Pakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala Ngayon
“Sa kaniya ay ipagkakatiwala ang pamamanihala sa lahat ng ari-arian niya.”—LUCAS 12:44.
1. Sa anong kaharian nagsimulang naghari si Kristo noong 33 C.E., at sa pamamagitan ng ano?
NOONG Pentecostes 33 C.E., si Jesu-Kristo, ang Ulo ng kongregasyon, ay nagsimulang aktibong mamahala sa kaharian ng kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga alipin. Papaano nga nagkagayon? Sa pamamagitan ng banal na espiritu, mga anghel, at isang nakikitang lupong tagapamahala. Gaya ng ipinakita ni apostol Pablo, ‘iniligtas [ng Diyos] ang mga pinahiran buhat sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sila sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.’—Colosas 1:13-18; Gawa 2:33, 42; 15:2; Galacia 2:1, 2; Apocalipsis 22:16.
2. Sa anong lalong malaking Kaharian nagsimulang naghari si Kristo noong 1914?
2 Nang matapos “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” pinalawak pa ni Jehova ang kapangyarihan ni Kristo bilang hari, pinaabot hanggang sa labas ng kongregasyong Kristiyano. (Lucas 21:24) Oo, noong taóng 1914, ang kaniyang Anak ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihang pagharian ang “mga bansa,” “ang kaharian ng sanlibutan,” ang buong sangkatauhan.—Awit 2:6-8; Apocalipsis 11:15.
Pinamamahala “sa Lahat ng Ari-arian Niya”
3, 4. (a) Sa ilustrasyon ni Jesus ng mga mina, kanino kumakatawan ang mahal na tao? (b) Anong mga pangyayari sa Kaharian ang naganap noong 1918 at 1919?
3 Kapansin-pansin dito ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang mahal na tao. (Lucas 19:11-27) Bago nangibang-bayan upang tanggapin ang kapangyarihan sa kaharian, ang kaniyang mga alipin ay binigyan ng taong iyon ng salapi (mga mina) na ipangangalakal. Sa pagbabalik, ipinatawag ng taong ito, na kumakatawan kay Kristo, “ang mga aliping ito na kaniyang pinagbigyan ng salaping pilak, upang alamin kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.” (Lucas 19:15) Papaano ito natupad pagkatapos na tanggapin ni Jesus ang kapangyarihan sa kaharian?
4 Noong 1918 ang iniluklok na Haring si Jesu-Kristo ay nakasumpong ng isang munting grupo ng mga Kristiyano na nagsilabas na sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at abala sa pag-aasikaso ng makalupang intereses ng kanilang Panginoon. Pagkatapos na sila’y dalisayin na para bang sila’y pinaraan sa apoy, ang kaniyang mga alipin ay binigyan ni Jesus ng higit pang kapangyarihan noong 1919. (Malakias 3:1-4; Lucas 19:16-19) Kaniyang pinamahala sila “sa lahat ng ari-arian niya.”—Lucas 12:42-44.
“Pagkain sa Wastong Panahon”
5, 6. (a) Anong pinalawak na gawain ang tinanggap ng katiwala ni Kristo? (b) Anong mga hula ang itinakdang matupad pagkaraan ng 1914, at papaanong ang uring katiwala ay aktibong makikibahagi sa katuparan ng mga ito?
5 Ang nagpupunong Haring si Jesu-Kristo ay nagbigay ng pinalawak na gawain sa kaniyang katiwala, o tagapamahala ng bahay, sa lupa. Ang pinahirang mga Kristiyano ay magiging “mga embahador” ng Diyos na kakatawan sa isang pinutungang hari na may kapangyarihang magpuno sa lahat ng bayan sa lupa. (2 Corinto 5:20; Daniel 7:14) Ang kanilang sama-samang pananagutan ngayon ay hindi lamang ang pagbibigay sa lupon ni Kristo ng pinahirang mga tagapaglingkod ng “kanilang bahagi ng pagkain sa wastong panahon.” (Lucas 12:42) Sila ngayon ay may aktibong bahagi sa katuparan ng mga hula na nakatakdang matupad pagkatapos na matatag ang Kaharian noong 1914.
6 Ano ba ang ibig sabihin nito sa aktuwal na katuparan? Ang ibig sabihin ay pagpapalawak sa pangangaral ng ‘mabuting balitang ito ng kaharian sa buong tinatahanang lupa.’ (Mateo 24:14) Gayundin, ito’y nangangahulugan ng paghahayag ng matitinding mensahe ng kahatulan laban sa balakyot na sistema ni Satanas at sa mga sumusuporta rito. Ang epekto nito ay ang ‘pagyanig sa mga bansa.’ Sa gayon, ang “kanais-nais na mga bagay,” ang mga “ibang tupa” ni Kristo, ay nagsimulang pumasok. (Hagai 2:7; Juan 10:16) Magmula na noong 1935, ang “malaking pulutong” ay nagsimulang humugos sa organisasyon ni Jehova sa buong daigdig. (Apocalipsis 7:9, 10) Ito’y nangangailangan ng pasulong na pagpapahusay ng organisasyon. Sa simbolikong pangungusap, ang mga bato ay hahalinhan ng bakal, ang kahoy ay ng tanso, ang bakal ay ng pilak, at ang tanso ay ng ginto. (Isaias 60:17) Lahat na ito ay nagaganap sapol pa noong 1919 sa ilalim ng aktibo at mahigpit na pangangasiwa ni Jesu-Kristo, na lahat ng kaniyang makalupang mga kapakanan sa Kaharian, o mga ari-arian, ay ipinagkatiwala sa kaniyang tapat na uring alipin at Lupong Tagapamahala nito.
7. May kinalaman sa ano ang pinalawak na mga pananagutan ng katiwala?
7 Dagling mauunawaan natin na ang pinalawak na pasaning pananagutan na ibinigay sa alipin, katiwala, o tagapamahala ng bahay ng Panginoon ay may kinalaman sa puspusang mga aktibidades sa pagsulat at editoryal. Ang laang espirituwal na pagkain ay kailangang palagiang ilathala sa wastong panahon sa Ang Bantayan. Noong 1919 ang The Golden Age (isang kasamang magasin na naging Consolation, at pagkatapos Awake!) ay nagsimulang ilathala upang pumukaw ng interes ng publiko, bukod sa pagpapatibay sa “kasambahay.” (Mateo 24:45) Sa lumipas na mga taon ay bumaha ang mga aklat, pulyeto, at tract na inilathala.
Patuloy na Pagdalisay
8. Sa ano nagkaroon ng unang kaugnayan ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, at ano ang ipinahayag ng The Watchtower noong 1944?
8 Sa pagbabalik-tanaw sa “panahon ng kawakasan” na ito, tayo’y hindi nagtataka na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay sa simula’y nagkaroon ng malapit na kaugnayan sa patnugutan ng Watch Tower Society. (Daniel 12:4) Ang artikulong “The Theocratic Alignment Today,” (Ang Teokratikong Kaayusan Ngayon) na inilathala sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1944, ay nagsabi: “Makatuwiran, yaong mga pinagkatiwalaan ng paglalathala ng isiniwalat na mga katotohanan ng Bibliya ay tinitingnan bilang ang pinili ng Panginoon na lupong tagapamahala upang umakay sa lahat ng mga nagnanais na sumamba sa Diyos sa espiritu at sa katotohanan at maglingkod sa kaniya nang may pagkakaisa sa pagpapalaganap ng isiniwalat na mga katotohanang ito sa mga iba na nagugutom at nauuhaw.”
9. Nang malaunan, ang Lupong Tagapamahala ay nagkaroon ng malapit na kaugnayan sa ano, at bakit?
9 May mga kahilingan ang batas sa paglalathala ng mga magasin at iba pang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Sa gayon, ang Watch Tower Bible and Tract Society ay itinatag at inirehistro sa estado ng Pennsylvania, E.U.A. Sa loob ng kung ilang mga taon, ang nakikitang Lupong Tagapamahala ay nakaugnay ng pitong-miyembrong lupon ng mga direktor ng korporasyong ito na itinatag upang maglathala ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na kailangan at ginagamit ng mga lingkod ng Panginoon sa buong lupa.
10, 11. Anong pagdalisay ang naganap ng 1944, at ano ang naging komento tungkol dito sa The Watchtower?
10 Ang pitong direktor ng Samahan ay tapat na mga Kristiyano. Subalit ang kanilang papel na ginagampanan sa isang legal na korporasyon ay baka nagpapahiwatig na utang nila ang kanilang posisyon sa Lupong Tagapamahala sa kanilang pagiging halal ng legal na mga miyembro ng Watch Tower Society. Isa pa, ayon sa batas ang gayong pagkamiyembro at ang taglay niyaon na mga pribilehiyo sa pagboto ay sa simula ipinagkaloob lamang sa mga nag-aabuloy sa Samahan. Ang ganitong kaayusan ay kinailangang baguhin. Ito’y ginawa sa taunang pulong ng korporasyon ng Pennsylvania ng Watch Tower Society na ginanap noong Oktubre 2, 1944. Ang mga batas ng Samahan ay ginawan ng ilang mga pagbabago upang ang pagkamiyembro ay hindi na ngayon batay sa pananalapi. Ang mga miyembro ay maaaring mahirang buhat sa tapat na mga lingkod ni Jehova, at sa mga ito’y kasali ang maraming naglilingkod nang buong-panahon sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York, at sa mga sangay nito sa buong daigdig.
11 Sa pag-uulat tungkol sa ginawang pagpapahusay na ito, sinabi ng The Watchtower ng Nobyembre 1, 1944: “Ang salapi, na kinakatawan sa mga pag-aabuloy ng salapi, ay hindi dapat na maging batayan, ang totoo’y walang anumang kinalaman sa pagkalagay ng mga nasa lupong tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa lupa. . . . Ang banal na espiritu, o aktibong puwersa na nanggagaling sa itaas buhat sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang siyang dapat magpasiya at maging patnubay sa bagay na iyan.”
Naiiba sa Isang Lupon ng mga Direktor
12. Ano ang nagpapakita na pinagpala ni Jehova ang mga pagdalisay sa ilalim ng pamamatnubay ng Lupong Tagapamahala?
12 Ang pagsulong ng gawaing pangangaral sa loob ng sumunod na mga dekada ay nagpapatunay na pinagpala ni Jehova ang binanggit na mga pagdalisay sa pagkaunawa ng Lupong Tagapamahala. (Kawikaan 10:22) Aba, ang bilang ng mga tagapagbalita ng Kaharian sa buong lupa ay dagling umakyat sa kulang-kulang na 130,000 noong 1944 tungo sa 1,483,430 noong 1970! Subalit higit pang mga pagsulong ang nakatakdang dumating.
13. (a) Hanggang noong 1971, ano ang kalagayan kung tungkol sa Lupong Tagapamahala? (b) Ano ang naganap sa taunang pulong ng Samahan noong 1971?
13 Hanggang noong 1971 yaong mga nasa Lupong Tagapamahala ay kaugnay pa rin ng pitong miyembro ng lupon ng mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Ang pangulo ng Samahan ang pumapasan ng pangunahing pasanin ng pananagutan ng paggawa ng mga desisyong may epekto sa pagkilos ng mga sangay ng Samahan sa buong daigdig. Subalit napakahalagang pahayag ang narinig sa taunang pulong na ginanap noong Oktubre 1, 1971. Ang pangulo ng Samahan ay nagpahayag sa paksang “Pagdadala sa Dakong Banal sa Tamang Kalagayan,” at ang pangalawang pangulo ay nagpahayag naman sa paksang “Ang Lupong Tagapamahala Ay Naiiba sa Isang Legal na Korporasyon.” Ano ba ang pagkakaiba sa pagitan ng Lupong Tagapamahala at ng legal na korporasyon?
14. Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng isang legal na korporasyon at ng Lupong Tagapamahala?
14 Gaya ng binanggit na, ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay may lupon ng mga direktor na limitado lamang sa pitong miyembro. Ang nag-alay na mga lalaking Kristiyanong ito ay inihahalal para sa tatlong-taóng panunungkulan ng mga miyembro ng korporasyon na sa kabuuan ay may 500, na ang karamihan sa kanila ay hindi pinahirang mga Kristiyano. Isa pa, yamang ang pag-iral ng korporasyon ay batay lamang sa kahilingan ng batas, na may pirmihang punong-tanggapan na nasa isang lugar, ito ay maaaring lansagin ni Cesar, samakatuwid baga, ng Estado. (Marcos 12:17) Subalit, ang Lupong Tagapamahala ay hindi isang instrumentong kahilingan ng batas. Ang mga miyembro nito ay hindi inihahalal. Sila ay hinihirang sa pamamagitan ng banal na espiritu sa ilalim ng pamamatnubay ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. (Ihambing ang Gawa 20:28.) Isa pa, yaong mga bumubuo ng Lupong Tagapamahala ay hinirang-ng-espiritung mga lalaki na hindi obligadong magkaroon ng isang pirmihang kinaroroonang lugar o punong-tanggapan.
15. Sa Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1972, ano ang sinabi tungkol sa organisasyon, at ano ang masasabi tungkol sa modernong-panahong Lupong Tagapamahala?
15 Kung tungkol sa mga pagdalisay sa unawa, Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1972, ay nagsabi: “Salamat at ang Kristiyanong mga Saksi ni Jehova ay nakaaalam at nakapagsasabi na ito’y hindi iisang-taong organisasyong relihiyoso, kundi ito ay may lupong tagapamahala ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano.” Ang Lupong Tagapamahala ng pinahirang uring alipin at ang kanilang milyun-milyong mga kasamahan na mga ibang tupa ay sa pasulong na paraan sinangkapan na mangalaga sa katungkulan nito na pangangasiwa.
16. Papaanong ang makalupang mga ari-arian ni Kristo ay sumulong magbuhat noong 1971, at ano ang ilan sa mga ito na kaniyang ipinagkatiwala sa pangangalaga ng tapat at maingat na alipin, na kinakatawan ng Lupong Tagapamahala nito?
16 Ang makalupang mga ari-arian ng Haring si Jesu-Kristo ay patuloy na lumalago. Magbuhat noong 1971 ang bilang ng mga Saksi ay mabilis na umakyat buhat sa wala pang 1,600,000 tungo sa sukdulang bilang na mahigit na 3,700,000 noong 1989. Ano ngang laking katunayan ng pagpapala ng Diyos! (Isaias 60:22) Dahil sa paglagong ito ay kinailangang magpalawak ng pasilidad ng punong-tanggapan ng Samahan at ng mga sangay nito, at gayundin kinailangan na gawing moderno ang mga paraan ng produksiyon at ng pamamahagi. Ang resulta ay ang pagtatayo ng maraming Kingdom Hall at Assembly Hall sa buong lupa. Samantala, ang Lupong Tagapamahala ay nagpatuloy din na bumalikat sa pananagutan na pangangasiwa sa gawaing pangangaral, na gumagawa ng materyal sa pag-aaral ng Bibliya, at humihirang ng mga tagapangasiwa sa mga sangay, distrito, sirkito, at mga kongregasyon. Ito ang mga intereses ng Kaharian na ipinagkatiwala ni Kristo sa pangangalaga ng tapat at maingat na alipin, na kinakatawan ng Lupong Tagapamahala nito.
17. Anong higit pang pagpapahusay sa pangangasiwa ang ginawa noong 1971, 1974, at 1976?
17 Ang unang-siglong lupong tagapamahala ay pinalawak upang makasali ang higit pa kaysa mga apostol lamang ni Jesus. Nang pagpasiyahan ang suliranin tungkol sa pagtutuli, maliwanag na ang lupon na iyan ay kinabibilangan ng “mga apostol at nakatatandang mga lalaki sa Jerusalem.” (Gawa 15:1, 2) Bilang paghahambing, ang Lupong Tagapamahala ay pinalawak noong 1971 at muli na naman noong 1974. Upang pabilisin ang kanilang gawaing pangangasiwa, ang Lupong Tagapamahala ay nagsaayos ng limang komite (committee) na itinakdang magsimula noong Enero 1, 1976. Bawat komite ay binubuo ng mula sa tatlo hanggang anim na miyembro, na pawang may magkakatumbas na tinig sa mga bagay na pinag-uusapan. Ang chairman ng bawat komite ay naglilingkod ng isang taon, at ang indibiduwal na mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay naglilingkod sa isa o higit pa sa mga komiteng ito. Bawat isa sa limang komiteng ito ay nagbibigay ng partikular na atensiyon sa isang espesipikong aspekto ng makalupang ari-arian ni Kristo. Ang ikaanim na komite—ang Komite ng Chairman (Chairman’s Committee), na ang mga miyembro ay may rotasyon taun-taon, ang humahawak ng seryosong mga suliranin.
Aktibong Pakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala
18. Papaano kumikilos ang Lupong Tagapamahala, at ano ang isang paraan upang maipakita natin ang ating pakikipagtulungan dito?
18 Ang mga komite ng Lupong Tagapamahala ay nagdaraos ng linggu-linggong mga pagpupulong upang repasuhin ang mahalagang mga bagay, gumawa ng mga desisyon pagkatapos ng talakayan na may kasamang panalangin, at magplano para sa hinaharap na teokratikong aktibidad. Gaya ng binanggit na una pa rito, ipinakikita ng Gawa kabanatang 15 na isang mabigat na suliraning nangangailangan ng kalutasan ang inilapit sa unang-siglong lupong tagapamahala para bigyan ng atensiyon. Sa katulad na paraan ngayon, mahalagang mga suliranin ang inilalapit sa buong Lupong Tagapamahala, na nagpupulong minsan isang linggo o higit pa kung kinakailangan. Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa kasalukuyan may bilang na 12, ay inaalam ang kalooban ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng Kasulatan at ng panalangin. Ang isang paraan upang maipakita natin ang ating pakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala ay sa pamamagitan ng pag-aalaala sa mga natatanging inatasang ito sa ating araw-araw na mga pananalangin.—Roma 12:12.
19. Papaanong nakararating sa mga kongregasyon ang mga instruksiyon ng Lupong Tagapamahala?
19 Papaanong nakararating sa mga kongregasyon ang mga instruksiyon at desisyon ng Lupong Tagapamahala? Pagkatapos na ang mga miyembro ng unang-siglong lupong tagapamahala ay makabuo na ng kanilang desisyon sa tulong ng espiritu ng Diyos, sila’y nagpapadala ng liham sa mga kongregasyon. (Gawa 15:22-29) Gayunman, ang pangunahing paraan sa ngayon ay sa pamamagitan ng mga publikasyong Kristiyano.
20. (a) Ano pang pang-organisasyong pagdalisay ang ginawa noong 1976? (b) Papaanong nakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala ang mga Komite ng Sangay?
20 Magbuhat noong Pebrero 1, 1976, bawat isa sa mga sangay ng Watch Tower Society ay nagkaroon ng isang Komite ng Sangay (Branch Committee) na binubuo ng may kakayahang mga lalaking hinirang ng Lupong Tagapamahala. Bilang mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala para sa bansa o mga bansa sa ilalim ng superbisyon ng kanilang sangay, ang mga kapatid na ito ay kailangang mga lalaking may pananampalataya, tapat. Naaalaala tuloy natin ang may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan na mga lalaking tumulong kay Moises sa paghatol sa mga mamamayan sa sinaunang Israel. (Exodo 18:17-26) Isinasagawa ng mga miyembro ng Komite ng Sangay ang mga instruksiyon na tinanggap sa tulong ng mga aklat at mga magasin ng Samahan at ng Ating Ministeryo sa Kaharian, pati na rin yaong nasa pangkalahatang mga liham at pantanging mga liham may kinalaman sa lokal na mga problema. Ang mga Komite ng Sangay ay patuloy na nagpapatalastas sa Lupong Tagapamahala ng pinakahuling pagsulong sa gawain sa bawat bansa at sa mga suliranin na maaaring bumangon. Ang gayong mga ulat buhat sa lahat ng panig ng daigdig ay tumutulong sa Lupong Tagapamahala upang magpasiya kung anong mga paksa ang dapat isaalang-alang sa mga publikasyon ng Samahan.
21. Papaano hinihirang ang naglalakbay na mga tagapangasiwa, at ano ang kasali sa kanilang mga tungkulin?
21 Sa ilalim ng pamamatnubay ng banal na espiritu ang mga Komite ng Sangay ay nagrirekomenda ng maygulang, espirituwal na mga lalaki upang maglingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito at ng distrito. Pagkatapos na mahirang na tuwiran ng Lupong Tagapamahala, sila’y naglilingkod bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa. Ang mga kapatid na ito ay dumadalaw sa mga sirkito at sa mga kongregasyon upang patibayin sila sa espirituwal at tulungan sila na magkapit ng mga tagubiling tinanggap buhat sa Lupong Tagapamahala. (Ihambing ang Gawa 16:4; Roma 1:11, 12.) Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay nagpapadala ng mga ulat sa tanggapang-sangay. Sa tulong ng banal na espiritu at ng kinasihang Kasulatan, sila’y nakikibahagi sa lokal na matatanda sa pagrirekomenda ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki para mahirang na ministeryal na mga lingkod at matatanda ng Lupong Tagapamahala o ng mga kinatawan nito.—Filipos 1:1; Tito 1:5; ihambing ang 1 Timoteo 3:1-13; 4:14.
22. (a) Papaanong ang mga matatanda sa kongregasyon ay nakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala? (b) Ano ang nagpapatunay na pinagpapala ni Jehova ang ganitong kaayusang teokratiko?
22 Sa kabilang dako, yaong mga bumubuo ng mga lupon ng matatanda ay ‘nagbibigay-pansin sa kanilang sarili at sa buong kawan, na sa kanila’y ginawa sila ng banal na espiritu na mga tagapangasiwa.’ (Gawa 20:28) Ang mga tagapangasiwang ito ay may katapatang nagsisikap na ikapit ang mga turo na tinanggap sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng tapat at maingat na alipin at ng Lupong Tagapamahala nito. Pinagpapala ni Jehova ang kaayusang teokratikong ito, sapagkat ‘ang mga kongregasyon ay patuloy na napatibay sa pananampalataya at dumami sa araw-araw.’—Gawa 16:5.
23. Tungkol sa Lupong Tagapamahala, ano ang dapat na ipasiya nating gawin?
23 Anong inam na sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala, ang Diyos na Jehova at ang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay nagpapakita ng pagsuporta sa bayan ng Diyos! (Awit 94:14) Bilang bahagi ng organisasyon ni Jehova, tayo bilang mga indibiduwal ay nakikinabang sa gayong pagsuporta. (Awit 145:14) Ito’y dapat magpatibay sa ating pasiya na makipagtulungan sa mga kaayusan ng Diyos. Talaga, lagi sana tayong masumpungang nakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova samantalang tayo’y sumusulong patungo sa panahon na “ang lupa ay tunay na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Mga Pangunahing Punto na Dapat Tandaan
◻ Anong karagdagang mga pananagutan ang tinanggap noong 1919 ng uring katiwala?
◻ Sa loob ng maraming taon, ang nakikitang Lupong Tagapamahala ay kaugnay ng ano?
◻ Anong pasulong na mga pagdalisay ang ginawa sa paghirang sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala?
◻ Ano ang ilan sa makalupang mga ari-arian ni Kristo na kaniyang ipinagkatiwala sa uring alipin at sa Lupong Tagapamahala nito?
◻ Papaano tayo maaaring makipagtulungan sa Lupong Tagapamahala?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Buhat sa pandaigdig na punong-tanggapan nito sa Brooklyn, New York, ang Lupong Tagapamahala ay namamanihala sa paglalathala at gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa 93 sangay ng Watch Tower Society
Alemanya
Hapon
Timog Aprika
Brazil