakita na ang di-pag-aasawa ay maaaring maging kasiya-siya?

◻ Sa modernong panahon, tayo’y mayroon ng anong mga halimbawa ng kasiya-siyang buhay bagaman di nag-aasawa?

◻ Ano ang makatutulong sa isang Kristiyano upang manatiling malinis bagaman walang asawa?

[Kahon sa pahina 19]

Mga Pantulong sa Pananatiling Malinis Bilang Walang Asawa

◆ Regular na manalangin upang humingi ng espiritu ng Diyos at ng kaniyang tulong sa pagpapakita ng bunga niyaon

◆ Pag-isipan at laging ikapit ang payo ng Salita ng Diyos

◆ Iwasan ang pornograpya at ang imoral na libangan

◆ Mag-ingat sa iyong mga kahalubilo

◆ Iwasan ang di-kanais-nais na pangungusap at masagwang pagbibiro

[Mga larawan sa pahina 18]

Napatunayan ng anak na dalaga ni Jephte, ni apostol Pablo, at ng iba pang mga lingkod ni Jehova na ang di-pag-aasawa ay isang kasiya-siyang paraan ng buhay. Kumusta ka naman?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share