Paglilingkod kay Jehova sa Kaaya-ayang Panahon at sa Maligalig na Panahon
Inilahad ni Hal Bentley
GUMAWA na ng mga paghahanda para sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa isang munting bayan ng Nyasaland (ngayo’y Malawi). Ang mga tagapangasiwa ng sirkito at ng distrito ay gumagawa ng kanilang pangkatapusang pagbibisita sa platapormang ginamitan ng damo at kawayan at sa bahay-bahayang yari sa damo para tulugan ng mga naroroon. Biglang-bigla, sila’y pinalibutan ng isang pangkat ng mga mang-uumog na nagkubli doon sa malapit na palumpong ng mga puno. Sinunog ng mga mang-uumog ang mga bahay-bahayan at ang plataporma at puwersahang itinaboy ang dalawang kapatid tungo sa mga bahay na kanilang tinutuluyan.
Ang maybahay ng tagapangasiwa ng distrito, si Joyce Bentley, ay tumatakbong lumapit upang alamin kung ano ang nangyayari. Siya man ay itinulak upang lumayo. Ang pinaka-lider ng mga mang-uumog ay sumigaw na sinasabing kailangang umalis doon karakaraka ang mzungu (taong puti). Ayaw kaming payagan ng mga mang-uumog na dalhin ang aming mga dala-dalahan at kami’y pinuwersang sumakay sa aming mga Land-Rover. Sila’y nagkalipumpon sa palibot ng sasakyan—mga lalaki, babae, at mga bata—ipinagsusumigawan na “Pitani mzungu” (Layas, taong puti) at “Kwacha” (Kalayaan). Aming inaasahan na kanilang ibabaligtad ang Land-Rover, kaya kami ay walang-imik na dumalangin kay Jehova. Ngunit ang karamihan ay kumaunti, at kami’y dali-daling lumayo patungo sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, sa Mzimba, mga 50 kilometro ang layo.
Nang maglaon kami ay bumalik, kasama ang nag-iisang opisyal ng pulisya. Dahil sa may kaligaligan sa mga ibang lugar, siya na lamang ang isa na maaaring sunduin. Nang kami’y dumating sa lugar na doon kami inumog, aming naratnan na ang bandera ng Malawi Congress Party ay nakataas na sa labas at ang mga letrang M.C.P. ay iginuhit na sa dingding na putik. Gayunman, pagkatapos na kausapin ng pulis ang mga tagaroon, kanilang pinayagan na ang aming mga dala-dalahan ay ilulan sa Land-Rover.
Nakita rin namin ang tagapangasiwa ng sirkito, si Rightwell Moses, pati ang kaniyang maybahay. Ito’y nagtatakbo upang makarating sa palumpong nang kasalukuyang gumagawa ng karahasan ang mga mang-uumog. Ngunit si Rightwell ay halos nalunod sa isang malapit na ilog. Kinuha rin ng mga mang-uumog ang lahat ng pagkain sa asamblea. Pagkatapos ay kanilang pinagmartsa ang mga kapatid na lalaki patungo sa isang direksiyon at ang mga kapatid na babae at ang mga anak ay sa kabilang direksiyon sa layong kung ilang kilometro hanggang sa mapagod ang mga mang-uumog at umalis.
Ang insidenteng ito ay isa sa maraming naganap na umabot sa sukdulan sa pagbabawal ng gawain sa Malawi, na humantong sa matinding pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova, kasali na ang mga pamamaslang, grabeng mga panggu-gulpi, panggagahasa sa mga babae, at pagbibilanggo.
Bakit ba Kami Nasa Malawi?
Noong Hunyo 28, 1916, ako ay isinilang sa siyudad ng Leeds, sa Yorkshire, Inglatera, ang bunso sa isang pamilya na may limang anak. Kami’y hindi naman isang relihiyosong pamilya at hindi nagsisimba.
Noong 1939, nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, patay na ang kapuwa mga magulang ko. Noong Hunyo 1940, nang ako’y 24 na taóng gulang lamang, ako ay nasa hukbo na, at nang sumunod na limang taon, ako’y nagserbisyo sa iba’t ibang parte ng hukbo. Sa mga taóng iyon, samantalang ako’y nakapuwesto sa harap ng machine gun sa hilagang-silangang baybayin ng Inglatera at nagmamasid sa mabituing langit, malimit na nagkakaroon ako ng pagkakataon na pag-isipan ang tungkol sa Diyos at gunigunihin kung bakit ang Maylikha ng ganitong kahanga-hangang kagandahan ay papayag na mangyari ang gayong karahasan, pagbububo ng dugo at pagdurusa sa gitna ng sangkatauhan. Noon lamang ako’y matapos na ng aking pagseserbisyo sa hukbo nasumpungan ko ang sagot sa maraming katanungan na nakalito sa akin.
Isang maginaw na gabi sa panahon ng tagyelo ng taóng iyon, may tumuktok sa aking pintuan. Nang buksan ko ay naroon ang isang may edad nang ginoo na nakipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya. Ito’y humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya at hindi nagtagal ay sa pagbabautismo sa akin noong Abril 1946. Noong 1949 ako’y umalis na sa aking trabaho at naging isang payunir na ministro ng mga Saksi ni Jehova.
Pagkatapos ay naglingkod ako sa London Bethel nang mahigit na tatlong taon, at noong 1953 ako ay inanyayahan na mag-aral sa ika-23 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York, upang sanayin bilang isang misyonero. Nang sumapit ang panahon, ako’y inatasan bilang isang misyonero sa noon ay tinatawag na Nyasaland. Pagkaraan ay inatasan ako na magsilbing isang tagapangasiwa ng distrito. May limang taon na ako’y naglakbay sa kahabaan at kaluwangan ng magandang bansang iyan bilang isang binata. Ako’y tinubuan ng pag-ibig sa mga mamamayan doon, na labis na naliligayahan at mapagpatuloy bagaman karamihan sa kanila ay walang gaanong materyal na mga bagay maliban sa kanilang mga taniman ng mais, mga ilang manok, at mga kambing o mga baboy. Ang iba ay mahuhusay na mangingisda. Ako’y nakituloy sa kanilang dukhang mga tirahang yari sa putik at kawayan at sila’y sumama sa akin sa pangangaral samantalang kami’y naglalakad patungo sa sunud-sunod na mga bayan-bayan. Ako’y nasiyahan din ng pakikisalamuha sa kanila sa kanilang mga asambleang ginaganap sa mga lugar na bukás, na kung saan sila’y nauupong kapiling ng kani-kanilang pamilya samantalang buhus na buhos ang pakikinig, kahit na kung minsan ay bumubuhos ang ulan!
Pagka doon ako nanunuluyan sa isang nayon, lahat doon, bata at matanda, ay pumaparoon sa akin at sila’y isa-isang bumabati, na nagsasabi: “Moni, muli bwanji?” (Magandang araw po, kumusta kayo?) Kahit na kung ako’y naglalakad galing sa isang nayon patungo sa susunod, ang mga tao ay humihinto ng pagbubungkal ng kanilang mga bukid at ako’y kanilang binabati.
Bawat kongregasyon na aking dinalaw kasama ang tagapangasiwa ng sirkito ay nagtayo ng isang bahay na tanging para sa akin. Kung minsan ay isang matibay na bahay na yari sa mga kawayan at may inatipang bubong, anupa’t ito’y lubhang pinasasalamatan ko. Ngunit natuklasan ko na kailangan din ang kaunting panahon bago ang isang bagong kaaatip na bubong ay huwag tagusin ng tubig!
Minsan ako’y ipinagtayo ng mga kapatid ng isang bahay na yari sa pulos malagong damo na pakain sa elepante. Ito’y may tatlong tabi, at ang aking Land-Rover ang ikaapat na tabi. Ito’y doon sa libis ng Shire River, na kung saan mainit sa buong isang taon, at ang mga lamok ay hali-halili ng pagkagat, wika nga, kung kaya’t hindi ka makapagpapahinga araw o gabi! Kung walang kulambo at pantaboy sa kanila, halos imposible na ikaw ay makaagwanta.
Ako’y Nagkaroon ng Isang Kapareha sa Buhay
Noong 1960 kami’y dalawa na ng aking maybahay, si Joyce Shaw, na naglingkod bilang isang misyonera sa Ecuador. Oo, pagkatapos na tamasahin ang regalong pagkabinata nang may ilang taon, ako’y binigyan ng isa pang regalo—pag-aasawa—na matinding pinahahalagahan ko pa rin pagkatapos ng 30 taon. Si Joyce at ako ay pinagpala sa pagkakaroon ng maraming kapana-panabik na mga karanasan sa aming pagsasama.
Minsan, sa pamamagitan ng paggamit ng mga kawayan at damo, ang mga kapatid ay nagtayo ng isang tulay upang magsilbing tawiran sa isang ilog. Ito’y ginawa upang ako’y makatawid patungo sa isang nayon na kung saan ibig nilang ipalabas ko ang pelikula ng Samahan na “Ang Bagong Sanlibutang Lipunan sa Pagkilos.” Ngunit ang trailer ng Land-Rover ay napasabit sa isang kawayan sa tulay. Hindi nasiraan ng loob, ang trailer ay inalis ng mga kapatid sa pagkasabit, kaya naman ako ay nakalampas sa tulay, pagkatapos ay ginawan ko ng paraan ang trailer upang makatawid din. Nagtagumpay ang aming pagpapalabas ng pelikula.
Kung minsan ang mga ilog ay lubhang pagkaluluwang upang malagyan ng tulay. Ang ginagawa ng mga kapatid ay inaalis ang laman ng Land-Rover—bitbiting generator, projector, mga film, kama—at sila’y lumulusong at tumatawid sa ilog, samantalang ako ay pinapasan naman ng malalakas na balikat ng isa sa mga kapatid at saka itatawid. Dalawang kapatid na babae ang nagtatawid kay Joyce. Ang ilang mga ilog ay totoong malalalim. Ang mga ito ay tinatawid namin sa pamamagitan ng isang pansamantalang-ginawang ferry na yari sa matitibay na tabla na nakapatong sa walo hanggang sampung malalaking dram. Pagkatapos, dalawa ang hihila sa amin upang makatawid sa tulong ng lubid.
Ang mga kapatid sa Malawi ay labis na matulungin at mababait at may matinding paggalang sa amin. Sa isang lugar ang mga tagaroon ay nagbanta na susunugin ang bahay na aming tinutuluyan, kaya ang mga kapatid ay magdamag na nangagbantay upang siguruhin ang aming kaligtasan. Kahit na bago pa ipinagbawal noong 1967 ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, mayroon nang mapanganib na kalagayan, kasali na yaong isang inilahad sa pasimula ng salaysaying ito. Marami sa mga kapatid na mga lalaki at mga babae sa Malawi ang handang ibigay ang kanilang buhay alang-alang sa amin.
Minsan ako’y nagbabahay-bahay kasama ang isang kapatid na may malaking bukol sa kaniyang noo. Labis-labis ang pagkagulpi sa kaniya mga ilang araw lamang ang nakalilipas. Sa isang bahay siya’y mahinahon na nagbigay ng isang mahusay na patotoo sa maybahay. Pagkatapos na kami’y makaalis doon, sinabi ng kapatid: “Iyon ang lalaking bumugbog sa akin nang labis-labis!” Naalaala ko ang mga salita ni Pablo: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama . . . Patuloy na daigin ninyo ng mabuti ang masama.”—Roma 12:17-21.
Pagpapalawak sa Aming Paglilingkod
Samantalang kami’y nasa Malawi pa, kami ni Joyce ay malimit na dumadalaw sa karatig na Mozambique. Ang kaniyang kaalaman sa Kastila, na nakamit samantalang naglilingkod sa Ecuador, ay malaking tulong, yamang siya’y nauunawaan ng mga Portuges. Nang magtagal ay kapuwa kami naaring makipag-usap sa Portuges. Kami’y patuloy na dumalaw sa Mozambique buhat sa aming sumunod na atas, ang Zimbabwe. Ang Iglesiya Katolika ay salungat na salungat sa pangangaral at nagsulsol ng panggugulo. Ngunit nang sumunod na sampung taon, malimit na nararanasan namin ang mapagmahal na pangangalaga at pagliligtas ni Jehova sa paghahanap sa mga taong tulad-tupa.
Sa panahon ng isa sa aming mga pagdalaw sa Mozambique, kami’y dumalaw sa isang babaing interesado sa hilaga ng puerto ng Beira. Ang kaniyang kapatid na babae sa Portugal ay sumulat sa kaniya at ibinida ang ilan sa kahanga-hangang mga bagay na kaniyang natutuhan sa pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Sinuri ng babae ang mga ito sa kaniyang Bibliya at siya’y nagpasimula pang magbalita niyaon sa kaniyang mga kapitbahay. Ngunit ang tanging direksiyon na taglay namin ay ang pangalan ng garahe na pinagtatrabahuhan ng kaniyang asawang lalaki.
Samantalang kami’y palapit sa pintuan ng talyer, isang lalaki ang nagtanong kung siya’y makatutulong sa amin. Hiniling namin na gusto naming makita ang asawa ng babae. Itinuro niya sa amin ang isang mekanikong gumagawa sa isang kotse at siya’y dali-daling umalis. Kami’y nagpakilala sa mekaniko at sinabi naming ibig naming dalawin ang kaniyang maybahay. Siya’y lubhang ninerbiyos. Samantalang sinasamahan kami papunta sa kaniyang tahanan, kaniyang ipinaliwanag na ang lalaking unang nakausap namin ay papunta na upang ireport ang aming pagdating sa lokal na hepe ng P.I.D.E. (secret police). Kami pala’y nahulog sa isang patibong! Kaniya ring ipinaliwanag na ang kaniyang maybahay, dahilan sa pangangaral, ay minamatyagan ng pulisya nang ilang panahon at na kanilang nakuha ang liham na nagsasabi sa kaniya na kami’y dadalaw. Kanilang kinuha ang kaniyang Bibliya, ngunit naitago niya ang isa pang Bibliya! Kanila ring ipinagsama ang obispong Katoliko upang himukin na tumigil na ng pagsasalita tungkol kay Jehova at sa Kaharian!
Nang aming makilala ang babaing interesado, siya’y nadaig ng kaniyang emosyon at niyakap niya si Joyce. Siya’y nakiusap sa kaniyang asawa na payagan kaming doon na tumuloy sa kanila, ngunit ito’y tumanggi at bumalik sa kaniyang trabaho. Aming sinamantala ang maikling pagdalaw na iyon, binigyan siya ng pampatibay-loob buhat sa Bibliya at pinapurihan siya sa paggawa ng gayong matatag na paninindigan. Upang maiwasan ang higit pang mga suliranin para sa kaniya, kami’y lumisan na ngunit nangako na babalik pagka humusay na ang situwasyon. Sa paglisan namin sa bahay at gayundin nang pinupuno ng gasolina ang aming tangke doon sa garahe, napansin namin na kami pala ay minamatyagan, ngunit hindi kami inaresto. Pagkatapos ay naparoon kami sa Beira at dinalaw ang maliit na kongregasyon doon bago kami nagbalik sa Zimbabwe. Mga ilang buwan ang nakalipas kami ay bumalik at nakasalo namin sa pananghalian ang babaing interesado pati kaniyang asawa at anak na babae. Siya ay nabautismuhan nang dumalaw sa Portugal at naging isang masigasig na mamamahayag ng Kaharian.
Doon sa malayong hilaga ay malimit na kami’y dumadalaw sa mga lugar na gaya ng Quelimane, Nampula, at Nacala, isang maliit na puerto. Sa Nacala kami ay malimit na dumadalaw sa pamilyang Soares. Si Mr. Soares ay unang nakarinig ng katotohanan sa Portugal. Ngunit nang siya’y maging isang dayuhan sa Mozambique, ang mga kapatid sa Lourenço Marques (ngayo’y Maputo), kabisera ng Mozambique, ay nakipag-aral sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Kanilang pinasalamatan nang malaki ang bagay na kami’y handang magbiyahe nang daan-daang kilometro upang dumalaw sa isang nakabukod na pamilya. Sila’y nagkaroon ng mahusay na pagsulong. Nang bandng huli sila’y lumipat sa Timog Aprika, na kung saan ang anak na babae, si Manuela, ay naglilingkod sa Bethel bilang isang tagapagsalin sa Portuges.
Maraming beses na aming dinalaw ang kongregasyon sa Lourenço Marques. Ito’y gumugol ng pagbibiyaheng mahigit na 1,100 kilometro mula sa Blantyre sa baku-bakong mga daan. Makalawang kami’y nagkaroon ng malubhang problema sa sasakyan at kinailangan na kami’y hilahin hanggang sa Salisbury (ngayo’y Harare). Ngunit nakatutuwang makita ang munting grupo sa Lourenço Marques na lumago hanggang sa maging isang napakahusay na kongregasyon bagaman sila’y gumagawa sa ilalim ng pagbabawal. Maliliit na mga asambleang pansirkito ang ginaganap nang palagian. Ngunit ang mga iyan ay kailangang idaos sa gubat na animo’y isa lamang malaking grupo ang mga kapatid na nagpipiknik doon. Kung ilang beses na nagsaayos ng asamblea sa kabilang ibayo ng hangganan sa Nelspruit sa Timog Aprika. Ito’y tumulong sa mga kapatid sa Maputo na pahalagahan ang organisasyon ni Jehova at sumulong sa espirituwal.
Ang Beira Congregation ay tumibay rin. Dahilan sa mga kaguluhang pulitikal sa Mozambique, ang mga kapatid sa bansang iyan ay nakapangalat ngayon sa Portugal, Timog Aprika, Canada, Brazil, Estados Unidos at iba pang mga lugar. Lahat ng kapurihan ay ukol kay Jehova, na ‘siyang nagpalago sa binhi.’ (1 Corinto 3:6, 7) Oo, may sampung taon na kami’y nagkaroon ng pribilehiyo na tulungan ang mga kapatid sa Mozambique sa ilalim ng rehimeng Portuges. Sa paglingon namin sa nakaraan, kami’y nanggigilalas sa paraan ng pagbubukas ni Jehova ng daan upang magawa namin ito.
Minsan, samantalang dumadalaw sa Nampula sa hilaga, kami’y inaresto ng isang kagawad ng P.I.D.E. Lahat ng aming literatura, kasali na ang mga Bibliya, ay sinamsam, at sinabihan kami na kami’y hindi papayagang bumalik pa sa Mozambique. Sa kabila niyan, sa tulong ni Jehova kami ay nakapagsagawa ng marami pang mga paglalakbay sa bansa. Tuwing kami’y makararating sa hangganan, aming idinadalangin na tulungan kami at patnubayan upang aming magawa ang kaniyang kalooban at ang kinakailangang pampatibay-loob at pagsasanay ay maibigay namin sa aming mga kapatid sa bansang iyan.
Noong 1979 kami ay inilipat sa Botswana. Ito ay may malawak na lupain, mga kalahati ng laki ng Timog Aprika. Yamang ang malaking bahagi ay disyerto, ang Kalahari, wala pang isang milyon ang mga taong naninirahan doon. Dito kami ay nagkaroon ng mga pribilehiyo ng tulad baga ng pagtulong upang maitayo ang isang Kingdom Hall at tahanang misyonero sa Gaborone, ang kabisera. Ang isa pang pribilehiyo ay ang pagtulong sa mga takas na Portuges ang wika buhat sa Angola at aralan sila ng Bibliya.
Kami’y nakatulong din sa dalawang kabataan na taga-Zimbabwe. Lumilitaw na sa karatig-bansang ito, ang mga Saksi ni Jehova, sa pamamagitan ng pantanging kaayusan, ay pinayagan na magturo ng Kasulatan sa mga ilang paaralan. Ito’y nakapukaw ng interes sa mga kabataang ito. Nang sila’y lumipat sa Botswana, nang maglaon, sila’y aming natagpuan doon, at sila’y humiling na aralan sila ng Bibliya. Subalit, salungat ang kanilang mga magulang kaya kailangang sila’y pumaroon sa tahanang misyonero upang mag-aral. Sila’y nagkaroon ng mahusay na pagsulong at naging bautismadong mga Saksi.
Sa aking pagbabalik-tanaw sa 41 taon ng buong-panahong paglilingkod sa walong bansa, anong laki ng aking pasasalamat kay Jehova sa maraming pagpapala na tinamasa. Ito’y hindi naging madali, ngunit ito’y naging isang malaking kagalakan para kay Joyce at sa akin na tulungan ang marami upang matatag na manindigan sa panig ng Kaharian at makita ang mahusay na pagsulong sa kabila ng maraming suliranin at matinding pananalansang. Iyon ay tunay na isang kaso ng ‘pangangaral ng salita, at paggawa niyaon nang apurahan sa kaaya-ayang panahon at sa maligalig na panahon.’ Oo, ang buong-panahong paglilingkod ay isang mayamang karanasan at isang dakilang pribilehiyo na buong-pusong inirerekomenda namin sa mga makapagsasaayos ng kanilang pamumuhay upang maranasan ito.—2 Timoteo 4:2.
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ANGOLA
ZAMBIA
MALAWI
Mzimba
Blantyre
MOZAMBIQUE
Nacala
Beira
Maputo
ZIMBABWE
Harare
NAMIBIA
BOTSWANA
Gabarone
SOUTH AFRICA
INDIAN OCEAN
600 km
400 mi
[Larawan sa pahina 24, 25]
Pagka ang mga ilog ay totoong malalalim, dalawang bangkero ang humihila sa amin upang makatawid kami sa ilog sa tulong ng lubid
[Larawan ni Hal at Joyce Bentley sa pahina 23]