Matatagpuan Mo ang Kagalakan sa Sanlibutang Sanhi ng Panlulumo!
SI Marie ay may maaliwalas, masayahing kalooban. Mahirap paniwalaan na mga ilang taon lamang ang nakalipas, ang 32-anyos na babaing ito ay tinukoy ang kaniyang sarili na walang kabuhay-buhay. Si Marie ay naging biktima ng malubhang panlulumo. “Iyon ay mistulang isang makapal at madilim na ulap na unti-unting naalis,” ang sabi niya. Oo, mabuti naman at siya’y gumaling at muling nagsauli ang kaniyang kagalakan.
Sa taun-taon isandaang milyong katao sa buong daigdig ang sinasalanta ng matinding panlulumo! Ang karamdamang ito ay hindi lamang isang lumilipas na kalumbayan na nararanasan ng karamihan sa atin pana-panahon. Ang matinding panlulumo ay isang walang-lubay na kalungkutan. Ang taong nanlulumo ay nawawalan ng interes sa buhay, walang kaluguran sa anuman, at sa pangkalahatan ay nakadarama ng kawalang-pag-asa at kawalang-halaga. Noong 1983 ipinahayag ng World Health Organization: “Sa kasalukuyan ay marami ang may paniwala na umiiral sa lahat ng panig ng daigdig ang karamdaman na may kinalaman sa panlulumo.”
Ang maingat na mga mag-aarál ng Bibliya ay hindi nagtataka sa ulat na ito. Ipinakikilala ng Bibliya ang panahon natin bilang “ang mga huling araw,” na “mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang kaayusan sa lipunan na nakatutulong kung panahon ng emosyonal na kagipitan ay unti-unting gumuguho. Sa artikulong “Ang Panahon ng Kalungkutan?”, ang kasalukuyang pagdami ng mga nanlulumo ay isinisi ni Dr. Gerald Klerman sa pagbabagong ito. Ganito ang kaniyang paliwanag: “Ang tatlong pinakakaraniwang panlipunang mga sistema na nakatutulong ay ang pamilya, ang simbahan, at ang nakapalibot na pamayanan. . . . Ang pangyayari sa kasalukuyang panahon ay na lahat ng tatlong mga panlipunang sistemang ito ay pawang nasa iba’t ibang antas ng kaguluhan.”
Ang pagkakawatak-watak ng pamilya ni Marie ang sanhi na humantong sa kaniyang panlulumo. “Nang lumisan ang aking tiyahin nang walang gaputok mang salita, naisip kong ako’y pinabayaan at nag-iisa. Ako noon ay 12 taóng gulang at sa wari ko’y biglang-biglang nabaligtad ang aking daigdig,” naaalala pa ni Marie. Hindi nagtagal at siya’y umalis na rin sa kanilang tahanan dahil sa ang kaniyang ama’y nagtangka na siya’y halayin, at kaniyang inamin: “Ako’y nakadama ng kakatuwang damdamin, at tuluyang nawala ang lahat ng aking pagtitiwala sa aking sarili.” At ganiyan nagsimula ang kaniyang malubhang panlulumo.
Isang araw nang si Marie ay totoong nalulumbay, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniyang tahanan. Siya’y nagpakita kaagad ng malaking interes sa kanilang masayang mensahe sa Bibliya. “Dati, wala akong nakikita kundi ang kawalang-kabuluhan ng buhay at ang napakaraming mga bagay na pangit, ngunit ngayon nakumbinsi ako na ako’y makapamumuhay sa isang bagong sanlibutan na kung saan itutuwid ng Diyos ang lahat ng mga kaapihang ito. Sa tulong ng Diyos ako’y maaaring magsikap para kamtin ko ang gayong pagpapala; kaya naman, ang buhay ko’y nagkaroon ng tunay na kabuluhan.” Samantalang siya’y dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi, siya ay nakasumpong ng tunay na pag-ibig at kaaliwan. (Juan 13:34, 35) Ang pagpapayo ng sanáy na mga matatanda ng kongregasyon ay tumulong din sa kaniya upang baguhin ang kaniyang negatibong kaisipan. (Santiago 5:14) Ang kaniyang panlulumo ay unti-unting nawala. Laksa-laksang mga tao rin naman, katulad ni Marie, na nanlulumo dahil sa mga kalagayan ng daigdig ang nakasumpong ng “kagalakan ni Jehova” nang sila’y magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan ng Bibliya.—Nehemias 8:10; 1 Timoteo 2:4.
Subalit, agad-agad bang nawala ang panlulumo ni Marie? Dapat ba nating isipin na ang mga Kristiyano ay hindi tatablan ng panlulumo? Upang masagot ang mga tanong na ito, suriin nating mainam ang karamdamang ito at ang masalimuot na mga sanhi nito. Ang pagkaalam sa tunay na pinagmumulan ng panlulumo ay tutulong sa iyo sa lalong matagumpay na pakikitungo rito kung ikaw mismo ang nanlulumo o makatutulong ka sa iba na nanlulumo.
Ang Pinagmumulan ng Matinding Panlulumo
Sa mga ilang kaso ang sanhi ng panlulumo ay nasa diperensiya ng katawan, tulad halimbawa ng sakit, di-tamang nutrisyon, at mga suliranin sa hormone. Maaari ring iyon ay sanhi ng reaksiyon sa ilang mga lason, dumi, gamot, at allergens.a Gayunman, sinasabi ng Bibliya na ang “bumabagabag na agam-agam” sa kaisipan ng isang tao ay maaaring maging sanhi rin.—Awit 94:19.
Karamihan ng mga taong nanlulumo, tulad ni Marie, ay nakaranas ng maraming masasaklap na karanasan o kaigtingan sa buhay. Marami ang may damdamin na katulad ng salmista: “Ang aking kaluluwa ay lipos ng kabagabagan . . . Ako’y kanilang kinubkob na sama-sama. Kaibigan at kasama ay inilayo mo [Jehova] sa akin; ang aking mga kakilala ay nasa dilim.” (Awit 88:3, 17, 18) Kaya tulad ng salmista, kanilang nadarama na sila’y nadadaig na ng mga suliranin o mga kakapusan at ang kanilang buhay ay itinuturing nila na wala nang pag-asa. Marahil inaakala nila na para bang sila’y nag-iisa sa isang madilim na dako at sila’y itinakuwil na kahit ng Diyos.
Bakit nga ba sila dumarating sa ganiyang nakapanghihinang panghihinuha, na ang totoo’y nagkakaroon sila ng isang nahahapis na diwa? Iyan ay hindi dahil lamang sa kanilang panlabas na mga suliranin; iyan ay dahilan din sa masaklap na damdamin o mga pangamba tungkol sa kanilang sarili. Kanilang inaakalang wala silang sapat na lakas upang makitungo sa mga suliranin o mga kakapusan. “Dahilan sa kapanglawan ng puso ay may nahahapis na diwa,” ang paliwanag ng Kawikaan 15:13. Sa ganiyang kapanglawan ng puso ay kasali ang damdamin na ang isa’y bigo o ganiyan na nga ang akala ng iba. Kahit na noong unang siglo ang Kristiyanong si Epafrodito, matapos gumaling buhat sa isang malubhang karamdaman sa panahon ng isang misyon na isinaayos ng kaniyang kinauugnayang kongregasyon, ay “namanglaw dahil nabalitaan [ng kongregasyon] na siya’y may sakit.”—Filipos 2:25-30.
Yamang ‘ang nahahapis na diwa ay tumutuyo sa mga buto,’ o sumisira sa mismong pagkatao, ang abang pagkakilala sa sarili ay kadalasan siyang sanhi ng malubhang panlulumo. (Kawikaan 17:22) Ang kapanglawan ng puso ay maaari rin namang dulot ng labis na pag-aalala tungkol sa kung ano ang pagkakilala sa atin ng iba, ang kaisipan na nakahilig sa pagka-sakdal, galit na di-makalimutan, sama ng loob, di-nalulutas na mga di-pagkakaunawaan, o pagkakasala (tunay man o guniguni).
Samakatuwid ang sanhi ng malubhang panlulumo ay marami. Gayunman, natagpuan ni Marie ang tunay na kagalakan pagkatapos na maging isang Kristiyano. “Nagkaroon na ako ng pag-asa,” ang sabi niya. Ngunit sa ilang panahon ay kinailangan pa rin niyang magtiis ng panlulumo. Papaano madadaig iyon sa wakas ng gayong mga tao?
[Talababa]