Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
◻ SINABI ni apostol Juan: “Tayo’y magsiibig, huwag sa salita o sa dila lamang, kundi sa gawa at sa katotohanan.” (1 Juan 3:18) Sinabi ni Jesus na ‘tayo ay magsiibig sa ating kapuwa na gaya ng ating sarili.’ (Mateo 22:39) Ang pagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng gawa ay nagrerekomenda sa katotohanan, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan buhat sa Britanya.
Nang dalawin ni Pauline ang kaniyang ina, na may karamdaman na multiple sclerosis, wala nang iba pa roon. Ngunit nang pagkakataong ito, samantalang pumapasok siya sa bahay, kaniyang naririnig na umaandar ang washing machine at mayroon sa itaas na gumagamit ng vacuum cleaner. “Ano ba ang nangyayari, sino ang naririto?” ang tanong niya sa kaniyang ina. Ipinaliwanag ng kaniyang ina na nagpunta roon sa kaniyang bahay ang mga Saksi ni Jehova, nakita ang kaniyang kalagayan, at sila’y huminto upang tumulong. Pagkatapos nila ng gawaing-bahay at ng paghahanda ng pananghalian, sila’y nagsiupo at ang sabi: “Kayo ba’y handa na?” “Handa na para sa ano?” ang tanong ni Pauline. Ipinaliwanag ng kaniyang ina na siya’y sumang-ayong aralan ng Bibliya. Si Pauline ay atubili na dumuon muna, ngunit yamang malayo ang kaniyang pinanggalingan, itinanong niya kung siya’y papayagang sumali sa pag-aaral. Ganiyan na lamang ang kaniyang katuwaan kung kaya’t nagsaayos siya na sa bawat linggo sa ganoon ding araw ay pupunta siya roon upang makadalo nang palagian. Sa wakas, isang kaibigan ang sumama sa kaniya, at ngayon sila kapuwa ay nabautismuhan na. Bunga ng unang pag-aaral na ito, sampung miyembro ng pamilya ring iyon ang ngayo’y mga Saksi na ni Jehova! Oo, tulong nga “sa gawa”!
Pastor sa New Guinea ang Tumugon sa Katotohanan
◻ Noong kaarawan ni Jesus may mga saserdote (pari) na tumanggap sa turo ni Jesus. Ang tapat-pusong mga klerigo ngayon ay gayundin, gaya ng ipinakikita ng karanasan buhat sa bandang kaitasan ng New Guinea, na iniulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito. Ganito ang kaniyang paglalahad: “Isang kabataang lalaking may mataas na pinag-aralan, isang pastor Pentecostal, ang nagtatayo ng isang maliit na simbahan na malapit na malapit sa Kingdom Hall. Isang kapatid na lalaki buhat sa kongregasyon doon ang nagpatotoo sa kaniya, at waring siya’y palakaibigan. Hindi nagtagal pagkaraan nito, dinalaw ko ang kongregasyon at doon ako tumigil sa bahay ng kapatid na malapit sa bahay ng pastor sa kalyeng iyon. Nang unang gabi pagkatapos na ako’y dumating, ang lalaking ito ay naparoon sa aking tinutuluyang bahay dala ang kaniyang Bibliya, kasama ang isang malaking grupo buhat sa kaniyang kongregasyon. Lahat sila’y ibig na makapakinig ng balita ng Kaharian. Siya’y nagtanong ng maraming katanungan, at ang talakayan ay nagpatuloy hanggang sa kalaliman ng gabi. Bawat gabi ng aking dalaw, siya at ang iba pang mga interesado ay nagpupunta roon upang higit pang mga katanungan nila ang masagot. Siya’y inanyayahan ko sa pansirkitong asamblea nang sumunod na sanlinggo, at siya’y dumalo kasama ng kapatid na unang nagpatotoo sa kaniya. Ang lalaking ito ay nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya, umalis na siya sa Iglesiya ng Pentecostal, at ngayon ay isang regular na mamamahayag na ng mabuting balita.”
Totoo nga, na kalooban ng Diyos “na lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.