Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 3/1 p. 24-29
  • Malapit Na ang Katarungan Para sa Lahat ng Bansa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Malapit Na ang Katarungan Para sa Lahat ng Bansa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Anino ng Darating na Mabubuting Bagay
  • Katarungang May Katimbang na Awa
  • Katarungan Para sa Lahat ng Bansa
  • Ikaw ba ay Tumutugon sa Makatarungang mga Daan ng Diyos?
  • Ang Diyos ng Katarungan ay Kikilos Nang Mabilis
  • “Makigalak, Kayong mga Bansa, sa Kaniyang Bayan”
  • Si Jehova—Ang Pinagmumulan ng Tunay na Katarungan at Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Tularan si Jehova—Gumawa Nang may Katarungan at Katuwiran
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • “Lahat ng Ginagawa Niya ay Makatarungan”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Si Jehova—Maibigin sa Katuwiran at Katarungan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 3/1 p. 24-29

Malapit Na ang Katarungan Para sa Lahat ng Bansa

“Katarungan​—katarungan ang iyong susundin, upang ikaw ay patuloy na mabuhay at iyong ariin ang lupain na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.”​—DEUTERONOMIO 16:20.

1. Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao, at sa papaano lamang matutupad niya ito?

ANG layunin ng Diyos na Jehova sa paglalang sa lalaki at sa babae ay upang ang lupa’y mapuno ng sakdal na nilalang. Silang lahat ay pupuri sa kaniya at gaganap ng kaniyang bahagi sa pagsupil sa lupa. (Genesis 1:26-28) Yamang ang tao’y ginawa ayon sa larawan at wangis ng Diyos, siya’y sinangkapan ng mga katangian ng karunungan, katarungan, pag-ibig, at kapangyarihan. Tanging sa pamamagitan ng timbang na paggamit sa mga katangiang ito, matutupad ng tao ang layunin para sa kaniya ng kaniyang Maylikha.

2. Gaano kahalaga ang pagsunod sa katarungan para sa mga anak ni Israel?

2 Gaya ng napag-alaman sa naunang artikulo, ang tao ay naghimagsik laban sa paraan ng Diyos ng paggawa ng mga bagay-bagay at nasintensiyahan ng kamatayan. Ngayon, dahilan sa di-kasakdalan, imposible na para sa kaniya na ganapin ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang hindi pagsunod ng tao sa sakdal na katarungan ang isang mahalagang dahilan sa kabiguang ito. Kung gayon, hindi kataka-taka, na ipinaalaala ni Moises sa mga anak ni Israel: “Katarungan​—katarungan ang iyong susundin”! Ang kanilang buhay at ang kakayahan na ariin ang Lupang Pangako ay depende sa kanilang pagsunod sa katarungan.​—Deuteronomio 16:20.

Isang Anino ng Darating na Mabubuting Bagay

3. Bakit ang pagsusuri sa mga pakikitungo ni Jehova sa Israel ay mahalaga sa atin ngayon?

3 Ang mga pakikitungo ni Jehova sa bansang Israel ay nagpapatibay ng ating pagtitiwala na tunay ngang liliwanagin niya ang kaniyang katarungan sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kaniyang piniling Lingkod, si Jesu-Kristo. Ganito ipinaliliwanag ni apostol Pablo ang mga bagay-bagay: “Sapagkat lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Yamang ang Diyos “ay mangingibig ng katuwiran at katarungan,” kaniyang hiniling na tularan siya ng mga Israelita sa lahat ng kanilang pakikitungo sa isa’t isa. (Awit 33:5) Ito’y malinaw na makikita sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilan sa 600 kautusan na ibinigay sa Israel.

4. Papaanong ang mga suliranin sa mga karapatang-sibil ay nilulutas sa ilalim ng Kautusang Mosaiko?

4 Ang mga suliranin sa mga karapatang-sibil ay hindi umiiral pagka sinunod ang Kautusang Mosaiko. Tungkol sa kaso ng isang di-Israelitang naparoon sa lupain upang doon mamuhay, ang Levitico 19:34 ay nagsasabi: “Ang dayuhang nakikipamayan sa inyo bilang tagaibang bayan ay inyong pakikitunguhan na mistulang tagaroon sa inyo; at inyong iibigin siya na gaya ng inyong sarili.” Isang makatarungan at maibiging kaayusan nga! Isa pa, ang mga hukom at mga saksi ay pare-parehong pinaaalalahanan: “Huwag kang magpapatotoo sa isang usapin na ang kinikilingan mo’y ang karamihan upang iligaw ang katarungan. Kung para sa dukha, huwag kang magpapakita ng pagkiling sa kaniya sa isang usapin niya.” (Exodo 23:2, 3) Isip-isipin lamang iyan​—katarungan ang sinusunod sa pakikitungo sa mayaman at sa mahirap!

5. Paghambingin ang mga batas sa krimen sa ilalim ng Kautusang Mosaiko at yaong mga batas ngayon.

5 Sa ilalim ng mga alituntunin ng Kautusang Mosaiko, ang mga batas sa krimen ay nakahihigit ang kagalingan kaysa sa mga batas na nasa mga aklat ng kautusan ng mga bansa ngayon. Halimbawa, ang magnanakaw ay hindi ibinibilanggo upang magpabigat sa nagpapagal na mga taong sumusunod sa Kautusan. Siya’y kailangang magtrabaho at magbayad nang doble o higit pa para sa mga bagay na kaniyang ninakaw. Kaya’t ang biktima ay hindi dumaranas ng kalugihan. Ipagpalagay natin na ang magnanakaw ay tumangging magtrabaho at magbayad. Sa ganiyang kaso, siya’y ipinagbibili sa pagkaalipin hanggang sa maisauli ang halaga ng ninakaw. Kung siya’y magpapatuloy na nagmamatigas, siya’y pinapatay. Sa ganitong paraan ang biktima ay nilalapatan ng katarungan, at ito ay isang matinding panghadlang para sa mga iba na maaaring nag-iisip na magnakaw. (Exodo 22:1, 3, 4, 7; Deuteronomio 17:12) Isa pa, yamang ang buhay ay banal sa paningin ng Diyos, ang sinumang mamamatay-tao ay pinapatay. Ito’y nag-alis sa bansa ng mga taong balakyot at mamamatay-tao. Gayumpaman, pinagpapakitaan ng awa ang mga taong sa di-sinasadya’y nagiging mga kriminal.​—Bilang 35:9-15, 22-29, 33.

6. Ano ngayon ang masasabi natin pagkatapos suriin ang mga batas sa Israel?

6 Kung gayon, sino ang makapagtatatuwa na ang katarungan ang pamantayan ng lahat ng makatarungang pakikitungo ng Diyos sa bansang Israel? Kung gayon, tayo’y napupuspos ng kaaliwan, ng pag-asa, pagka ating pinag-iisipan kung papaanong ang pangako ng Diyos sa Isaias 42:1 ay matutupad sa pamamagitan ni Kristo Jesus! Doon ay tinitiyak sa atin: “Siya’y magdadala ng katarungan sa mga bansa.”

Katarungang May Katimbang na Awa

7. Ilarawan ang maawaing mga pakikitungo ni Jehova sa Israel.

7 Ang katarungan ng Diyos ay may katimbang na awa. Ito’y malinaw na ipinakita nang ang mga Israelita ay nagsimulang maghimagsik laban sa matuwid na mga daan ng Diyos. Pakinggan ang paglalarawan ni Moises ng maawaing pangangalaga ni Jehova sa kanila sa loob ng kanilang 40 taóng pamumuhay sa ilang: “Kaniyang nasumpungan siya sa isang ilang sa lupain, at sa kapanglawan ng isang mapanglaw, na umuungal na disyerto. Kaniyang kinanlungan siya sa palibot, upang pangalagaan siya, upang ingatan siya na mistulang itim ng kaniyang mata. Parang agila na gumagalaw ng kaniyang pugad, na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha sila, kinakalong sila sa kaniyang mga bagwis, ganoon si Jehovang mag-isa ang laging pumapatnubay sa kanila.” (Deuteronomio 32:10-12) Noong bandang huli, nang ang bansa’y maging apostata, si Jehova’y namanhik sa kanila: “Pakisuyo, manumbalik kayo, mula sa inyong masasamang lakad at mula sa inyong masasamang gawain.”​—Zacarias 1:4a.

8, 9. (a) Hanggang saan pinarating ng Diyos ang kaniyang maawaing katarungan sa mga Judio? (b) Sa wakas ay anong kapahamakan ang dumating sa kanila, subalit ano ang masasabi tungkol sa paraan ng Diyos ng pakikitungo sa kanila?

8 Ang ipinakitang awa ni Jehova ay hindi pinakinggan. Sa pamamagitan ni propeta Zacarias, sinabi ng Diyos: “Sila’y hindi nakinig, at sila’y hindi nagbigay ng pansin sa akin.” (Zacarias 1:4b) Kaya’t ang maawaing katarungan ng Diyos ang nag-udyok sa kaniya na suguin ang kaniyang bugtong na Anak upang tumulong sa kanila na manumbalik sa Kaniya. Si Juan Bautista ang nagpakilala sa Anak ng Diyos sa pagsasabing: “Narito, ang Kordero ng Diyos na umaalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29) Sa loob ng maraming taon, si Jesus ay hindi nagsawa ng pagtuturo sa mga Judio ng matuwid na mga daan ng Diyos, at gumawa pa ng di-mabilang na mga himala at sa gayo’y pinatunayang siya ang inihulang Manunubos. (Lucas 24:27; Juan 5:36) Subalit ang bayan ay hindi nakinig o naniwala man. Kaya naman, si Jesus ay bumulalas: “Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinusugo sa kaniya,​—makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang iyong bahay ay iniwang wasak sa inyo.”​—Mateo 23:37, 38.

9 Sa loob ng isa pa uling 37 taon ay pinigil ng Diyos ang kaganapan ng kaniyang hatol laban sa kanila, hanggang noong 70 C.E. Pagkatapos ay pinayagan niyang puksain ng mga Romano ang Jerusalem at dalhing bihag ang libu-libong mga Judio. Pagka ating pinag-isipan ang mahabang panahong ipinagbata at ipinagtiis ni Jehova sa loob ng maraming daan-daang taon, sino ba ang hindi makauunawa na katarungan ang pamantayan ni Jehova sa lahat ng kaniyang pakikitungo sa sambahayan ng Israel?

Katarungan Para sa Lahat ng Bansa

10. Papaanong pinalawak hanggang sa makaabot sa lahat ng bansa ang katarungan ng Diyos?

10 Pagkatapos na si Jesus ay itakuwil ng Israel, sinabi ni Santiago: “Noong unang pagkakataon na ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa lahat ng mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Ang “bayan” na ito, kasali na yaong mga ilang Judio na tumanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas, ay sama-samang bumuo “ng [espirituwal] Israel ng Diyos” at sila ang 144,000 inianak-sa-espiritung mga tagasunod ni Kristo Jesus. (Galacia 6:16; Apocalipsis 7:1-8; 14:1-5) Ang unang di-tuling mananampalatayang Gentil ay si Cornelio. Nang si Cornelio at ang kaniyang sambahayan ay tumanggap sa kaayusan ng Diyos ng kaligtasan, sinabi ni Pedro: “Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Pinalalawak ni Pablo ang pagkamatuwid ni Jehova sa kaniyang di-pagtatangi nang kaniyang sabihin: “Walang Judio ni Griego, walang alipin ni malaya, walang lalaki ni babae; sapagkat kayong lahat ay iisang persona kaisa ni Kristo Jesus. Bukod pa rito, kung kay Kristo kayo, tunay na binhi kayo ni Abraham, mga tagapagmana tungkol sa pangako.”​—Galacia 3:28, 29.

11. Anong pangako ang ibinigay kay Abraham, at papaano iyon matutupad?

11 Dito tayo ay pinaaalalahanan tungkol sa isang kahanga-hangang pangakong ibinigay ni Jehova kay Abraham. Batay sa pagpayag ng patriarkang iyan na ihain ang kaniyang sinisintang anak na si Isaac, sinabi sa kaniya ng Diyos: “Sapagkat ginawa mo ito at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak, tiyak na pagpapalain kita . . . At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:16-18) Papaano matutupad ang pangakong ito? Ang “binhi ni Abraham,” na binubuo ni Jesu-Kristo at ng kaniyang 144,000 pinahirang mga tagasunod na magtatapat hanggang kamatayan, ay magpupuno sa sangkatauhan buhat sa kalangitan sa loob ng isanlibong taon. (Apocalipsis 2:10, 26; 20:6) Tungkol sa pinagpalang panahong iyon, sa ati’y nagbibigay si Jehova ng katiyakan: “Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” Bakit? Sapagkat ang “maharlikang pamamahala” ng Mesiyanikong Kahariang iyan ay ‘aalalayan ng katarungan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa panahong walang takda.’​—Isaias 9:7.

12. Papaano tinatamasa na ngayon ang mga pagpapala ng tipan kay Abraham?

12 Subalit hindi na kailangang maghintay pa hanggang sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo upang tamasahin ang mga pagpapala ng tipan kay Abraham. Ang mga pagpapalang ito ay tinatamasa na ng “isang malaking pulutong” ng mga tao “buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” Sa simbolikong pangungusap ay kanilang ‘nilabhan ang kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero,’ si Jesu-Kristo, kaya naman sila’y mayroon nang isang matuwid na katayuan sa harap ni Jehova. Katulad ni Abraham, sila’y naging mga kaibigan ni Jehova! Ang katarungan ay tunay na siyang pamantayan ng kaayusan ni Jehova ng pagliligtas sa milyun-milyong mga tao sa lahat ng bansa.​—Apocalipsis 7:9, 14.

Ikaw ba ay Tumutugon sa Makatarungang mga Daan ng Diyos?

13, 14. (a) Anong personal na pagsusuri ng puso ang dapat na gawin nating lahat? (b) Papaano maipahahayag ang ating pasasalamat kay Jehova?

13 Ang iyo bang puso ay napukaw at lubhang naantig ng kaayusan ng Diyos ng katarungan at pag-ibig sa pagbibigay ng kaniyang bugtong na Anak bilang isang pantubos para sa iyo? Gunigunihin ang nadama ni Abraham nang hilingin sa kaniya ni Jehova na ihain ang kaniyang anak bilang handog, gayung mahal na mahal niya ito! Subalit lalung matindi ang damdamin ng Diyos. Pag-isipan ang kaniyang nadama nang ang kaniyang mahal na Anak ay nagdurusa sa mga ipinaranas na mga kalapastanganan, ang mapang-abusong mga salita ng mga nagdaraan, ang napakatinding pasakit ng pagdurusa sa pahirapang tulos. Gunigunihin ang naging epekto kay Jehova nang humiyaw si Jesus ng: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:39, 46) Gayunman, kahilingan ng katarungan na payagan ng Diyos na Jehova na ang kaniyang Anak ay mamatay sa paraang nagpapatunay ng kaniyang katapatan sa pagbabangong-puri ng katuwiran ng Diyos. Isa pa, sa pagpayag na mamatay ang kaniyang Anak, binuksan ni Jehova ang daan para sa kaligtasan natin.

14 Tiyak, kung gayon, na ang ating pasasalamat kay Jehova at sa kaniyang Anak ay dapat magpakilos sa atin na hayagang kilalanin na: “Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos . . . at sa Kordero.” (Apocalipsis 7:10) Sa positibong pagtugon natin sa paraang ito, ating ipinakikita na tayo’y naniniwala sa mga salita ni Moises: “Lahat ng mga daan [ni Jehova] ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Anong laking kaligayahan ang idudulot natin sa puso ni Jehova at ng kaniyang Anak samantalang ating kinikilala at pagkatapos ay itinataguyod ang makatarungang mga kaayusan ng Diyos ukol sa kaligtasan ng tao!

15. Ano ba ang kabuluhan sa atin ng mga salita ni Jesus kay Nicodemo?

15 Hindi ba tayo nagagalak na ang ating mga kapananampalataya noong mga taon ng 1870 ay nanindigang matatag sa isyu ng haing pantubos? Hindi ba tayo nagagalak na tayo sa ngayon ay bahagi ng isang organisasyon na katulad din nilang disididong kumapit nang mahigpit sa makatarungan at maibiging kaayusan ng Diyos ukol sa kaligtasan ng tao? Kung gayon, nararapat na bigyan natin ng pantanging pansin ang sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan niya ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya. Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan. . . . Ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawang kasuwato ng mga gawa ng Diyos.” Upang tayo’y hindi hatulan ng Diyos nang laban sa atin, kailangang patunayan natin ang ating pananampalataya sa Anak sa pamamagitan ng paggawa ng ‘mga gawang kasuwato ng sa Diyos.’​—Juan 3:17, 18, 21.

16. Papaano maluluwalhati ng mga alagad ni Jesus ang Ama sa langit?

16 Sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y patuloy na magbunga nang marami at patunayang kayo’y mga alagad ko. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo’y magsisipanatili sa aking pag-ibig, gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng Ama at ako’y nanatili sa kaniyang pag-ibig.” (Juan 15:8, 10) Ano ba ang ilan sa mga utos na ito? Ang isa ay matatagpuan sa Juan 13:34, 35, na kung saan sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa . . . Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” Ang bunga ng pag-ibig ay nahahalata sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Iniutos din ni Jesus: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ikaw ba mismo’y gumagawa ng ‘mga gawaing [ito] kasuwato ng sa Diyos’?

17. Anong resulta ang nagpapakita na ang pangangaral at pagtuturo ay isang pagpapakita ng katarungan ni Jehova?

17 Ang katarungan ng paraan ni Jehova sa pagpapahintulot na gawin ng mga tagasunod ni Jesus ang mga gawaing ito na pangangaral at pagtuturo ay nakikita pagka isinaalang-alang natin ang naisagawa ng mga Saksi ni Jehova kahit na lamang sa loob ng isang taon. Noong taóng 1988, may 239,268 mga nabautismuhang bagong alagad! Hindi ba ito nagpapagalak sa inyong puso?

Ang Diyos ng Katarungan ay Kikilos Nang Mabilis

18. Anong mga tanong ang marahil babangon dahil sa pag-uusig sa bayan ni Jehova?

18 Ang gawaing pagpapatotoo ay hindi naisagawa nang walang pagsalansang. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Ang modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ang nagpapatunay ng katotohanan ng pangungusap na iyan. Mga pagbabawal, pagbibilanggo, panggugulpi, at pati na ang malupit na pagpapahirap ay naranasan ng mga Saksi sa sunud-sunod na mga bansa. Ang hula ni Habacuc ang minsan pa’y sumasaisip natin: “Ang kautusan ay natitigil, at ang katarungan ay hindi lumalabas kailanman.” Kaya naman, kung minsan, kahit na ang bayan ni Jehova ay marahil nagtatanong: ‘Bakit minamasdan lamang ng Diyos yaong mga gumagawa ng pandaraya? Bakit Siya tumatahimik pagka sinasakmal ng balakyot ang isa na lalong matuwid kaysa sa kaniya?’​—Habacuc 1:4, 13.

19. Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus upang tumulong sa atin na maunawaan ang mga bagay-bagay buhat sa punto-de-vista ng Diyos?

19 Si Jesus ay nagbigay ng isang ilustrasyon na tumutulong upang masagot ang ganiyang mga tanong at maunawaan natin ang mga bagay-bagay buhat sa punto-de-vista ng Diyos. Sa Lucas 17:22-37, inilarawan ni Jesus ang mararahas na kalagayan na magsisilbing palatandaan ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Sinabi niya na ang mga ito ay makakahalintulad ng mga kalagayan bago sumapit ang Baha noong kaarawan ni Noe at bago pinuksa ang Sodoma at Gomora noong kaarawan ni Lot. Pagkatapos, ayon sa inilarawan sa Lucas 18:1-5, si Jesus ay bumaling sa kaniyang mga alagad at “nagpatuloy ng paglalahad sa kanila ng isang ilustrasyon tungkol sa pangangailangan na sila’y laging manalangin at huwag huminto.” Binanggit ni Jesus ang isang biyuda na nasa malaking pangangailangan at ang “isang hukom” na nasa katayuan naman na sapatan ang pangangailangan ng biyuda. Siya’y patuloy na namanhik: “Loobin mo na mabigyan ako ng makatarungang hatol sa pakikipag-usapin ko sa aking katunggali.” Dahilan sa kaniyang patuloy na pakiusap, sa wakas ay pinangyari ng hukom na ‘ang biyuda’y hatulan nang may katarungan.’

20. Ano ang aral para sa atin ng ibinigay ni Jesus na ilustrasyon?

20 Ano ang aral nito para sa atin ngayon? Pagkatapos ipakita ang pagkakaiba ng di-matuwid na hukom na iyon kung ihahambing kay Jehova, sinabi ni Jesus: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng hukom, bagaman siya’y liko! Hindi baga pangyayarihin ng Diyos na ang kaniyang mga pinili na sumasamo sa kaniya araw at gabi ay malapatan ng katarungan, bagaman siya’y matiisin sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, Kaniyang pangyayarihing mabilis na malapatan sila ng katarungan.”​—Lucas 18:6-8a.

21. Papaano natin mamalasin at pakikitunguhan ang ating mga personal na problema?

21 Laging tandaan na kung tungkol sa ating mga personal na problema, ang waring pagkaatraso ng kasagutan sa ating mga panalangin ay hindi dahil sa ayaw tayong sagutin ng Diyos. (2 Pedro 3:9) Kung sakaling tayo’y dumaranas ng pag-uusig o ng kaapihan na kagaya ng dinanas ng biyuda, tayo’y maaaring manampalataya na pangyayarihin ng Diyos na sa wakas ay mailapat ang katarungan. Papaano natin maipakikita ang gayung pananampalataya? Sa pamamagitan ng pananalangin nang walang patid at pagkilos nang ayon sa ating mga panalangin sa pamamagitan ng patuloy na paglakad sa landas ng katapatan. (Mateo 10:22; 1 Tesalonica 5:17) Sa pamamagitan ng ating katapatan, patutunayan natin na mayroong pananampalataya sa lupa, na mayroon pang mga tunay na mangingibig ng katarungan, at tayo’y kabilang sa kanila.​—Lucas 18:8b.

“Makigalak, Kayong mga Bansa, sa Kaniyang Bayan”

22. Sa anong himig ng tagumpay winakasan ni Moises ang kaniyang awit?

22 Maraming daan-daang taon na ngayon ang nakalipas, ang kaniyang awit ay winakasan ni Moises sa ganitong himig ng tagumpay: “Makigalak, kayong mga bansa, sa kaniyang bayan, sapagkat kaniyang ipaghihiganti ang dugo ng kaniyang mga lingkod, at kaniyang paghihigantihan ang kaniyang mga kaaway at patatawarin niya ang lupain ng kaniyang bayan.” (Deuteronomio 32:43) Palapit nang palapit ang araw ng paghihiganti ni Jehova. Anong laki ng ating pasasalamat at siya ay gumagamit pa ng pagtitiis kalakip ng katarungan!

23. Anong nakagagalak na resulta ang naghihintay sa mga nakikibahagi sa kagalakan ng bayan ng Diyos?

23 Ang daan ay bukás pa para sa mga tao sa lahat ng bansa “na magsisi,” subalit walang panahon na dapat sayangin. Si Pedro ay nagbabala: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng magnanakaw.” (2 Pedro 3:9, 10) Hinihiling ng katarungan ng Diyos na ang balakyot na sistemang ito ay puksain sa lalung madaling panahon. Kung sakaling dumating iyan, harinawang tayo’y masumpungang kabilang sa mga taong tumugon sa nakagagalak na panawagang: “Makigalak, kayong mga bansa, sa kaniyang bayan.” Oo, harinawang tayo’y makabilang sa mga taong nangagagalak na nakaunawang ang katarungan ang pamantayan ng lahat ng daan ng Diyos!

Papaano Mo Sasagutin?

◻ Bakit dapat patibayin ng Kautusang Mosaiko ang ating pananampalataya sa katarungan ng Diyos?

◻ Ano ang dapat mag-udyok sa atin na tumugon sa makatarungang mga daan ng Diyos?

◻ Papaano maluluwalhati si Jehova?

◻ Sa ngayon, saan lamang matatagpuan ang tunay na kagalakan?

[Larawan sa pahina 25]

“Tunay ngang talastas ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.”​—Gawa 10:34, 35

[Larawan sa pahina 28]

Pangyayarihin ng Diyos na malapatan ng katarungan ang kaniyang mga pinili na dumaraing sa kaniya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share