Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 4/1 p. 7-10
  • Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Higit na Kakayahan Kaysa Tao
  • Mga Hakbang Tungo sa Kapayapaan
  • Ang Susunod na Hakbang
  • Isang Daigdig na May Kapayapaan
  • Isang Matatag na Pag-asa
  • “Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Tunay na Kapayapaan—Saan Kaya Magmumula?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Hanapin ang Tunay na Kapayapaan at Itaguyod Ito!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Kailan ba Talagang Darating ang Walang-Hanggang Kapayapaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 4/1 p. 7-10

Sino ang Aakay sa Sangkatauhan sa Kapayapaan?

DAHIL ba sa ang mga tao’y hindi makapagdala ng kapayapaan ay hindi na tayo makakakita ng kapayapaan kailanman? Hindi. Kung papaanong si Satanas, na higit na makapangyarihan kaysa atin, ang siyang pinakamalaking hadlang sa kapayapaan sa lupa, gayundin na may Isa na lalong makapangyarihan kaysa kay Satanas na sa wakas ay aakay sa sangkatauhan tungo sa kapayapaan. Ang Bibliya, na may sinasabi tungkol kay Satanas, ay nagsasabi rin tungkol sa isang ito. Sinasabi niyaon: “Ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6, 7) Sino ba itong Prinsipe ng Kapayapaang ito? Walang iba kundi si Jesu-Kristo, at siya’y makapagdadala ng kapayapaan dahil sa siya’y higit na kuwalipikado kaysa atin. Sa anu-anong paraan?

May Higit na Kakayahan Kaysa Tao

Unang-una, si Jesus ay hindi mortal, namamatay. Totoo, siya’y nabuhay bilang isang tao at namatay ng isang sakripisyong kamatayan. Ngunit pagkatapos siya ay binuhay-muli sa walang-kamatayang buhay sa langit, at sa kalagayang ito siya ay naging ang Prinsipe ng Kapayapaan. Iyan ang dahilan kung bakit isang hula ang nagsasabi: “Hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Di-gaya ni emperador Aśoka ng Silangan, si Jesus ay mabubuhay nang walang-katapusan upang ang kaniyang mabubuting gawa ay hindi masira ng mabababang uring mga kahalili.

Isa pa, si Jesus ay hindi nabahiran ng kasalanan. Ang kaniyang paghahari ay nakasalig sa maka-Diyos na karunungan at matuwid na mga prinsipyo. Si propeta Isaias ay humula: “Ang espiritu ni Jehova ay sasakaniya, ang espiritu ng karunungan at kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova . . . Hindi siya hahatol ayon sa basta nakikita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon sa naririnig lamang ng kaniyang mga tainga. At hahatol siya ng katuwiran sa mga dukha.” (Isaias 11:2-4) Di-gaya ng mga taga-Europa noong mas maagang panahon, si Jesus ay hindi magpapairal ng kapayapaan sa kaniyang sariling lupain upang makipagdigma naman sa mga lupaing banyaga. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, ang kapayapaan ay iiral sa buong sansinukob.

Isa pa, si Jesus ay may lakas na magdala ng kapayapaan. Ang hula ay nagsasabi: “Ang espiritu ni Jehova . . . ang espiritu ng payo at ng kalakasan,” ay sasakaniya. Ang espiritung ito ang nasa likod sa paglalang sa sansinukob at pati na rin sa lahat ng makapangyarihang mga gawa ng katuwiran na iniuulat ng Bibliya. Maging ang dakilang mananalansang man, si Satanas, ay walang armas na mailalaban sa puwersa ng espiritu ng Diyos.

Mga Hakbang Tungo sa Kapayapaan

Papaano aakayin ni Jesus ang sangkatauhan sa kapayapaan? Marahil ay magtataka ka na malaman na siya’y nakapagsimula na. Sa makahulang aklat ng Apocalipsis, makikita si Jesus na tumatanggap sa Diyos ng paghahari sa isang makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 11:15) Kung matamáng susuriin natin ang mga hula ng Bibliya at ihahambing ang mga ito sa mga pangyayari sa panahon natin, makikita natin na ang pagluluklok kay Jesus bilang Hari ay naganap noon pang 1914. (Mateo 24:3-42) Iyan ay isang malaking hakbang sa pagdadala ng kapayapaan sa lupa.

Ngunit, kung ganiyan nga ang pangyayari, bakit nagsiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914? At bakit sa ating siglong ito ay naganap ang pinakamararahas na digmaan kaysa kailan pa man sa kasaysayan? Sapagkat ang unang ginawa ng makalangit na Hari ay paalisin magpakailanman si Satanas sa langit at siya’y ibinulid sa kapaligiran ng lupa. Ang resulta? Sinasabi ng hula: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:7-12) Ang mga malalaking digmaan sa ating siglong ito ay may kinalaman sa galit ni Satanas. Ngunit pansinin, ang galit ni Satanas ay sa “kaunting panahon na lamang.” Ang kagipitang ito ay lubhang malapit nang matapos!

Datapuwat, bago nga magkagayon ay gumagawa ang Prinsipe ng Kapayapaan ng iba pang mahahalagang paghahanda para sa kapayapaan. Unang-una, kailangang maalaman ng sangkatauhan ang layunin ng Diyos na magdala ng kapayapaan sa pamamagitan ni Kristo. Kaya naman, inihula ni Jesus na sa panahon natin “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:14) Bilang katuparan nito, ang mabuting balita ay ipinangangaral na ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa bawat sulok ng mundo.

Pagkatapos, ang matuwid-pusong mga tao ay kailangang turuan sa mga daan ng kapayapaan. Ang Bibliya’y nangangako: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isaias 54:13) Angaw-angaw na mga taong may matuwid na puso ang tumatanggap ng pagtuturong ito kahit na ngayon.

Ang Susunod na Hakbang

Halos panahon na para sa isa pang mahalagang hakbang sa pagdadalang ito ng kapayapaan. Ano ba iyon? Marami ang nakaaalam niyaon sa pangalan ngunit kakaunti ang nakaaalam ng tunay na layunin niyaon. Iyon ay tinatawag ng Bibliya na “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” o Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Marami ang may akala na ang Armagedon ay isang nuklear na digmaan na pupuksa sa kabihasnan. Sa kabaligtaran, ito ay isang tuwirang pagkilos ni Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, upang ganapin ang mga bagay na kailangan sa kapayapaan.

Una, sa Armagedon ay aalisin ang lahat ng mga gawa ng tao na hadlang sa kapayapaan. Ang hula sa Awit 37:10 ay nagsasabi: “Sandali na lamang at ang balakyot ay mawawala na; at iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na.” Oo, aalisin ni Jesus “ang balakyot”​—ang mga pasimuno sa digmaan, ang mga kriminal, ang mga terorista, at gayundin lahat ng tumatanggi sa dakilang Prinsipe ng Kapayapaan​—​buhat sa lupang ito. Sila’y hindi na bibigyan pa ng karapatan na patuloy na mamuhay sa planetang ito.​—Apocalipsis 19:19-21.

Ikalawa, sa Armagedon ang hulang ito ni Daniel ay matutupad: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Ang mga bansa ay hindi na magkakaroon ng mga takdang hangganan na kadalasan ay nagiging sanhi ng digmaan. Sa wakas, magkakaroon ng isang pandaigdig na pamahalaan sa ilalim ng isang pinuno na ating mapagkakatiwalaan!

Kailan darating ang Armagedon? Hindi sinasabi ng Bibliya. Subalit ang pandaigdig na mga pangyayari na katuparan ng hula ay nagpapakita na ito’y kaylapit-lapit na. Ang Bibliya’y malinaw na nagsasaad ng tungkol sa isang pangyayaring mauuna rito karakaraka. Sinasabi ni apostol Pablo: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila.” (1 Tesalonica 5:3) Kung magkagayon, karakaraka pagkatapos ng biglaang pagkapuksa na aabot sa sukdulan sa Armagedon, ang pinakamalaking hadlang sa kapayapaan ay aalisin. Ang “kaunting panahon” ni Satanas ay matatapos, at siya’y malalagay sa isang katayuan na kung saan hindi na siya makapanggugulo rito sa lupa. (Apocalipsis 20:1-3) Anong laking kaginhawahan!

Isang Daigdig na May Kapayapaan

Gunigunihin ang kalagayan sa panahong iyan. Ang salmista ay humula: “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Ang mga maaamong ito ay patuloy na tutupad ng magandang hula ni Isaias: “At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”​—Isaias 2:4.

Sa wakas, sa unang-unang pagkakataon magbuhat sa Eden, lahat ng nabubuhay na tao ay magtatamasa ng pagpapala ng Diyos na Jehova, at kaniyang tutuparin ang kaniyang pangako: “Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at siya’y mananahan na kasama nila, at sila’y magiging kaniyang bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Isang Matatag na Pag-asa

Kung gayon, sino ang aakay sa sangkatauhan sa kapayapaan? Si Jesu-Kristo, ang hinirang na Prinsipe ng Kapayapaan. Ito ba ay isang matutupad na pag-asa para sa atin ngayon? Bueno, kung ang mga pangako na nasa Bibliya ay hindi maaasahan, hindi nga magkakaroon ng tunay na pag-asa para sa kapayapaan. Ang mga tao ay patuloy na magbabáka-báka at magpapatayan nang walang katapusang natatanaw. Subalit ang Bibliya ay maaasahan, at ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ay magdadala ng kapayapaan. Hinihimok namin kayo na makinig sa mabuting balita ng Kaharian na dinadala ng mga Saksi ni Jehova sa inyong tahanan at patunayan ito para sa inyong sarili. Pagkatapos, pagsapit ng panahon, harinawang kayo’y makabilang sa mga maaamo na magmamana ng lupa at masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.

Ang pag-asa sa kapayapaan na tinalakay sa artikulong ito ay buhat sa Bibliya. Ngayon, na marami ang hindi na naniniwala sa Bibliya, baka itanong mo kung ang pag-asang ito ay matutupad. Ang mga Saksi ni Jehova ay may matatag na paniniwalang magkakagayon nga. Kanilang tinatanggap ang Bibliya bilang kinasihang Salita ng Diyos, samakatuwid ay lubusang mapagkakatiwalaan. Noong 1989 sila’y naglathala ng isang aklat na pinamagatang Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao? na naghaharap ng maraming patotoo sa bagay na ito. Ang iba sa impormasyon na nasa aklat na iyan ay tinatalakay sa sumusunod na dalawang artikulo, na aming ipinag-aanyaya sa inyo na basahin.

Higit pang impormasyon tungkol sa ipinangako ng Bibliyang kapayapaan ang tatalakayin sa artikulong “Pandaigdig na Kapayapaan​—Ano ba ang Talagang Kahulugan Nito?” na ilalathala sa Abril 15, 1990, na labas ng Ang Bantayan.

[Blurb sa pahina 8]

Tanging si Jesus ang may kakayahan na akayin ang sangkatauhan sa kapayapaan

[Blurb sa pahina 9]

Ngayon, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa lahat ng sulok ng mundo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share