Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 4/1 p. 22-23
  • Ang Kamatayan ng Isang Bansa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kamatayan ng Isang Bansa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maapoy na Pagkapuksa ng mga Kaaway ng Diyos
  • Si Jehova ay Kaligtasan
  • Aklat ng Bibliya Bilang 30—Amos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Kunin Bilang Parisan ang mga Propeta—Si Amos
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2013
  • Darating ang Hatol ni Jehova Laban sa mga Balakyot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 4/1 p. 22-23

Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Amos 1:1–9:15

Ang Kamatayan ng Isang Bansa

“HUMANDA kang salubungin mo ang iyong Diyos,” ang sabi ni “Jehova na Diyos ng mga hukbo” sa bansang Israel. (Amos 4:12, 13) Ang dahilan? Palibhasa’y binulag ng kasaganaan, ang mga Israelita ay nakalimot ng kaniyang Kautusan at nagkasala ng pagpaparumi sa kaniyang banal na lupain sa pamamagitan ng idolatriya, imoralidad, pagbububo ng dugo, at karahasan.

Bilang propeta ni Jehova, si Amos ay ibinangon upang magbigay ng babalang mensahe hindi lamang sa kaniyang sariling bansa ng Juda kundi lalo na sa hilagang kaharian ng Israel. Kaniyang hinatulan ang Israel dahilan sa mapagpalayaw na estilo ng pamumuhay at inihula ang kaniyang daranasin sa wakas na kamatayan sa kamay ng mga kaaway na bansa. Ang aklat ni Amos, na isinulat sa pagitan ng 829 B.C.E. at 804 B.C.E., ay nagbibigay ng matalinong pang-unawa tungkol sa kakayahan ng Diyos na magkaroon ng pangitain tungkol sa mga darating na kapahamakan, at ito’y nagbibigay ng mga ilang napapanahong babala.

Maapoy na Pagkapuksa ng mga Kaaway ng Diyos

Walang sinumang makaliligtas sa mga kahatulan ng Diyos. Ito’y napatunayang totoo para sa mga bansa ng Damasco (Syria), Gasa (Filistia), Tiro, Edom, Ammon, Moab, at Juda! Si Jehova ay ‘hindi mag-uurong’ ng kaniyang kamay laban sa kanila dahil sa kanilang gawang masama. Gayunman, ang inihulang daranasin nilang kapahamakan ay nagpapatingkad lamang ng kahatulan na napaharap sa Israel dahil sa hindi niya pananatili sa kaniyang pakikipagtipan sa Diyos at pagtataguyod ng kaniyang mga kautusan.​—Amos 1:1–2:16.

Pakinggan ang babala ng Diyos. “Kayo lamang na mga tao ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa,” ang sabi ni Jehova sa Israel. (Amos 3:2) Gayunman, ang kanilang makasalanang lakad ay nagpakita ng paghamak sa pangalan at pagkasoberano ng Diyos. Marami ang determinado na maging mayaman, namumuhay sa walang-saysay na luho sa ‘isang bahay na pantagginaw bukod sa isang bahay na pantag-araw,’ na ginastusan ng kanilang sariling mga kapatid. (Amos 3:15) Sa pamamagitan ng mandarayang mga timbangan, may kasakimang kanilang dinaya ang mga dukha. Ang kanilang pagtatakuwil sa tunay na pagsamba ay nangangahulugan na natatakdang ilapat sa kanila ni Jehova ang kaparusahan. Gayumpaman, ‘si Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay maliban na kaniyang isiwalat iyon sa kaniyang mga lingkod.’ Sa gayon, inihula ni Amos ang mga paghatol ni Jehova at sila’y binabalaan: “Humanda kang salubungin mo ang iyong Diyos.”​—Amos 3:1–4:13.

Si Jehova ay Kaligtasan

Ang Diyos ay magpapakita ng awa sa mga nagsisisi. “Hanapin ninyo ako, at kayo’y patuloy na mangabubuhay,” ang panawagan ni Jehova sa Israel. (Amos 5:4) “Inyong kapuotan ang masama, at ibigin ang mabuti.” (Amos 5:15) Gayunman, ang ganiyang mga salita ay hindi pinapansin. Mas gusto pa ng mga apostata na umakyat upang makarating sa Bethel at Gilgal, mga sentro ng pagsamba sa idolo, upang doon maghandog ng mga hain sa mga diyus-diyusan. (Amos 5:26; 1 Hari 12:28-30) Sa magagarang mga higaang garing, ang palalong mga manggagawa ng kasamaan ay lumalaklak ng kaakit-akit sa panlasang mga alak na nagpapasasa sa pinakamagagaling na pagkain at pabango. (Amos 5:11; 6:4-6) “Ang araw ni Jehova” ay dumarating, at “sa kaniyang sariling kaluluwa” ang Diyos ay sumumpa tungkol sa pagpuksa sa Israel. (Amos 5:18; 6:8) Si Jehova ay magbabangon ng isang bansa na manunupil sa Israel at magdadala sa kaniya sa pagkabihag.​—Amos 5:1–6:14.

Matakot kay Jehova, hindi sa mga mananalansang. Ang pagkapuksa ng Israel ay maaaring pangyarihin ng isang kuyog ng mga balang o ng isang lubusang-sumusupok na apoy. Si Amos ay nagsumamo sa Diyos alang-alang sa Israel, at ‘ikinalungkot ni Jehova’ ang kaniyang paghatol, kaya’t iyon ay hindi ginanap sa ganitong paraan. Gayunman, tulad ng isang karpintero na sa pamamagitan ng isang pabatong tingga ay inaalam niya kung tuwid ang isang dingding, si Jehova ay ‘hindi na papayag na magdahilan’ ang Israel. (Amos 7:1-8) Ang bansa ay kailangan nang igiba. Palibhasa’y ginalit ng ibinigay ng propeta na mensahe, si Amazias, isang saserdote ng pagsamba sa guya, ay may kasinungalingang nagparatang kay Amos ng pagtataksil sa kaniyang bayan at ito’y binigyan niya ng utos na ‘tumakas sa lupain ng Juda at huwag nang manghula pa’ sa Bethel. (Amos 7:12, 13) Si Amos ba ay nanlupaypay sa takot? Hindi! Buong tapang na inihula niya ang kamatayan ni Amazias at ang sasapit na kasakunaan sa kaniyang sambahayan. Kung paanong ang bungangkahoy ay pinangunguha kung panahon ng tag-ani, ganoon din na panahon na para si Jehova ay makipagtuos sa Israel. Ito’y hindi na makatatakas.​—Amos 7:1–8:14.

May pag-asa para sa mga nagtitiwala kay Jehova. “Hindi ko lubusang lilipulin ang sambahayan ni Jacob,” ang sabi ni Jehova. May pag-asa pa rin ang ibang mga supling ni Jacob subalit walang pag-asa ang mga makasalanan. Tiyak ang kanilang pagkapuksa. Gayumpaman, “muling titipunin [ni Jehova] ang mga bihag” ng Israel.​—Amos 9:1-15.

Mga aral para sa ngayon: Yaong mga gumagawa ng sarili nila na mga kaaway ng Diyos ay hahatulan na karapatdapat sa kamatayan. Gayunman, sinuman na nakikinig sa banal na mensaheng nagbibigay-babala na magsisi ay kahahabagan ni Jehova at patuloy na mabubuhay. Kung tayo’y natatakot sa Diyos, hindi natin tutulutang ang mga mananalansang ay makahadlang sa atin sa patuloy na pagsasagawa ng kaniyang kalooban.

[Kahon sa pahina 22]

MGA SINURING TEKSTO SA BIBLIYA

○ 1:5​—Ang sinaunang mga lunsod ay may matataas na pader at pagkalalaking pintuang-bayan. Upang maikandado ang mga pintuang ito, mahahabang halang na bakal o tanso ang nagsisilbing kandado sa loob. Ang ibig sabihin ng ‘pagwawasak sa halang ng Damasco’ ay na mahuhulog sa kamay ng mga Asiryo ang kabisera ng Syria. Iyon ay makakatulad ng kung ang mga pintuan ng lunsod ay hindi maikakandado dahil sa nangasira ang kanilang mga halang.​—2 Hari 16:8, 9.

○ 4:1​—Ang maluluhong mga babaing naninirahan sa Samaria ay tinutukoy na “mga baka ng Bashan.” Dahilan sa malawak na mga pastulan ng Bashan mahuhusay na mga lahi ng hayop ang kanilang napasibol. (Deuteronomio 32:14; Ezekiel 39:18) Ang masasakim na “mga baka ng Bashan” na ito ay marahil siyang mga nagtulak sa kanilang “mga panginoon,” o kani-kanilang asawa, na mangikil ng salapi sa mga dukha upang mapuno ng gamit ang kanilang sariling “mga bahay na garing.” (Amos 3:15) Subalit, ang gayong mga gawain ay humantong sa pagpaparusa sa kanila ng langit.

○ 4:6​—Ang pananalitang “kalinisan ng ngipin” ay ipinaliliwanag ng katumbas na pariralang “kakulangan ng tinapay.” Sa gayo’y lumilitaw na tumutukoy ito sa isang panahon ng taggutom, na ang mga ngipin ay malilinis sapagkat walang anumang makain. Malinaw dito, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang di-pagsang-ayon sa idolatrosong sampung-tribong kaharian sa pamamagitan ng pagpapasapit ng taggutom sa lupain, tulad ng kaniyang ibinabala noon pa mang una. (Deuteronomio 28:48) Gayumpaman, ito o ang iba pang mga mensahe ng banal na kahatulan ay hindi nakarating sa puso ng maninira-ng-tipan na bayang ito.​—Amos 4:6, 8-11.

○ 5:2​—Nang salitain ni Amos ang kaniyang hula, ang mga tao at ganoon din ang lupain ng Israel ay hindi pa nasusupil at napagsasamantalahan ng isang bansang banyaga. Sa gayon, sila’y inilarawan bilang isang birhen. Subalit, makalipas ang mga ilang taon lamang ang birheng Israel ay mahuhulog sa kamay ng mga Asiryo at “mapapatapon lampas pa roon sa Damasco.” (Amos 5:27) Tiyak na tiyak ni Amos na mapupuksa ang Israel dahilan sa kaniyang kataksilan na anupa’t kaniyang inilarawan iyon bilang naganap na.

○ 7:1​—“Ang mga gapas para sa hari” ay malamang na tumutukoy sa buwis o bayad na hinihingi ng hari upang matustusan ng pagkain ang kaniyang mga hayop at mga mangangabayo. Ang buwis sa hari ay kailangan munang bayaran, at pagkatapos ay maaaring kunin ng mga tao ang “gapas,” o pananim, para sa kanilang sariling gamit. Subalit bago nila magawa iyon, dumagsa na ang mga balang at kinain ang huling tanim na ito.

○ 8:2​—Ang bunga sa tag-araw ay inaani sa may pagtatapos ng panahon ng tag-ani. Ang katapusan ng taon ng pag-aani ay sumasagisag kung gayon sa bagay na narating na ng Israel ang kaniyang wakas. “Hindi ko na sila papayagang magdahilan pa,” ang sabi ni Jehova. Ang bansa ay nakatakdang dumanas ng kaniyang kaparusahan.

○ 9:7​—Dahilan sa kanilang tapat na mga ninuno, ang mga Israelita ay pinili ni Jehova, kaniyang pinalaya sa pagkaalipin sa Ehipto ang kanilang mga ninuno, at sila’y dinala sa Canaan. Subalit sila’y walang dahilan na ipagmalaki ito, sapagkat ang kanilang kabalakyutan ay nagbigay sa kanila ng kaparehong katayuan na gaya ng mga Cushita. (Ihambing ang Roma 2:25.) Gayundin, ang pagkapalaya nila buhat sa Ehipto ay hindi isang garantiya ng patuloy na pagsang-ayon sa kanila ng Diyos kung paano ang mga Filisteo at ang mga Siryano ay nagsisipanirahan sa mga lugar na iba kaysa kanilang unang tinirhan. Hindi dahil sa sila’y mga inapo ng tapat na mga patriarka ay maliligtas na ang mga Israelita. Ang isang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos ay depende sa pagsunod sa kaniyang kalooban.​—Amos 9:8-10; Gawa 10:34, 35.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share