Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 4/1 p. 16-21
  • “Ang Salita ng Diyos ay Buháy at Mabisa ang Lakas”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ang Salita ng Diyos ay Buháy at Mabisa ang Lakas”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagbabago ng Pagkatao Ngayon
  • Ang Papel na Ginagampanan ng Tumpak na Kaalaman
  • Pinakilos na Magpakabuti
  • Tulong Buhat sa Labas
  • Isang Bayan na “Tinuruan ni Jehova”
  • Ang Bibliya ay Kinasihan
  • “Ang Salita ng Diyos Ay Buháy”
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Panatilihing Nakasuot ang “Bagong Personalidad” Pagkatapos ng Bautismo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Anong Uri ng Pagkatao ang Nais Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Magagawa Mong ‘Hubarin ang Lumang Personalidad’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 4/1 p. 16-21

“Ang Salita ng Diyos ay Buháy at Mabisa ang Lakas”

1, 2. (a) Ano ang nagpapabago sa buhay niyaong mga naging Kristiyano? (b) Gaano katindi makaiimpluwensiya sa isang tao ang Bibliya?

NANG kalagitnaan ng unang siglo C.E., si apostol Pablo ay sumulat ng isang liham sa kongregasyong Kristiyano sa Roma. Doon ay itinampok niya ang kahilingan na ang mga tunay na Kristiyano’y kailangang gumawa ng mga pagbabago. Sinabi niya: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Ano ba ang nagpapabago sa mga tagasunod ni Jesus, na iniiba ang kanila mismong paraan ng pag-iisip? Unang-una, iyon ay ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.

2 Ipinakita ni Pablo kung gaano katindi naimpluwensiyahan tayo ng Bibliya nang kaniyang isulat: “Ang Salita ng Diyos ay buháy at mabisa ang lakas at matalas kaysa anumang tabak na dalawang-talim at bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu, at ng mga kasu-kasuan at ng utak ng mga ito, at napagkikilala nito ang mga kaisipan at mga hangarin ng puso.” (Hebreo 4:12) Oo, ang pambihirang lakas ng Bibliya na gumawa ng gayong pagbabago sa mga tao ay isang nakahihikayat na patotoo na ito’y higit pa kaysa pagiging salita lamang ng tao.

3, 4. Gaano ba ang naganap na pagbabago ng pagkatao ng mga Kristiyano?

3 Ang salitang Griegong isinaling “mag-iba” sa Roma 12:2 ay galing sa me·ta·mor·phoʹo. Ito’y nagpapakita ng lubos na pagbabago, tulad ng pagbabago (metamorphosis) ng isang higad tungo sa pagiging isang paruparo. Ito ay lubus-lubusan kung kaya’t tinutukoy ito ng Bibliya na isang pagbabago ng pagkatao o personalidad. Sa isa pang talata sa Bibliya, ating mababasa: “Hubarin ang matandang pagkatao pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”​—Colosas 3:9, 10.

4 Sa pagsulat sa kongregasyon sa Corinto, nakita ni Pablo kung gaano ang pagbabago ng pagkatao na naganap noong unang siglo. Sinabi niya: “Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.” (1 Corinto 6:9-11) Oo, ang mga taong imoral at palaaway, mga magnanakaw at mga lasenggo, ay nabago at naging ulirang mga Kristiyano.

Mga Pagbabago ng Pagkatao Ngayon

5, 6. Papaanong ang pagkatao ng isang binatilyo ay lubusang binago ng mabisang lakas ng Bibliya?

5 Nakakatulad na mga pagbabago ng pagkatao ang makikita ngayon. Halimbawa, isang batang lalaki sa Timog Amerika ang naulila sa edad na siyam na taon. Siya’y lumaki na walang patnubay ng magulang at nagkaroon ng matitinding mga suliranin ng pagkatao. Ganito ang kaniyang bida: “Nang ako’y sumapit na sa edad na 18, ako’y lubusang napalulong sa mga bawal na gamot at nakagugol na ng panahon sa bilangguan dahil sa pagnanakaw upang maipagpatuloy ko ang bisyong iyon.” Subalit, ang kaniyang tiyahin ay isa sa mga Saksi ni Jehova, at sa wakas ay kaniyang natulungan ang batang ito.

6 Ganito ang paliwanag ng binatilyo: “Ako’y sinimulang aralan ng Bibliya ng aking tiyahin, at pagkatapos ng pitong buwan ay naihinto ko ang pagkalulong sa mga bawal na gamot.” Siya’y humiwalay din sa kaniyang dating mga kasama at nakasumpong siya ng mga bagong kaibigan sa mga Saksi ni Jehova. Siya ay nagpatuloy ng pagbibida: “Ang mga bagong kasamahang ito, lakip na ang aking regular na pag-aaral ng Bibliya, ang tumulong upang ako’y sumulong at sa wakas ay ialay ang aking buhay sa paglilingkod sa Diyos.” Oo, ang dating sugapang ito sa droga at magnanakaw pa ay isa na ngayong aktibo, malinis ang pamumuhay na Kristiyano. Papaano nga lubusang nabago ang kaniyang pagkatao? Sa pamamagitan ng bisa ng lakas ng Bibliya.

7, 8. Ilahad kung papaanong ang isang mahirap na suliranin sa pagkatao ay nalunasan sa tulong ng Bibliya.

7 Ang isa pang halimbawa ay galing sa timugang Europa. Doon, isang binata ang lumaki na may mahirap na suliranin sa pagkatao, ang pagkamagagalitin. Siya ay palaging napapasubo sa pag-aaway. Minsan sa isang pagtatalo sa pamilya, kaniyang ginulpi pa man din ang kaniyang ama, anupa’t ito’y napatimbuwang sa lupa! Datapuwat, nang bandang huli ay nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at tinandaan niya ang utos ng Diyos sa aklat ng Roma: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. . . . Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyang-daan ang galit.”​—Roma 12:17-19.

8 Ang salitang iyan ang tumulong sa kaniya upang matanto kung gaano kalubha ang kaniyang kahinaan. Ang patuloy na paglaki ng kaniyang kaalaman sa Bibliya ang nagpahusay sa kaniyang budhi, na tumulong sa kaniya upang masupil ang kaniyang pagkamagagalitin. Minsan, pagkatapos na makagawa siya ng ilang pagsulong sa kaniyang pag-aaral, isang taong hindi niya kilala ang sumigaw ng mga pag-iinsulto sa kaniya. Nadama ng binata ang dating nag-iinit na damdamin sa loob niya. Pagkatapos ay nadama niya ang isa pang bagay: ang pagkapahiya; at ito ang nagpahinto sa kaniya sa pagbibigay-daan sa kaniyang galit. Kaniya palang napasulong na ang pagpipigil sa sarili, isang mahalagang bunga ng espiritu. (Galacia 5:22, 23) Ang kaniyang personalidad ngayon ay naiiba na, salamat sa mabisang lakas ng Salita ng Diyos.

9. Sang-ayon kay Pablo, sa pamamagitan ng ano nababago ang ating pagkatao?

9 Ngunit, papaano nga nagagawa ng Bibliya na makalikha ng gayong mabisang epekto? Si Pablo, sa Colosas 3:10, ay nagsabi na ang ating mga pagkatao ay nababago sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman, yaong kaalaman na masusumpungan sa Bibliya. Papaano ngang ang gayong kaalaman ay bumabago sa mga tao?

Ang Papel na Ginagampanan ng Tumpak na Kaalaman

10, 11. (a) Pagka tayo’y nag-aaral ng Bibliya, ano ba ang ating natututuhan tungkol sa kanais-nais at di-kanais-nais na ugali ng pagkatao? (b) Ano ang kailangan bukod sa kaalaman upang mabago ang ating personalidad?

10 Una, ipinakikilala ng Bibliya ang di-kanais-nais na mga ugali ng pagkatao na kailangang alisin. Kasali na rito ang mga bagay na gaya ng “mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala, pusong kumakatha ng masasamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng mga magkakapatid.” (Kawikaan 6:16-19) Ikalawa, tinutukoy ng Bibliya ang kanais-nais na mga ugali na dapat nating paunlarin, kasali na ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”​—Galacia 5:22, 23.

11 Ang gayong tumpak na kaalaman ay tumutulong sa isang taimtim na tao upang suriin ang kaniyang sarili at tingnan kung aling ugali ng pagkatao ang kailangan niyang paunlarin at alin naman ang kailangan niyang pagsikapang maalis. (Santiago 1:25) Gayunman, iyan ay pasimula lamang. Bukod sa kaalaman, kailangan ang tagapagpakilos, isang bagay na magpapakilos sa kaniya upang ibigin niya na magbago. Dito na naman, kailangan niya ang tumpak na kaalaman buhat sa Bibliya.

Pinakilos na Magpakabuti

12. Papaanong ang kaalaman tungkol sa personalidad ng Diyos ay tumutulong sa atin na magbago?

12 Sinabi ni Pablo na ang kanais-nais na bagong pagkatao ay hinuhubog “ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” (Colosas 3:10) Samakatuwid ang personalidad ng Kristiyano ay kailangang mapatulad sa sariling personalidad ng Diyos. (Efeso 5:1) Sa pamamagitan ng Bibliya, ang personalidad ng Diyos ay nahahayag sa atin. Ating nakikita ang kaniyang mga pakikitungo sa sangkatauhan at namamasdan ang kaniyang napakaiinam na mga katangian, tulad baga ng kaniyang pag-ibig, kabaitan, kabutihan, kaawaan, at katuwiran. Ang ganiyang kaalaman ay nagpapakilos sa isang matuwid-pusong tao na ibigin ang Diyos at magnasa na maging yaong uri ng tao na sinasang-ayunan ng Diyos. (Mateo 22:37) Bilang mapagmahal na mga anak, ibig nating makalugod sa ating makalangit na Ama, kaya’t sinisikap nating tularan ang kaniyang personalidad hanggang sa magagawa natin sa ating mahina, di-sakdal na kalagayan.​—Efeso 5:1.

13. Anong kaalaman ang nagtuturo sa atin na ‘ibigin ang katuwiran at kapootan ang kasamaan’?

13 Ang tagapagpakilos sa atin ay pinatitibay ng kaalaman na ibinibigay ng Bibliya tungkol sa hantungan ng kapuwa mabuting mga ugali ng personalidad at masasamang ugali. (Awit 14:1-5; 15:1-5; 18:20, 24) Ating napapag-alaman na si David ay pinagpala dahilan sa kaniyang maka-Diyos na debosyon at pag-ibig sa katuwiran ngunit siya’y nagdusa ng mawalan siya ng pagpipigil sa sarili. Nakikita natin ang masasamang bunga nang ang magagandang katangian ni Solomon ay sumamâ nang siya’y matanda na. Ang mga pagpapalang ibinunga ng mabubuting ginawa ni Josias at Ezekias ay kabaligtaran ng kapahamakang idinulot ng kahinaan ni Ahab at ng mapaghimagsik na pagkaapostata ni Manases. (Galacia 6:7) Samakatuwid ay natututo tayong ‘ibigin ang katuwiran at kapootan ang kasamaan.’​—Hebreo 1:9; Awit 45:7; 97:10.

14. Ano ba ang mga layunin ni Jehova para sa sanlibutan at para sa mga taong naririto?

14 Ang ganitong tagapagpakilos ay lalong pinatitibay pa ng tumpak na kaalaman sa mga layunin ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay tumutulong upang baguhin ang mismong ‘lakas na nagpapakilos sa ating mga isip,’ ang espiritu na tagapagpakilos sa ating mga kaisipan at mga gawa. (Efeso 4:23, 24) Pagka ating pinag-aralan ang Bibliya, ating napag-aalaman na hindi naman panghabang-panahong pahihintulutan ni Jehova na umiral ang kabalakyutan. Malapit na, kaniyang pupuksain ang di-matuwid na sanlibutang ito at pangyayarihin niya ang ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran.’ (2 Pedro 3:8-10, 13) Sino ba ang mamumuhay sa bagong sanlibutang ito? “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.”​—Kawikaan 2:21, 22.

15. Kung tayo’y talagang naniniwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga layunin ni Jehova, papaano ito magkakaroon ng epekto sa atin bilang mga tao?

15 Kung tayo’y talagang naniniwala sa pangakong ito, ang ating buong paraan ng pag-iisip ay maaapektuhan. Si apostol Pedro, pagkatapos ihula ang pagkapuksa ng kabalakyutan, ay nagsasabi: “Yamang ang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:11, 12) Ang ating mga pagkatao ay dapat na hubugin ng ating matinding pagnanasa na makabilang sa mga matuwid na matitira pagkatapos na puksain ang mga balakyot.

16. Anong uri ng pagkatao ang hindi magkakaroon ng dako sa bagong sanlibutan, at papaano tayo dapat maapektuhan ng kaalamang ito?

16 Ang aklat ng Apocalipsis ay nangangako sa mga matuwid na, pagkatapos na mawala na ang sanlibutang ito, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Ngunit pagkatapos ay nagbababala iyon na ang “mga duwag at mga walang pananampalataya at ang mga kasuklam-suklam sa kanilang karumihan at ang mga mamamatay-tao at ang mga mapakiapid at ang mga nagsasagawa ng espiritismo at ang mga mananamba sa idolo at ang lahat ng sinungaling” ay itatakuwil. (Apocalipsis 21:4, 8) Anong laking karunungan na iwasan ang di-kanais-nais na mga ugali na hindi tutulutan ng Diyos na umiral sa bagong sanlibutan!

Tulong Buhat sa Labas

17. Anong uri ng tulong ang ipinapayo ng Bibliya na hanapin natin?

17 Gayumpaman, ang mga tao ay mahihina, at karaniwan nang sila’y nangangailangan ng isang bagay bukod sa impormasyon at tagapagpakilos upang sila’y makagawa ng mga pagbabago. Sila’y nangangailangan ng personal na tulong, at ipinakikita sa atin ng Bibliya kung saan natin masusumpungan ang tulong na ito. Halimbawa, sinasabi nito: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Sa katulad na paraan, kung tayo’y nakikisama sa mga taong nagpapakita ng mga katangian na ibig nating paunlarin, tayo’y lubhang matutulungan na maging lalong katulad nila.​—Genesis 6:9; Kawikaan 2:20; 1 Corinto 15:33.

18, 19. Ano ang kailangan nating gawin upang mapahantad ang ating isip at puso sa espiritu ng Diyos?

18 Isa pa, si Jehova mismo ay nagbibigay ng tulong sa kaanyuan ng banal na espiritu​—ang espiritu rin na kaniyang ginamit sa paggawa ng mga himala noong sinaunang panahon. Oo, ang lubhang kanais-nais na mga katangian ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili” ay tinatawag na “ang mga bunga ng espiritu.” (Galacia 5:22, 23) Papaano natin nakakamit ang tulong ng banal na espiritu? Yamang ang Bibliya ay kinasihan ng banal na espiritu, pagka ating binabasa ito o nakikipag-usap tayo sa iba tungkol dito, ang ating mga isip at puso ay inihahantad natin sa nakahihikayat na lakas ng espiritung iyan. (2 Timoteo 3:16) Oo, ipinangako ni Jesus na pagka tayo’y nagsasalita tungkol sa ating pag-asa, maaari nga na nararanasan natin ang tuwirang pagpapakilos sa atin ng espiritung iyan.​—Mateo 10:18-20.

19 Isa pa, ang Bibliya ay nag-uutos: “Magmatiyaga ng pananalangin.” (Roma 12:12) Sa pamamagitan ng panalangin ating kinakausap si Jehova, pinupuri siya, pinasasalamatan siya, at hinihingi ang kaniyang tulong. Kung tayo’y humihingi ng tulong na madaig natin ang di-kanais-nais na mga ugali ng pagkatao, tulad baga ng pagkamagagalitin, katigasan ng ulo, kawalang-tiyaga, o pagmamataas (pride), ang espiritu ng Diyos ang aalalay sa anumang pagsisikap natin na kasuwato ng panalanging iyan.​—Juan 14:13, 14; Santiago 1:5; 1 Juan 5:14.

20. Bakit ang mga Kristiyano ay kailangang patuloy na gumawa upang magbihis ng bagong pagkatao?

20 Nang sumulat si Pablo na: “Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip,” siya’y sumusulat noon sa isang kongregasyon ng bautismado, pinahirang mga Kristiyano. (Roma 1:7; 12:2) At sa orihinal na Griego, siya’y gumamit ng isang anyo ng pandiwa na nagpapahiwatig ng patuloy na aksiyon. Ito’y nagpapahiwatig na ang pagbabagong nagagawa sa atin ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya ay progresibo o umuunlad. Tayo sa ngayon​—tulad ng mga Kristiyano noong kaarawan ni Pablo​—​ay napalilibutan ng isang sanlibutan na punô ng mga impluwensiyang nakasásamâ. At tayo​—tulad nila​—​ay di-sakdal, nakahilig sa paggawa ng masama. (Genesis 8:21) Kung gayon, tayo’y kailangang patuloy na gumawa upang madaig ang dati, mapag-imbot na pagkatao at magbihis ng bagong pagkatao, gaya ng ginawa nila. Ang mga unang Kristiyano ay nagtagumpay nang ganiyan na lamang na anupa’t sila’y nakilalang lubusang naiiba sa sanlibutan na nakapalibot sa kanila. Gayundin ang mga Kristiyano sa ngayon.

Isang Bayan na “Tinuruan ni Jehova”

21. Ano ang ilan sa mga hula na natutupad sa bayan ng Diyos sa mga huling araw na ito?

21 Tunay, ang espiritu ng Diyos sa ngayon ay gumagawa hindi lamang sa isahang mga tao kundi sa isang buong organisasyon ng mga Kristiyano na may bilang na milyun-milyon. Sa organisasyong ito ay natutupad ang makahulang mga salita ni Isaias: “At maraming bayan ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga landas.’ ” (Isaias 2:3) Ang patuloy pang inihula ni Isaias ay natupad din sa kanila: “Lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isaias 54:13) Sino nga ang mga ito na nagtatamasa ng kapayapaan dahilan sa sila’y tinuruan ni Jehova?

22. (a) Sino ngayon ang tinuturuan ni Jehova? (b) Magbigay ng mga halimbawa upang ipakita na kinikilala ng mga tagalabas na ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba.

22 Bueno, pansinin ang ganitong sinipi buhat sa isang liham na isinulat sa New Haven Register, isang pahayagan sa Hilagang Amerika: “Kung ikaw man ay niyamot o ginalit, gaya ng naranasan ko, ng kanilang pangungumberte ng mga miyembro, hahangaan mo naman ang kanilang dedikasyon, ang kanilang pagkamatuwid, ang kanilang ulirang halimbawa ng makataong asal at malinis na pamumuhay.” Sino ba ang tinutukoy ng manunulat na ito? Iyon ding grupo na tinalakay ng Herald ng Buenos Aires, Argentina, nang sabihin nitong: “Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpatunay sa buong nakalipas na mga taon na sila’y masisipag, seryoso, matitipid at may takot sa Diyos na mga mamamayan.” Kahawig nito, ang Italyanong pahayagang La Stampa ay nagsabi: “Sila’y hindi umiiwas sa pagbabayad ng buwis o naghahangad na makaiwas sa mga batas na di-kumbenyente para sa kanila na makuhanan ng pakinabang. Ang moral na mga huwaran ng pag-ibig sa kapuwa, pagtanggi sa kapangyarihan, pagtatakuwil sa karahasan at pagiging mapagtapat sa kapuwa . . . ay bahagi ng kanilang ‘araw-araw’ na paraan ng pamumuhay.”

23. Bakit ang mga Saksi ni Jehova bilang isang organisasyon ay tanyag sa pagiging naiiba?

23 Bakit ang mga Saksi ni Jehova bilang isang grupo​—tulad din ng mga unang Kristiyano​—​ay tanyag sa pagiging naiiba? Sa maraming paraan, sila ay katulad din ng sinuman. Sila’y isinilang na may nakakatulad na mga di-kasakdalan ng tao, at sila’y may gayunding mga suliranin sa kabuhayan at sa mga pangunahing pangangailangan. Subalit, bilang isang pambuong-daigdig na kongregasyon, kanilang hinahayaang ang Salita ng Diyos ay magkabisa sa kanilang buhay. Ang resultang internasyonal na pagkakapatiran ng tunay na mga Kristiyano ay matibay na ebidensiya na ang Bibliya ang kinasihang Salita ng Diyos.​—Awit 133:1.

Ang Bibliya ay Kinasihan

24. Ano ba ang ating panalangin alang-alang sa marami pang mga tao?

24 Sa dalawang artikulong ito, ating tinalakay ang dalawa lamang hanay ng ebidensiya upang ipakita na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, hindi ng tao. Kanila mang isinasaalang-alang ang walang-nakakatulad na karunungang nasa Bibliya o ang mabisang lakas nito na baguhin ang mga tao​—o ang maraming iba pang mga bagay na nagpapakitang ito’y pambihira​—​hindi maitatatuwa ng taimtim na mga tao na ito’y kinasihan ng Diyos. Bilang mga Kristiyano, tayo’y nananalangin na marami pa sana ang makakilala sa katotohanan nito. Sila man ay magpapahayag ng gaya ng masayang ipinahayag ng salmista: “Oh malasin mo kung papaanong inibig ko ang iyong sariling mga tuntunin. Oh Jehova, ingatan mo akong buháy ayon sa iyong kagandahang-loob. Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan, at ang bawat isa sa iyong matuwid na kahatulan ay hanggang sa panahong walang-takda.”​—Awit 119:159, 160.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ba ang epekto ng Bibliya sa mga tunay na Kristiyano?

◻ Papaano tumutulong ang tumpak na kaalaman upang baguhin tayo?

◻ Papaano tumutulong ang Bibliya upang pakilusin tayo na magpaunlad ng mabubuting asal at daigin ang masasama?

◻ Anong tulong ang maaari nating tamuhin sa pagpapaunlad ng mga katangiang maka-Diyos?

◻ Anong ebidensiya na ang Bibliya’y kinasihan ang makikita sa gitna ng bayan ni Jehova?

[Larawan sa pahina 18]

Ang malungkot na resulta ng di-katapatan ni Solomon sa kaniyang katandaan ay dapat magpakilos sa atin na ibigin ang katuwiran at kapootan ang kasamaan

[Larawan sa pahina 20]

Kung si Jehova’y hihingan natin ng tulong, ang kaniyang espiritu ay magpapatibay sa anumang pagsisikap na gagawin natin upang madaig ang masasamang ugali

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share