Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 10/15 p. 10-15
  • Mag-ingat Laban sa Nakapipinsalang Tsismis!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat Laban sa Nakapipinsalang Tsismis!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Papaano Nagkakaiba
  • Kung Papaano Nagiging Paninirang-Puri ang Tsismis
  • Pagka May Bumangong Di-Pagkakaunawaan
  • Bakit Kailangang Mag-ingat?
  • Iyon ba ay Paninirang-Puri?
  • Paninirang-puri
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tsismis—Bakit ang Pang-akit?
    Gumising!—1991
  • Tsismis—Ano ang Pinsalang Nagagawa Nito?
    Gumising!—1989
  • Kung Papaano Madadaig ang Nakapipinsalang Tsismis
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 10/15 p. 10-15

Mag-ingat Laban sa Nakapipinsalang Tsismis!

“Sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalansang, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.”​—KAWIKAAN 10:19.

1. Gaanong pinsala ang nagagawa ng malisyosong tsismis, o paninirang-puri?

WALANG makababago sa nakamamatay na lason upang magsilbing isang nakapagpapalusog na inumin. Ang malisyosong tsismis, o paninirang-puri, ay mainam ang pagkahalintulad sa lason, na maaaring magsilbing magnanakaw ng mabuting pangalan ng isang matuwid na tao. Ang makatang Romano na si Juvenal ang nagsabing ang paninirang-puri “ang pinakamasama sa lahat ng lason.” At ang dramatistang Ingles na si William Shakespeare ang naglagay ng mga salitang ito sa bibig ng isa sa kaniyang mga karakter: “Siyang kumukupit sa akin ng aking mabuting pangalan ay nagnanakaw sa akin ng hindi naman nagpapayaman sa kaniya at ginagawa akong dukha nga.”

2. Anong mga tanong ang nararapat na isaalang-alang?

2 Ngunit ano nga ba ang tsismis? Papaano ito naiiba sa paninirang-puri? Bakit dapat mag-ingat laban sa nakapipinsalang tsismis? At papaano ito magagawa?

Kung Papaano Nagkakaiba

3. Ano ang pagkakaiba ng tsismis at ng paninirang-puri?

3 Ang tsismis ay “walang kabuluhang usapan, na hindi laging totoo, tungkol sa mga ibang tao at sa kanilang pamumuhay.” Iyon ay “walang-halaga, magkakapalagayang-loob na usapan o sulatan.” Yamang lahat tayo ay interesado sa mga tao, kung minsan ay nagsasabi tayo ng mabubuti, nakapagpapatibay na mga bagay tungkol sa iba. Ang paninirang-puri ay naiiba. Ito ay “isang walang katotohanang sabi-sabi na ang layunin ay mapinsala ang mabuting pangalan at marangal na pagkakilala sa iba.” Ang ganiyang usapan ay karaniwan nang malisyoso at labag sa pagka-Kristiyano.

4. Ayon sa isang manunulat, papaano maaaring magsimula ang paninirang-puri, at sa ano ito nanggagaling?

4 Ang di-nakapipinsalang tsismis ay maaaring mauwi sa ubod-samang paninirang-puri. Ganito ang sinabi ng manunulat na si Arthur Mee: “Mas malimit kaysa hindi na ang paninirang-puri na pumipinsala sa isang tao, at maaaring magpahamak sa kaniya, ay nagsisimula sa tsismis, ang tsismis na nagbubuhat sa kawalang-ginagawa ng isa. Ito ay isa sa pinakamalaking kasamaan sa sanlibutan, subalit ito’y nanggagaling, sa pangkalahatan na, sa kawalang-alam. Ating masusumpungan ito lalung-lalo na sa mga walang gaanong ginagawa, at walang partikular na layunin sa buhay.”

5. Ano ang pinakadiwa ng payo ni Pablo sa 1 Timoteo 5:11-15?

5 Yamang ang walang-kabuluhang usapan ay maaaring humantong sa paninirang-puri, si apostol Pablo ay nagsalita laban sa mga ilang tsismosa. Pagkatapos banggitin ang mga biyudang kuwalipikado na tumanggap ng tulong sa kongregasyon, siya’y sumulat: “Tanggihan mo ang mga nakababatang biyuda, sapagkat pagka ang kanilang mga pita sa sekso ay nangibabaw sa kanila higit sa Kristo, . . . bukod dito ay natututo rin silang maging mga tamad, palipat-lipat sa mga bahay; oo, hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa pa at mapanghimasok sa pamumuhay ng iba, anupa’t nanghihimasok sa mga bagay na hindi nila dapat panghimasukan. Kaya ibig kong magsipag-asawa ang nakababatang mga biyuda, sila’y magsipag-anak, magsipamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak. Ang totoo, ang iba’y nagsibaling na ng pagsunod kay Satanas.”​—1 Timoteo 5:11-15.

6. Ano ang dapat gawin upang mapagtagumpayan ang isang personal na kahinaan para sa uri ng pagtsitsismis na maaaring humantong sa paninirang-puri?

6 Yamang si Pablo ay kinasihan ng Diyos nang sumulat, ang kaniyang sinasabi ay hindi tiwali tungkol sa mga babaing iyon. Ang kaniyang sinabi ay dapat pinakaseryosong pag-isipan. Walang maka-Diyos na babaing nagnanais ‘bumaling ng pagsunod kay Satanas.’ Subalit, ano kung ang isang babaing Kristiyano’y may kahinaan sa uri ng pagtsitsismis na maaaring humantong sa paninirang-puri? Kung magkagayon ay dapat niyang mapakumbabang sundin ang payo ni Pablo: “Ang mga babae ay dapat . . . maging seryoso, hindi mapanirang-puri.” Sinabi rin niya: “Ang matatandang babae ay maging magagalang sa kanilang pagkilos, hindi mapanirang-puri.” (1 Timoteo 3:11; Tito 2:3) Ang mga kapatid na lalaki ay dapat ding taimtim na magkapit ng matalinong payong iyan.

7. Batay sa Kasulatan, bakit masasabi mo na lahat tayo ay dapat magpakaingat sa ating pagsasalita?

7 Mangyari pa, kung minsan lahat tayo ay nagsasalita tungkol sa mga ibang tao, sa kanilang mga karanasan sa ministeryo, at iba pa. Gayunman, tayo ay huwag ‘maupo at magsalita laban sa ating kapatid.’ (Awit 50:19, 20) Oo, hindi isang kapantasan na magsalita nang napakarami sapagkat “sa karamihan ng mga salita ay hindi nagkukulang ng pagsalansang, ngunit siyang nagpipigil ng kaniyang mga labi ay gumagawang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) Kaya tayo’y dapat magpakaingat laban sa tsismis, kahit na iyon ay hindi naman nakapipinsala. Hindi naman kailangan na ang laging maging paksa ng ating pakikipag-usap ay tungkol sa mga tao, yamang tayo’y may maiinam na mapipiling mga paksa kung ating isasaalang-alang ang mga bagay na matuwid, malinis, kaibig-ibig, magagaling, at kapuri-puri.​—Filipos 4:8.

Kung Papaano Nagiging Paninirang-Puri ang Tsismis

8. Bakit hindi naman laging masama na mag-usap-usap tungkol sa ating mga kapuwa Kristiyano?

8 Walang masama sa pakikipag-usap tungkol sa ministeryo sa larangan at sa iba pang teokratikong aktibidades ng mga kapananampalataya kung tayo ay may hustong kabatiran sa ating sinasabi at wala namang pinsalang ibinubunga ang ating sinasabi. Sa katunayan, ang ganitong positibong uri ng pangungusap ay maaari pa ngang makapagpatibay-loob sa iba. (Ihambing ang Gawa 15:30-33.) May mga Kristiyano noon na nag-usapan tungkol sa tapat na matandang lalaking si Gayo, na sinulatan ni apostol Juan: “Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa sa lahat ng iyong ginagawa para sa mga kapatid, at mga estranghero pa nga, na siyang mga nagpapatotoo ng iyong pag-ibig sa harapan ng kongregasyon.” (3 Juan 5, 6) Kaya’t hindi naman laging masama na mag-usap-usap tungkol sa ating mga kapuwa Kristiyano.

9. (a) Papaanong ang usapang walang-kawawaan ay maaaring mauwi sa paninirang-puri sa mga matuwid? (b) Anong mga tanong ang angkop na itanong natin sa ating sarili?

9 Gayunman, ang usapang walang-kawawaan ay maaaring mauwi sa paninirang-puri sa mga matuwid kung tayo’y manghihimasok sa kanilang pribadong pamumuhay, mag-aalinlangan sa kanilang mga motibo, o pupukaw ng paghihinala tungkol sa kanilang asal. Maaaring ugaliin natin na tanungin ang atin-ating sarili na: Ang akin kayang pagsasalita ay maaaring makapinsala sa mabuting pangalan ng isang tao? Ang akin bang sinasabi ay totoo? (Apocalipsis 21:8) Masasabi ko rin kaya iyon sa harap niya? Iyon kaya ay maghahasik ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon? Hindi kaya maiwala niya ang mga pribilehiyo ng paglilingkuran dahil sa aking mga sinabi? Sa aking puso ay tumubo na kaya ang pagkainggit? (Galacia 5:25, 26; Tito 3:3) Ang ibubunga kaya ng aking mga sinasabi ay maging mabuti o maging masama? (Mateo 7:17-20) Sasabihin ko kaya ang gayunding mga bagay tungkol sa mga apostol? (2 Corinto 10:10-12; 3 Juan 9, 10) Ang gayon kayang pananalita ay karapat-dapat salitain ng mga may paggalang kay Jehova?

10, 11. Sang-ayon sa Awit 15:1, 3, ano ang hindi natin gagawin kung ibig nating maging panauhin ng Diyos?

10 Ang tinutukoy ay yaong may mga paggalang sa Diyos, ganito ang tanong ng Awit 15:1: “Oh Jehova, sino ang makapanunuluyang panauhin sa iyong tabernakulo? Sino ang tatahan sa iyong banal na bundok?” Tungkol sa gayong tao, ang salmistang si David ay sumasagot: “Siya’y hindi naninirang-puri ng kaniyang dila. Sa kaniyang kasamahan ay hindi siya gumagawa ng anumang masama, at hindi siya dumudusta sa kaniyang matalik na kakilala.” (Awit 15:3) Dito ang salitang “naninirang-puri” ay galing sa isang Hebreong pandiwa na ang ibig sabihin ay “isapaa” at sa gayo’y “magparoo’t parito.” Sa mga Israelita ay iniutos: “Huwag kayong magpaparoo’t parito na nagkakalat ng paninirang-puri sa gitna ng inyong bayan.” (Levitico 19:16, New International Version) Sinuman na ‘nagpaparoo’t parito sa pagkakalat ng paninirang-puri’ ay hindi panauhin at kaibigan ng Diyos.

11 Ang mga kaibigan ng Diyos ay hindi gumagawa ng masama sa kanilang mga kasama at hindi makikinig, o maniniwala man, sa anumang naninirang sabi-sabi tungkol sa matuwid na mga kakilala. Sa halip na magkalat ng walang katotohanang sabi-sabi tungkol sa mga kapananampalataya at magdagdag pa sa paninirang ginagawa ng mga taong masasama na kanilang pinagtitiisan na, ang dapat nating salitain ay kabutihan tungkol sa kanila. Hindi natin ibig na dagdagan pa ang mga pasanin ng ating tapat na mga kapatid sa pamamagitan ng pagsasalita ng mga bagay na nakasisira sa kanila.

Pagka May Bumangong Di-Pagkakaunawaan

12. Papaano makatutulong sa atin ang Gawa 15:36-41 kung tayo’y natutuksong magsalita ng paninira tungkol sa isa na sa atin ay may namamagitang di-pagkakaunawaan?

12 Palibhasa’y di-sakdal, baka tayo matukso na magsalita laban sa isang tao na sa ati’y may namamagitang isang malubhang di-pagkakaunawaan. Subalit pag-isipan ang nangyari nang si apostol Pablo’y halos yayaon na patungo sa kaniyang ikalawang paglalakbay-misyonero. Bagaman si Bernabe ay disidido na si Marcos ang maging kasama nila, si Pablo ay hindi sumang-ayon, “palibhasa [si Marcos] ay humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.” At nangyari na, nagkaroon ng “biglaang pagsisiklab ng galit,” at sila’y naghiwalay. Si Marcos ang kinuha ni Bernabe na kasama niya sa Chipre, samantalang ang isinama naman ni Pablo ay si Silas sa pagtahak sa Siria at Cilicia. (Gawa 15:36-41) Nang bandang huli, ang di-pagkakaunawaan sa pagitan ni Pablo, Bernabe, at Marcos ay malinaw na nalutas, sapagkat si Marcos ay naging kasama ng apostol sa Roma, at mabuti naman ang mga sinabi ni Pablo tungkol sa kaniya. (Colosas 4:10) Bagaman nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, walang katibayan na ang mga Kristiyanong iyon ay nagparoo’t parito ng pagtsitsismis ng isa’t isa sa gitna ng mga kapananampalataya.

13. Sa anong mga pangyayari tungkol kay Pedro pinaglabanan ni Pablo ang isang posibleng tukso na manirang-puri sa isang kapuwa Kristiyano?

13 Pinaglabanan din ni Pablo ang isang posibleng tukso na mapauwi sa nakapipinsalang tsismis ang kaniyang pagsaway kay Cefas (Pedro), na noon ay nahiya na sumalo ng pagkain sa mga mananampalatayang Gentil at makihalubilo sa kanila dahilan sa may kasa-kasama roong mga Judiong Kristiyano na nanggaling sa Jerusalem. Sa halip na magsalita nang talikuran laban kay Pedro, si Pablo ay “sumalansang sa kaniya nang harapan,” at nagsalita “sa harapan nilang lahat.” (Galacia 2:11-14) Hindi itsinismis ni Pedro ang sumaway sa kaniya. Sa katunayan, nang bandang huli ay kaniyang tinukoy ito na “ang ating minamahal na kapatid na si Pablo.” (2 Pedro 3:15) Samakatuwid kahit na kung ang isang kapananampalataya ay kailangang ituwid, ito’y hindi dahilan upang siya’y itsismis. May napakabubuting dahilan upang ikaw ay pakaingat laban sa gayong pananalita at sumalansang sa tukso na magkalat ng nakapipinsalang tsismis.

Bakit Kailangang Mag-ingat?

14. Ano ang pangunahing dahilan kung bakit tayo’y di-dapat makinig o magkalat ng nakapipinsalang tsismis?

14 Ang pangunahing dahilan kung bakit tayo’y di-dapat makinig sa nakapipinsalang tsismis o makibahagi sa pagkakalat niyaon ay sapagkat ibig nating palugdan si Jehova, na humahatol sa paninirang-puri. Gaya ng binanggit na nga, ang pagkakilala ng Diyos sa ganiyang pagsasalita ay niliwanag nang iutos sa mga Israelita: “Huwag kayong magpaparoo’t parito sa inyong bayan upang manirang-puri. Huwag kayong titindig laban sa dugo ng inyong kapuwa. Ako’y si Jehova.” (Levitico 19:16) Kung nais nating tamasahin ang pagsang-ayon ng Diyos, kung gayon, huwag nating sisiraang-puri ang sinuman na binabanggit natin sa ating mga pakikipag-usap.

15. Sino ang pangunahing maninirang-puri, at ano ang maaaring maging epekto ng nakapipinsalang pagtsitsismis sa ating kaugnayan sa Diyos?

15 Ang isa pang dahilan kung bakit tayo’y di-dapat magkalat ng nakapipinsalang tsismis ay sapagkat maaaring humantong iyon sa pagtulad kay Satanas, ang pangunahing maninirang-puri kay Jehova. Ang numero unong kaaway na ito ng Diyos ay angkop na pinanganlang “Diyablo” (Griego, di·aʹbo·los), na ang ibig sabihin ay “maninirang-puri.” Nang si Eva’y makinig sa paninirang-puri ni Satanas laban sa Diyos at kumilos ayon doon, ang unang mag-asawa’y napahiwalay sa kanilang pinakamatalik na Kaibigan. (Genesis 3:1-24) Kailanman ay huwag tayong padala sa mga hangarin ni Satanas at iwasan natin ang mapasangkot sa nakapipinsalang pagsasalita na hindi sinasang-ayunan ng Diyos at, samakatuwid, makapaghihiwalay sa atin buhat sa ating pinakamatalik na Kaibigan, si Jehovang Diyos.

16. Papaanong ang isang maninirang-puri ay “naghihiwalay ng magkakaibigang matalik”?

16 Tayo’y di-dapat makinig sa malisyosong mga tsismoso, yamang sila’y naghihiwalay ng magkakaibigan. Kadalasan, ang mga maninirang-puri ay labis-labis kung magsalita, nagbibigay ng maling pangangahulugan, nagsisinungaling, at nagtatambak ng bunduk-bundok na mga salitang nakapagpapagalit. Sa halip na mukhaang makipag-usap sa isang tao, sila’y bumubulong nang talikuran. Malimit na napupukaw ang walang batayang paghihinala. Sa gayon, “ang maninirang-puri ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik.”​—Kawikaan 16:28.

17. Bakit tayo’y dapat mag-ingat laban sa malubhang pagkasangkot sa walang-kawawaang tsismis?

17 Tayo’y dapat mag-ingat laban sa malubhang pagkasangkot kahit na sa walang-kawawaang tsismis. Bakit? Sapagkat ang isang pangungusap na hindi naman nilayong makasakit sa kaninuman ay maaaring makasakit pagka iyon ay pinaulit-ulit. Iyon ay maaaring maragdagan pa o mapilipit hanggang sa makapinsala sa mabuting pangalan ng isang mabuting tao, at masiraan ang kaniyang mabuting pangalan. Kung sakaling magkaganiyan, ano kaya ang madarama mo kung ikaw ang pinagmulan ng tsismis o ikaw ang nagpasa niyaon? Baka makilala ka ng mga tao bilang isang malamang gumawa ng kapinsalaan, at sa gayo’y baka hindi na sila makisama sa iyo.​—Ihambing ang Kawikaan 20:19.

18. Papaanong ang tsismis ay maaaring makahila sa isang tao upang maging isang sinungaling?

18 Ang isa pang dahilan upang mag-ingat ay sapagkat baka ikaw ay gawing isang sinungaling ng nakapipinsalang tsismis. “Ang mga salita ng isang maninirang-puri ay tulad ng mga bagay na nilulunok nang may kasakiman, na bumababa sa kaloob-loobang bahagi ng tiyan.” (Kawikaan 26:22) Ano kung ikaw ay lumulunok ng mga kasinungalingan at pinauulit-ulit mo ang mga iyon? Bueno, kahit na kung inaakala mong totoo ang mga kasinungalingan, ikaw ay nagsisinungaling pa rin kung iyong ikinakalat ang mga iyon. Pagka nahayag ang kawalang-katotohanan ng mga iyon, ikaw ay baka ituring na isang sinungaling. Ibig mo bang mangyari iyan sa iyo? Hindi baga ang mga bulaang guro ang pinapananagot ng Diyos sa mga kabulaanan sa relihiyon? Oo, kaniya ring pinapananagot ang nagbubulaang mga maninirang-puri. Si Jesus ay nagbabala: “Ang bawat salitang walang-kabuluhan na sabihin ng mga tao ay ipagsusulit nila sa araw ng paghuhukom; sapagkat sa iyong mga salita aariin kang walang sala at sa iyong mga salita hahatulan ka.” (Mateo 12:36, 37, Byington) Yamang “bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos ng kaniyang sarili,” ibig mo bang ikaw ay hatulan niya bilang isang sinungaling na maninirang-puri?​—Roma 14:12.

19. Bakit masasabing ang nakapipinsalang tsismis ay maaaring makamatay?

19 Ang isa pa ring dahilan kung bakit di-dapat magkalat ng nakapipinsalang tsismis ay sapagkat ito’y maaaring makamatay. Oo, ito’y maaaring makamatay, na sinisira ang mabuting pangalan ng isang taong walang sala. Ang ibang mga dila ay ‘matatalas na tabak,’ at ang mapapait na salita ay mistulang mga pana na itinutudla sa mga walang malay buhat sa mga mananambang. Si David ay nanalangin: “Ako’y ikubli mo [Jehova] buhat sa lihim na payo ng mga manggagawa ng kasamaan, buhat sa panggugulo ng mga namihasa sa paggawa ng masama, na nangaghasa ng kanilang dila na parang tabak, at pinahilagpos ang kanilang mga palaso, samakatuwid baga ay ang masasakit na salita, upang kanilang maihilagpos buhat sa kubling mga dako sa isang taong walang kapintasan.” (Awit 64:2-4) Ibig mo bang ikaw ay managot dahil sa pagsasabi ng gayong masasamang bagay tungkol sa isang kapuwa mo tao hanggang sa punto na siya’y napilitang manalangin sa Diyos para malunasan ang kaniyang kalagayan, gaya ng ginawa ng salmista? Ibig mo bang magkasala ka ng maituturing na pagpatay sa kapuwa?

20. (a) Kung tungkol sa kongregasyon ng Diyos, ano ang maaaring mangyari sa isang walang-pagsisising maninirang-puri? (b) Anong pag-iingat ang kailangang gawin ng matatanda may kaugnayan sa tsismis at paninirang-puri?

20 Ang paninirang-puri ay maaaring humantong sa pagkatiwalag sa organisasyon ng Diyos; ang isang maninirang-puri ay maaaring itiwalag, marahil bilang isang di-nagsisising sinungaling. Gayunman, ang gayong aksiyon ay hindi dapat ikapit sa mga nagkakasala ng walang-kawawaang pagtsitsismis. Ang mga bagay-bagay ay dapat pagtimbang-timbangin ng matatanda kasabay ng panalangin, na inuunawa ang malaking pagkakaiba ng tsismis lamang at ng nakapipinsalang paninirang-puri. Upang maitiwalag, ang nagkasala ay kailangang isang malisyosong, di-nagsisising maninirang-puri. Ang mga matatanda ay hindi autorisado na magtiwalag kaninuman nang dahil sa walang-kabuluhang pagtsitsismis na ang motibo’y ang kapakanan ng tao ngunit hindi kasinungalingan o malisyoso. Ang mga bagay-bagay ay hindi dapat palakihin nang higit pa sa nararapat, at kailangang may mga saksi na magbibigay ng sapat na patotoo upang patunayan na walang-alinlangang kasangkot ang paninirang-puri. (1 Timoteo 5:19) Ang di-nagsisising mga maninirang-puri ay itinitiwalag lalung-lalo na upang ang malisyosong tsismis ay mapatigil at ang kongregasyon ay hindi mahawahan ng lebadura ng kasalanan. (1 Corinto 5:6-8, 13) Subalit kailanman ang matatanda ay hindi dapat maging totoong padalus-dalos na anupa’t kanilang itinitiwalag ang sinuman sa mga kadahilanang labag sa Kasulatan. Sa pamamagitan ng panalangin at payo, malimit na sila’y makatutulong sa nasabing tao na magsisi, humingi ng paumanhin o kaya’y magbayad-pinsala, at patuloy na sumulong sa pagpapaamo ng dila.

Iyon ba ay Paninirang-Puri?

21. Sa halip na itsismis ang isang nagkasala, ano ang dapat mong gawin?

21 Isang kawikaan ang may kapantasang nagsasabi: “Siyang nagpaparoo’t paritong naninirang-puri ay nagbubunyag ng mga lihim, ngunit ang isang may diwang tapat ay nagtatakip ng isang bagay.” (Kawikaan 11:13) Ang ibig bang sabihin nito ay kung may nalalaman kang sinuman na lihim na gumagawa ng malaking pagkakasala, nagiging isang paninirang-puri na magsalita ng anuman tungkol doon? Hindi. Mangyari pa, hindi mo dapat itsismis ang tungkol sa bagay na iyon. Kailangang makipag-usap ka sa nagkasala, at himukin siya na lumapit at patulong sa matatanda. (Santiago 5:13-18) Kung hindi niya gagawin ito sa loob ng isang makatuwirang yugto ng panahon, ang pagkabahala sa kalinisan ng kongregasyon ang dapat mag-udyok sa iyo na sabihin sa matatanda ang bagay na iyon.​—Levitico 5:1.

22. Bakit natin masasabi na ang 1 Corinto 1:11 ay hindi nagpapahintulot ng pagtsitsismis?

22 Ang gayong pagsasabi ay maaaring magbunga ng pagdisiplina sa nagkasala, at iyan ay waring hindi nakagagalak. Kahit na gayon, ang isang taong sinanay ng disiplina ay umaani ng bunga ng katuwiran. (Hebreo 12:11) Ang nagawang pagkakasala ay dapat isiwalat sa mga inatasan na humawak ng gayong mga kaso, hindi sa mga mapaghatid-dumapit na maaaring magtsismis niyaon. Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, niyaong mga nasa sambahayan ni Chloe, na sa inyo ay may mga pagtatalu-talo.” (1 Corinto 1:11) Ang mga nasa sambahayan bang iyon ay nagtsitsismis tungkol sa mga kapananampalataya? Hindi, kundi ipinatalastas sa responsableng matanda na makagagawa ng mga hakbang upang tulungan yaong mga nangangailangan ng tulong para ang mga ito’y makabalik ng paglakad sa landas ng buhay.

23. Anong tanong ang natitira pa upang isaalang-alang?

23 Kung tutulungan natin ang isang tao na mag-ingat laban sa pagkasangkot sa nakapipinsalang tsismis, tayo’y gumagawa ng isang bagay na ikabubuti niya. Isang pantas na kawikaan ang nagsasabi: “Siyang nag-iingat ng kaniyang bibig ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa. Siyang nagbubukang maluwang ng kaniyang labi​—siya’y mapapahamak.” (Kawikaan 13:3) Kung gayon, maliwanag na may mabubuting dahilan kung bakit dapat mag-ingat laban sa nakapipinsalang tsismis at balakyot na paninirang-puri. Subalit, papaano nga madadaig ang nakapipinsalang pagtsitsismis? Ang susunod na artikulo ang magsasabi.

Ano ba ang Iyong mga Sagot?

◻ Ano ang pagkakaiba ng walang-kawawaang pagtsitsismis at ng paninirang-puri?

◻ Papaanong ang tsismis ay maaaring mapauwi sa paninirang-puri?

◻ Ano ang ilang mga dahilan upang mag-ingat laban sa nakapipinsalang tsismis?

◻ Bakit hindi paninirang-puri kung ating ipagbibigay-alam ang malaking kasalanang nagawa ng isang tao?

[Larawan sa pahina 14]

Tiyakin mo na ikaw ay hindi nagkakasala nang talikurang pagtudla ng palaso sa isang tao sa pamamagitan ng pagtsitsismis tungkol sa kaniya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share