Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Bakit kakaunti-kaunti ng mga Saksi ni Jehova ang nakikibahagi sa tinapay at alak sa taunang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon?
Ito’y dahilan sa ang mga Saksi ni Jehova, kakaiba sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ay naniniwala sa turo ng Bibliya na isang maliit lamang na bilang ng mga tao ang magkakamit ng buhay sa langit at ang natitirang bahagi ng tapat na mga lingkod ng Diyos ay gagantimpalaan ng buhay na walang-hanggan sa lupa.
Ang mga relihiyon ay malaon nang nagtuturo na ang langit ang pinaka-gantimpala para sa lahat ng makalulugod sa Diyos; ang mga iba pa ay pupunta sa apoy ng impierno. Iba naman ang sinasabi ng Bibliya. Malinaw na ipinakikita ng Kasulatan na ilan lamang sa mga tao, tulad baga ng mga apostol, ang maghaharing kasama ni Kristo sa langit. Sinabi ni Jesus na ang mga ito ay isang “munting kawan.” Sang-ayon sa Bibliya sila ay may bilang na 144,000. (Lucas 12:32; Apocalipsis 14:3, 4) Marami na naglingkod nang may katapatan kay Jehova at tumanggap ng kaniyang pagsang-ayon ang namatay bago binuksan ni Jesus ang daan patungo sa makalangit na buhay. (Mateo 11:11; Hebreo 10:19-21) At pagkatapos na piliin ang “munting kawan,” angaw-angaw na mga iba pa ang naging mga tunay na Kristiyano. Para sa lahat ng tapat na mga ito na hindi kabilang sa “munting kawan,” ang pag-asang ibinibigay ng Bibliya ay buhay na walang-hanggan sa isinauling makalupang paraiso. (Awit 37:20, 29; Apocalipsis 21:4, 5) Subalit bakit ang gayong mga tao ay hindi rin nakikibahagi sa tinapay at alak? Ipinakita ni Jesus na ang pakikibahagi sa mga emblema sa panahon ng Hapunan ng Panginoon ay para lamang sa mga tinawag para sa buhay sa langit, yaong mga kasali sa bagong tipan.
Mangyari pa, ang pananampalataya sa hain ni Jesus ay mahalaga para sa lahat ng magtatamo ng kapatawaran ng Diyos at ng buhay na walang-hanggan, maging buhay man sa langit o buhay sa isang lupang paraiso. Ipinakita ito ni Jesus sa Juan 6:51-54: “Ako ang tinapay na buháy na bumababang galing sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman; . . . ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan [ng mga taong maaaring tubusin] . . . Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang-hanggan.”
Gayunman, kapuna-puna na ang mga salitang iyan ay hindi lamang sa kaniyang mga alagad sinalita ni Jesus. Kinabukasan pagkatapos na kaniyang makahimalang pakainin ang libu-libo, ang karamihan ng tao ay naparoon kay Jesus sa lugar na sakop ng Capernaum. Ang karamihang ito ay nakausap niya at kasali sa usapang iyon ang kaniyang mga sinabi sa Juan 6:51-54. Samakatuwid si Jesus ay hindi lamang sa kaniyang mga alagad nakikipag-usap nang kaniyang sabihin na siya ang makasagisag na “tinapay na bumababang galing sa langit” na makapagbibigay ng higit na mananatiling buhay kaysa manna na kinain sa iláng.—Juan 6:24-34.
Sa pagsasaalang-alang ng sinaunang karanasang iyan sa iláng, gunitain yaong mga lumabas sa Ehipto patungo sa iláng. Iyon ay mga ‘lalaking naglalakad, bukod sa mga bata, at isang malaking haluang karamihan.’ (Exodo 12:37, 38; 16:13-18) Sa “haluang karamihan” na ito ay kasali ang mga Ehipsiyo na nag-asawa ng mga Israelita at iba pang mga Ehipsiyo na sumama sa Israel. Kapuwa ang mga Israelita at ang “haluang karamihan” ay nangailangan ng manna upang manatiling buháy. Ang “haluang karamihan,” baga, ay mayroon ding kaparehong pag-asa na gaya ng mga Israelita? Wala, wala sila ng gayong pag-asa. Kahit na sila’y sumasamba na gaya ng mga Israelita at makaaasang papasok sa Lupang Pangako, sila ay hindi maaaring maging mga hari o mga saserdote sa ilalim ng tipang Kautusan. Samakatuwid ang pagkain sa literal na manna sa iláng ay hindi nagbigay sa lahat ng parehong mga pag-asa.
Ito ay isang pagkakaiba na dapat tandaan samantalang binubulaybulay mo ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad mga isang taon pagkatapos na salitain niya ang nasa Juan 6:51-54. Sa huling okasyong ito, inilalarawan ni Jesus ang isang bagong selebrasyon na gumagamit ng aktuwal na tinapay at alak na sasagisag sa kaniyang laman at dugo. Samantalang kaniyang itinatatag ang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon, sinabi ni Jesus sa kaniyang matalik na mga tagasunod: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.” Sa maliit na grupo ring iyon ng mga apostol, kaniyang isinusog: “Kayo yaong mga nagsipanatili sa akin sa mga pagsubok sa akin; at ako’y gumagawa ng isang tipan sa inyo, gaya ng aking Ama na gumawa ng isang tipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo’y magsikain at magsiinom sa aking mesa sa aking kaharian, at maupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.”—Lucas 22:20, 28-30.
Punahin buhat sa mga huling salitang ito na ang mga kakain ng aktuwal na tinapay at iinom ng aktuwal na alak bilang mga emblemang sumasagisag sa katawan at dugo ni Jesus ay ang mga alagad na nasa “bagong tipan.” Sila’y makakasali rin sa isa pang tipan, yaong ginagawa sa kanila ni Jesus upang sila’y makasama niya sa paghahari ‘sa kaniyang kaharian.’ Maliwanag, ang tinutukoy rito ni Jesus ay yaong mga ‘gagawing isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at kanilang paghaharian ang lupa.’ (Apocalipsis 5:10) Noong unang siglo, sinimulan ng Diyos ang pagpili sa 144,000 na makikibahagi sa makalangit na Kaharian. Ang mga Kristiyano sa Corinto ay kabilang sa grupong iyan, sapagkat sila’y tinukoy na mga “inaring-banal kaisa ni Kristo Jesus, tinawag na maging mga banal.” (1 Corinto 1:2; ihambing ang Roma 1:7; 8:15-17.) Ang gayong “mga banal” ay inilaan na makibahagi sa Hapunan ng Panginoon, nakikibahagi nang may pagpapahalaga sa emblemang tinapay at gayundin sa alak na tumutukoy sa “bagong tipan sa bisa ng [kaniyang] dugo.”—1 Corinto 11:23-26.
Sa ngayon isang munting nalabi lamang ng mga pinili ng Diyos para sa makalangit na buhay ang natitirang buháy pa sa lupa. Sila lamang na nasa “bagong tipan” ang awtorisado na makibahagi sa mga emblema, ang tinapay at ang alak, sa taunang selebrasyon ng Memoryal.
Mangyari pa, lahat ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon na umaasang mabubuhay sila magpakailanman sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay nakakaalam na ito ay posible sa pamamagitan ng pananampalataya sa hain ni Jesus. Gaya ng sinabi ni Jesus sa karamihan, siya “ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit.” (Juan 6:51) Subalit, hindi ibig sabihin niyan na yaong mga may makalupang pag-asa ay dapat makibahagi sa literal na mga emblema sa Memoryal, yamang sila’y hindi kasali sa “bagong tipan,” ni sila man ay nakipagtipan kay Jesus upang makasali ‘sa kaniyang kaharian, na nakaluklok sa mga trono.’
Kaya naman, ang malaking grupong ito na may makalupang mga pag-asa ay hindi nakikibahagi sa mga emblema, ang tinapay at ang alak. Subalit ito’y hindi nangangahulugan na kulang sila ng pananampalataya o pagpapahalaga sa katawan at dugo ni Jesus. Sa katunayan, dahilan sa kanilang matinding pagpapahalaga sa kaniyang inihandog na hain at sa nakalulugod na makalupang pag-asa na nakaharap sa kanila, sila ay tiyakang presente taun-taon bilang magalang na mga tagapagmasid sa selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon. Sa ganitong paraan, kanilang ipinakikita ang kanilang sariling pananampalataya at nagbibigay sila ng maligayang patotoo na ang nalabi ng “munting kawan” at ang lubhang karamihan ng “mga ibang tupa” ay masiglang nagkakaisa.—Juan 10:16.