Ang Tatlong Mago—Katotohanan ba o Katha-katha?
“C + M + B”
Ang mga titik bang ito ay may anumang kabuluhan sa iyo? Kung ikaw ay naninirahan sa isang lugar na Romano Katoliko sa Republika Federal ng Alemanya, baka nga gayon. Doon ay malimit na makikita mo ang mga titik kalakip ng taon na isinulat ng tisa sa mga haligi ng pinto. Bakit nga gayon?
Sang-ayon sa popular na alamat, ang mga titik na ito ang inisyal sa Aleman nang umano’y tatlong Mago, o “mga lalaking pantas,” si Gaspar, (Aleman, Caspar), Melchor, at Baltasar. Ayon sa palagay, ang mga buto ng mga mago ay inilipat sa Cologne noong taóng 1164 at nang bandang huli ay inilagak sa katedral ng siyudad, sa gayo’y ginawang sentro ng kanilang debosyon ang Cologne. Taun-taon, noong Enero 6—kilala sa tawag na Pista ng Tatlong Haring Banal—mga grupo ng kabataang nakapanamit na gaya ng mga sinaunang hari ang nagbabahay-bahay at sa mga pintuan ay isinusulat ng tisa sa mga haligi ng pinto ang binanggit na mga titik. Ayon sa kinaugalian, ito’y nagbibigay sa mga maybahay ng proteksiyon para sa masamang kapalaran.
Ang sining at tradisyong relihiyoso ay nagpapahiwatig na ang tatlong Mago, o “mga hari,” ay inakay ng isang “bituin” sa lugar na sinilangan ni Jesus. Dahilan sa karangalan, at debosyon din, na iniukol sa “mga haring” ito, bumabangon ang mga tanong na kung ang mga paniwalang ito ay nakasalig sa Kasulatan.
Ang Mateo ang tanging Ebanghelyo na tumutukoy sa mga panauhing ito. (2:1-12) Subalit binabanggit ba ng Mateo na sila ay tatlo, at sila’y mga hari, at isinulat ba ang kanilang mga pangalan? Ang Katolikong pahayagan na Kirchenzeitung für das Bistum Aachen ay umaamin: “Ang Tatlong Haring Banal ay hindi tinutukoy na ganoon sa Bibliya. Pasimula noong ikaanim na siglo, ang mga lalaking pantas ayon sa pagkaunawa ay . . . tatlong hari. . . . Tungkol sa bilang ng mga astrologo, . . . walang ibinigay na detalye si Mateo. . . . Noong ikasiyam na siglo sila’y unang lumitaw sa ilalim ng pangalang Gaspar, Melchor, at Baltasar.” Isa pa, ang Katolikong reperensiyang lathalaing Lexikon für Theologie und Kirche ay bumabanggit na ang salitang Griegong maʹgoi ay hindi nangangahulugang mga hari kundi, bagkus, “mga taong may lihim na kaalaman sa astrolohiya.” Sina Justin Martyr, Origen, at Tertullian ay pawang ang pagkaunawa sa salita ay nangangahulugan ito ng “astrologo.” Ang modernong mga salin ng Bibliya ay gumagamit din ng “astrologers” sa Mateo 2:1, 7.—The Living Bible; An American Translation.
Bagaman ang mga eksena ng Kapanganakan ni Jesus bilang isang sanggol ay pare-parehong may “tatlong hari,” ang mga ito kaya ay naroon nang siya’y isilang? Ganito pa ang sabi ng talasalitaan: “Ipinakikita ng Mateo 2:16 na ang pagdalaw ay naganap marahil isang taon o higit pa pagkatapos na maisilang si Jesus.” Tunay, sa Mat 2 talatang 11 ay tinutukoy ang isang “bahay,” hindi ang isang pasabsaban, na kung saan kanilang “nakita ang bata.”—King James Version.a
Kumusta naman ang terminong “mga Haring Banal”? Ang mga bisita ba ay wastong matatawag na banal? Sa Kasulatan ay hindi kailanman sila tinutukoy na ganiyan. Ang totoo, sila ay mga manlalabag sa banal na simulain. Sa Isaias 47:13, 14, hinahatulan ng Diyos ang “mga mananamba [“mga astrologo,” ayon sa Septuagint] ng kalangitan, ang mga tagapagmasid sa mga bituin.” (Ihambing ang Deuteronomio 18:10.) Ang mga astrologong ito ay nanggaling sa “mga panig ng silangan,” marahil noon ay sentro ng pagsamba sa okulto, ang di-banal na Babilonya, na kung saan mga diyus-diyusan ang kanilang sinasamba. Sa gayon, sila’y inakay ng inaakala nilang isang gumagalaw na “bituin,” na iniulat na walang sinumang nakakita. At, ipinakikita ng Mateo na inakay sila ng “bituin” una muna kay Haring Herodes, na pagkatapos ay nagsikap na patayin si Jesus.—Mateo 2:1, 2.
Hindi, hindi nagsugo ang Diyos ng isang “bituin” upang akayin sila nito kay Jesus. Hindi baga posible na ang “bituin” na ito ay ipinadala ng isa na naghahangad na puksain si Jesus bago niya matupad ang atas sa kaniya ng Diyos?—Ihambing ang Genesis 3:15.
Si Jesus ay nagbigay-babala na ang Salita ng Diyos ay magiging “walang kabuluhan” kung iyon ay hahaluan ng “tradisyon.” (Mateo 15:6) Ang mga tradisyon na gumagapos sa mga taong ito ay malinaw na labag sa Kasulatan. Kung gayon, hindi ka ba sasang-ayon na mali ngang sambahin ang mga astrologo o sila’y ituring na banal?
[Talababa]
a Binabanggit din ng klero ang pariralang Latin na Christus mansionem benedicat, “Harinawang pagpalain ni Kristo ang bahay na ito,” bilang isang paliwanag.