Pagkakumberte kay Constantino—Sa Ano?
ANG inaangking pagkakumberte ng Romanong emperador Constantino ay matagal nang paksa na kinawiwilihan ng mga mag-aarál ng relihiyon. Sang-ayon sa kaniyang sariling pag-uulat, nang bisperas ng isang pakikipagbaka sa digmaan noong 312 C.E., na kaniyang pinanalunan, ang paganong si Constantino ay nakakita ng isang pangitain ng isang krus na may salawikain: “Dito [sa tanda] na ito ay manakop ka.” Hindi naman nagtagal pagkatapos niyaon (noong 313 C.E.) siya ay “nakumberte” at iyon ang tumapos sa pag-uusig sa mga Kristiyano sa imperyong Romano. Pinasigla ni Constantino ang noo’y kasalukuyang anyo ng Kristiyanismo bilang isang relihiyon ng Estado, at nakialam pa man din siya sa mga panloob na alitan sa iglesiya. Gayunman, siya’y gumawa pa rin ng mga pagkilos na naglagay sa alanganin sa pagiging tunay ng kaniyang kombersiyon at hindi siya nabautismuhan kundi noong mga sandaling bago siya namatay makalipas ang mga 24 na taon.
Sa isang artikulo sa Bible Review, ang numismatico at magdudoktor na estudyante ng teolohiya na si Stanley A. Hudson ay nagsiwalat kung papaanong ang mga sensilyong ginamit noong panahon ng paghahari ni Constantino ay nagbibigay ng mga ilang kabigha-bighaning impormasyon tungkol sa paksang ito. Magpahanggang noong panahon ni Constantino, karaniwan nang makikita sa mga sensilyong Romano ang larawan ng popular na mga diyos Romano. Subalit sang-ayon sa ulat ni Hudson pagkatapos na makumberte si Constantino, umunti nang umunti ang mga temang pagano—maliban sa isa. Ang mga sensilyong may larawan ni Sol, ang diyos na araw—dating paborito ni Constantino—ay napakarami ang kumalat. Bakit?
Dalawang posibilidad ang iminungkahi ni Hudson. Una, baka raw ang kombersiyon ni Constantino ay totoong mabagal at unti-unti—sa kabila ng kaniyang dramatikong pangitain. O dili kaya si Sol ay baka aktuwal na pinagkamalan ni Constantino na si Jesus. Ang syncretism (kombinasyon ng iba’t ibang anyo ng paniniwala) ay karaniwan kahit na ngayon. Halimbawa, sa Latin Amerika, ang Pre-Columbian na mga diyosang sina Pacha-Mama at Tonantzin ay sinasamba pa rin sa pangalan ni Birheng Maria. Sa ganiyan ding paraan, baka sinamba ni Constantino si Sol sa pangalan ni Jesus.
Ang ganiyang syncretism ang nagpapaliwanag kung bakit ang Disyembre 25, ‘ang kapanganakan ng di-nasusupil na araw,’ ay pinili bilang ang araw na magpapagunita ng kapanganakan ni Jesus. Ito’y tutulong din sa atin na makita kung bakit sa isang sensilyong ginawa bilang paggunita sa kamatayan ni Constantino ay may isang nakatitik na “DV Constantinus” (“Divinong Constantino”). Nagpapakita na, bagaman siya’y nakumberte at nabautismuhan sa wakas, si Constantino ay kinilala na isang diyos pagkamatay niya, katulad ng mga paganong emperador na nauna sa kaniya.
[Picture Credit Line sa pahina 7]
The Metropolitan Museum of Art. Bequest of Mrs. F. F. Thompson, 1926 (26.229)