Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 5/1 p. 26-29
  • Ang Ikaanim na Kapangyarihan ng Daigdig—Roma

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Ikaanim na Kapangyarihan ng Daigdig—Roma
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Hukbong Romano
  • Ang Romanong mga Daan at mga Titulo
  • Ang Imperyo at ang Kristiyanismo
  • Ang mga Cesar
  • Paglubog ng Imperyong Romano
  • Roma
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Nagbago ng Pagkakakilanlan ang Dalawang Hari
    Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!
  • Cesar
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Imperyo ng Roma
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 5/1 p. 26-29

Ang Ikaanim na Kapangyarihan ng Daigdig​—Roma

Ang Imperyong Romano ang naghahari nang panahon ng pagsisimula ng Kristiyanismo. Ang higit na kaalaman sa sinaunang Roma ay tutulong sa iyo na maunawaan ang mga kalagayan nang nangangaral si Jesus at ang klima na umiiral nang ang Kristiyanismo ay pinalalaganap ng kaniyang mga unang alagad sa kilalang daigdig noon.

ANG Roma, na ikaanim na kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ang nagpupuno nang si Jesus ay isilang at nang nangangaral ang kaniyang mga apostol. Ang Gresya, na naunang kapangyarihan ng daigdig, ang nagbigay ng isang wikang pandaigdig na sa pamamagitan niyao’y mapalalaganap ang turong Kristiyano sa buong bahaging iyon ng daigdig​—ang Koine, o karaniwan, na Griego. Ngayon ang Roma ang nagbigay ng mga kalagayan at ng mga daan na nakatulong sa mabilis na paglaganap ng katotohanang Kristiyano.

Ang Roma, dating isang maliit na siyudad sa Latium, Italya, ay lumago hanggang sa maging tagapamahala ng pinakamalaking imperyo ng daigdig noong sinaunang mga panahon na tinutukoy ng Bibliya. Sa pasimula, ito’y lumawak upang masakop ng pamamahala ang peninsula ng Italya. Nagapi nito ang makapangyarihang Cartago sa hilagang baybayin ng Aprika. Ang Espanya, Macedonia, at Gresya ay sumailalim ng pamamahala nito. Pagkatapos ay nabihag nito ang Jerusalem noong 63 B.C.E. at kaniyang ginawang lalawigang Romano ang Ehipto noong 30 B.C.E. Sa kasukdulan nito, ang makapangyarihang imperyong ito ay may lawak na mula sa Britaniya hanggang sa Ehipto at mula sa Portugal hanggang sa Mesopotamia, ang lupain ng sinaunang Babilonya. Lubusang napalibutan nito ang Mediteraneo, na tinatawag nito na Mare Nostrum (Aming Karagatan).

Maraming mga kaguhuang Romano ang maaari pa ring dalawin sa buong nasasakupan ng malawak na imperyong iyan. Makikita mo ang Hadrian’s Wall sa Britaniya, ang kahanga-hangang kanal sa Segovia sa Espanya, ang teatrong Romano sa Orange, at ang arena sa Arles (kapuwa nasa timugang Pransiya). Makapamamasyal ka sa walang imik na mga kaguhuan ng Ostia Antica, malapit sa Roma, at manggigilalas ka sa sinaunang Pompeii, nasa timog ng Naples. Sa Roma ay maguguniguni mo ang nagsasayang mga pulutong sa Colosseum at makikita mo ang Arko ni Tito na nagpapagunita ng kaniyang pagwawasak sa Jerusalem at sa templo niyaon noong 70 C.E., inihula ni Jesus mahigit na 35 taon bago mangyari.

Sa sinaunang Roma ang mayayaman ay may malalaking sambahayan, may mga utusan at mga alipin na kung minsan ay umaabot sa mga daan-daan. Ang mga dukha ay nagsisiksikan sa maraming palapag na mga gusali na hanay-hanay sa marurumi at balu-baluktot na mga kalye. Kakaunti-kaunti ang matatawag na uring nakaririwasa. Ang Estado ay naglaan ng libreng alawans sa trigo at sa libangan upang ang mga dukha ay huwag magbangon ng gulo. Mga buwis na sinisingil sa mga lalawigan ang itinutustos sa mga gastos na ito.

Ang Hukbong Romano

Ang bantog na hukbong Romano ay binubuo ng mga ilang lehiyon. Bawat lehiyon, na binubuo ng 4,500 hanggang 7,000 mga lalaki, ay isang buong hukbo sa ganang sarili. Ang komander nito ay sa emperador tanging may pananagutan. Ang isang lehiyon ay baha-bahagi sa 60 senturyo, karaniwan nang binubuo ng isang daang lalaki bawat isa. Ang senturyo ay nasa ilalim ng pangungulo ng isang senturyon, tinatawag na isang “army officer” sa New World Translation. Isang senturyon na may kapamahalaan sa apat na kawal ang may pananagutan sa kamatayan ni Jesus at siya, nang masaksihan niya ang mga pangyayari at ang mga himala na kasabay ng kamatayan ni Jesus, ay nagsabi: “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.” (Mateo 27:54; Juan 19:23) Isa ring senturyon si Cornelio, ang unang-unang di-tuli na di-Judio na naging Kristiyano.​—Gawa 10:22.

Ang mga lehiyon ay mayroong mga istandarte, maaaring mga imahen o mga simbolo na kahoy o metal, na nagsilbi sa layunin na kahawig ng layunin ng modernong mga bandila. Palibhasa’y itinuturing na sagrado, ang mga ito ay binabantayan at ang nakataya ay buhay ng tao. Ang Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang mga istandarteng Romano ay binabantayan na taglay ang mistulang pagsamba sa mga iyon sa mga templo ng Roma. Hindi pambihira para sa isang heneral na mag-utos na ang isang istandarte ay ihagis sa hanay ng kaaway, upang lalong magsumigasig ang kaniyang mga kawal sa pamamagitan ng pagpukaw sa kanila na bawiin ang sa kanilang palagay ay siyang pinakasagradong bagay na taglay sa lupa.”

Ang Romanong mga Daan at mga Titulo

Ang nasakop na mga bansa ay pinagkatnig-katnig ng Roma upang maging isang pandaigdig na imperyo. Ito’y naglaan ng mga daan upang lahat ng parte ng imperyong ito ay marating. At ang mga tao naman ay nangaglakbay! Tingnan lamang ang listahan ng mga lugar na pinanggalingan ng mga tao na naparoon sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes ng 33 C.E. Sila’y nanggaling sa Media doon sa malayong hilagang-silangan, sa Roma at Hilagang Aprika sa malayong kanluran, at sa maraming lugar sa pagitan.​—Gawa 2:9-11.

Marami sa mga ruta na itinatag ng mga Romanong tagapagtayo ng daan ang ginagamit pa rin sa ngayon. Sa timog ng Roma, puwede kang magmaneho sa gilid ng sinaunang Appian Way, na dito dumaan si apostol Pablo upang makapasok sa Roma. (Gawa 28:15, 16) Naging kasabihan na na ang mga daan sa Roma ang “nagsilbing pasilidad para sa biyahe sa katihan na wala pang nakakadaig hanggang sa mauso ang riles.”​—The Westminster Historical Atlas to the Bible.

Sa pamamahala sa kanilang malawak na imperyo, malimit na sinusunod pa rin ng mga Romano ang lokal na mga kaugalian. Sa gayon, ang mga awtoridad sa iba’t ibang lugar ay nakilala sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang pangalan o titulo. Sa Modern Discovery and the Bible, sinasabi ni A. Rendle Short na kahit “ang kinikilalang mga historyador Romano” ay hindi susubok na “bigyan ang lahat ng mga namiminunong ito ng kanilang tamang denominasyon.” Gayunman, kaniyang sinasabi na ang manunulat ng Bibliyang si Lucas ay “sa tuwina nangyayari na magtamo ng lubos na kawastuan” sa bagay na ito. Halimbawa, si Herodes ay tinatawag ni Lucas na isang “tetrarka,” si Herodes Agrippa ay tinatawag niya na isang “hari,” ang mga opisyal naman sa Tesalonica ay tinatawag na “politarchs,” at si Sergius Paulus, gobernador ng Cyprus, ay “prokonsul.” (Lucas 3:1; Gawa 25:13; 17:6; 13:7; tingnan ang talababa ng New World Translation Reference Bible.) Kung minsan ay wala kundi isang barya na natagpuan dito o isang nakasulat doon na nagpapatunay na ginamit ng manunulat ng Bibliyang ito ang tamang titulo sa tamang panahon. Ang gayong pag-iingat at kawastuan ay isa pang karagdagang ebidensiya ng katotohanan ng pagkasulat ng Bibliya sa makasaysayang mga katotohanan ng buhay at mga panahon ni Jesu-Kristo.

Ang Imperyo at ang Kristiyanismo

Isang maunlad na kongregasyong Kristiyano ang umiral sa Roma. Malamang na iyon ay itinayo niyaong mga nagsibalik sa Roma pagkatapos na tanggapin nila ang Kristiyanismo sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes 33 C.E. (Gawa 2:10) Sa Bibliya ang aklat ng mga taga-Roma ay isinulat sa kongregasyong ito noong humigit-kumulang taóng 56 C.E. Nang bandang huli, si Pablo ay dumating sa Roma na isang preso, at sa loob ng dalawang taon siya ay nagbigay ng lubusang patotoo sa mga tao na dumadalaw sa kaniya sa bahay na pinagkulungan sa kaniya. Sa gayon, ang mga kabilang sa Bantay ng Pretoryo ng emperador ay nakaalam ng pabalita ng Kaharian, at maging ang mga nasa “sambahayan ni Cesar” ay naging mga Kristiyano.​—Filipos 1:12, 13; 4:22.

Mga kaugalian, batas, at mga regulasyon ng Imperyong Romano ay kalimitang binabanggit sa Bibliya. Sa utos ni Augusto ay naparoon si Jose at si Maria sa Bethlehem, at dito isinilang si Jesus. Sinang-ayunan ni Jesus ang pagbabayad ng buwis na hinihiling ni Cesar. Ang mga saserdoteng Judio ay nagkunwaring sumusunod kay Cesar upang maipapatay si Jesus. At sa ilalim ng batas Romano, ang kaso ng Kristiyanong apostol na si Pablo ay iniapela niya kay Cesar.​—Lucas 2:1-6; 20:22-25; Juan 19:12, 15; Gawa 25:11, 12.

Ang kagayakan ng isang kawal Romano​—ang kaniyang turbante, baluti, kalasag, mga paang may panyapak, at tabak​—ay ginamit upang ipaghalimbawa ang kahalagahan ng katotohanan, ang pag-asa ng kaligtasan, katuwiran, pananampalataya, pangangaral ng mabuting balita, at ang Salita ng Diyos bilang pananggalang na tutulong sa atin upang manindigang matatag laban sa mga atake ni Satanas. (Efeso 6:10-18; 1 Tesalonica 5:8) Ang halimbawa ng isang mahusay ang disiplinang kawal Romano ang tinutukoy ni Pablo nang kaniyang sabihin kay Timoteo na maging “isang mainam na kawal ni Kristo Jesus.” (2 Timoteo 2:3, 4) Subalit, ang pakikipagbaka ng Kristiyano ay espirituwal, hindi sa laman. Kung gayon, ang mga sinaunang Kristiyano ay tumangging maglingkod sa hukbong Romano. Sinabi ni Justin Martyr (110-165 C.E.) na ang Kristiyanismo ang “bumago sa ating pandigmang mga armas,​—ang ating mga tabak ay naging mga sudsod, at ang ating mga sibat ay mga kagamitan sa pagtatanim.” Maraming Kristiyano ang nangasawi dahilan sa pagtangging magserbisyo sa hukbo.

Ang mga Cesar

Ang Roma ay umabot sa tugatog ng kaniyang kaluwalhatian sa ilalim ng mga Cesar. Makabubuting repasuhin ang mga pangunahing katotohanan tungkol sa mga ilan sa kanila, sa mga nababanggit sa kasaysayan na nasa Bibliya.

Noong taóng 44 B.C.E. si Julio Cesar ay pinaslang. Si Octavio, nang bandang huli, ang naging tanging hari. Noong 30 B.C.E. ang Ehipto ay nasakop ni Octavio, at ito ang nagwakas sa kaharian doon na Griego Ptolemaiko. Sa wakas ito ang tumapos sa Pandaigdig na Kapangyarihan ng Gresya na umiral na sapol pa noong panahon ni Alejandrong Dakila, 300 taon nang una.a

Noong taong 27 B.C.E., si Octavio ay naging emperador. Kaniyang ikinapit sa kaniya ang titulong “Augusto,” na ang ibig sabihin ay “itinaas, sagrado.” Pinalitan niya ang pangalan ng isang buwan at inihalili niya ang kaniyang sariling pangalan at siya’y humiram ng isang araw sa Pebrero upang ang Agosto ay magkaroon ng kasindaming araw ng buwan na isinunod ang pangalan kay Julio Cesar. Si Augusto ang emperador nang isilang si Jesus, at nagpuno siya hanggang noong taong 14 C.E.​—Lucas 2:1.

Si Tiberio, na humalili kay Augusto, ay nagpuno mula 14 hanggang 37 C.E. Noong ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio, si Juan Bautista ay nagsimulang nangaral. Sa panahon din ng kaniyang paghahari nabautismuhan si Jesus, kaniyang ginampanan ang kaniyang tatlo-at-kalahating-taon na ministeryo sa lupa, at kaniyang inihandog ang kaniyang buhay bilang isang hain. Siya’y naghahari pa rin noon nang simulan ng mga tagasunod ni Jesus na palaganapin ang Kristiyanismo sa buong kilalang daigdig noon.​—Lucas 3:1-3, 23.

Si Gayo, na tinaguriang Caligula, ay naghari mula 37 hanggang 41 C.E. Si Claudio (41-54 C.E.) ang humalili sa kaniya at siyang nagpaalis ng mga Judio sa Roma, gaya ng binabanggit sa Gawa 18:1, 2. Siya’y nilason nang bandang huli ng kaniyang asawa, at ang kaniyang batang anak na si Nero ang lumuklok sa trono. Isang malaking sunog ang tumupok sa Roma noong Hulyo 64 C.E., na pumuksa sa mga sangkapat na bahagi ng siyudad. Ang historyador na si Tacitus ang nagsabi na upang huwag siyang mapaghinalaan, ang sunog na iyon ay isinisi ni Nero sa mga Kristiyano, na noon ay “pinagluray-luray ng mga aso at nangasawi” at “tinupok ng apoy at nangasunog, upang magsilbing pailaw gabi-gabi, pagkagat na ng dilim. Inihandog ni Nero ang kaniyang mga halamanan para sa pambihirang tanawing iyon.” Sa panahon ng pag-uusig na ito, si Pablo, na nangaral mula sa Jerusalem hanggang sa Roma at marahil hanggang sa Espanya, ay ibinilanggo nang ikalawang pagkakataon. Malamang na siya’y pinatay ni Nero humigit-kumulang noong 66 C.E.

Tayo’y interesado sa mga ibang emperador Romano at kasali na rito si Vespasian (69-79 C.E.) at sa ilalim ng kaniyang paghahari ay pinuksa ni Tito ang Jerusalem, si Tito mismo (79-81 C.E.), at ang kapatid ni Tito na si Domitian (81-96 C.E.), na muling nagbangon ng opisyal na pag-uusig sa mga Kristiyano. Sang-ayon sa tradisyon, sa panahon ng pag-uusig na ito ipinatapon sa piitang isla ng Patmos ang matanda nang apostol na si Juan. Doon ay ibinigay sa kaniya ang kapana-panabik na pangitain ng katapusan ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay ng mga tao at ang paghalili rito ng matuwid na makalangit na Kaharian ng Diyos, na isinulat ni Juan sa Bibliya sa aklat ng Apocalipsis. (Apocalipsis 1:9) Si Juan ay waring pinalaya noong panahon ng susunod na emperador, si Nerva, 96-98 C.E., at ang kaniyang Ebanghelyo at tatlong liham ay natapos pagkatapos na magsimulang maghari si Trajan (98-117 C.E.).

Paglubog ng Imperyong Romano

Noong ikaapat na siglo, minabuti ni Emperador Constantino na pagkaisahin ang mga mamamayan sa ilalim ng isang “Katoliko,” o pansansinukob, na relihiyon. Ang mga paganong kaugalian at mga selebrasyon ay kinabitan ng mga pangalang “Kristiyano,” subalit nagpatuloy pa rin ang mga dating katiwalian. Noong taóng 325 C.E., si Constantino ay nangulo sa konsilyo ng simbahan sa Nicaea at inaprobahan niya ang doktrina ng Trinidad. Malayo sa pagiging isang tunay na Kristiyano, hindi nagtagal at nakakita si Constantino ng dahilan na patayin ang kaniyang panganay na anak na si Crispus at ang kaniya mismong asawa, si Fausta.

Ang kaniyang pamahalaan ay inilipat ni Constantino sa Byzantium, na ang unang ipinangalan niya’y Bagong Roma at nang bandang huli’y Constantinople (Siyudad ni Constantino). Ang siyudad na ito sa Bosporus, na kung saan nagsasalubong ang Europa at Asia, ay namalaging siyang kabisera ng Imperyong Romano sa silangan sa loob ng 11 siglo, hanggang sa masakop iyon ng mga Turkong Ottoman noong 1453.

Dito naman sa Roma, ang bahaging kanluran ng Imperyong Romano ay bumagsak noong 476 C.E., nang ang emperador ay maibagsak ni Haring Odoacer, isang heneral na may mga ninunong Aleman, at ang trono ay naiwanang bakante. Nang magtagal sinikap ni Carlomagno na maisauli ang imperyong kanluran at noong 800 C.E. ay pinutungan siya ng korona ni Papa Leo III bilang emperador. Pagkatapos, noong 962 C.E., pinutungan ng korona ni Papa John XII si Otto I bilang emperador ng Banal na Imperyong Romano ng bansang Aleman​—isang titulo na noon lamang taóng 1806 binitawan.

Gayunman, nang panahong iyan ay bumabangon na ang ikapito at pangkatapusang kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Gaya ng inihula, ito rin naman ay mapaparam, at hahalinhan ng permanenteng pamahalaan, ang makalangit na Kaharian ng Diyos.​—Apocalipsis 17:10; Daniel 2:44.

[Talababa]

a Sa gayon, sa panahon ng paghahari ng Roma ang anghel ay nagsabi tungkol sa mga kapangyarihang ito ng daigdig: “At may pitong hari: lima ang nabuwal na [Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya], isa [Roma] ang naririto pa, ang isa [Anglo-Amerika] ay hindi pa dumarating.”​—Apocalipsis 17:10.

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang lawak ng Imperyong Romano

Atlantic Ocean

BRITANIYA

GAUL

ESPANYA

ITALYA

Roma

GRESYA

Dagat Mediteranyo

Dagat na Itim

Dagat Caspiano

EHIPTO

Jerusalem

Tigris

Eufrates

[Larawan sa pahina 28]

Ang Appian Way na dinaanan ni Pablo nang siya’y naglalakbay patungo sa Roma

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share