Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagdating ni Kristo sa Kapangyarihan ng Kaharian
SI Jesus ay kapiling pa rin ng kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo. Bilang sagot sa kanilang kahilingan ng isang tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, ngayon ay kaniyang sinasabi sa kanila ang huli sa sunud-sunod na tatlong ilustrasyon. “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel,” ang simula ni Jesus, “kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono.”
Hindi maaaring makita ng mga tao ang mga anghel sa kanilang kaluwahatian sa langit. Kung gayon, ang pagdating ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo, kasama ang mga anghel ay di-makikita ng mga mata ng tao. Ang pagdating ay naganap noong taóng 1914. Ngunit sa anong layunin? Ganito ang paliwanag ni Jesus: “At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at ang mga tao ay pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”
Sa paglalarawan sa mangyayari sa mga ibinukod tungo sa panig na may pagsang-ayon, sinabi ni Jesus: “At saka sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanan, ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.’ ” Ang mga tupa ay hindi maghaharing kasama ni Kristo sa langit kundi sila’y magmamana ng Kaharian sa diwa na sila’y magiging mga sakop nito sa lupa. Ang “pagkatatag ng sanlibutan” ay naganap nang si Adan at si Eva ay magsimulang magkaanak ng mga makikinabang sa paglalaan ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan.
Ngunit bakit ang mga tupa ay ibinubukod tungo sa kanan ng hari na panig na may pagsang-ayon? “Sapagkat ako’y nagutom,” ang tugon ng hari, “at binigyan ninyo ako ng makakain; ako’y nauhaw at binigyan ninyo ako ng maiinom. Ako’y tagaibang bayan at pinatuloy ninyo ako nang may kabaitan; hubad, at dinamtan ninyo ako. Ako’y nagkasakit at inyong inalagaan ako. Ako’y nabilanggo at dinalaw ninyo ako.”
Yamang ang mga tupa ay naririto sa lupa, ibig nilang maalaman kung papaano nga nila nagawa ang gayong kabubuting gawa para sa kanilang makalangit na Hari. “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin,” ang tanong nila, “o nauhaw, at binigyan ka ng maiinom? Kailan ka namin nakitang isang tagaibang bayan at pinatuloy ka namin nang may kabaitan, o hubad, at pinaramtan ka namin? Kailan ka namin nakitang may sakit o nasa bilangguan at dinalaw ka?”
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo,” ang itinutugon ng Hari, “nang gawin ninyo ito sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ginawa.” Ang mga kapatid ni Kristo ang siyang mga natitirang bahagi sa lupa ng 144,000 na maghaharing kasama niya sa langit. At ang paggawa sa kanila ng mabuti, ang sabi ni Jesus, ay pareho na rin ng paggawa ng mabuti sa kaniya.
Pagkatapos, ang mga kambing naman ang kinakausap ng Hari. “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa, at pasa-apoy na walang-hanggan na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel. Sapagkat ako’y nagutom, ngunit hindi ninyo ako pinakain, at ako’y nauhaw, ngunit hindi ninyo ako pinainom. Ako’y naging tagaibang-bayan, ngunit hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, ngunit hindi ninyo ako pinaramtan; may sakit at nasa bilangguan, ngunit hindi ninyo ako dinalaw.”
Subalit, ang mga kambing ay nagrereklamo: “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom o nauuhaw o tagaibang-bayan o hubad o may sakit o nasa bilangguan at hindi ka namin pinaglingkuran?” Pareho ang batayan ng paghatol sa mga kambing na masama at ang paghatol naman sa mga tupa na mabuti. “Kung sa isa sa mga kaliit-liitang ito [na mga kapatid ko] ay hindi ninyo ginawa iyon,” ang sagot ni Jesus, “hindi rin naman ninyo ginawa iyon sa akin.”
Samakatuwid ang pagkanaririto ni Kristo sa kapangyarihan ng Kaharian, sa mismong panahon bago magwakas ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay sa malaking kapighatian, ay isang panahon ng paghuhukom. Ang mga kambing “ay magtutungo sa walang-hanggang kamatayan, ngunit ang mga matuwid [mga tupa] ay sa walang-hanggang buhay.” Mateo 25:31-46; Apocalipsis 14:1-3.
◆ Bakit ang pagkanaririto ni Kristo ay di-nakikita, at anong gawain ang ginagawa niya sa panahong iyon?
◆ Sa anong diwa nagmamana ng Kaharian ang mga tupa?
◆ Kailan naganap ang “pagkatatag ng sanlibutan,” at bakit noon?
◆ Ano ang batayan sa paghatol sa mga tao ng tupa o kambing?