Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w88 9/15 p. 28-30
  • Mga Kristiyano—Matatag Subalit Madaling Makibagay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kristiyano—Matatag Subalit Madaling Makibagay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailan Dapat Magmatigas
  • Kailan Dapat Makibagay
  • Ang mga Matatanda​—Matatag Subalit Madaling Makibagay
  • Paunlarin ang Pagka-Makatuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Tularan si Jehova—Maging Makatuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Maging Masunurin sa mga Nangunguna
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Patuloy na Mahalin ang Gayong Uri ng mga Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
w88 9/15 p. 28-30

Mga Kristiyano​—Matatag Subalit Madaling Makibagay

ANG maringal na punó ng encina ay siyang larawan ng kalakasan. Kapag humihihip ang malakas na hangin, ito’y karaniwan nang may maliit na problema lamang upang manatiling nakatayo. Samantalang ang matigas na encina ay nakaliligtas sa karamihan ng mga bagyo dahilan sa kalakasan nito at sapat na katigasan o katibayan, ang napakaliit na dahon ng damo ay puwede ring makaligtas subalit sa isang totoong naiibang kadahilanan. Ang lihim nito? Ang pagiging malambot. Nababaluktot ito ngunit hindi nababali sa puwersa ng hangin.

Pakikibagay o katigasan​—alin, kung gayon, ang mas mahalaga? Ang totoo, ang isang Kristiyano ay nangangailangan ng dalawang ito na pinagsama. Gayunman, ang timbang na katatagan at pakikibagay minsan ay maaaring nagkukulang kahit na sa bayan ng Diyos. May matataas silang mga prinsipyo, ngunit ang ilan ay may hilig na hindi maging mapagbigay. Ang iba ay tila parang isang ‘tambo na inuuga ng hangin.’ (Mateo 11:7) Sumusuko sila sa kahirapan at impluwensiya ng masamang sanlibutang ito. O maaaring nagpaparaya sila hanggang sa punto ng pagpapahintulot.

Gaya ng sinabi ni Solomon: “Sa bawat bagay ay may kapanahunan.” (Eclesiastes 3:1) Kailan, kung gayon, ang panahon ng pagmamatigas at kailan ang panahon ng pakikibagay?

Kailan Dapat Magmatigas

Minsan, si Haring Saul ng Israel ay maliwanag na inutusan: “Yumaon ka, at saktan mo ang Amalek [isang kaaway na bansa] at iyong lubos na lipulin ang buo niyang tinatangkilik, at huwag kang mahahabag sa kaniya, at dapat na patayin mo sila, ang lalaki at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.” (1 Samuel 15:3) Ang mga Amalekita ay may kasaysayan ng pakikipaglaban kapuwa sa Diyos at sa kaniyang bayan at sa gayo’y karapat-dapat sa pagkapuksa. (Deuteronomio 25:17-19) Gayumpaman, “si Saul at ang bayan ay nahabag kay Agag [ang hari ng Amalek] at ang pinakamabuti sa mga kawan at kamada . . . , at hindi nila nais na ilaan sila sa pagkapuksa.” Ang pagbaluktot ni Saul sa kautusan ay hindi kasiya-siya kay Jehova. “Narito!” ipinahayag ni propeta Samuel, “Ang pagsunod ay maigi kaysa hain.”​—1 Samuel 15:9-22.

Maliwanag ang aral dito: Hindi kailangan ang pakikibagay kung tungkol sa pagsunod sa Diyos. “Sapagkat ito ang pag-ibig sa Diyos,” ang sabi ni apostol Juan, “na ating tuparin ang mga utos [ng Diyos]; at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat.” (1 Juan 5:3) Ang karanasan nina Shadrach, Meshach, at Abednego ay nagpapakita kung hanggang saan dapat na ang mga lingkod ng Diyos ay magpamalas ng ganitong pagsunod. Tumanggi silang sambahin ang imahen na ginawa ng Babilonyang haring Nabucodonosor. Bakit? Sapagkat ang batas ng Diyos ay maliwanag na nagbabawal sa pagsamba sa idolo. (Exodo 20:4-6) Hindi sila nangatuwiran na ang kalagayan ay nagpapahintulot upang baluktutin ang banal na kautusan. Sa halip, buong katatagan nilang pinili ang kamatayan kaysa ang pagsuway.​—Daniel 3:16-18.

Hindi problema para sa maraming mga Kristiyano ang sumunod sa malinaw-ang-pagkakapaliwanag na mga batas ng Diyos. Ngunit sinabihan ang mga Kristiyano: “Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo.” (Hebreo 13:17) Maaaring pumili ang matatanda sa kongregasyon ng tiyak na mga oras para magpulong sa paglilingkod sa larangan. O maaaring tukuyin nila na ang mga kagamitan sa Kingdom Hall ay dapat gamitin sa isang siguradong paraan. Totoo, walang teksto sa Bibliya na kakikitaan kung papaano dapat itama ang thermostat o kung sino ang dapat magtama nito. Ngayon, kung gumagawa ng ganitong mga disisyon ang matatanda, hindi ba isang mabuting bagay na sumunod?

Gayundin, ang isang asawang lalaki ay maaaring gumawa ng sarisaring disisyon para sa kaniyang pamilya. Ang isang Kristiyanong asawang babae naman ay hindi kinakailangang laging sumang-ayon sa kaniyang palagay sa isang paraan, ngunit hinahangad niya na sundin “ang batas ng kaniyang asawang lalaki.” (Roma 7:2) Ang pagsunod sa mga matatanda, sa mga asawang lalaki, sa mga magulang, at sa mga pinaglilingkuran ay hindi dapat na iwasan sa ngalan ng pakikibagay.​—Colosas 3:18-24.

Kailan Dapat Makibagay

Gayumpaman, mayroon din namang panahon para makibagay. Ipinakita ito ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “Makilala nawa ang inyong pagkamakatuwiran ng lahat ng tao.” (Filipos 4:5) Ang Griegong salitang ginamit dito ni Pedro ay nangangahulugang “hindi nagpupumilit sa titik ng batas; nagpapahiwatig ito ng pagkamakonsiderasyon na tumitingin nang ‘makatao at makatuwiran sa mga katotohanan ng kaso.’” (W. E. Vine, An Expository Dictionary of New Testament Words) Ang pagkamakatuwiran ay kalimitang kaso ng pagnanais na bumagay sa umiiral na pangyayari.

Halimbawa, ang isang misyonerong naglilingkod sa ibang bansa ay maaaring madaling makaunawa na ang mga lokal na tuntunin ng kabutihang-asal ay iba kaysa sa bayang kinalakihan niya. Pero kung titingnan niya nang mas mababa ang mga kaugalian ng lokal na mga tao at tatangging gumawa ng ilang mga pagbabago, papaano kaya magiging mabisa ang kaniyang pagmiministeryo? Kaya matalino siyang susunod sa kapaki-pakinabang na kalakaran ng bagong kultura.​—1 Corinto 9:19-23.

Kapuna-puna, pagkatapos na banggitin ni Pablo ang dalawang babae sa kongregasyon na may personal na di pagkakaunawaan, kaniyang hinimok ang mga kristiyanong taga-Filipos na maging makatuwiran. (Filipos 4:2-5) Bagama’t hindi sinabi ni Pablo ang dahilan ng kanilang alitan, kalimitang ang kakulangan ng pagiging makatuwiran ang nasa gitna ng napinsalang mga relasyon. Walang sinumang masisiyahang makasama ang isa na palapintasin at masyadong palautos. “Huwag kang lubhang magpakamatuwid,” pagbibigay-babala ni Solomon, “ni huwag ka mang lubhang magpakapantas. Bakit sisirain mo ang iyong sarili?”​—Eclesiastes 7:16.

Ang mga Kristiyano ay dapat magsaalang-alang sa pagiging di sakdal ng iba. Gaanong kabuti ito kung magsisikap tayong tingnan ang mga bagay mula sa pangmalas ng ibang tao! Bagaman nakalulungkot, ang ilang mga Kristiyano sa sinaunang Corinto ay gayon na lamang ang malasakit sa kanilang personal na “karapatan” na anupa’t humahantong ito para dalhin nila ang kanilang kapuwa mananampalataya sa korte. Sa pagsasabi ng kanilang problema sa mga di sumasampalataya, hindi lamang sila nagdadala ng upasala sa kongregasyon kundi lalo pa nilang pinalalaki ang puwang sa pagitan nila.​—1 Corinto 6:1-6.

Si Pablo kung gayon ay nagpasigla sa mga naaping Kristiyano sa Corinto na magkaroon ng mapagbigay na pakikitungo. Nakiusap siya: “Tunay nga, kung gayon, na isang pagkukulang na kayu-kayo’y nagbabangon ng usapin sa hukuman laban sa isa’t isa. Bakit nga hindi ninyo tiisin na kayo’y maagrabyado? Bagkus, bakit hindi kayo pumayag na kayo ang madaya?” (1 Corinto 6:7) Ang isang Kristiyano ay nagpapalagay rito na isang pakinabang na mapanatili niya ang kaniyang mabuting relasyon sa kaniyang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae.

Ang pagiging makatuwiran ay lalung-lalo nang angkop para doon sa mga gumagamit ng awtoridad. Halimbawa, ang mga magulang ay maaaring magtakda ng oras na kung kailan ang kanilang mga anak ay dapat na nasa bahay na sa gabi. Ngunit ano kung sa isang okasyon ay humiling ang anak ng eksepsiyon sa tuntunin? Hindi ba nararapat lamang na kahit papaano’y isaalang-alang ang partikular na kalagayang nasasangkot? At kumusta naman ang tungkol sa mga Kristiyanong matatanda? Hindi ba ang pagiging makatuwiran ang isa sa kanilang mga kuwalipikasyon? (1 Timoteo 3:3) Oo. Ngunit kailan at papaano kailangang ipakita nila ang katangiang ito?

Ang mga Matatanda​—Matatag Subalit Madaling Makibagay

Minsan ay pinaghambing ni apostol Pedro ang ‘makatuwirang’ mga lalaki sa mga “mahirap bigyang-kasiyahan.” (1 Pedro 2:18) Ang isang matanda ay maaaring magbigay ng ilang mga mungkahi upang tulungan ang kapatid na mapasulong ang kaniyang kakayahan ng pagsasalita. Ngunit kung ang matanda ay gumagamit ng isang mahigpit na pamantayan at hindi isinasa-alang-alang ang edukasyon, kakayahan, at kalagayan ng kapatid, ano kaya ang mangyayari? Maaaring masamain ng kapatid ang payo o manghina ang kaniyang loob, nagpapalagay na ang matanda ay totoong “mahirap bigyang-kasiyahan.”

Ang mga matatanda ay kailangan ding makibagay kung tungkol sa pagkakapit ng iba’t ibang mga tuntunin sa kongregasyon. Hindi kailanman dapat na magpahintulot sa mga tuntunin ‘upang ang salita ng Diyos ay mawalan ng kabuluhan’ sa pamamagitan ng pagbibigay sa gayong mga tuntunin ng higit na timbang kaysa sa sakdal na mga prinsipyo ng salita ni Jehova.​—Mateo 15:6; 23:23.

Nararapat para sa mga matatanda na makibagay kung ang maka-Kasulatang prinsipyo ay hindi naman nalalabag ng gayong pakikibagay. Halimbawa, maaaring napapansin nila na sa malalaki, masisikip na mga kombensiyon, ang paglalaan ng mga upuan ay hindi pinahihintulutan. Ngunit ang gayon bang alituntunin ay dapat ding ipasunod sa maliit na kongregasyon na may marami namang mga upuan? O ang mga matatanda ay makadarama na sa kalahatan ang isang uri ng kasuotan​—tulad ng amerikana para sa mga lalaki​—ay nararapat para sa pangangaral sa bahay-bahay. Ito ay naging kaso sa isang kongregasyon sa isang lupain sa Timog Amerika. Gayunman, ang isang matanda roon ay nakaalam na ang isang kabataang lalaki ay napipigilan sa pakikibahagi ng mabuting balita sa iba. Ang dahilan? Hindi niya kayang bumili ng amerikana o kurbata. Nagpasiya ang matanda na ang pakikibagay ay nasa ayos at pinasigla niya ang kabataang lalaki na magsimulang ibahagi ang kaniyang pananampalataya sa iba.

Ang pakikibagay ay kailangan ding ipakita sa paghawak ng mga kasong hudisyal sa kongregasyon. Bagama’t ang ginawang kasalanan ay nangangailangan ng pagtitiwalag ng nagkasala, ano kaya kung nagpakita naman ng pagsisisi? Naglagay si Jehova ng isang tamang tularan sa kaniyang pakikitungo sa mga taga-Nineve. Sinabi ng Diyos kay Jonas: “Apatnapung araw na lamang, at ang Nineve ay mababagsak.” Ngunit, nang ang mga tao ay magpakita ng pagsisisi, si Jehova ay hindi nagpumilit sa pagsasagawa ng naihayag nang pagwasak. Kinilala niya na ang mga pangyayari ay nagbago. (Jonas 3:4, 10) Sa kawangis, ang mga matatanda ay kailangang matuwa sa ‘pagpapatawad sa malawak na paraan’ na kung saan ay may maliwanag na patunay ng pagsisisi.​—Isaias 55:7.

Ang pananatiling balanse sa pagiging matatag at pakikibagay ay hindi madali. Natural lamang sa mga di sakdal na mga tao ang maging mahilig sa sobra. Ngunit, ang mga Kristiyanong nagsisikap na maging matatag subalit madaling makibagay ay masaganang pagpapalain. Sapagkat nagsikap sila na makibagay, magtatamasa sila ng mas mabuting relasyon sa mga iba at makaiiwas sa maraming emosyonal na pagkaligalig. Higit pa roon, sa dahilang ang mga hinirang na matatanda ay matatag, matapat sa mabubuting mga gawa bilang tagapag-ingat ng katapatan, sila’y naglalagay ng halimbawa na kumukuha ng pagtitiwala at pakikiisa ng buong kongregasyon, habang ang lahat ay nagpapatuloy nang sama-sama na may pag-asa sa walang-hanggang buhay.​—Isaias 32:2; 1 Corinto 15:58.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share