Ang Aming Kasiya-siyang Buhay Bilang mga Misyonero sa Aprika
Inilahad ni John Miles
ANG tanawin ay isang reserbadong lugar para sa maiilap na hayop sa hilagang-kanlurang Zimbabwe. Ang aking maybahay, si Val, at ako ay sakay ng kotse patungo sa tanyag na Victoria Falls. Hindi, hindi naman kami mga turista. Kami ay mga misyonero at idinestino rito upang gumawa sa pamayanan ng lokal na mga Aprikano. Nang kami’y paliko sa isang kurba, doon, nakatayo sa tabi ng kalye ang isang malaking elepante. Inihinto ko ang makina at tumanaw ako sa bintana upang kumuha ng larawan. Halos kukuha ako ng isa pang larawan nang tumili si Val:
“Tayo’y hahabulin niya!”
Dagling pinaandar ko naman ang makina, pero ayaw umandar. Nasa alanganin ang kalagayan namin! Ang elepante ay huminto ng pagsugod at humanda na kami’y yurakan. Tamang-tama naman umandar ang makina at kami’y lumiko patungo sa gubat. Mabuti naman, walang mga batuhan o mga puno na hahadlang sa aming pagtakas. Aming ipinasiya na bigyan si Mr. Jumbo ng karapatan sa daan at dumaan sa isang naiibang ruta.
Isa pang tanawin. Sa panahong ito kami ay nasa kabundukang kaharian ng Lesotho, timugang Aprika. Noon ay Linggo ng hapon sa kabisera, ang Maseru. Kami’y pauwi na noon pagkatapos na dumalo sa isang Kristiyanong pagtitipon kasama ng mga kapananampalatayang tagaroon. Biglang-bigla, kami ay inatake ng dalawang kabataang magnanakaw. Isa ang sumuntok sa akin at yaong isa naman ay lumundag sa likod ko. Siya’y iginupo ko, kung kaya’t bumaling siya kay Val, at inagaw ang kaniyang bag. Humiyaw nang malakas si Val: “Jehova! Jehova! Jehova!” Kaagad-agad, binitiwan ng lalaki ang kaniyang bag at parang tulirong umatras. Yaong isa na sumuntok sa akin ay umatras din—samantalang isinusuntok sa hangin ang kaniyang mga kamao. Kami’y nagmamadaling lumisan, anupa’t nakahinga kami nang maluwag sa kasabikang makasama na namin ang mga kapananampalataya pagdating namin sa hintuan ng bus.—Kawikaan 18:10.
Bawat isa sa binanggit naming mga pangyayari ay tumagal lamang ng mga ilang saglit, subalit ito’y kabilang sa maraming di-malilimot na mga alaala ng aming lumipas na 32 taon bilang mga misyonero sa Aprika. Paano nga ba kami napapunta rito? Bakit kami naging mga misyonero? Ito ba ay naging kasiya-siyang buhay?
Isang Amerikanong Magsasaka ang Natuto ng Katotohanan
Lahat na ito ay nagsimula noong 1939 nang makilala ko si Val Jensen sa Yakima, Washington, E.U.A. Noon, ako’y nagtatrabaho sa isang bukid at si Val naman ay nagtatrabaho bilang isang tagapangalaga ng bahay. Malimit na siya’y nakikipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya. Ang isang bagay na hinangaan ko ay ang kaniyang paliwanag na hindi isang mainit na dako ang impierno. (Eclesiastes 9:5, 10; Gawa 2:31; Apocalipsis 20:13, 14) Bagama’t hindi ako nagsisimba, batid ko ang itinuturo ng klero tungkol sa impierno, at ang ipinakita sa akin ni Val buhat sa Bibliya ang sa wari ko’y lalong makatuwiran.
Ang ama at ina ni Val ay naging mga Saksi ni Jehova noong 1932. Si Val ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya, at siya’y nabautismuhan noong Setyembre 1935. Nang kami’y maging magkakilala na, ako’y inanyayahan ni Val na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Ako’y nagpaunlak at nagalak ako sa pakikisama sa mga taong nakilala ko roon, samakatuwid nga, kailanma’t sa pagsasaka ay may libre akong panahon upang pumaroon doon. Ang buhay-magsasaka ang numero uno pa rin sa aking buhay. Subalit, unti-unti na lalong higit na dinibdib ko ang mga pulong, at inanyayahan naman ako ng lokal na mga Saksi na makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay. Ang pangangaral sa aking sariling bayan ay waring isang pinakamalaking pagsubok sa akin. Subalit ako ay nakapasa.
Dalawang di-malilimot na mga bagay ang nangyari noong 1941. Noong Marso, ako ay nabautismuhan bilang isang nag-alay na saksi ni Jehova, at pagtatagal-tagal kami ni Val ay napakasal. Pagkatapos, noong Oktubre 1942, kami’y nagsimula sa buong-panahong pangangaral bilang mga payunir sa timog-silangang North Dakota.
Hindi namin makakalimutan ang nangyari noong sumunod na taon. Iyon ay isang pambihirang pangyayari sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova. Noong Pebrero 1, 1943, ang pagsasanay misyonero ay nagsimula para sa unang klase ng noon ay tinatawag na Watchtower Bible College of Gilead. Makalipas ang dalawang buwan kami’y dumalo sa “Panawagan sa Pagkilos” na asamblea sa Aberdeen, South Dakota. Ang mga pagpapala ng paglilingkurang misyonero sa mga ibang bansa ay inilarawan, at ang pagnanasa na mag-aral sa Gilead at maging mga misyonero ay pinukaw sa aming puso.
Paggawa Tungo sa Paglilingkurang Misyonero
Siyam na taon ang lumipas bago namin nakamit ang aming tunguhin. Nang panahong iyon, kami’y nagkaroon ng mga iba pang magagandang pribilehiyo ng paglilingkod, gayundin ng ilang mga kabiguan. Pagkaraan ng pagpapayunir ng isa at kalahating taon sa North Dakota, kami’y nag-aplay para sa isang teritoryong payunir sa Missouri. Ito’y inaprubahan, at kami’y doon nanirahan sa siyudad ng Rolla. Kasali sa aming teritoryo ang buong County ng Phelps na kung saan mayroong iisa lamang aktibong Saksi. Gumugol kami ng tatlong kasiya-siyang mga taon doon at nagkaroon ng bahagi sa pagtatayo ng isang kongregasyon.
Pagkatapos ay napaharap kami sa isang problema na nakaapekto sa panlalamig ng aming pag-asa na maging mga misyonero. Naubos na noon ang aming panggastos. Ang palsong pamamanihala at kakulangan ng pananampalataya na si Jehova ang maglalaan ng ikabubuhay ang dahilan upang kami ay huminto ng pagpapayunir. Intensiyon namin noon na ito’y dapat tumagal ng mga ilang buwan lamang, subalit umabot ng isang taon at kalahati bago kami nakapagpasimula uli ng pagpapayunir. Ngayon ay determinado kami na huwag ulitin ang aming nakaraang mga pagkakamali. Ang aming bagong atas ay sa isang kongregasyon sa bayan ng Reardan sa silanganing Estado ng Washington. Mahirap na makatagpo ng trabahong bahaging-panahon lamang, kaya’t kailangan namin na umasa nang husto kay Jehova upang matustusan ang aming araw-araw na pangangailangan.—Mateo 6:11, 33.
Kasali sa aming teritoryo ang maraming maliliit na bayan sa karatig pook. Isang araw ay kailangan na kami’y gumawa ng isang 130 kilometrong balikang biyahe sa pagdalaw sa mga tao upang dalhan sila ng balita ng Kaharian. Wala kaming sapat na gasolina subalit ito’y hindi nakapagpahinto sa amin. Sa aming paglabas na sa bayan, kami’y huminto sa post office at ano sa palagay ninyo ang aming natagpuan? Doon, naghihintay sa amin ang isang liham galing sa aking pinsan na kasisimula lamang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Kalakip noon ang isang tseke na katumbas ng sapat na perang maibibili ng gasolina para mapuno ang aming tangke at higit pa. “Aming iaabuloy sana ito sa Boy’s Town,” ang sabi nila sa sulat, “pero napagpasiyahan namin na mas kailangan ninyo ito kaysa kay Father Flanagan.” Totoong-totoo naman ang sinabi nila!
Ang mga karanasang katulad nito ang nagpapatingkad sa pagiging totoo ng pangako ni Jesus: “Patuloy na hanapin ang kaharian [ng Diyos], at ang mga bagay na ito [materyal na mga pangangailangan] ay idaragdag sa inyo.” (Lucas 12:31) Ito ay mahalagang pagsasanay na tutulong sa amin na magpatuloy sa harap ng iba pang mga problema.
Isang taglamig, ay kakaunti na lamang ang natitira naming gamit na uling. Papayagan kaya namin ang kalagayang iyon na baguhin ang aming determinasyon na patuloy na magpayunir? Aming inilapit kay Jehova sa panalangin ang bagay na iyon at saka kami natulog. Sa alas sais kinabukasan ng umaga, ay may tumuktok sa aming pinto! Iyon ay isang kapatid na lalaki at ang kaniyang maybahay na, sa pag-uwi nila galing sa isang biyahe sa pagdalaw sa mga kamag-anak ay nagpasiya na dumalaw sa amin. Kami’y nagsiga ng apoy, iginatong namin ang huling piraso ng uling, at nagpakulo ng isang kaldero ng kape. Samantalang kami’y nagkakatuwaan, biglang nagtanong ang kapatid na lalaki, “Kumusta naman ang inyong uling?” Kami’y nagkatinginan ni Val at napatawa. Ang uling ang kaisa-isang bagay na kailangan namin agad-agad. Kami’y binigyan nila ng sampung dolyar, na noong panahong iyon ay makakabili ng di kukulangin sa kalahating tonelada ng uling.
Minsan naman isang pansirkitong asamblea ang gaganapin, at kami’y mayroong lilima-lima lamang na dolyar. At, kailangang ikuha ng lisensiya ang aming kotse kaagad pagkatapos ng asamblea. Aming ipinasiya na unahin ang pinakamahalagang bagay kung kaya’t dumalo kami sa asamblea. Salamat sa espiritu ng pagmamagandang-loob ng mga kapatid, kami’y bumalik sa aming atas na taglay ang $15. Ang halaga ng lisensiya ay $14.50!
Kami’y nasiyahan sa aming pagpapayunir sa silanganing Washington, at ang ilang pamilya na aming inaralan ng Bibliya ay sa wakas naging tapat na mga saksi ni Jehova. Gayunman, pagkaraan ng dalawang taon sa atas na iyon, ay tumanggap ako ng isang liham buhat sa Samahang Watch Tower na nagsasabing ako ay inirekomenda upang maglingkod bilang isang naglalakbay na ministro, samakatuwid nga, isa na dumadalaw at nagpapatibay-loob sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa isang sirkito. “Kung hihirangin, iyo bang tatanggapin ang atas na ito?” ang tanong ng Samahan, at isinusog pa: “Pakisuyong patalastasan kami agad-agad.” Kalabisang sabihin, ang sagot ko ay opo. Pasimula noong Enero 1951, kami’y gumugol ng isa at kalahating taon sa isang malawak na sirkitong sumasaklaw sa gawing kanluran ng kalahati ng North Dakota at ng silanganing kalahati ng Montana.
Sa panahong ito, kami’y tumanggap ng isa pang sorpresa—isang paanyaya na makabilang sa ika-19 na klase ng mga mag-aarál sa Gilead! Sa wakas nga kaya ay matutupad na ang aming naisin? Talaga naman, isa pang liham ang kasunod na nagsasabing ang klase ay punô na dahilan sa mga kapatid na nanggaling sa mga ibang bansa. Iyon ay naging balakid, subalit kami’y hindi naman kinaltas! Mga ilang buwan ang nakalipas, kami’y tumanggap ng isang paanyaya na makabilang sa ika-20 klase at doon kami tinanggap noong Setyembre 1952.
Buhat sa Gilead ay Nagtungo sa Aprika
Anong laki ng aming pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova sa pagdadala sa amin upang makasama ng mahigit na isang daang mga estudyante buhat sa maraming panig ng daigdig—Australia, New Zealand, India, Thailand, Pilipinas, Scandinavia, Inglatera, Ehipto, at Sentral Europa! Ito’y tumulong sa amin na makita kung gaano kalawak pinapangyari ni Jehova na maipangaral ang pabalita ng Kaharian.—Mateo 24:14.
Ang panahon namin sa Gilead ay mabilis na lumipas, at kami’y nagtapos noong Pebrero 1953. Kasama ang apat pa, kami’y naatasan na maglingkod sa Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia) sa Aprika. Ngunit, may kagandahang-loob na pinayagan kami ng Samahan na lumagi muna sa Estados Unidos para makadalo sa internasyonal kombensiyon na gaganapin noon sa Yankee Stadium sa bandang huli ng taon na iyon sa Hulyo. Mga ilang buwan bago ganapin ang asamblea at sandali pagkatapos, ako’y naglingkod bilang isang pansirkitong tagapangasiwa sa silangang Oklahoma.
Noong Nobyembre 1953, si Val at ako, kasama ang anim pang mga misyonero, ay sumakay sa isang pangkargadang barko na magbibiyaheng patungong Aprika. Kami’y dumaong sa Durban, Timog Aprika, at pahilagang nagbiyahe sa tren patungo sa Timog Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe). Dito ang dalawang kasama namin ay humiwalay sa amin upang tumungo naman sa kanilang mga atas sa Salisbury (ngayo’y Harare), samantalang ang nalalabi pa sa amin ay nagpatuloy at nagtungo sa Kitwe, Hilagang Rhodesia.
Si Val at ako ay naatasan na maglingkod sa minahang bayan ng Mufulira na kung saan mayroong mga ilang interesadong pamilya subalit walang kongregasyon. Pinagpala ni Jehova ang aming pangangaral sa bahay-bahay. Kami’y nagpasimula ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya, at hindi nagtagal ang ilang mga interesado ay nagsimulang dumalo sa mga pulong Kristiyano. Pagkaraan ng mga ilang buwan kami ay tinawagan upang punuan ang mga bakante sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Luanshya. Pagtatagal, kami’y binigyan ng isa pang atas na maglingkod bilang mga misyonero sa Lusaka. Samantalang naroroon kami, ako’y naglingkod paminsan-minsan bilang isang pansirkitong tagapangasiwa para sa mga ilang kongregasyon na Ingles ang wika.
Isang Kasiya-siyang Buhay sa Gubat
Pagkatapos, noong 1960, kami’y inilipat sa Timugang Rhodesia kung saan ako’y inatasang maglingkod bilang isang pandistritong tagapangasiwa sa mga kapatid na itim. Ang isang bahagi nito’y ang pagdalaw sa mga kongregasyon at pangangasiwa sa mga asambleang pansirkito at mga kombensiyong pandistrito. Karamihan ng mga kongregasyong ito ay nasa mga kabukiran, kaya kinailangan na matuto kaming mamuhay sa gubat. Naisip namin na kung ang aming mga kapatid ay nakapamumuhay sa gubat makapamumuhay rin kami roon.
Pinagamit sa amin ng tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower ang isa-at-kalahating-toneladang trak na pickup. Ang likod ay binalutan ng mga piraso ng metal na may dobleng pinto para sa kargada. Ang mga bintana sa pagitan ng cab at ng van ay sapat lamang ang laki upang doo’y makaakyat, at ang mga ito ay natatakpan ng mga kurtinang plastik. Sa aming mga gamit na pambahay ay kabilang ang isang nakakabit nang kama na may kutsong foam-rubber. Kami’y mayroong mga kahon na pinaka-paminggalan at isang paraffiin pressure na pugon. Kami’y mayroon ding isang bitbiting kabuuan ng damit at tolda.
Hindi nagtagal pagkatapos na magsimula kami sa aming atas sa kanlurang bahagi ng bansa, ako ay kinagat ng isang insektong di kilala. Kaya ang aking binti ay namaga at nagkaroon ako ng mataas na lagnat. Ang lalong masama, ang lagay ng panahon ay naging masungit at umulan nang malakas. Ako’y pinawisang mabuti kung kaya’t ang mga gamit ko sa higaan ay kinailangang malimit na palitan. Noong maghahatinggabi na, minabuti ni Val na ako’y patingin sa isang doktor. Siya ang nagmaneho sa sasakyan patungo sa pangunahing daan, ngunit ang sasakyan ay bumaon sa putik. Ang tanging epekto ng pagsisikap ni Val na ito’y paabantihin o paatrasin ay para kalugin lamang ako. Nang siya’y makumbinse na wala ng natitira pang magagawa siya, ibinalabal na lamang niya sa kaniyang katawan ang huling tuyong kumot at tumabi sa akin sa van habang umuulan.
Kinaumagahan ay medyo nagkaroon ng ginhawa. Mas mabuti ang pakiramdam ko, huminto ang ulan, at ang mga kapatid na nagdatingan upang maghanda para sa asamblea ang nagtulak sa aming sasakyan upang makaahon sa putik. Sa Bulawayo may mga mababait na kapatid na siyang nagdala sa akin sa ospital, at pagkatapos na ako’y gamutin ako’y nakabalik at nakinabang na ako sa mga kaayusan sa asamblea.
Nang panahong ito, samantalang naglalakbay sa pagdalaw sa mga kongregasyon, noon naengkuwentro namin ang elepante. Naengkuwentro rin namin ang elepante. Naengkuwentro rin namin ang maraming maliliit na mga kinapal. Ang ilan sa aming mga bisita sa tolda, bukod sa mga langaw at mga lamok ay mga langgam sa tag-ani. Sandaling-sandali lamang na ang mga ito’y nakabubutas ng anumang damit o tela na naiwanang nakasambulat sa lupa. Ang sarisaring uri ng mga butiki at mga gagambang-gala na dumadalaw sa amin ay hindi naman nakapipinsala. Subalit ang kobra na bumisita ay dagling pinalayas. At ang mga alakdan ay hindi rin tinatanggap. Si Val ang nagsabi na ang kanilang tibo ay katulad ng pagka ikaw raw ay pinakuan ng isang nagbabagang pako na pinukpok ng isang maso. Siya ang dapat makaalam. Makaapat na siya’y natibo!
Marahil ang mga bagay na ito ang nagpapahiwatig na ang buhay sa gubat ay malayung-malayo sa pagiging kasiya-siya, ngunit hindi ganiyan ang tingin namin diyan. Para sa amin, ito ay isang malusog na pamumuhay sa labas, lipos ng aktibidades, at ang espirituwal na pagpapala ay makapupong nakahihigit kaysa anumang di kaalwanan ng katawan.
Sa tuwina’y nakapagpapalakas-pananampalataya na makita ang pagpapagal na ginagawa ng mga kapatid sa bukid upang makadalo sa mga pulong. Isang kongregasyon ang binubuo ng dalawang grupo na 23 kilometro ang layo ng kinatitirhan ng isa’t isa na tanging isang landas ang nagkakatnig sa kanila. Ang kanilang “Kingdom Hall,” na nasa kakalahatian ng distansiya sa pagitan ng mga grupo, ay isang malaking punongkahoy na nagsisilbing lilim at mga bato ang mga upuan. Ang mga kapatid buhat sa bawat grupo ay lumalakad ng 11.5 kilometro upang makadalo sa kanilang mga pulong makalawa isang linggo. Naaalaala rin namin ang may edad nang mag-asawa na lumalakad ng 120 kilometro dala-dala ang kanilang mga maleta at mga blanket upang makadalo sa isang asambleang pansirkito. Ito’y dalawang halimbawa lamang ng kung paanong pinahahalagahan ng mga kapatid na Aprikano ang payo na, ‘huwag pabayaan ang pagkakatipon nilang sama-sama.’—Hebreo 10:25.
Sa mga ibang lugar ang mga mamamayan ay nagiging mapaghinala sa aming motibo, may mga iba na nagagalit pa dahilan sa aming pamamalagi sa mga karatig na pook. Minsan, itinayo ko ang aming tolda malapit sa pinagdarausan ng asambliya sa isang lugar doon na napaliligiran ng matataas na damo. Pagkatapos ng sesyon ng asamblea at kami’y nakahiga na nang mga dalawang oras, ako’y ginising ng isang ingay sa labas. Sa pamamagitan ng aking plaslait, naaninag ko ang anyo ng isa na nakatayo sa likod ng isang munting punongkahoy.
“Ano ba ang gusto mo?” Pasigaw na tanong ko. “Bakit ka nagkukubli sa likod ng punong iyan?”
“Sh-h-h brother,” ang tugon, “Naulinigan namin na may mga taong nagsasabi na kanilang sisilaban ang damong ito. Kaya’t nagsaayos kami ng grupo na magbabantay sa inyo sa magdamag.”
Hindi nila sinabi sa amin ang nagbabantang panganib upang huwag magambala ang aming tulog. Gayunman ay handa silang ipagparaya ang kanilang tulog upang mabantayan kami! Nang matapos ang asamblea noong Linggo ng hapon, kanilang isinaayos na isang kotse ang magpapauna sa amin at isa naman ang magpapahuli hanggang sa kami ay makalabas sa lugar ng panganib.
Nakalulugod din na makita ang pagpapahalaga sa Bibliya ng mapagpakumbabang mga taong ito. Ang isang kongregasyon na aming pinaglingkuran ay nasa isang lugar na kung saan mani ang tanim ng mga tagaroon. Sa loob ng isang linggo, aming ipinamamalit ang literatura at mga Bibliya ng mga kahon ng mga mani na may balat pa. Nang matapos ang aming dalaw, aming ikinarga ang aming mga gamit, literatura, at mga mani at nagbiyahe kami patungo sa susunod na pagdarausan ng asamblea. Mga ilang saglit bago kami lumisan, kami’y sinabihan na huwag munang umalis sapagkat mayroon daw humahabol sa amin. Kami’y nagpaunlak naman at naghintay. Siya pala ay isang totoong matanda nang babae na may sunong na kahon ng mani sa kaniyang ulo. Nang sandaling makarating siya sa amin, hapung-hapo na siya na anupa’t napahiga na lamang siya sa lupa at nanatili sa pagkahiga hanggang sa pagsaulian ng lakas. Oo, ang ibig pala niya ay isang Bibliya! Kinailangang ilabas namin ang halos lahat ng mga bagay-bagay na nakaimpake na, subalit isang kaluguran na matugunan ang kaniyang pangangailangan. Isa pang Bibliya sa maibiging mga kamay—at isa pang kahon na mani sa aming sasakyan!
Kahanga-hanga rin na makita kung paano nagbangon si Jehova ng mga tagapangasiwa ng sirkito upang dumalaw sa maraming kongregasyon sa kagubatan ng Aprika. Nang panahong iyon ay mahirap para sa Samahan na makasumpong ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na walang mga obligasyong pampamilya. Kaya karaniwan na para sa isang naglalakbay na tagapangasiwa na dumalaw sa mga kongregasyon sakay ng bus o ng bisikleta, kasama ang kaniyang asawang babae at dalawa o tatlong anak, dala ang mga maleta, kumot, at literatura. Ang mga kapatid na ito at ang kani-kanilang pamilya ay tunay na puspusang nagpapagal nang walang reklamo upang maglingkod sa mga kongregasyon. Isang malaking pribilehiyo na maglingkod kasama nila.
Noong mga taong 1970 dahilan sa giyera sibil ay nagkaroon ng mga problema ang mga kapatid, at ang isyu ng neutralidad ay nagharap sa marami sa kanila ng malulubhang pagsubok sa katapatan. (Juan 15:19) Inisip ng Samahan na pinakamagaling na palitan ang atas sa akin upang kung magagawa rin lamang ay huwag nang palubhain ang situwasyon para sa mga kapatid. Kaya, noong 1972, ako’y tinawag upang maglingkod sa tanggapang sangay sa Salisbury. Ito’y nagbigay sa akin ng pagkakataon na tumulong sa pagtatayo ng isang bagong tanggapang pansangay. Nang may dakong huli ako’y inatasan na tagapangasiwa ng sirkito para sa lubhang layu-layong mga kongregasyon na Ingles ang wikang ginagamit. Dito’y kinailangan na maglakbay ako sa kahabaan at sa kaluwangan ng Zimbabwe. Sa mga ilang lugar ang situwasyon ay totoong mapanganib kung kaya kami ay kinakailangang maglakbay ng pangkat-pangkat na organisado ng gobyerno at binabantayan ng army at may alalay na eruplano at helikopter.
Ang Aming Paglipat sa Bubong ng Aprika
Nang magkagayo’y dumating ang isa pang malaking pagbabago ng atas sa amin. Maglilingkod kami sa Maseru, ang kabisera ng Lesotho. Ito’y isang bansang mabundok, kung minsa’y tinatawag na ang bubong ng Aprika, at ito’y maraming mga lugar na may magagandang tanawin.
Bagaman kami’y natutuwa at mahilig sa magagandang tanawin, hindi iyon ang layunin namin sa pagpunta rito. Kami’y narito upang tumulong at hanapin “ang kanais-nais na mga bagay” na binabanggit sa Haggai 2:7. Ito ay isang maliit na bansa na ang populasyon ay isa at kalahating milyon lamang. Nang kami’y dumating doon noong 1979, 571 Saksi, sa katamtamang bilang, ang nakikibahagi sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buwan-buwan. (Mateo 24:14) Ang kongregasyon sa Maseru ay umabot sa punto na kung saan kinailangan na ito’y mahati sa dalawa. Kamakailan, noong Abril 1988, kami’y nagkaroon ng labis na kagalakan nang maabot namin ang isang bagong peak na 1,078 mamamahayag ng Kaharian.
Samantala ang gawain ay nagpapatuloy na sumulong sa aming dating atas misyonero ng Zambia at Zimbabwe. Nang unang dumating kami sa Aprika mga 35 taon na ang lumipas, mayroong kabuuang 36,836 mga tagapagbalita ng Kaharian sa dalawang bansang iyan. Sa ngayon ang bilang ay 82,229. Ang pribilehiyo na pakikibahagi sa munting paraan sa mga pagsulong na ito ay naging isang kahanga-hangang kagantihan sa amin.
“Inyong tikman at tingnan ninyo na si Jehova ay mabuti,” ang isinulat ng salmistang si David. (Awit 34:8) Ang aming ‘pagtikim’ sa paglilingkurang misyonero ay nakakumbinsi sa amin ng pagiging totoo ng mga salitang ito. Sa katunayan, sapol noong 1942 nang kami’y magkasamang magsimula sa buong-panahong paglilingkod, ang aming buhay ay napuspos ng mga pagpapala habang aming nalalasap ang masaganang kabutihan ni Jehova. Mayroon pang malaking gawain na kailangang gawin. Anong laki ng pasasalamat namin kay Jehova na kami ay mayroon pang sapat na lakas at kalusugan na magagamit sa paglilingkod sa kaniya!
[Larawan sa pahina 24]
Si John Miles kapiling ng kaniyang asawang si Val