Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 1/1 p. 28-31
  • Kagalakan sa Pag-aani sa India

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kagalakan sa Pag-aani sa India
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Papaano Ako Napapunta sa India
  • Pagpapasiya Tungkol sa Panghabang-Buhay na Karera
  • Isang Pagkalawak-lawak na Bagong Larangan
  • Sa Panahon ng Digmaang Pandaigdig II
  • Mga Dahilan ng Kagalakan
  • Si Jehova, ang Aking Pinagtitiwalaan Mula Pa sa Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pag-alam sa Kung Ano ang Tama at Paggawa Nito
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Nasubok ang Pananampalataya ng Isang Pamilya
    Gumising!—2004
  • Gaano Kaya Kalayo sa Silangan ang Narating ng mga Misyonero?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 1/1 p. 28-31

Kagalakan sa Pag-aani sa India

Ayon sa paglalahad ni F. E. Skinner

PARA sa akin ay halos di-kapani-paniwala iyon​—21 kombensiyon sa sampung wika, mahigit na 15,000 ang nagsidalo upang maalaman ang kahulugan ng banal na katarungan, at 545 ang nabautismuhan upang sagisagan ang kanilang pag-ibig sa dakilang Diyos ng katarungan, si Jehova! Para sa 9,000 mga Saksi ni Jehova sa India, ito ay isang tampok ng 1989. Ngunit para sa akin ay isang dahilan iyon lalung-lalo na ng kagalakan. Bakit? Sapagkat halos hindi ko maguniguni ang ganiyang dakilang mga pangyayari nang unang tumuntong ako sa lupaing India noong Hulyo 1926. Noon ay mayroon lamang kulang-kulang na 70 mamamahayag ng mensahe ng Kaharian sa buong bansa. Anong pambihirang atas ang tinanggap namin ng aking kasama mahigit na 63 taon na ngayon ang lumipas!

Kung Papaano Ako Napapunta sa India

Noong Mayo 1926 ako’y dumalo sa isang malaking kombensiyon sa London, Inglatera, at pagkatapos na pagkatapos ay bumalik ako sa aking tahanan sa Sheffield. Makalipas ang mga dalawang araw, pagkatapos na umuwi ako galing sa ministeryo sa larangan, dinatnan ko na ang isang telegrama na naghihintay sa akin. Ganito ang sinasabi: “Nais ni Judge Rutherford na makipagkita ka sa kaniya.”

Si Brother Rutherford, ang pangalawang presidente ng Watch Tower Society, ay nanggaling pa sa New York para sa nakaraang kombensiyon, at siya’y naroon pa rin sa London. Kinabukasan ng umaga samantalang nakasakay ako sa tren pabalik sa London, ganito ang aking iniisip, ‘Ano baga ang kahulugan nito?’ Sa tanggapang sangay, ako’y dinala kay Brother Rutherford, at ganito ang tanong niya sa akin: “Tutol ka ba kung saang panig ng daigdig ka atasang gumawa?”

“Hindi po,” ang tugon ko.

“Gusto mo bang pumaroon sa India?”

“Kailan po ba ninyo ibig na pumunta ako roon?” Ako’y tumugon nang walang pag-aatubili. Kaya naman, makalipas ang tatlong linggo, kami ni George Wright ay sakay na ng barko patungo sa India. Noon ay 31 taóng gulang ako, at walang anumang alinlangan sa aking isip at puso tungkol sa kung ano ang ibig kong gawin sa aking buhay.

Pagpapasiya Tungkol sa Panghabang-Buhay na Karera

Noong 1918 natapos na ang unang digmaang pandaigdig, at katatapos ko lamang ng apat na taóng pagseserbisyo sa hukbong Britano. Ako noon ay interesado sa potograpiya at radio transmission, at napaharap sa akin ang magagaling na pagkakataon sa negosyo. Gayundin, ako’y nagbabalak noon na mag-asawa. Gayunman, kasabay nito, unti-unti kong nauunawaan ang mga bagay-bagay na bumabago sa buong kinatututukan ng aking buhay.

Tinanggap namin ng aking ama ang isang huwego ng Studies in the Scriptures, at isang colporteur, gaya ng tawag noon sa mga payunir, ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa aming pamilya. Ang babae ay dating isang guro sa paaralan. Nang sumapit ang panahon, isang grupo ng mga kabataang lalaki na mga kaedad ko ang pumupunta roon sa kaniyang bahay tuwing Sabado para uminom ng isang tasa ng tsa at makipag-aral ng Bibliya. Paulit-ulit na sinabi niya sa amin na ihanda ang aming sarili para sa paglilingkod kay Jehova, na ang sabi: “Huwag ninyong tatangihan ang anumang atas.” Kami’y hinimok din niya na manatiling walang asawa.

Sa loob ng isang panahon nakipagpunyagi ako laban sa ibig kong gawin. Ang mga salita ni Jesus sa mayamang binatang tagapamahala sa Mateo 19:21 ay tumulong sa akin: “Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at pumarito ka at sumunod sa akin.” Ang aking pagbibitiw ay isinumite ko sa kompanya na pinagtatrabahuhan ko, at hindi lumampas ang tatlong buwan ay isa na akong colporteur. Ito, pati na rin ang pasiya na manatiling walang asawa, ang nagbigay sa akin ng kuwalipikasyon na tanggapin ang mahalagang atas na iyan na pumaroon sa India mga apat na taon na noon ang nakalipas.

Isang Pagkalawak-lawak na Bagong Larangan

Kami ni George Wright ay naatasan na mangasiwa sa pangangaral ng Kaharian hindi lamang sa India kundi rin naman sa Burma (ngayo’y Myanmar) at Ceylon (ngayo’y Sri Lanka). Nang maglaon, ang Persia, (ngayo’y Iran) at Afghanistan ang napadagdag. Ang India ay medyo maliit kaysa Estados Unidos, subalit ang populasyon ay kung mga ilang beses ang laki. Ito’y isang lupain na may iba’t ibang pagkain, kostumbre, at mga wika, ang mga tao ay may sarisaring relihiyon​—mga Hindu, Muslim, Parsis, Jain, Sikh, at Buddhista, at gayundin Katoliko at Protestante.

Ang gawaing pangangaral ay nagsimula sa India noong 1905, at ito’y sumigla nang si Charles T. Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Society, ay dumalaw noong 1912. Ang pakikipanayam ni Russell kay A. J. Joseph, isang masigasig na kabataang estudyante sa Bibliya, ay humantong sa isang permanenteng kaayusan para sa patuloy na aktibidad sa pangangaral. Si Joseph ay nagsalin ng mga literatura sa Bibliya sa kaniyang katutubong wikang Malayalam at naglakbay at nagbigay ng pahayag nang malawakan, lalo na sa timugang India. Sa ngayon, halos kalahati ng mga mamamahayag sa India ay naninirahan sa lugar na ito kung saan ang Malayalam ang wikang ginagamit, bagaman mga 3 porsiyento lamang ng populasyon ng India ang naninirahan doon. Ang lugar na ito, na dating Travancore at Cochin, ay naging Kerala State noong 1956.

Kami ni George Wright ay naghalili sa pag-aasikaso sa tanggapan sa Bombay at sa paglabas para sa malawakang paglalakbay ng pangangaral. Ang malimit na ginagamit namin ay ang nagbibiyaheng mga tren sa India, mga kabayo, at mga kariton na hila ng baka. Nang bandang huli ay gumamit kami ng isang kotse. Ang uso noon ay basta mag-iwan ng literatura at anyayahan ang mga tao na pumaroon sa isang pulungang dako para sa panggrupong pag-aaral. Kami’y nagtutok ng aming pansin sa naturingang mga Kristiyano na Ingles ang salita.

Sa simula, ibinigay sa akin ang mga pangalan at mga direksiyon ng lahat ng suskritor ng Bantayan. Karamihan nito ay mga empleyado sa tren o sa telegrapo. Dinalaw ko ang bawat isa sa kanila upang hanapin kung mayroon talagang tunay na interes. Sa loob ng maraming taon ako’y nagpupunta sa Punjab sa hilagang India kung Enero at naglalakbay ng pagbibisita sa Lahore hanggang Karachi. Palibhasa ang masa ay ayaw sa Bibliya, kakaunti ang mga bayan-bayanan na kung saan may naturingang mga Kristiyano at layu-layo ang mga ito.

Isang kapatid ang kasama ko sa paglalakbay at nagsisilbing isang tagapagsalin, at kami’y namumuhay at kumakain na kasama ng mga tao. Ang mga tagabayan-bayanang iyan ay naninirahan sa mga bahay na yari sa putik na pinatigas sa araw, ang mga bubong ay yari sa atip o sa tabla. Sila’y natutulog sa mga charpoys, mga apat-ang-paang higaan na kahoy ang balangkas at ang pinakasapin ay tinirintas na lubid. Malimit na ang mga magsasaka ay nakaupo sa kanilang mga charpoys at may hawak na Bibliya, humihitit ng pipa na may pinakatangkay na kalahati hanggang isang metro ang haba, pabuklat-buklat sa mga talata samantalang ipinaliliwanag namin sa kanila ang mga katotohanan ng Diyos. Ang mga pulong sa labas ay nasubukan na mainam naman, palibhasa sa malaking bahagi ng isang taon ay walang ulan. Samantalang karamihan ng mga Europeo ay totoong mapagmata at nag-iisip na alangan silang dumalo sa gayong mga pulong, para sa mga Indian ay nagtitipon sila saanman.

Sinikap namin na maglathala ng literatura sa pinakamaraming wika hangga’t maaari. Ang pulyetong World Distress sa wikang Kanarese ang lalung-lalo nang matagumpay. Nahikayat niyaon ang editor ng isang relihiyosong peryodiko sa Kanarese upang anyayahan kami na maglaan sa kaniyang peryodiko ng mga artikulo, at sa loob ng ilang panahon, mga bahagi ng aklat na Deliverance ang inilathala nang serye-serye tuwing dalawang linggo.

Nang mga taóng mula 1926 hanggang 1938 ay nasaksihan ang malawakang pangangaral ng masisiglang payunir. Kami’y naglakbay nang libu-libong milya, at napakaraming literatura ang naipamahagi, ngunit ang pagsulong ay katamtaman lamang. Nang sumapit ang 1938 mayroon lamang 18 payunir at 273 mamamahayag sa 24 na mga kongregasyong nakakalat sa buong India.

Sa Panahon ng Digmaang Pandaigdig II

Ang Digmaang Pandaigdig II ay sumiklab noong 1939, subalit kami ay nagpatuloy sa aming pangangaral. Sa katunayan, nang may pasimula ng 1940 sinimulan ang pagpapatotoo sa lansangan. Maging ang ating mga Indian sister ay nakibahagi, na kapuna-puna sa liwanag ng lokal na mga kostumbre. Makalipas ang mga taon isang estudyante ng Bibliya ang nagsabi sa isang Saksi na humiling sa kaniya na makibahagi sa gayong gawain: “Ako’y isang babaing Indian, at ako’y hindi nakikitang nakikipag-usap sa isang lalaki sa lansangan sapagkat ako’y malalagay sa kahihiyan sa buong pamayanan. Hindi ako puwedeng makipag-usap sa isang lalaki sa lansangan kahit na siya’y isang kamag-anak ko.” Gayumpaman, ang ating mga Kristiyanong sister sa India ay naging masisigasig na mga pangmadlang ministro.

Sa maagang mga taóng iyon, nagsaayos din ng mga kombensiyon. Ang mga umaga ay iniukol sa paglilingkod sa larangan, na ang kalakhang bahagi’y binubuo ng mga paglakad sa layong maraming milya at pagbabalita sa mga residente at mga taong naglalakad ng tungkol sa mga miting publiko. Mahigit na 300 ang dumalo sa isa sa mga miting na ito, ang mga sesyon ay ginanap sa lilim ng isang habong na ang atip ay kawayan at dahon ng palma. Subalit walang gaanong nagagawa ang pagbibigay ng espesipikong oras ng pagpapasimula, yamang kakaunting mga tao ang may relo. Darating na lamang sila kung kailan nila gusto, at ang mga pulong ay nagsisimula pagka may sapat na dami ng mga tagapakinig na naroroon na. Habang nagpapatuloy ang miting na iyon ay patuloy ring nagdaratingan ang mga taong sa di-sinasadya’y napapadako roon.

Ang programa ay karaniwan nang nagpapatuloy hanggang alas diyes ng gabi, at pagkatapos marami ang naglalakad pauwi. Kung maliwanag ang buwan, lalong mainam; malamig at kaiga-igaya ang paglalakad na iyon. Kung nagkataong walang buwan, ang mga tao ay kumukuha ng sanga ng palma at pinipilipit iyon upang maging isang sulô. Pagka sinindihan, ang sulô ay nagbibigay ng bahagyang liwanag na mapula-pula. Kung kailangan ang karagdagang liwanag, ang sulô ay inihahagis na paitaas hanggang sa iyon ay magsiklab at mag-apoy. Ito’y nagbibigay ng sapat na liwanag upang makita ng mga tao ang baku-bakong dinaraanan nila.

Halos nang panahong ito ibinawal ng gobyerno ang pag-aangkat at pagpapasok sa India at Ceylon ng literatura ng Samahan. Ang aming munting palimbagan sa Travancore ay sinamsam, at ang pamahalaang sentral ay naglabas ng utos na nagbabawal sa pag-iimprenta ng ating literatura. Nang malaunan, noong 1944, isa sa ating mga kapatid na physiotherapist ay nanggagamot noon kay Sir Srivastava, isang ministro sa Gabinete ng Viceroy, at ang paksa ng pagbabawal ay binanggit sa kaniya.

“Bueno, huwag kang mag-alala,” ang sabi sa ating kapatid. Ipinaliwanag sa kaniya ni Sir Srivastava na si Mr. Jenkins (isang ministro na di-pabor sa ating gawain) ay malapit nang magretiro noon at isang mabuting kaibigan ni Sir Srivastava ang hahalili sa kaniya. “Sabihin mo kay Mr. Skinner na pumarito,” ang himok pa ni Sir Srivastava, “at ipakikilala ko siya kay Sir Francis Mudie,” ang kahalili ni Jenkins. Nang malaunan, ako’y tinawag; nakipag-usap ako kay Mr. Mudie, at ang pagbabawal ay opisyal na inalis noong Disyembre 9, 1944.

Mga Dahilan ng Kagalakan

Isang malaking dahilan ng kagalakan ang sumapit noong 1947 nang ang unang mga misyonerong sinanay sa Gilead ay dumating sa India. Nagkataong ang kanilang pagdating ay kasabay ng isang maselan na panahon sa kasaysayan ng India, sapagkat nang mismong taon na iyon, noong Agosto 15, sila’y binigyan ng kasarinlan ng pamahalaang Britano. Nang hatiin ang bansa at maging Hindu India at Muslim Pakistan, nagkaroon ng madudugong patayan. Sa kabila nito, dalawang nagtapos sa Gilead ang idinestino sa Pakistan, na naging isang bansang indipendiyente noong Agosto 14. Hindi nalaunan at sampu pang mga misyonero ang gumagawa sa mismong India, at marami pa ang dumating upang tumulong nang sumunod na mga taon.

Nagdulot ng higit pang kagalakan sa aking puso ang pagbuo ng pang-organisasyong mga kaayusan. Ang gawaing pansirkito ay sinimulan noong 1955 nang si Brother Dick Cotterill, isang nagtapos sa Gilead ay atasan na maging unang tagapangasiwa ng sirkito. Siya’y naglingkod nang may katapatan hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1988. Pagkatapos, noong 1960, nagdaos kami ng aming unang regular na kaayusang pandistrito, na malaki ang nagawa upang tulungan ang mga sirkito. Pagkatapos ng 1966 hindi na pinayagang pumasok pa sa bansa ang mga misyonerong banyaga. Subalit hindi nagtagal at ang gawaing pag-eespesyal payunir ay sinimulan, at kuwalipikadong mga payunir na taga-India ang idinestino sa maraming panig ng India. Sa ngayon, may humigit-kumulang 300 nagsasagawa ng gawaing ito.

Noon lamang 1958 naabot namin sa wakas ang bilang na 1,000 mga mamamahayag ng Kaharian. Subalit sapol noon ay lalong bumilis ang pagdami, at ngayon kami’y mahigit na 9,000. Isa pa, noong 1989 ang bilang ng dumalo sa Memoryal ay 24,144 at nagpapakita na marami pang mga interesado ang kailangang tulungan. Ang Sri Lanka ay isang bukod na sangay na ngayon. Anong laking kagalakang makita na sila’y dumami buhat lamang sa dalawang mamamahayag noong 1944 hanggang sa umabot sa mahigit na 1,000 ngayon, sa kabila ng nagpapatuloy na pagbabaka-baka sa kanilang bansa.

Ang pagdami ng mamamahayag ay nangangahulugan ng paglaki naman ng aming sangay. Pagkatapos ng 52 taon sa Bombay na siyudad ng pagmamadalian, ang aming punong-tanggapan ay inilipat noong 1978 sa karatig-bayan ng Lonavla. Hindi ko akalain na kami’y magkakaroon ng masalimuot na kagamitan na tulad baga ng mga MEPS computer at isang malaking dalawang-kulay na palimbagan na lilimbag ng literatura sa maraming wika ng India. Sa kasalukuyan, kami’y lumilimbag ng Ang Bantayan sa 9 na wika at iba pang literatura sa 20 iba’t ibang wika.

Kalabisan nang sabihin, ang mga araw ng aming sangay na may dadalawang katao ay malaon nang naparam. Ngayon ay mayroon kaming pamilyang Bethel na may mahigit na 60 miyembro! Sa edad na 95 anyos, ako’y nagagalak at narito pa rin ako sa buong-panahong paglilingkuran sa tanggapang sangay bilang isang miyembro ng Branch Committee ng India. At ang lalong higit na nagdudulot sa akin ng kaligayahan ay ang masaksihan ang gawaing pag-aani sa mga huling araw na ito. Tunay, ito’y isang bagay na dapat ikagalak.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share