Ang Halaga ng Pag-awit sa Tunay na Pagsamba
MAGUGUNIGUNI mo ba ang isang daigdig na walang awitin? Kailanma’y hindi mo na muling maririnig ang masayang awitan ng mga bata o ang malambing na tinig ng ibong nightingale o ng bellbird? Hindi na maririnig ang kaiga-igayang alik-ik ng magpie o ang halakhak ng isang kookaburra? Nakatutuwa naman, ito ay hindi kailanman mangyayari. Subalit ang gayong pagninilaynilay ay nagtatampok lamang ng isa sa maraming regalo ng Diyos sa tao: ang regalong pag-awit.
Si Jehova ay Isang Diyos ng Awit
Bakit baga ang pag-awit ay nakalulugod at nakagagalak sa atin? Unang-una, si Jehova mismo ay naliligayahan at nagagalak sa mga awit ng papuri ng kaniyang mga nilikha. Naguguniguni mo ba ang okasyon nang ang lahat ng mga anghel ay humiyaw sa kagalakan dahil sa kagandahan ng mga paglalang ni Jehova sa lupang ito? O naguguniguni mo ang ikaw ay parang naengkanto kasama ng mga pastol noong gabi ng taglagas nang si Jesus ay isilang bilang tao, samantalang isang malaking pulutong ng mga anghel ay nagsisiawit ng: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kataas-taasan”?—Lucas 2:13, 14; Job 38:7.
Ang isang paraan na sa pamamagitan niyao’y ipinakita ni Jehova na siya’y isang Diyos ng awit ay nang sa Israel ay gawin niyang bahagi ng tunay na pagsamba ang pag-awit. Nang maglaon, muli na namang isiniwalat ng Diyos ang malapit na pagkakaugnayan ng pag-awit at ng tunay na pagsamba sa pangitain na ibinigay kay apostol Juan sa Apocalipsis. Sa isang makahulang eksena isang napakalaking pangkat ng mga korista—144,000—ang nagsisiawit ng isang napakagandang bagong awit sa harap ng trono ng Diyos.—Apocalipsis 14:3.
Ang Pag-awit Bago Nang Panahong Kristiyano
Dahil sa maningning at kagila-gilalas na mga gawa ng Diyos ay nagkaroon ng inspirasyon ang kaniyang makalupang mga lingkod upang bumulalas ng awit. Damhin ang nakapupukaw na epekto sa mga Israelita ng pag-awit hindi nagtagal pagkatapos na sila’y kahima-himalang iligtas sa pagkaalipin sa Ehipto. Ang mga puso nina Moises at ng kaniyang mga kapuwa Israelita ay naantig ang damdamin samantalang kanilang inaawit ang awit ng tagumpay na muling naglalahad ng ginawa ni Jehova kay Faraon at sa kaniyang mga hukbo.—Exodo 15:1-21.
Nang may dakong huli sa kasaysayan ng Israel, ang makasaysayang araw ay sumapit nang, sa ilalim ng pangunguna ni Haring David, ang kaban ng tipan ay ilalagay sa loob ng pantanging itinagong tabernakulo niyaon. Isang makasaysayang okasyon nga! Hindi lamang ang pambihirang pag-aawitan kundi ang nakapupukaw-kaluluwang pagsaliw ng orkestra ang lalong nagpaningning sa araw na iyon.—1 Cronica 16:4-36.
Dahil sa si David ay mahilig sa musika at mahusay tumugtog sa alpa siya’y naging lalong masugid ng pagtataguyod ng musika at pag-awit sa tunay na pagsamba. Sa Awit 33:1, 3, maririnig natin ang kaniyang mapusok na pananawagan sa mga sumasamba kay Jehova upang sila’y magsiawit nang malakas sa Diyos ng kanilang buong puso: “Magsiawit kayong may kagalakan, Oh kayong mga matuwid, dahilan kay Jehova. . . . Gawin ang inyong pinakamagaling sa pagtugtog sa mga panugtog na de-kuwerdas kasabay ng masayang pag-awit.”
Pag-awit Noong mga Panahong Kristiyano
Noong maagang mga panahong Kristiyano, ang pag-awit ay gumanap din ng prominenteng bahagi sa tunay na pagsamba. Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay nagsiawit na sama-sama pagkatapos ng hapunan mga ilang saglit lamang bago namatay si Jesus. (Marcos 14:26) Sa bilangguan si Pablo at si Silas ay umawit nang malakas upang marinig ng lahat. (Gawa 16:25) Katulad ni David si apostol Pablo ay masigla rin tungkol sa paggamit ng awit. Hindi lamang minsan, kaniyang hinimok ang mga kapananampalataya na umawit ng mga awit ng papuri kay Jehova.—Efeso 5:18, 19; Colosas 3:16.
Sa kasalukuyang-panahon ng pagsambang Kristiyano, prominente rin ang pag-awit. Noong 1905 ang aklat na Hymns of the Millennial Dawn ay inilathala. Sa titulong pahina ay tinutukoy nito ang 333 mga awit bilang “Isang Pilíng Koleksiyon ng mga Salmo at mga Himno at mga Espirituwal na Awit Upang Tumulong sa Bayan ng Diyos sa Pag-awit at Pag-aawitan sa Kanilang mga Puso sa Panginoon.”
Pagkatapos noong 1928 isang rebisadong aklat-awitan na may 337 mga awit ang inilabas. Ito’y tinawag na Songs of Praise to Jehovah, at ang pambungad nito ay nagsasabi: “Ang mga Awit na ito ay masusumpungan na kasuwato ng mga banal na katotohanan na ngayo’y napapanahon na na maunawaan.” Gayunman, habang lumalakad ang mga taon at sumusulong ang liwanag ng katotohanan, nagliwanag na ang iba sa mga awit na ito ay naimpluwensiyahan ng kaisipan ng huwad na relihiyon. Isa pa, mga awiting pang-Kaharian na magpapatibay-loob para sa pangangaral ng mabuting balita ang kailangan noon, samantalang napapatampok nang higit pa ang pagpapahayag sa madla.—Mateo 24:14; Hebreo 13:15.
Noong 1944 ang Kingdom Service Songbook ay inilabas, at ito’y may 62 mga awit. Pagkatapos ng dalawang dekada, noong 1966, ang aklat na Nag-aawitan at Sinasaliwan ang Inyong Sarili ng Musika sa Inyong mga Puso ay inilabas. Ito’y may 119 na mga awit pang-Kaharian na sumasaklaw sa bawat pitak ng pamumuhay at pagsamba ng Kristiyano, kasali na ang aktibong pagpapatotoo sa iba at ang pagpuri sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus.
Halos dalawampung taon na rin ang nakalipas sapol noon, at sa loob ng panahong yao’y patuloy na sumusulong ang liwanag ng katotohanan. (Kawikaan 4:18) Nakita noon ang pangangailangan ng isa pang aklat-awitan. Kaya noong 1984 ay inilabas ang aklat-awitan na pinamagatang Umawit ng mga Papuri kay Jehova. Ito’y may 225 mga awit sa Kaharian, na ang mga salita at ang musika ay walang ibang kumompuwesto kundi nag-alay na mga lingkod ni Jehova buhat sa lahat ng panig ng mundo.
Gamitin Nang Puspusan ang Teokratikong Pag-awit
Ang larawan na nasa magkabilang panig ng pabalat ng pinakabagong aklat-awitang ito ay nagpapasigla sa atin na gamitin nang puspusan ang teokratikong pag-awit sa mga pulong Kristiyano. Ang mga sinanay na mga mang-aawit sa templo na nakalarawan doon ay malinaw na nag-aangat ng niloloob ng kanilang mga puso at ng kanilang mga tinig sa pag-awit sa Diyos.—1 Cronica 25:7.
Tayo rin naman ay maaaring umawit din nang ganoon sa ating mga pulong Kristiyano, na ibinubuka ang ating mga bibig at umaawit buhat sa ating mga puso. Subalit, hindi lahat sa atin ay gumagawa niyan. Marahil dahil sa pride ay hindi natin nalalasap ang kagalakan ng pag-awit kay Jehova nang hindi nahihiya, anumang klase ng boses mayroon tayo. Baka naman tayo’y labis na nag-aalala sa impresyon na marahil ay sumasaisip ng mga katabi natin. Ganiyan din ang problema ni Moises noon—hindi naman sa pag-awit kundi sa pagsasalita. Ang kasagutan sa kaniya ni Jehova ay baka tumulong sa atin kung sakaling tayo ay nahihiyang sumali sa pag-awit dahilan sa kulang tayo ng kakayahan. Tinanong ni Jehova si Moises: “Sino ba ang nagbigay ng bibig sa tao? . . . Hindi ba ako, si Jehova?” (Exodo 4:11) Tiyak iyan, malugod na makikinig si Jehova samantalang ginagamit natin ang anumang abilidad na ibinigay niya sa atin upang awitin nang malakas ang pagpuri sa kaniya!
Pag-isipan din naman kung paanong si Pablo at si Silas ay nagsiawit nang malakas nang sila’y nakabilanggo. Hindi sila nahiya, at wala namang instrumentong sumaliw sa kanila, wala sila kahit aklat-awitan na susundin. Gunigunihin ang okasyong iyon: “Subalit noong may kalaliman na ng gabi si Pablo at si Silas ay nananalangin at nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit; oo, ang mga bilanggo ay nakikinig sa kanila.” (Gawa 16:25) Ito ba’y dahil sa si Pablo o si Silas ay may sinanay na mga tinig sa pag-awit? Hindi naman. Ang pangunahing layunin nila ay umawit nang malakas at bukal sa puso! Ano ba ang ating pangunahing layunin pagka umaawit tayo ng mga awit ng papuri?
Lahat Tayo’y Susulong Pa
Ang payo ng musikong si David ay angkop dito: “Gawin ang inyong pinakamagaling sa pagtugtog sa mga panugtog na de-kuwerdas kasabay ng masayang pag-awit.” (Awit 33:3) Iyan ang inaasahan ni Jehova sa lahat ng kaniyang mga lingkod—walang labis, walang kulang kundi ‘gawin ang ating pinakamagaling.’ Kung ganiyan ang gagawin natin, maaasahan natin na pagpapalain ni Jehova ang ating pagpapagal, at sa ating ikalulugod—at kung minsan ito’y isang sorpresa sa atin—malamang na tayo’y huhusay pa.a
Narito ang ilang mga praktikal na mungkahi na makatutulong upang mapahusay pa ang inyong pag-awit: Subukin na makinig nang madalas sa mga bagong awiting pang-Kaharian, na ginagamit ang tapes sa musika o ang mga isinaplakang awitin kung posible ito. Para sa iba, ang pag-awit ng mga awitin sa tahanan o sa maliliit na mga pagtitipon kasama ng mga kapananampalataya ay naging kapaki-pakinabang at nakalulugod. Sa mga pulong ng kongregasyon ay mahalaga na ang kasaliw na musika ay tugtugin nang may sapat na lakas upang marinig ng lahat ng mga nagsisiawit. Kaya naman mas madali na sundan ang tono at magkaroon ng higit na pagtitiwala ang mga nagsisiawit. Dapat sabihin ng nangunguna ang tema ng awit, banggitin pa mandin ang pagiging angkop niyaon, hindi lamang ang bilang ng awit.
Mga magulang, hinihimok ba ninyo ang inyong mga anak na umawit ng mga awiting pang-Kaharian nang may kasiglahan at bukal sa kanilang mga puso? Ang mga pami-pamilya na nagpapatibay-loob sa kanilang mga anak na umawit nang bukal sa puso, at taglay ang unawa, ay makaibayong nakapagpapatunay na ang gayong pag-awit ay isang mainam na tulong sa espirituwal na paglaki.
Marami ang Pakinabang
Marami ang pakinabang sa pag-awit nang malakas at nang bukal sa puso. Ang ating personal na pagkasangkot sa pangmadlang pagsamba ay nagiging lalong matatag. Ang mga nakatayong malapit sa atin ay napatitibay-loob na umawit nang lalong malakas pagka kanilang narinig ang ating pag-awit nang hindi tayo nahihiya. Ang buong kongregasyon ay nakikinabang din, sapagkat ang malakas na pag-awit ay nakahahawa!
Isa pa, ang masiglang pag-awit ay nagbibigay ng mainam na patotoo sa mga noon lamang nakadalo sa ating mga pulong. Ang mga taong nadaraan sa ating mga Kingdom Hall, pati na rin ang mga kapitbahay na naninirahan sa karatig, ay humahanga sa ating mainam na pag-awit, tiyak na gaya rin ng mga ibang bilanggo na nakarinig kina Pablo at Silas. At ang resulta nito’y naakay ang mga ibang tagapakinig na magnais na higit pang makaalam ng katotohanan.
Lalong mahalaga, ang ating higit pang napahusay na pag-awit ay magdadala ng lalong malaking kapurihan kay Jehova, ang Pinagmulan ng musika at pag-awit, ang isa na karapat-dapat purihin sa awit higit sa lahat ng mga iba pa.
[Talababa]
a Ang ilan sa mga pinakabagong awit ay marahil medyo mahirap para sa atin na awitin sa pasimula, subalit pagkatapos na maging kabisado natin ang mga ito, iyan ay nagiging mga paborito naman natin. Halimbawa, nang lumabas ang nauna ritong aklat-awitan, ang awit 88, “Pananatili sa Katapatan,” ay hindi nagustuhan sa isang bansa, subalit nang bandang huli ay naging paborito ito.