Alalahanin ang Iyong Dakilang Maylikha sa Iyong Kabataan
“DISKONTENTONG Kabataan: Isang Katotohanan ng Buhay sa Buong Daigdig.” Ganiyan ang paulong pamagat ng isang artikulo sa The Star ng Johannesburg, Timog Aprika. Ganito ang pahiwatig tungkol sa artikulo: “Ngayong napakaraming kabataan ang nakaharap sa limitadong mga pagkakataon na patuloy na kumakaunti dahil sa pambuong daigdig na pag-atras ng kabuhayan, ang kawalang-kasiyahan ng kabataan sa nagpuputok-sa-taong mga siyudad ay naging totoong kapuna-punang bahagi ng buhay sa buong daigdig. Sa mga kaguluhan sa Miami, sa San Salvador, sa Managua, sa Teheran at sa Cape Town ay may isang kapuna-puna—sa tuwina ang una na pumapatay at namamatay ay ang kabataan.”
Iyan ay nalathala mga sampung taon na ngayon ang nakalipas, at patuloy na lumubha ang mga kalagayan sapol na noon. Bakit nga ba may ganiyang pagkadiskontento sa gitna ng mga kabataan sa buong daigdig? Ang patuloy na kawalang-kapanatagan ng sistemang ito ng mga bagay ay tiyak na isang dahilan. Ang kawalang-hanapbuhay ay umabot na sa sukdulan. At sa mabilis na nalalaos na buhay pampamilya, ano ba ang kasiguruhan para sa kabataan? Hindi kataka-takang kanilang pakalaitin ang isang daigdig na hindi nila makayang masupil. Hindi ba ito dahil sa wala silang tiyak na pag-asa na magsisilbing sinipete ng kanilang buhay?
Aasahan ng isa na ang mga relihiyon ng daigdig ang magtatanim sa kanila ng ganiyang pag-asa. Gayunman, isang kabataan ang sumulat: “Ako’y litung-lito. . . . Marami akong kaibigan, na kaugnay sa maraming iba’t ibang relihiyon, at sila’y kagaya ko rin. Talagang litung-lito ako anupa’t hindi ko na alam kung ano ang aking paniniwalaan. Pakisuyo, mabibigyan po ba ninyo ako ng ilang payo?” Ano bang payo ang maibibigay mo sa ganiyang kabataan?
Ang mga kabataan na may malapit na kaugnayan sa Salita ng Diyos at sa tunay na kongregasyong Kristiyano ay wala ng ganiyang kalituhan at kabiguan. Samantalang karamihan ng kabataan ay walang tiyak na pag-asa para sa hinaharap, ang mga Kristiyanong kabataan naman ay nagtitiwala sa Diyos na Jehova at sa kaniyang siguradong Salita ng katotohanan. Sa gayon, sila’y may pag-asang makatawid sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay at buhay na walang-hanggan ang kanilang inaasahang kakamtin. Pagkatapos, sa lupa na nalinisan na ng pang-aapi at kabalakyutan, sila ang bubuo ng isang bahagi ng pundasyon ng “bagong lupa” na kung saan “tumatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13; Juan 17:3) Para sa katuparan ng ganiyang maningning na kinabukasan, ang kabataan ay pinapayuhan na ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylikha.’ (Eclesiastes 12:1) At ang pinakamabuting payo na maaaring ibigay ay na sila’y maging bahagi at manatiling mahalagang bahagi ng kongregasyong Kristiyano. Bakit nga?
Karamihan sa inyo na mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano ay may sumasampalatayang magulang na umiibig sa inyo at may pag-aasikaso sa inyo. Bawat kongregasyon ay may kaniyang hinirang na matatanda, na lubhang interesado sa inyong espirituwal na kapakanan. Ang ganiyang tulong at pag-aasikaso ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang katotohanan buhat sa Salita ng Diyos, lakip ang teokratikong patnubay, ay magbibigay sa inyo ng katiwasayan, hindi pagkasiphayo, at isang tiyak na pag-asa para sa hinaharap. Lahat ng ito ay tutulong sa inyo na ‘kumapit nang mahigpit sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi’ at mangunyapit sa isang pag-asa na mistulang isang sinipete na humahadlang sa isang sasakyang-dagat upang huwag lumubog kung maunos ang dagat.—1 Timoteo 1:18, 19; ihambing ang Hebreo 6:19.
Lumayo sa mga Pang-aakit ng Sanlibutan
Sa kabila ng maraming espirituwal na mga pagpapala na maaari ninyong tamasahin na mga kabataan sa kongregasyong Kristiyano, ang hilig ng ilan ay sumunod sa mga lakad ng sanlibutan. Para bang inaakala nilang nawawalan sila ng isang bagay na karapat-dapat na matatagpuan tangi lamang sa sanlibutan na nasa labas ng kongregasyong Kristiyano. Ngunit ang sanlibutan ba ay talagang may anumang kaaya-ayang bagay na maiaalok?
Pagkatapos gumugol nang mahigit na 40 taon sa buong-panahong ministeryo, isa sa mga lingkod ng Diyos ang nagsabi ng ganito: “Ang tanging bahagi ng aking buhay na pinagsisisihan ko ay yaong bahaging ipinamuhay ko bago ako napapunta sa katotohanan. Noon ay bahagi ako ng sanlibutan. Ako’y namuhay tangi lamang para sa sanlibutan. Nang sumapit ako sa edad na 18 at lingunin ko ang pinagdaanan ng aking buhay, natalos ko na iyon ay walang-kabuluhan. Walang pakay, walang layunin, ang aking buhay. Ang mga kalayawang makasanlibutan na inaakala ko noon na kasiya-siya sa akin ay walang naidulot kundi kabiguan at kalungkutan. Ako’y nagsimulang maghanap ng katotohanan. Nasumpungan ko naman at makalipas ang isang taon ay pumasok na ako sa buong-panahong paglilingkod. Wala akong pera, wala kundi isang taóng karanasan sa katotohanan at pananampalataya na tutulungan ako ni Jehova. Ngayon pagka pinag-iisipan ko ang aking buhay, na dalawang katlo ang ginugol ko sa buong-panahong paglilingkod, ako’y labis-labis na naliligayahan. Kailanman ay hindi ko ipagpapalit ang mga pagpapalang nakamit ko sa paglilingkod kay Jehova sa anumang maibibigay ng sanlibutan.” Oo, ito’y nagbubulalas ng damdamin ng libu-libong mga Saksi ni Jehova.
Kaya nga bakit ka maghahangad ng mga bagay na iniwanan na ng mga ibang Kristiyano? Bakit mo nanaisin ang mga bagay ng isang sanlibutan na patungo sa pagkapuksa? (1 Juan 2:15-17) Bilang isang kabataan, marahil ay iniisip mo na ang paglilingkod kay Jehova ay totoong istrikto at maiwawala mo ang mga bagay na tinatamasa ng sanlibutan. Ngunit mabuti ba na malasin mo ang iyong mga magulang at ang matatanda bilang napakaistrikto gayong ang ibig nila’y matulungan ka na palugdan si Jehova at magkamit ng buhay na walang-hanggan?
Kung ang isang ina na nagpapabili ng anuman sa kaniyang anak sa isang tindahan ay nagpaalaala rito na huminto at tumingin sa magkabi-kabila bago tumawid sa kalye, iyo bang ituturing siya na labis na istrikto? Bagkus, hindi baga siya’y mapagmahal at nagsisikap lamang na huwag madisgrasya ang kaniyang anak? Ipagpalagay nang hindi pinansin ng anak ang paalaala at ito’y nasagasaan ng isang sasakyan at namatay? Sasabihin mo ba rin na ang ina’y naging labis na istrikto? Bueno, marahil ay aakalain mo na dapat sanang naging lalong maingat ang ina upang maingatan ang buhay ng kaniyang anak! Sa katulad na paraan, ang mga paalaala buhat sa Salita ng Diyos at sa kaniyang organisasyon ay ibinibigay nang may pag-ibig, hindi bilang mga paghihigpit kundi upang tayo’y huwag mapahamak.
Ang paglaki sa isang tahanang Kristiyano ay hindi sapat upang ikaw ay makatindig laban sa mga panggigipit ng sanlibutang ito. Kailangan ding personal na makumbinsi ka ng pagiging totoo ng Salita ng Diyos. Ang ganiyang personal na pananalig at pag-ibig sa Maylikha ay isang saligan para sa pag-aalay ng iyong buhay sa Diyos. Ang personal na pananalig na ito ay kinakailangan din upang maipagtanggol mo ang iyong pananampalataya sa harap ng iba. (1 Pedro 3:15) Ang pagiging may patnubay ng Salita ng Diyos ang saligan ng isang matagumpay na buhay. (Josue 1:8; Awit 119:9) Ngunit para sa tagumpay sa buhay, kailangan mo rin ang mabuting pagsasanay.
Pagbibigay ng Espesipikong Pagsasanay
Tiyak iyan, kayong mga magulang na Kristiyano ay naliligayahan na makitang ang inyong mga anak ay naninindigang matatag sa katotohanan at nananatiling kaisa ninyo sa tunay na pagsamba. Ang ama ang may pangunahing pananagutan na palakihin ang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-payo ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ngunit kayo ba’y nakakakita ng mga lugar na kung saan kailangang pahusayin pa ninyo ang pagsasanay sa kanila? Kayo ba’y gumugugol ng sapat na panahon kasama ng inyong mga anak? Inyo bang ginagawa ang mga bagay-bagay bilang isang pamilya? At kayo ba’y maligayang nagsasama-sama sa paglilibang?
Huwag kalilimutan na ang inyong pagpapakita ng tamang halimbawa ay may mabisang epekto sa inyong mga anak. Kung nais ninyong dibdibin nila ang katotohanan, ganiyan ang dapat na maging pangmalas ninyo. (3 Juan 2-4) At kung ibig ninyong sila’y magkaroon ng matinding paggalang sa organisasyon ni Jehova at sa matatanda, kayo sa inyong sarili ay dapat laging may gayong mabuting saloobin.
Bagaman ang pagsasanay sa anak ay mga magulang lalung-lalo na ang may tungkulin, ang matatanda ay mayroon ding pananagutan sa mga kabataan sa kongregasyon. Sa pangangalaga sa kawan ng Diyos, ang mga tagapangasiwa ay kailangan ding magsilbing pastol sa mga batang tupa. (1 Pedro 5:1-3) Anong gandang halimbawa ang ipinakita ni Jehova sa malumanay na pangangalaga kahit na sa mga bata! (Isaias 40:11) Sa pagtugon sa kaniyang halimbawa, ang mga Kristiyanong katulong na pastol ay magnanais din na magpakita ng mainit, maibiging interes sa mga kabataan at ipadama sa kanila na sila’y bahagi ng kongregasyon. May mga kabataan na nagpahayag ng pagnanais na kausapin sila ng matatanda nang lalong malimit at tulungan sila sa ministeryo sa larangan.
Ang pagsasanay sa isang kabataan ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagbibigay lamang sa kaniya ng kaalaman na pinag-aralan sa Kasulatan. Sa kaniyang puso, siya’y kailangang mapoot sa kinapopootan ng Diyos at ibigin niya ang iniibig ng Diyos. (Amos 5:14, 15) Kung ibig niya na alalahanin ang kaniyang Maylikha sa kaniyang kabataan, kailangan na siya’y madisiplina sa Kasulatan sa paglakad sa daan ni Jehova ng katuwiran. (Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:16) Hindi dapat ipagkait ng mga magulang ang kinakailangang disiplina. Ang ibang mga magulang na gustong manatili sa kanila ang pakikipagkaibigan ng kanilang anak anuman ang kapalit ay nakahilig na huwag nang pansinin ang maling gawain, anupa’t binabale-wala lamang ang malulubhang pagkakamali. Sila’y nahihila na gumaya sa sanlibutan sa kaluwagan nito sa disiplina. Ngunit ang maibiging magulang ang siyang mapagbigay-pansin sa mga bali-balita na ang kaniyang anak ay gumagawi nang pangit at kaniyang binibigyan ito ng wastong disiplina na kinakailangan. (Kawikaan 13:24) Talaga nga, sino bang Kristiyanong magulang ang ibig na magpatuloy ang isang pakikipagkaibigan na salig sa kaluwagan sa pagdisiplina ngunit mawawala naman ang kaniyang anak dahil sa kakulangan ng tumpak na disiplina?—Kawikaan 22:15.
Magkaroon ng Layunin sa Buhay
Tayo’y ginawa ng Diyos na Jehova sa paraan na tayo’y nagtatamo ng pinakamalaking kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod sa kaniya. Isip-isipin ang napakalawak na larangan na maaaring paunlarin ninyo na mga kabataan. Humigit-kumulang kalahati ng populasyon ng daigdig ay may edad na 20 taóng gulang at mas bata pa rito. Ang mga kabataang ito ay sisinghap-singhap sa karagatan ng sangkatauhan. Samantalang sila’y walang pag-asa, kayong mga kabataang Kristiyano naman ay may tiyak na pag-asa at isang bagay na kanais-nais upang maibahagi ninyo sa kanila. Sa pamamagitan ng inyong mainam na asal-Kristiyano at ng inyong sigasig sa paglilingkod kay Jehova, baka maakit ninyo ang marami sa kanila sa katotohanan. Sa gayo’y matutulungan ninyo sila sa daan ng buhay.
Ano ang lalong kanais-nais na tunguhin kaysa yaong italaga ninyo ang inyong buhay sa paglilingkod sa Diyos na Jehova? Napag-isipan na ba ninyo na lumahok nang buong panahon sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral? Kaipala’y maaari kayong makibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita bilang isang payunir, o maaari kayong maglingkod sa isa sa mga tanggapang sangay ng Watch Tower Society kung saan ginagawa ang mga literatura sa Bibliya. Kahit na kung hindi ninyo magawa iyan, hindi baga dapat na gawin ninyong ang pagsamba kay Jehova ang pinakasentro ng inyong buhay, sa gayo’y inaalaala ang inyong Dakilang Maylikha? Kayo’y may kanais-nais na gawaing magagawa. Hanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, kung gayon, kayo’y maging desidido na magkaroon ng ‘maraming magagawa sa gawain ng Panginoon.’—1 Corinto 15:58.
Kaya patuloy na sumulong kayo mga kabataang Kristiyano. Alalahanin ang inyong Dakilang Maylikha ngayon, at kaniyang iingatan kayo pagka kaniyang pinuksa na ang balakyot na sanlibutang ito. Oo, kayo’y ililigtas ni Jehova sa panahong iyon at kayo’y kaniyang bibigyan ng pagpapalang walang-hanggan, maluwalhating kinabukasan.