Ang Pagkabuhay-muli—Para Kanino at Kailan?
NANGYARI iyon noong taóng 32 C.E. sa Betania, na kung saan naninirahan si Lazaro at ang kaniyang dalawang kapatid na babae, si Marta at si Maria. Ang magkapatid ay nagpadala ng pasabi kay Jesus na si Lazaro ay may sakit. Iniibig ni Jesus si Lazaro at ang kaniyang mga kapatid, kaya’t Siya’y yumaon patungong Betania. Sa daan, ipinabatid ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit ako’y paroroon upang gisingin siya sa pagkakatulog.” Ang akala ng mga alagad ay literal na pagkatulog ang tinutukoy ni Jesus. Kaya’t malinaw na sinabi ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.”—Juan 11:1-15.
Ang mga bisita ay nagsidating apat na araw na ang nakalipas pagkamatay ni Lazaro. Nang makita ni Jesus si Maria at ang mga iba pa na nagsisipanangis, siya’y “tumangis” din, na nagpapakita ng kaniyang matinding pag-ibig at pagkahabag. (Juan 11:17, 35) Ang bangkay ni Lazaro ay nakalibing sa isang yungib. Iniutos ni Jesus na ang batong nakatakip sa intrada ng libingan ay alisin. Siya’y nanalangin sa kaniyang Ama at pagkatapos ay humiyaw nang malakas: “Lazaro, lumabas ka!” Si Lazaro ay lumabas nga. Anong laking kagalakan ang tiyak na nadama ng kaniyang mga kapatid na babae!—Juan 11:38-45.
Ang pangyayaring ito ay nagbibigay ng tunay na pag-asa sa pagkabuhay-muli. Gayumpaman, sa pangkalahatan, ang kamatayan ay isang kakila-kilabot na kaaway na kumukuha sa ating mga mahal sa buhay na hindi karakaraka sila bubuhayin ni Jesus. Gaya ng alam na alam natin, marami sa mga minamahal nating mga taong ito ang mabubuti at kababait. Kung gayon, ang isang katanungang maliwanag na bumabangon ay . . .
Bakit nga ba Kailangang Mamatay ang mga Tao?
Kung ibig natin ang isang tumpak, mapanghahawakang kasagutan, tayo’y babaling sa pasimula ng sangkatauhan sa halamanan ng Eden. Sa pagsubok sa pagkamasunurin ni Adan, Iniutos sa kaniya ng Diyos na huwag kakain ng bunga ng isang punungkahoy doon. Kung siya at si Eva ay kakain ng bunga niyaon, ang sabi ng Diyos, sila’y “tiyak na mamamatay.” (Genesis 2:17) Nang tuksuhin ni Satanas, sila’y sumuway sa Diyos at hindi sila nakapasa sa mahalagang pagsubok na iyon. Kamatayan ang ibinunga.
Bakit gayon na lamang kalubha ang parusa sa isang waring maliit na kasalanan? Maliit nga ang kanilang ginawa, subalit ang pagkakasala ay labis na malubha—isang paghihimagsik ng mga taong sakdal, ni Adan at ni Eva, laban sa kanilang Maylikha. Sila’y hindi na sakdal, at sila’y sinintensiyahan ng Diyos na kamatayan. Gayunman, isinaayos ng Diyos na ang makatarungang sintensiyang iyon ay baligtarin para sa mga inapo ni Adan. Papaano? Isinulat ni Pablo na “si Kristo Jesus . . . ibinigay ang kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.”—1 Timoteo 2:5, 6; Roma 5:17.
Ano ba ang Kalagayan ng mga Patay?
Si Lazaro ay apat na araw nang patay. Kung ikaw ay namatay ngunit talaga namang buháy ka sa dako ng mga espiritu nang may apat na araw at pagkatapos ay binuhay kang muli, hindi mo ba gugustuhin na ibalita iyon sa iba? Subalit si Lazaro ay walang sinabing anuman tungkol sa pagiging buháy niya sa ibang dako. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.”—Eclesiastes 9:5; Awit 146:3, 4.
Pag-isipan ang kahulugan niyan. Angaw-angaw na mga tao ang naniniwala sa purgatoryo, bagaman ang salitang iyan ay hindi makikita sa Bibliya. Marami pa ang naniniwala na may isang nag-aapoy na impiyerno. Gayunman, kahit na ang isang kaaway mo ay hindi mo susunugin nang walang-hanggan sa apoy. Kung hindi mo gagawin ang ganiyang kalupit na bagay, gagawin kaya iyan ng ating mapagmahal na Manlalalang sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga tao sa apoy ng impiyerno? Subalit pakisuyo, pag-isipan ang nakaaaliw na katiyakang binanggit na ng Bibliya—ang mga patay ‘ay walang kaalaman sa anuman.’
Sang-ayon sa Kasulatan, ang bilang ng maghaharing kasama ni Kristo sa langit ay kaunti lamang kung ihahambing. Sila’y tinukoy ni Jesus na isang “munting kawan.” (Lucas 12:32) Nakita ni apostol Juan na “ang Kordero [si Jesu-Kristo] ay nakatayo sa [makalangit] na Bundok Sion, at kasama niya ang isandaan at apatnapu’t apat na libo . . . na binili sa lupa.” (Apocalipsis 14:1-3) Ito’y nangangahulugan, kung gayon, na sila’y naging mga tao, nangamatay, at nang bandang huli ay binuhay upang tumahan sa langit kasama ni Kristo.
Gaya ng sasaisip mo, natulungan ang mga tao ng pagkaunawa sa mga katotohanang ito ng Bibliya—na wala namang purgatoryo ni isang nagniningas na impiyerno at na may pag-asa na ang mga taong nangamatay na ay maaaring buhaying-muli sa langit. Subalit, kung ang binuhay na iyan sa langit ay lubhang kakaunti, ano naman ang pag-asa para sa iba?
Ang Makalupang Pagkabuhay-muli
Si Jesu-Kristo ang nagbukas, o nagpasinaya, ng daan patungo sa pagkabuhay-muli sa langit. (Hebreo 9:24; 10:19, 20) Kung gayon, si Juan Bautista ay hindi makikibahagi sa makalangit na pagkabuhay-muli sapagkat siya’y pinatay bago namatay si Jesus at binuksan ang daan patungo sa buhay sa langit. Sinabi ni Jesus: “Walang lumitaw na isang lalong dakila kaysa kay Juan Bautista; ngunit ang isang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kaysa kaniya.” (Mateo 11:11) Anong gantimpala ang inilalaan ng Diyos sa may pananampalatayang taong ito at sa mga iba pa na katulad niya na nangamatay?
Buklatin ang inyong Bibliya sa Lucas 23 at basahin ang mga talatang 39 hanggang 43. Isa sa mga manlalabag-batas na ibinayubay sa tabi ni Jesus ang nagsabi: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” Sa kaniya’y tiniyak ni Jesus na siya’y doroon sa Paraiso. Iyan ay hindi langit, kundi isang makalupang paraiso, tulad ng unang Paraiso.
Ang Pagkabuhay-muli—Pinagmumulan ng Kaaliwan
Ang may katuwirang asahang pangakong iyan ng Bibliya ay totoong nakaaaliw, at may dahilan tayong asahan. Bakit? Sapagkat si Jehova ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Nang kaniyang payagang mamatay ang kaniyang Anak ng isang abang kamatayan, ang totoo’y ipinakikita ng Diyos ang kaniyang kahanga-hangang katangian ng pag-ibig. Bago pa noon, sinabi na ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”—Juan 3:16.
Si Jesus ay nagpakita rin naman ng pambihirang pag-ibig sa pagbibigay ng kaniyang buhay bilang isang pantubos ukol sa sumasampalatayang mga tao. Siya mismo ang nagsabi: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.”—Mateo 20:28.
Si Carolann, na binanggit sa unang artikulo na nawalan ng ilang mga mahal sa buhay dahil sa pagkasawi sa isang kalagim-lagim na aksidente ay naging tulala pagkatapos. Subalit siya’y naaliw sa pagkaalam na ang nasawing mga mahal na iyon sa buhay ay hindi nagdurusa. Ano ba ang isa pang nakatulong sa kaniya upang harapin ang kasawiang iyon? Ang pag-ibig at tunay na mga pakikiramay na ipinakita ng kaniyang espirituwal na mga kapatid, ang mga Saksi ni Jehova, ay napatunayang napakalaking tulong.—Awit 34:18.
Ang panalangin kay Jehova ay lubhang nakatulong din. Maraming gabi na siya’y nagigising at kaniyang naiisip na iyon ay isa lamang masamang panaginip, subalit pagkatapos ay sasagi sa kaniyang isip na totoo palang nangyari iyon. Ang nagsusumamong panalangin kay Jehova ang nagpapakalma sa kaniya, at lalo niyang nadarama ang isinulat ni Pablo: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
Si Shirley ay isa pa ring halimbawa ng kung papaanong lubhang nakaaaliw ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Ang kaniyang batang anak na si Riccardo ay namatay nang biglaan nang isang mabigat na piraso ng bato ang bumagsak sa kaniyang dibdib, at sumira sa kaniyang munting puso. Pagkatapos ng trahedyang ito, noong Enero 1986, ganito ang sabi ni Shirley sa mga kaibigan: “Iyon ay para bang isang masamang panaginip.” Sa Simbahang Katoliko ay narinig niya ang mga salitang ito: “Hahatulan ng Diyos ang mga buháy at ang mga patay.” Naisip tuloy ni Shirley, ‘Kung hahatulan ng Diyos ang mga buháy at ang mga patay, papaano malalaman ng isa kung saan pupunta ang mga tao pagkamatay nila? At kung sila’y nasa langit, bakit sa bandang huli’y bubuhayin sila upang hatulan? Isa pa, papaano sila maaaring buhaying-muli kung sila’y mga buháy na sa langit?’ Saanman sa Bibliya ay walang binabanggit na pagkabuhay-muli ng mga buháy kundi ng mga patay lamang.
Tungkol sa problemang ito tinanong ni Shirley ang kaniyang asawa yamang ito’y may kaalaman sa Bibliya. Minsang kaniyang naunawaan ang ilan sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa paksa, si Shirley ay hindi na bumalik kailanman sa simbahan. Isang kamag-anak na isa sa mga Saksi ni Jehova ang nagsimulang aralan ng Bibliya si Shirley at ang kaniyang asawa noong Marso 1986, at hindi nagtagal sila ay nabautismuhan. Ganito ngayon ang sabi niya: “Totoong kahanga-hangang malaman ang katotohanan, malaman ang tungkol sa pagkabuhay-muli, at malaman na isang lubhang kahanga-hangang persona si Jehova.”
Ang Pagkabuhay-muli—Kailan?
Sa pangitain, nakita ni apostol Juan ang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika, na nangakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.” (Apocalipsis 7:9) Yamang ‘nangakatayo sa harap ng trono ng Diyos’ ang malaking pulutong sila’y dito sa lupa nakalaan na mamuhay. (Isaias 66:1) Kung ang iba sa kanila ay mamamatay ngayon, kailan sila bubuhaying-muli? Ang Bibliya ay hindi nagbibigay ng petsa, ngunit iyon ay magaganap pagkatapos ng napipintong digmaan na kung saan dito sa lupa ay lilipulin ng Diyos ang lahat ng mga ayaw mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (2 Tesalonica 1:6-9) Iyan ay magbubukas ng daan para sa Araw ng Paghuhukom at ng pagkabuhay-muli ng lahat ng kinikilala ng Diyos na nakahanay para tumanggap ng pagkabuhay-muli sa lupa. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Pinatutunayan ng katuparan ng hula sa Bibliya na ang pagkaliga-ligaya at kagila-gilalas na mga pangyayaring ito ay magaganap di na magtatagal!—Apocalipsis 16:14-16.
Minsa’y tinanong si Jesus ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang tugon binanggit ni Jesus ang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, mga lindol, salot, at ang pambuong-lupang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:3-14; Lucas 21:7-11.
Ang pambihirang hulang ito ay natutupad sapol noong 1914, nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig I. Ito’y pumatay ng angaw-angaw at lumikha ng mga kagutom at mga kakapusan sa pagkain sa maraming mga bansa. Ang katayuan ng daigdig nang panahon at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II ay naging lalong malala.
Tungkol sa mga salot, marami ang naniniwala na ang pinakamalubhang halimbawa nito ay ang AIDS. “Napakamalaganap ang epidemya at napakarami ang namamatay kung kaya’t ito’y inihambing ng mga dalubhasa sa Itim na Kamatayan na sumawi sa isang-kapat na bahagi ng populasyon ng Europa noong ikalabing-apat na siglo.”—Reader’s Digest, Hunyo 1987.
Sa liwanag ng ganiyang kasalukuyang mga kakilabutan, totoong kamangha-mangha ang pagkabuhay-muli! Iyan ay isang panahon ng walang-katapusang kagalakan pagka ang mga pami-pamilyang pinagwatak-watak ng kamatayan, katulad niyaong kay Carolann at Shirley ay muling magkikita-kita! Sa liwanag niyan, ang makatuwirang dapat gawin ng bawat isa sa atin ay iayon ang ating mga buhay ngayon sa kalooban ng Diyos at sa gayo’y ariing karapat-dapat na makasaksi sa magaganap na pagkabuhay-muli.
[Larawan sa pahina 7]
Sinasabi ng Bibliya na kung papaanong ang isang punungkahoy ay pinuputol at pagkatapos ay sumusupang uli, maaaring buhaying-muli ng Diyos ang mga patay na nasa kaniyang alaala.—Job 14:7-9, 14, 15