Maka-Diyos na Debosyon—Kapaki-pakinabang sa Lahat ng Bagay
BATID ng mga Saksi ni Jehova na ang “maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay” at kailangan sa tunay na pagsamba. (1 Timoteo 4:8) Kung wala ito, ang relihiyon ay pormalismo na lamang. Ang “maka-Diyos na Debosyon” ay angkop samakatuwid na pangalan para sa kanilang serye ng pandistritong mga kombensiyon na nagsimula noong nakaraang Hunyo.
Noong Agosto, tatlo sa gayong mga kombensiyon ang ginanap sa Poland sa isang masayang kapaligiran. Ginanap ang mga ito pagkatapos na pagkalooban noong Mayo ng opisyal na rekognisyon ang mga Saksi ni Jehova. (Para sa ibang detalye tungkol sa mga kombensiyon sa Poland, tingnan ang Gumising! ng Disyembre 22, 1989.) Ating repasuhin ang programa ng kombensiyon nang ito’y idaos sa Poland.
Piątek w Poznaniu (Biyernes sa Poznan)
Humiling na sila’y bigyan ng pagkain at kalayaan, 50,000 mga demonstrador ang nagkagulo sa Poznan noong Hunyo 1956. Ang resulta ay mahigit na 50 ang nangasawi at bumuo ng isang bagong pamahalaang Polako. Nagkaroon ng isang kapuna-punang pagkakaiba, makalipas ang 33 taon, sa kapaligiran na doo’y sagana ang espirituwal na pagkain at kalayaang Kristiyano, nang mapayapang mga Kristiyano ang nagkatipon doon upang makinig sa mga pahayag na “Paglilingkod sa Isang Diyos na Humihingi ng Bukod-tanging Debosyon,” bilang tema noong Biyernes. May 40,442 ang nagkatipon doon noong Linggo.
Pagkatapos ng pahayag ng pagtanggap na ginampanan ng convention chairman at ng isang pakikipagpanayam sa mga taong nagsalita tungkol sa “Pamumuhay na May Lubusang maka-Diyos na Debosyon,” praktikal na payo ang tinalakay sa pahayag na “Iwasan ang mga Labing Nakapipinsala.” Anong dali na ang walang-saysay na pag-uusap ay mapauwi sa nakapipinsalang tsismis! At ang nakapipinsalang tsismis ay maaaring humantong sa nakamamatay na paninirang-puri. Subalit bago makipag-usap tungkol sa mga ibang tao, ang may gulang na mga Kristiyano, na sabik mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa, ay may kapantasang nagtatanong sa kanilang sarili: ‘Sasabihin kaya ito ni Jesus? Kailangan bang sabihin ito? Ito ba’y magpapatibay? Ano ba ang aking dahilan ng pagsasabi nito?’
Isang katangian ng mga kombensiyon sa Poland ang panahong isinaayos araw-araw upang makinig sa mga pag-uulat na ibinigay ng mga Saksi buhat sa mga ibang bansa. Mga karanasan na inilahad ng mga delegadong nanggaling sa 24 na iba’t ibang mga bansa ang nagdiin sa katotohanan na narito ang isang pandaigdig na pamilyang tunay na nagkakaisa sa pagkilala sa bagay na “Hinihiling ni Jehova ang Bukod-tanging Debosyon.” Yamang ang Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng gayong debosyon, ang kaniyang mga lingkod ay kailangang may di-nababahaging pagmamahal at pagsamba. Ang halimbawa ni Jesus ay nagpapakita na hindi dapat na malahininga ang bukod-tanging debosyon.
Sa maka-Diyos na debosyon ay kasangkot ang lahat ng ginagawa natin. Sa gayon, sa tatlong-bahaging talakayan ay ibinabala sa mga Kristiyano na “Iwasan na Mailigaw” kung tungkol sa pagkain at pag-inom, pananamit at pag-aayos, at libangan. Ang katakawan at paglalasing ay mga anyo ng kasakiman na nagiging sanhi ng pagpurol ng espirituwalidad, at nagiging dahilan ng mga problema sa kalusugan, ng masamang asal, at umaakay tungo sa mga kapahamakan. Ang sobrang istilo ng pananamit, di-mahinhin, kakatuwa, katawa-tawa, o nakagigitla pa nga—ay kailangang iwasan. Ang burara, labis na impormal, o hapit na mga kasuotan ay di-dapat. Ang isyu ay hindi kung uso ang isang istilo, kundi kung iyon baga ay angkop para sa isang ministro ng Diyos. At ang libangan na may bahid ng rebelyon, karahasan, droga, okultismo, o seksuwal na imoralidad ay hindi para sa mga Kristiyano.—Filipos 1:27.
Ang programa noong Biyernes ng hapon ay nagsimula sa pahayag na “ ‘Ang Tapat na Alipin’ at ang Kaniyang Lupong Tagapamahala.” Palibhasa’y nagtitiwala sa kaniyang mapagtapat na mga nilikha, si Jehova ay nagbibigay sa iba ng autoridad. Gayundin ang kaniyang Anak. Buhat sa kaniyang pinahirang mga tagasunod, “ang tapat at maingat na alipin,” siya’y pumili ng ilan upang magsilbing isang nakikitang lupong tagapamahala. (Mateo 24:45) Noong unang siglo, ang grupong ito ay binubuo ng mga apostol at iba pang nakatatandang lalaki sa Jerusalem.
Sa modernong panahon ang Lupong Tagapamahala ay may malapit na kaugnayan sa editorial staff (lupong patnugutan) ng Watch Tower Society at ng lupon nito ng mga direktor. Subalit, ang Lupong Tagapamahala ay naiiba sa legal na korporasyong iyan, gaya ng tinukoy ng tagapagpahayag: “Yamang sa batas lamang nakasalig ang pag-iral ng korporasyon, taglay nito ang isang punong tanggapan na nasa pirmihang lugar, ito’y maaaring lansagin ng Estado, si Caesar.” Hindi gayon kung tungkol sa Lupong Tagapamahala, na hindi isang legal na instrumento kundi ang mga miyembro nito ay “hinirang sa pamamagitan ng banal na espiritu sa ilalim ng pamamatnubay ni Jehova at ni Kristo.” Sa gayon, ang Lupong Tagapamahala ay nagpapatuloy na kumilos at tumanggap ng walang pasubaling pagtangkilik ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig.
Ang mga kombensiyon sa Poland ay dinaluhan ng 5 miyembro ng kasalukuyang 12-kataong Lupong Tagapamahala. Isa sa kanila ang nagbigay ng pinaka-paksang pahayag, “Bakit Dapat Matutuhan ang Banal na Lihim ng maka-Diyos na Debosyon.” Dito’y binanggit na ang lihim ng maka-Diyos na debosyon ay hindi na isang lihim, yamang “ito’y nahayag sa katauhan ni Jesus.” Tinalakay ng tagapagpahayag ang anim na bahagi nitong banal na lihim na binanggit sa 1 Timoteo 3:16, at nagsabi: “Ang ating pagpapahalaga sa banal na lihim ng maka-Diyos na debosyon ay dapat umakay sa atin sa tuwina na sumunod nang maingat sa mga yapak ni Jesus.”
Sa dalawang symposium ay niliwanag na kailangan ang maka-Diyos na debosyon kapuwa ng mga bata at ng matatanda. Ang mga magulang ay may pananagutan na bigyan ng espirituwal na mana ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na paunlarin ang tamang pagkakilala sa matuwid at mali. Ang makabuluhang pag-aaral ng pamilya, kasali na ang makatotohanang pagtalakay sa mga suliranin ng mga nasa kabataan pa, ay kailangan. Sa tuwina’y maging mapagmasid sa mga tanda ng panganib, kaya ang mga magulang ay maging mapagbantay sa kanilang mga anak upang huwag mahulog sa masamang barkada, kahit nasa loob ng kongregasyon.
Sa kabilang panig, kung ibig na ang mga kabataan ay magkaroon ng kasiya-siyang pamumuhay, sila’y kailangang tumulad kay Kristo, na ‘nag-iwan sa kanila ng halimbawa upang sila’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.’ (1 Pedro 2:21) Angkop naman, sila’y tinanong: “Kung kayo’y lumaki sa katotohanan, alam ninyo kung ano ang inyong pinaniniwalaan, pero alam ba ninyo kung bakit?” Sila’y pinatibay-loob na dibdibin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpapatunay sa kanilang sarili na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at na talagang ang mga Saksi ni Jehova ang may taglay ng katotohanan.
Sa maraming bansa ang talakayang ito ay tinampukan ng paglalabas ng bagong 320-pahinang aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. (Pakisuyong tunghayan ang kasamang kahon, “ ‘Isang Regalo Buhat kay Jehova’ Para sa Kabataan.”) Inaasahang ang kabataan sa Poland at iba pang mga bansa sa Silangang Europa ay makikinabang din sa mainam na payo ng aklat na ito pagka binasa na nila ito sa kanilang sariling wika.
Sobota w Chorzowie (Sabado sa Chorzów)
Ang Chorzów ay isang sentro ng industriya sa kalagitnaan ng mga minahan ng karbon sa timugang Poland. Ang mga minahan ng karbon sa Silesia ay nagdala ng maunlad na kabuhayan sa lugar na ito. Subalit ang pangunahing paksa ng usapan sa gitna ng 65,710 katao sa Slaski Stadium noong nakaraang Agosto ay ang pakinabang sa isang lalong dakilang bagay.
“Nagdadala ng Malaking Pakinabang ang maka-Diyos na Debosyon,” ang tema para sa Sabado na tinalakay ng unang tagapagpahayag sa sesyon sa hapon. (1 Timoteo 6:6) Nagdiriin ng mga pangungusap ng tagapagpahayag ay yaong mga pakikipagpanayam niya sa mga taong nakinabang ng malaki sa kanilang pamumuhay sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon.
Sa programa noong umaga, ang mga pakinabang sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon ay idiniin sa isang symposium. “Sa Pamamagitan ng Regular na Pagbabasa [ng Salita ng Diyos] na May Kaunawaan,” sinusuring mabuti ang kahulugan ng ating binabasa, at may panalanging pinag-iisipan kung paano ikakapit ang natututuhan, tayo bilang mga Kristiyano ay nakasusunod sa maka-Diyos na debosyon “Sa Pamamagitan ng Palagiang Pagpapasikat ng Ating Liwanag.” (Josue 1:8) Binanggit na kung bawat Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay gugugol ng 15 minuto araw-araw sa impormal na pakikipag-usap sa iba, karagdagang 327 milyong oras ang magugugol taun-taon sa pangangaral ng Kaharian.
Ang maka-Diyos na debosyon ay naikakapit din “Sa Pamamagitan ng Paglaban sa Tukso.” Mga bagay na katulad ng pagkain, pag-inom, sekso, o salapi, bagaman hindi masama kung sa ganang sarili, ay maaaring maging masama sa ilalim ng di-nararapat na mga kalagayan. Ang isang pananggalang ay ang umiwas sa di-kinakailangang paghahantad ng sarili sa materyalismo, pornograpiya, droga, at paglalasing na laganap sa sanlibutan, at huwag magmalabis sa libangan, tulad baga ng musika, isports, at pakikihalubilo sa lipunan. Ang panalangin ay kailangan. Kailangang matuto ang mga Kristiyano na kapootan ang masama. Ito’y nararapat, yamang binanggit ng sumunod na tagapagpahayag na sila’y dapat “Mamuhay Nang Ayon sa Kalooban ng Diyos, Hindi ng Tao.”
Parami nang paraming mga tao ang nagpasiyang ganiyang-ganiyan ang gawin. Ito’y nakita nang 2,663 mga bagong Saksi ang nagpahayag ng kanilang determinasyon na “Itaguyod ang maka-Diyos na Debosyon Bilang Naaalay, Bautismadong mga Kristiyano.” (Sa lahat ng tatlong kombensiyon sa Poland, ang mga kandidato sa bautismo ay may kabuuang 6,093.) Upang manatiling may kagalakan sa paglilingkod kay Jehova, yaong mga ilang saglit na lamang at babautismuhan na ay hinimok na magbulay-bulay sa maraming dahilan ng kagalakan: pakikipagkaibigan kay Jehova, kanilang pandaigdig na pagkakapatiran, at pag-asang mabuhay sa Paraiso.
Ang pagpapasakop ng Kristiyano ay tinalakay sa pahayag na “Pagpapakita ng mga Gawa ng maka-Diyos na Debosyon—Bilang mga Lalaki sa Ilalim ng Pagkaulo ni Kristo.” Ang mga lalaking sumusunod sa maka-Diyos na debosyon ay mag-aasikaso ng mga tungkulin nila sa pamilya sa paraang maibigin, tulad-Kristo. “Bilang mga Babaing Nagpapakita ng Wastong Pagpapasakop,” ang Kristiyanong mga babae ay magpapasakop, hindi iniimpluwensiyahan sa maling paraan ang ulo ng pamilya o hinahayaang emosyon ang humila sa kanila na gumawa ng di-pantas na mga pagpapasiya. “Bilang mga Anak na Sumusunod sa mga Magulang,” ang mga bata ay matututong sumunod, magkomento sa mga pulong, at makibahagi sa ministeryong Kristiyano.
Anong inam na payo! Subalit, bigung-bigo ang huwad na relihiyon na magbigay ng ganiyang wastong patnubay! Dahil dito, ito’y karapat-dapat sa matinding kahatulan, na tinalakay sa pahayag na “Pagbubunyag sa ‘Taong Tampalasan.’ ” Ang mahiwagang taong ito ay nakilala na “isang ‘tao’ na binubuo ng marami, ang buong relihiyosong klero ng apostatang Sangkakristiyanuhan.” Napatanyag sa pag-uusig sa mga lingkod ng Diyos, ang klero ay may kasama na ngayong “modernong mga apostata, na dati’y nag-aangking mga Saksi, [ngunit sila ay] nanumbalik sa isinukang mga turo ng Sangkakristiyanuhan at nakisanib sa gawain ng espirituwal na mga lasing ng Babilonyang Dakila sa panggugulpi at pag-atake sa tapat at maingat na uring alipin ni Jehova.” Ang palakpakan ang nagpakita ng pakikiisa sa sinabi ng nagpahayag: “Tayo’y patuloy na magbubunyag sa Babilonyang Dakila at sa ‘taong tampalasan.’ ”
Ito’y nangangailangan ng katapangan, lalo na sa panahon na, sang-ayon kay M. G. Henschel, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, karamihan ng mga tao ay “tumatalikod sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya.” Bagaman “ang paggalang sa Bibliya ngayon ay nasa pinakamababang antas,” ang Bibliya ay nagtagumpay sa pagsubok sa kabila ng katagalan ng panahon. Binanggit ng tagapagpahayag na “walang aklat na kung isinulat lamang ng mga tao ay magiging gayong kalalim ang unawa at sa gayo’y di-nagbabago sa pagiging totoo.” Sinabi niya na “hinahayaan ng mga Saksi ni Jehova na ang Salita ng Diyos ang umimpluwensiya sa kanilang buhay [at] ang naging resultang pandaigdig na pagkakapatiran ng mga tunay na Kristiyano ay matinding ebidensiya na ang Bibliya’y siyang kinasihang Salita ng Diyos.” Ang maghapon ay sumapit sa kasiya-siyang kasukdulan nang ianunsiyo ang bagong aklat na Ang Bibliya—Salita ba ng Diyos o ng Tao?, inilabas sa kung ilang mga wika.
Niedziela w Warszawie (Linggo sa Warsaw)
Ang mga panauhin sa Warsaw ay karaniwan nang nagpupunta upang makita ang isang Memoryal na palatandaan ng lugar na kinaroonan ng ubod-samang Warsaw Ghetto, na kung saan tinipon ng mga Nazi na parang hayop ang daan-daang libong mga Judio na itinakda sa paglipol noong Digmaang Pandaigdig II. Gayunman, sa lugar na mga ilang minuto lamang ang layo kung lalakbayin ng auto, sa X-Lecia Stadium ay 60,366 katao ang dumagsa noong Agosto 13, upang makapakinig ng pahayag na “Itakuwil ang Kalikuan at Mamuhay na May maka-Diyos na Debosyon,” ang tema noong Linggo.—Tito 2:12.
Sa pagsunod sa maka-Diyos na debosyon niliwanag na di-dapat magpakita ng makasanlibutang espiritu ng pagkamakasarili. Ang tunay-na-buhay na dramang “Ipasakop ang mga Sarili kay Jehova,” na itinanghal na taglay ang angking kasiglahan ng mga Polako, ay nagdiin sa mahahalagang pagbabago na kailangang gawin ng mga Kristiyano upang sila’y sang-ayunan ng Diyos.
Isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang sumipi ng 1 Corinto 8:6, ang nagsasabi: “Sa ganang atin ay may iisang Diyos, ang Ama.” Kaniyang binanggit na ang pinakasentrong doktrina ng Kristiyanismo ay hindi ang Trinidad, gaya ng sinasabi ng marami, kundi ang pagbabangong-puri ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo. “Ang turo ng Trinidad ay isang paglihis sa katotohanan, isang pag-aapostasya rito,” ang paliwanag niya. Samakatuwid, ang mga taong tumatawag kay Maria na ina ng Diyos at Tagapamagitan sa Diyos at sa tao ay hindi “nakikitungo sa Diyos nang may tumpak na kaalaman.” (Roma 1:28) Kung gayon, “ang pagsamba sa Diyos ay wastong nangangahulugan ng pagtanggi sa doktrina ng Trinidad.” Mahinugong na palakpakan ang kasabay ng paglalabas ng isang 32-pahinang brosyur, Czy wierzyć w Trójce? (Ikaw ba’y Dapat Maniwala sa Trinidad?) Anong inam na kasangkapan sa pagbubunyag sa doktrinang ito na lumalapastangan sa Diyos!
Ang kaligtasan ay hindi kailanman nakamit ng mga biktima ng Warsaw Ghetto. Subalit ang pangako ng Diyos, ayon sa ipinaliwanag ng pahayag pangmadla, ay na “Ang Kaligtasan [Ay] Malapit Na Para sa mga Taong May maka-Diyos na Debosyon!” (2 Pedro 2:9) Gayon nga bagaman ang mga Kristiyano ay biktima ng dalawang-uring karahasan—yaong nagaganap sa araw-araw at yaong pag-uusig sa kanila. Kailangan ang pagsusuri sa sarili, “ang kaligtasan ay para sa mga may maka-Diyos na debosyon, tunay ang debosyon, na ang pagkamasunurin ay tanda ng katapatan.”
Pagkatapos ng huling paalala na “Maging Maningas sa Espiritu,” ang kombensiyon ay nagtapos sa pamamagitan ng isang nakapupukaw na pagtatanghal ng temang “Kapaki-pakinabang ang ating Patuluyang Pagsasanay na May maka-Diyos na Debosyon.” Pagkatapos ang mga kombensiyonista ay nagbuklat ng kanilang bagong mga aklat-awitan sa wikang Polako, na kagagaling lamang sa palimbagan mga ilang linggo ang nakaraan, at sila’y nagkakaisang umawit ng “Isang Panalangin ng Pasasalamat” bilang awit 45.
Isang maalab na pansarang panalangin ang kasunod, at pagkatapos ay nagkaroon ng isang umaatikabong palakpakan sa Warsaw, Poznan, at Chorzów. Sa Warsaw ang dumadagundong na palakpakan ng sampu-sampung libong mga kamay ay umalingawngaw na mistulang sunud-sunod na daluyong na tumagal nang mahigit na 11 minuto. Walang sinuman na ibig umalis, at ang nakatayong nagpapalakpakang pulutong na iyon, na nagpapahayag nang buong tindi ng kagalakan ng pagkalaki-laking pulutong na ito ng mga Saksi, anupa’t maraming libo-libo ang nakadalo sa kanilang unang tatlong-araw na kombensiyon, ay isang dramatikong pagpapahayag ng kanilang pasasalamat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Para bang iyon ay tugon sa Awit 47:1, 2: “Oh ipalakpak ang inyong mga kamay, ninyong lahat na mga bayan. Magsihiyaw kayo sa Diyos ng masayang tinig ng pagtatagumpay. Sapagkat si Jehova, ang kataas-taasan, ay kakila-kilabot, siya’y dakilang Hari sa buong lupa.” Habang ang isa sa pinakadakilang pangyayari sa makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay patapos na noon, ang masisigasig na mga kapatid na iyon ay naghanda na ng paglalakbay pauwi, ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa kaligayahan at sa determinasyon na mabilisin ang dakilang pagpapatotoo sa Kaharian kaayon ng mahalagang halimbawa ng maka-Diyos na debosyon na ipinakita ni Jesus.
[Kahon sa pahina 27]
Mga Bagong Labas na Lathalain ang Pumupukaw sa ‘Gawain ng maka-Diyos na Debosyon’
Ang bagong aklat na Ang Bibliya—Salita ba ng Diyos o ng Tao? at ang brosyur na Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad? ay kapuwa gumising ng maraming pagpapahayag ng pagpapahalaga. Isang sister ang sumulat tungkol sa brosyur na Trinidad: “Ako’y namangha, nanggilalas, at natuwa nang makita ko ito. Salamat po sa inyo sa malaking panahon, lakas, at trabaho na ginugol sa pag-iimprenta ng napakahusay na lathalaing ito.”
Isang sister ang sumulat tungkol sa aklat na Ang Bibliya—Salita ba ng Diyos o ng Tao?: “Ibig kong pasalamatan kayo sa kaibuturan ng aking puso ukol sa napakainam na bagong aklat na ito. Ano kaya, natatalos kaya ninyo na ito’y isang dakilang gawang-sining? Kalimitan ay sinasalungguhitan ko ang mahahalagang salita. Ngunit ako’y natigilan dahil sa bawat salita ay mahalaga. Katatapos ko lang ng kabanata 5, pero kailangang sabihin kong salamat po.”
[Kahon sa pahina 30]
‘Isang Regalo Buhat kay Jehova’ Para sa Kabataan
Isang litaw na bahagi ng mga kombensiyon sa Estados Unidos at sa maraming iba pang lupain ay ang sesyon noong Biyernes ng hapon, nang ang mga kabataan sa pagitan ng mga edad 10 at 19 ay hinilingan na umupo sa isang reserbadong seksiyon. Pagkatapos ng natatanging serye ng mga pahayag, bawat isa ay binigyan ng isang libreng kopya ng bagong aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Sa buong daigdig, mga 8,840,000 kopya ang inilabas sa 21 wika, at daan-daang liham ng pagpapahalaga ang natanggap!
“Sa nakaraang mga asamblea, may mga pahayag na para sa mga kabataan,” ang sabi sa sulat ng isang tinedyer na babae, “ngunit ang epekto kung tayong lahat ay nakaupong sama-sama ay di-kapani-paniwala.” Isinulat pa ng isang kabataan: “Doon ako dapat umupo sa seksiyon para sa mga kabataan. Ganiyan na lang ang tibay ng loob na natamo ko sa pamamagitan nito kaya, magbuhat noon, ako’y kumukuha ng mga nota sa mga pulong, nag-aaral pa nang higit at nagkukomento. Iniisip ko ang pagpapabautismo sa susunod na tag-araw.”
Para sa maraming kabataan, ang karanasan ay isang pangyayaring di-malilimot. “Nang ipatalastas ng tagapagpahayag na kami ay uupo sa isang pantanging seksiyon,” naaalaala pa ng isang dalagita, “noon pa’y nabatid ko na may mangyayaring isang malaking bagay. Nang kanilang ipatalastas ang paglalabas ng aklat, gayon na lamang ang tuwa ko na anupa’t ibig kong mapaiyak. Sa tuwina’y alam ko na kayo’y maalalahanin sa amin na mga kabataan, ngunit ito ang tumagos sa aking puso. Ang aklat na ito ang talagang kailangan namin!”
“Napakahusay ang pagkasulat nito,” ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Leah, “at ang mga larawan ay talagang parang tunay at umaakay sa iyo na talagang mag-isip.” Ang mga edisyong pangkombensiyon ng aklat ay may isang maikling mensahe buhat sa Lupong Tagapamahala na ipinaaabot “Sa Lahat ng mga Kabataang Saksi ni Jehova.” “Lubhang nabagbag ang aking damdamin sa natatanging mensaheng iyan,” ang sabi ng kabataang si Andreá. “Sa akin ang pakiwari ko riyan ay aktuwal na nakikipag-usap sa akin ang isang pinili ni Jehova na makapiling niya sa langit!”
Marami ang nagpahalaga sa bagay na ang aklat ay ibinigay na isang regalo. Ganito ang naalaala ng isang magulang: “Ako’y napaluha. Mga kapatid, lima sa mga kabataang iyon ay mga anak ko, mga edad 11 hanggang 16. Dalawang aklat lamang ang kaya kong abuluyan.” Ganito ang sabi sa sulat ng isang kabataang nagngangalang Mark: “Tinantiya ko kung gaano ang magugugol kung magbibigay sa bawat kabataan ng isang kopya ng aklat, ngunit pagkatapos ay natalos ko na hindi matutumbasan ng halaga ang taglay nitong patnubay. Kahit na isa lamang naligaw na kabataan ang natulungan ng aklat na manumbalik sa daang patungo sa buhay o, lalong mabuti, nakatulong sa marami sa atin na manatili sa daang iyan, sulit kahit na sa lahat ng halagang iyan.”
Maraming kabataan ang agad nakinabang sa aklat sa mga sandaling iyon. “Ako’y dumalo sa aming kombensiyon Hulyo 7-9,” ang sabi ng isang kabataan, “at pagdating ng Lunes, Hulyo 10, natapos ko na iyon!” Ang sabi naman ng isa: “Ang huling dalawang kabanata ay talagang nagpalakas-loob sa akin na magsimulang maging seryoso na sa aking buhay. Noong minsan ay pababautismo na sana ako pero nagbago ang aking isip. Ngayon na tinanggap ko na ang kahanga-hangang aklat na ito, natanto ko na ‘ang sanlibutan ay lumilipas’ at na kailangang kumilos na ako ngayon din.”
“Yamang nagbabago ang panahon,” sabi sa sulat ng isang dalagita, “ang akala ko’y hindi batid ng mga nakatatanda kung ano ang aming nadarama. Hindi mo nalalaman ang aking kagalakan sa pagkakita na ako’y nagkamali. Ang inyong pagbibigay-pansin sa amin na mga kabataan ay nagpapadama sa akin na para bang ako’y may halaga.” Ganito ang isinulat ng isang grupo ng mga kabataan na taga-Sweden: “Inaakala namin na nauunawaan ninyo kami na mga kabataan, at kami naman ay nakadarama rin na kami’y lalong malapit sa inyo.”
Isang kabataan ang mahusay ang sumaryong ibinigay nang kaniyang sabihin: “Ang aklat ay mahal namin na magkakapatid. Inaakala namin na ito’y isang regalong tuwiran na galing kay Jehova.” Dalangin namin na ang regalong ito’y magpatuloy na gumagana para sa ikapagpapala ng mga kabataang may takot sa Diyos.
[Chart sa pahina 29]
Maka-Diyos na Debosyon Patuloy sa Pagsulong sa Europa!
Pinakamaraming Dumalo sa Kombensiyon Nabautismuhan sa
Kombensiyon
1979 1984 1989 1979 1984 1989
AUSTRIA 17,847 20,908 25,153 236 257 307
BELGIUM 23,185 28,456 30,622 234 248 429
BRITANYA 113,910 137,008 160,704 605 937 1,344
DENMARKA 21,057 23,267 24,645 122 147 249
PINLANDYA 20,293 23,501 25,679 215 302 329
PRANSIYA 89,073 110,745 156,751 1,361 1,856 3,201
ALEMANYA 129,342 140,681 159,819 1,154 1,009 1,694
ITALYA 117,163 169,328 240,041 2,515 3,769 6,295
LUXEMBOURG 1,141 1,327 3,131 8 12 61
NETHERLANDS 36,768 42,060 44,185 126 143 271
NORWAY 10,327 11,352 13,829 107 159 294
POLAND — 94,134a 166,518 — 3,140b 6,093
PORTUGAL 35,108 47,843 59,797 862 1,068 1,546
ESPANYA 62,201 84,706 115,981 1,278 1,521 2,935
SWEDEN 21,286 25,204 30,943 279 323 410
SWITZERLAND 14,455 17,457 23,867 130 225 349
KABUUAN 713,156 977,977 1,281,665 9,232 15,116 25,807
[Mga talababa]
a Mga bilang para sa 1985
b Mga bilang para sa 1985
[Larawan sa pahina 26]
Ang paglalabas ng brosyur na “Trinidad” ay nagdulot ng malaking kagalakan sa Warsaw
[Larawan sa pahina 31]
Bagong kaaalay na mga Saksi sa Chorzów nagpatuloy sa maka-Diyos na debosyon sa pamamagitan ng pagpapabautismo