Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Dapat bang ang isang Kristiyano’y huwag iinom ng kape at tsa dahil sa ang mga ito’y may drogang caffeine na nagiging sanhi ng pagkasugapa?
Sa Bibliya ay walang binabanggit na kape o tsa. Subalit ang sinasabi nito ay maaaring makatulong sa isang Kristiyano upang magpasiya kung siya’y iinom ng kape o tsa.
Ang drogang caffeine ay maaaring makaapekto sa isip at katawan. Angaw-angaw na tasa ng kape at tsa ang kinukonsumo araw-araw, kung kaya’t naakay si Dr. Melvin Konner na magsabi: “Ang [Caffeine] ay baka, sa katunayan, siyang pinakamalaganap na ginagamit na psychoactive drug sa daigdig.” Ito’y maaaring lalong magpalisto, magpataas ng adrenaline level ng isang tao, at pabilisin ang sirkulasyon at metabolismo. Ang bagay na ito ay isang droga ay hindi sa ganang sarili nagtatakda kung ang isang Kristiyano’y dapat umiwas sa mga inuming may caffeine (kape, tsa, mga inuming kola, maté) o mga pagkain (gaya baga ng tsokolate).
Ang alkohol ay isa ring droga na maaaring makaapekto sa isip at katawan, ngunit ano ba ang sinasabi ng Kasulatan tungkol dito? Kinikilala ng Bibliya na ang alak (o ang iba pang mga inuming de alkohol) ay “nakapagpapagalak sa puso ng mortal na tao” o mababago niyaon ang kalooban ng isang nagdadalamhating kaluluwa. (Awit 104:15; Kawikaan 31:6, 7) Subalit, hindi ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang tunay na mga mananamba ay kailangang umiwas sa lahat ng mga inuming may alkohol. Ang minamasama ng Bibliya ay ang labis na paggamit ng mga inuming de-alkohol—ang paglalasing.—Deuteronomio 21:18-21; Kawikaan 20:1; Oseas 4:11; 1 Corinto 5:11-13; 1 Pedro 4:3.
Subalit, kumusta naman yaong sinasabing ang isang tao ay maaaring maging sugapa sa caffeine? Marami na nakaugalian na ang pag-inom ng kape o tsa, o maté ang nagiging palaasa rito hanggang sa punto na nagiging bisyo na nila ito, bagaman pinagtatalunan kung ito nga ba ay isang tunay na klinikal na adiksiyon. Sa anumang paraan sila’y nakadarama ng mga sintomas ng pag-urong, tulad halimbawa ng mga sakit ng ulo o pagkaliyo, kung pagkakaitan ng kanilang normal na dosis ng caffeine. Dito na naman aalalahanin ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa inuming de-alkohol. Bagaman marami ang naging sugapa na sa inuming de-alkohol, ito’y hindi ibinabawal sa mga Kristiyano kung iniinom nang katamtaman lamang. Si Jesus ay uminom ng alak; siya’y makahimalang gumawa pa nga ng alak sa isang kasalan.—Mateo 26:29; Juan 2:3-11.
Gayunman, baka inaakala ng isang Kristiyano na mas gusto niya na huwag mapalagay sa panganib ng pagdepende sa caffeine. Kung siya’y pinagkakaitan ng kaniyang regular na iniinom na caffeine at siya’y nagiging magagalitin (“coffee nerves”), marahil ay iisipin niya na umiwas sa caffeine bilang pagpapakilala ng kaniyang “pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Yamang hindi binabanggit ng Bibliya ang pag-iwas sa mga inuming may caffeine, ang disisyon tungkol sa kape o tsa ay kailangang gawin sa indibiduwal na paraan. Ang pagkakatamtaman ay angkop kung ang Kristiyano’y kumukonsumo ng alin man sa dalawang iyan.— Ihambing ang Tito 2:2.
Ang pagkamakatuwiran ay may kaugnayan din sa suliranin tungkol sa posibleng panganib na dulot sa kalusugan. May maraming sinasabing mga panganib ang regular na pag-inom ng mararaming dosis ng caffeine (maging buhat sa kape, tsa, mga inuming kola, o iba pang mga inumin o pagkain). Gayunman, para sa bawat pag-aaral na iniuugnay ang isang partikular na panganib sa kalusugan sa caffeine, ang isa naman ay waring ang kabaligtaran ang itinuturo.
Ang lohika ng pagkamakatuwiran ay idiniriin ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa pulut-pukyutan. Ito ay isang natural na sustansiya, at ang akto ng pagkain nito bilang isang nagpapasiglang pagkaing pampalakas ay natural (kabaligtaran naman ng paglanghap ng usok tungo sa baga). (1 Samuel 14:26, 27; Mateo 3:4) Gayunman, maaari kang magkasakit sa pagkain ng sobra nito. Ang Bibliya ay nagbibigay ng babala: “Ikaw ba’y nakasumpong ng pulut-pukyutan? Kumain ka ng sapat lamang sa iyo, upang huwag kang kumain ng sobra nito at isuka mo lamang.”—Kawikaan 25:16, 27.
May mga taong hindi talagang makakain ng pulut-pukyutan. Sa katulad na paraan, sa mga kadahilanang pangkalusugan ang iba ay baka kailangang umiwas sa alkohol, sa caffeine, sa mga produktong gatas, o iba pang mga pagkain o inumin. Ang iba naman ay maaaring umiwas sa ganiyang mga bagay dahilan sa gusto nila iyon o dahilan sa malaganap na pagkasensitibo roon sa sambayanan, dahil sa hindi nila ibig na magdamdam ang sinuman. Ito’y nagpapagunita sa atin ng sinabi ni apostol Pablo: “Kung ang pagkain ay nagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako muling kakain ng karne, upang ang aking kapatid ay huwag matisod sa akin.”—1 Corinto 8:13.
Kung gayon, hayaang ang bawat indibiduwal ay kumilos na kasuwato ng kaniyang sariling ipinasiya at huwag isipin na ang kaniyang disisyon ay kailangang ipasunod sa iba. Si Pablo ay sumulat: “Ang kumakain ay huwag magwalang-halaga sa hindi kumakain, at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain, sapagkat siya’y tinanggap ng Diyos. Sino kang humahatol sa alila ng iba?”—Roma 14:3, 4.