Ang Panggigipit Upang Magtagumpay
ISANG komersiyal sa TV ang nanghihimok sa mga taga-Nigeria na “Maging matagumpay. Maging importante” sa pamamagitan ng paggamit ng isang toothpaste na may ganoo’t ganitong marka. Bagaman alam nating lahat na ang toothpaste ay hindi maaaring maging pinaka-susi sa pagiging importante ng isa, ipinakikita ng mga tagapag-anunsiyong kanilang kinikilala na ibig ng mga tao na sila’y makilala kasama ng mga bagay na may etiketa ng “tagumpay.”
Ang hangarin na magtagumpay at kilalanin ng mga iba ay natural lamang. Gayumpaman, kapuwa ang mga lalaki at ang mga babae ay kalimitan nang higit na pinahahalagahan ang mga nagawa ng tao na anupa’t napadadala sa panggigipit na sumunod sa uso. Ito kaya ay maaaring maging mapanganib? Makakaapekto kaya ito sa iyo?
Ang mga Panggigipit na Nakaharap sa mga Tao
Ang personal na ambisyon na maging mayaman ay maaaring magsilbing panggigipit. Maraming mga tao ang ibig na sila’y makapagsagawa ng isang “mapasikat na pagpaparangalan ng [kanilang] kabuhayan,” magkaroon ng pangalan na tinitingala at litaw sa lipunan.—1 Juan 2:16.
Ang pamilya ay maaari ring pagmulan ng panggigipit. Sa maraming tahanan ang asawang lalaki ay kailangang patuloy na magpunyagi upang mapalaki ang kaniyang kita at mapataas ang kaniyang katayuan sa kaniyang kompanyang pinagtatrabahuhan upang mapasulong ang panlipunang reputasyon ng pamilya. O dili kaya naman ang asawang babae ay baka nagpupunyagi na maging isang matagumpay na babaing de karera. Ang mga anak ay maaaring itinutulak upang sumikat sa paaralan sa pamamagitan ng labis na pagsusumikap na makakuha ng matataas na marka sa paaralan. Ito lalo na ay isang problema sa umuunlad na mga bansa na kung saan marami ang naniniwala na ang susi sa pag-asenso ng isang tao sa buhay ay nasa mataas na pinag-aralan.
Ang komunidad man ay maaaring pagmulan ng panggigipit sa isang tao para ang maging pakay ay mataas na pinag-aralan, kayamanan, at mga posisyon na may prestihiyo at impluwensiya. Ang tagumpay, na karaniwan nang sinusukat ayon sa salapi, ay maaaring umakay tungo sa katanyagan, pagtatamo ng papuri, at respeto. Isang editoryal ng Daily Times ng Nigeria ang nagsabi: “Gaano man kagaling at kahanga-hanga ang mga katangian ng isang tao, karamihan [ng tao] ay hindi gumagalang at kumikilala sa kaniya, kung wala siyang salapi.”
Ano ang Maaaring Maging Resulta?
Ang gayong makasanlibutang tagumpay ay maaaring magdulot ng bahagyang kaligayahan, subalit isaalang-alang ang mataas na halagang ibinabayad din naman dito. Ang kolumnista ng pahayagan na si Achike Okafo ay sumulat: “Ang matatatag na mga pamilya . . . ay nagkakawatak-watak araw-araw, ang dahilan sa kalakhang bahagi ay salapi at ang nabibili ng salapi. . . . Kahit na rin ang mga mag-asawang nakapananatiling nagsasama ay bahagya na lamang nag-uusap ng tungkol sa kanilang mga obligasyon bilang magulang . . . sapagkat sila ay totoong abalang-abala sa paghanap ng materyal na mga bagay na kailangan sa pamumuhay.” Idagdag pa rito ang suliranin ng napapabayaang mga anak na bumabaling sa mga droga at sa krimen o naglalayas sa tahanan, at ang halaga ay nagiging totoong napakataas.
Ang panggigipit upang magtagumpay ang nagtulak sa mga ibang taong ambisyoso sa gawang pandaraya at imoralidad. Ang mga kabataang babae ay ipinagpalit ang kanilang karangalan para lamang makakuha ng mabuting marka sa mga eksamin at makapasok ng trabaho. Kahit na kung ang tagumpay ay nakakamtan sa marangal na paraan, ang mga taong asensado ay maaaring mapaharap sa galit o pagkainggit ng mga taong hindi gaanong matagumpay gayundin sa pagpapaimbabaw ng “mga kaibigan” na naaakit sa kayamanan at karangalan. (Eclesiastes 5:11) Ito ba’y tunay na tagumpay?
Ang pantas na manunulat ng Eclesiastes sa Bibliya ay sumasagot ng hindi. Pagkatapos na masuri ang kaniyang malaking kayamanan, kapangyarihan, at kabantugan, gayundin ang kasiyahan na dulot ng mga ito, siya’y nagpasiya na ang mga ito ay “walang kabuluhan at nauuwi sa wala.”—Eclesiastes 2:3-11.
Ibig bang sabihin nito na lahat ng tunguhin sa buhay ay walang kabuluhan? O maaari bang maging timbang ang mga tao samantalang nagtatayo ng isang matagumpay na karera? Ano ang ipinakikita ng karanasan na malamang na mapatunayang siyang tunguhin nila na karapat-dapat sa lahat?