Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 4/15 p. 8-9
  • Ang Pantas at ang Mangmang na mga Dalaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pantas at ang Mangmang na mga Dalaga
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Aral sa Pagiging Mapagbantay—Ang mga Dalaga
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Tanda ng mga Huling Araw
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Patuloy Ka Bang Magbabantay?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Nakikinig Ka Ba sa Babala?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 4/15 p. 8-9

Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus

Ang Pantas at ang Mangmang na mga Dalaga

NOON ay sinasagot ni Jesus ang hiling ng kaniyang mga apostol na tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian. Ngayon ay nagbibigay siya ng higit pang mga bahagi ng tanda sa pamamagitan ng tatlong talinghaga, o mga ilustrasyon.

Ang katuparan ng bawat ilustrasyon ay makikita ng mga taong nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Kaniyang sinisimulan ang una sa mga salitang: “Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sampung dalaga na kumuha ng kanilang mga ilawan at nagsilabas upang salubungin ang nobyo. Ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino.”

Sa pananalitang “makakatulad ang kaharian ng langit sa sampung dalaga,” hindi ibig sabihin ni Jesus na kalahati niyaong nagmamana ng makalangit na Kaharian ay mga taong mangmang at kalahati ay mga matatalino! Hindi, kundi ang ibig niyang sabihin ay na kung tungkol sa Kaharian ng langit, may isang katangian na katulad nito o katulad niyaon, o na ang mga bagay na may kinalaman sa Kaharian ay magiging katulad ng gayu’t gayong bagay.

Ang sampung dalaga ay sumasagisag sa lahat ng Kristiyanong nakahanay o nag-aangkin na nakahanay para sa makalangit na Kaharian. Pentecostes 33 C.E. noon nang ang kongregasyong Kristiyano ay ipinangako na pakakasal sa binuhay-muli, niluwalhating Nobyo, si Jesu-Kristo. Ngunit ang kasal ay nakatakdang maganap sa langit sa isang di-binanggit na panahon sa hinaharap.

Sa ilustrasyon, ang sampung dalaga ay nagsisilabas sa layunin na salubungin ang nobyo at makisama sa prusisyon ng kasalan. Sa kaniyang pagdating, ang daanan ng prusisyon ay kanilang iilawan sa pamamagitan ng kanilang mga ilawan, sa ganoo’y pinararangalan siya samantalang ang kaniyang nobya’y iniuuwi niya sa bahay na inihanda para sa kaniya. Gayunman, si Jesus ay nagpapaliwanag: “Nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang ilawan ay hindi sila nagdala ng langis, datapuwat ang matatalino ay nagdala ng langis sa kanilang sisidlan kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal ang nobyo, silang lahat ay nag-antok at nakatulog.”

Ang matagal na pagkabalam ng nobyo ay nagpapakita na ang pagkanaririto ni Kristo bilang nagpupunong Hari ay sa malayong hinaharap pa. Sa wakas ay lumuklok na siya sa kaniyang trono noong taóng 1914. Sa panahon ng mahabang gabi bago nito, lahat ng dalaga ay nakatulog. Ngunit sila’y hindi pinagwikaan dahil dito. Ang pagkawika sa mga dalagang mangmang ay dahil sa sila’y walang langis para sa kanilang mga sisidlan. Ipinaliliwanag ni Jesus kung papaanong nagising ang mga dalaga bago dumating ang nobyo:

“Sa hatinggabi ay may sumigaw, ‘Narito na ang nobyo! Magsilabas kayo upang salubungin siya.’ Saka lamang nagsibangon ang lahat ng dalagang iyon at inareglo ang kanilang mga ilawan. Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis, sapagkat mamamatay na ang aming mga ilawan.’ Sumagot ang matatalino, ‘Baka hindi magkasya ito sa amin at sa inyo. Magsiparoon muna kayo sa nagbibili at magsibili kayo para sa inyo.’ ”

Ang langis ay sumasagisag sa bagay na nagpapanatili sa tunay na mga Kristiyano upang sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag, samakatuwid nga, ang kinasihang Salita ng Diyos, na doo’y palaging mahigpit ang kanilang pagkahawak, kasama na ang banal na espiritu, na tumutulong sa pag-unawa sa Salitang iyan. Ang espirituwal na langis ay nagpapangyari sa matatalinong dalaga na magpasikat ng liwanag sa pagtanggap sa nobyo samantalang nagaganap ang prusisyon tungo sa piging ng kasalan. Ngunit ang uring mga dalagang mangmang ay wala sa kanilang sarili, sa kanilang mga sisidlan, ng kinakailangang espirituwal na langis. Kaya inilalahad ni Jesus ang nangyayari:

“Samantalang [ang mga dalagang mangmang] ay papunta sa pagbili [ng langis], ang nobyo ay dumating, at ang mga dalagang nakahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pinto. Pagkatapos ay nagsirating naman ang ibang dalaga na nagsasabi, ‘Panginoon, panginoon, buksan kami!’ Bilang sagot ay sinabi niya, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Hindi ko kayo nakikilala.’ ”

Pagkatapos na dumating si Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian, ang uring matatalinong dalaga ng tunay na pinahirang mga Kristiyano ay nagising sa kanilang pribilehiyo na magpasikat ng liwanag sa madilim na sanlibutang ito bilang pagpuri sa bumalik na Nobyo. Ngunit yaong mga inilarawan ng mga dalagang mangmang ay hindi handa na magbigay nitong papuring pagtanggap. Kaya nang dumating ang panahon, hindi binuksan sa kanila ni Kristo ang pintuan sa piging ng kasalan sa langit. Kaniyang pinabayaang sila’y nasa labas sa kadiliman ng pinakamadilim na gabi ng sanlibutan, upang pumanaw na kasama ng lahat ng mga manggagawa ng katampalasanan. “Manatili nga kayong nagbabantay,” ang pagwawakas na sabi ni Jesus, “sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.” Mateo 25:1-13.

◆ Sino ang mga isinasagisag ng sampung dalaga?

◆ Kailan ipinangako na ipakakasal sa nobyo ang mga dalaga, ngunit kailan siya dumating upang kunin ang kaniyang nobya para dalhin sa piging ng kasalan?

◆ Ano ba ang isinasagisag ng langis at dahil sa pagkakaroon nito ng matatalinong dalaga, ano ang nagagawa nila?

◆ Saan nagaganap ang piging ng kasalan?

◆ Anong dakilang gantimpala ang hindi nakakamit ng mga dalagang mangmang, at ano ang nangyayari sa kanila sa wakas?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share