Si “Kristo, ang Anak ng Diyos na Buháy”
PAGKATAPOS na iulat ng kaniyang mga alagad ang sinasabi ng mga tao kung sino nga siya, si Jesus ay nagtanong: “Kayo naman, ano ang masasabi ninyo kung sino ako?” Bilang sagot ay sinabi ni Simon Pedro: ‘Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.’”—Mateo 16:15, 16.
Si Pedro ba lamang ang may ganitong panghihinuha? Hindi nga! Pansinin kung sino pa ang may ganoong pagkakilala, at ano ang kanilang batayan sa ganitong pagkakilala.
MGA UNANG TAGAPAGTAGUYOD: Si Juan Bautista, ang mga alagad na sina Natanael at Martha, at si Saulo ng Tarso, bukod sa mga iba pa, ay pawang tinawag si Jesus na Anak ng Diyos. (Mateo 14:33; Juan 1:33, 34, 49; 11:27; Gawa 9:20) Lalong tumibay ang kanilang paniwala samantalang nasaksihan nila kung paanong ang mga hula na nilayong magpakilala kung sino ang ipinangakong Mesiyas ay natupad kay Jesus.
MGA UNANG MANANALANSANG: Anak ng Diyos ang pagkatukoy kay Jesus ng mga Judiong ibig na pumatay sa kaniya, ganoon din ang mga kawal na naroon nang siya’y ibayubay. (Mateo 27:54; Juan 19:7) Bagama’t ito’y hindi naman tiyak na nagpapakitang nananampalataya ang gayong mga mananalansang, humigit-kumulang ipinakikita nito na sila’y may kabatiran sa mga sinasabi ng iba tungkol kay Jesus; at ang pambihirang mga pangyayari na kaugnay ng kaniyang pagkabayubay ay malinaw na nag-udyok sa ilan sa kanila na muling pag-isipan ang tungkol sa kung sino nga siya.
MGA ANGHEL: Nang ibinabalita ang pagsilang ni Jesus, siya’y tinawag ng anghel na si Gabriel na Anak ng Diyos. (Lucas 1:32, 35) Kahit na rin ang inaalihan ng demonyong mga tao na nasa ilalim ng impluwensiya ng balakyot na mga anghel ay sumigaw: “Ano ang pakialam namin sa iyo, ikaw na Anak ng Diyos?” (Mateo 8:28-32) Dahilan sa si Jesus ay umiiral na sa langit bago naging tao, maliwanag nga na kapuwa ang mabuti at ang masamang mga anghel ay nakakaalam kung sino siya.
SI JESUS MISMO: Hindi kailanman ipinangalandakan ni Jesus na siya’y Anak ng Diyos sa pagtatangkang magkamit ng pabor sa iba o tamasahin ang katanyagan na dulot ng relasyong ito. Bagkus pa nga, sa karamihan ng kaso ay mapakumbabang tinukoy niya ang sarili bilang “ang Anak ng tao.” (Mateo 12:40; Lucas 9:58) Subalit sa maraming pagkakataon ay inamin niya na siya ang Anak ng Diyos.—Juan 5:24, 25; 10:36; 11:4.
SI JEHOVANG DIYOS: Sino pa ang makakakilala kay Jesu-Kristo na may higit na awtoridad kundi si Jehovang Diyos mismo? Makalawang nagpatotoo si Jehova mula sa langit: “Ito ang aking Anak, na kinalulugdan, na aking sinang-ayunan.”—Mateo 3:17; 17:5.
Sinang-ayunan ng Diyos si Jesus—Ganoon Din ba Ikaw?
Noong unang siglo, libu-libong mga tao ang tumanggap kay Jesus ayon sa kung sino siya: ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo, na sinugo sa lupa upang magbangong-puri sa soberanya ni Jehova at ihandog ang kaniyang buhay bilang isang pantubos para sa sangkatauhan. (Mateo 20:28; Lucas 2:25-32; Juan 17:25, 26; 18:37) Sa harap ng mahigpit na pananalansang, ang mga tao’y mahirap maganyak na maging mga tagasunod ni Jesus kung hindi nila natitiyak kung sino siya. Buong sigasig at lakas-loob, kanilang niyakap ang gawaing ibinigay niya sa kanila na “gawing alagad ang mga tao ng lahat ng bansa.”—Mateo 28:19.
Sa ngayon, milyun-milyong mga alagad na Kristiyano ang nakakabatid na si Jesus ay hindi isang alamat. Kanilang tinatanggap siya bilang ang makalangit na nakaluklok na hari ng natatag nang Kaharian ng Diyos, na ngayon ay patuloy na sumusulong ng pagsakop sa lupa at sa pamamalakad nito. Ang hahaliling makalangit na pamahalaang ito ay magandang balita sapagkat nangangako ito ng kalutasan ng mga suliranin ng daigdig. Ang mga tunay na Kristiyanong ito ay nagpapakita ng kanilang buong pusong pagsuporta sa pinili ng Diyos na Hari sa pamamagitan ng pangangaral sa mga iba pa ng “mabuting balitang ito ng kaharian.”—Mateo 24:14.
Yaong mga sumusuporta sa kaayusan ng Kaharian sa pamamagitan ni “Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy,” ay mabubuhay upang tamasahin ang walang-hanggang mga pagpapala. Ang mga pagpapalang ito ay maaari mo ring kamtin!
[Blurb sa pahina 8]
Milyun-milyon na dati’y walang tiyak na kaalaman tungkol sa kung sino nga si Jesus ang ngayo’y nagkakaisa sa pagtataguyod sa kaniya bilang ang Hari ng Kaharian ng Diyos
[Larawan sa pahina 7]
Ipinakilala ni Pedro si Jesus bilang si “Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Ganoon din ang mahigit na 3,000,000 mga saksi ni Jehova sa ngayon