Ang Labanan ng Jerico—Alamat o Totoo?
SA LOOB ng mga ilang dekada, sinubok ng mga arkeologo na pagdudahan ang ulat ng Bibliya tungkol kay Josue at sa labanan ng Jerico. Ayon sa Bibliya, si Josue at ang hukbong Israelita ay lumigid sa Jerico nang pitong araw, hanggang sa pangyarihin ng Diyos na ang matitibay na pader ng Jerico ay bumagsak. Kaya nakapasok ang mga Israelita at ‘sinunog ang lunsod at lahat ng naroroon.’—Josue 6:1-24.
Ngunit maraming arkeologo, palibhasa’y nadala ng lubhang kinaaalang-alanganang katha ni Kathleen Kenyon noong dekada ng 1950, ay nakumbinse na ang Jerico’y ni hindi umiral noong panahon ng paglusob ng mga Israelita. Aba, sinabi pa man din nila na ang lunsod ay nawasak nang mahigit na isang siglo na ang nakalipas! Kaya naman, ang ulat ng Bibliya tungkol kay Josue at sa mga Israelita ay malaganap na di-pinaniniwalaan. Ngunit, kamakailan, si Dr. Bryant G. Wood, isang arkeologo sa University of Toronto, Canada, ay muling nagsuri sa ebidensiya buhat sa Jerico. Sang-ayon sa The New York Times, kaniyang sinabi sa wakas na si Dr. Kenyon ay “humahanap ng maling uri ng palayok, at sa mga maling lugar,” at na ang ebidensiya ay aktuwal na “kapansin-pansin na kasuwato” ng Bibliya.
Si Dr. Wood ay bumanggit ng isang-metro-ang-kapal na sapin ng abo na may kahalong mga bibinga ng palayok, mga kapi-kapirasong laryo buhat sa isang bumagsak na pader, at mga tabla, na pawang maiitim na at labí ng sunog na tumupok sa isang buong siyudad. Ang mga pirasong iyan ng ceramics ay pinetsahan (taglay ang inaaming di-eksaktong mga paraan na ginagamit) ng 1410 bago ng ating Common Era, gumugol o nangailangan ng 40 taon—hindi kalayuan sa 1473 B.C.E., ang petsa para sa labanan ng Jerico na batay sa Bibliya.
Natuklasan ng mga maghuhukay na ang mga bahay sa sinaunang Jerico ay maraming iniimbak na mga panustos na trigo. Ito’y interesante, yamang ipinakikita ng Bibliya na ang Jerico’y bumagsak di pa nagtatagal pagkatapos ng pag-aani sa tagsibol at walang mahabang panahon ng kagutom. (Josue 3:14-16) Kapuwa iyan ay mabubuting dahilan kung bakit ang mga bahay sa Jerico ay maaaring punô ng mga panustos na trigo nang puksain ang lunsod.
Ang mga siyentipiko ay medyo nabibigatang aminin ang pagiging totoo ng Bibliya. Sa gayon, ang Times ay sumisipi sa isang dalubhasang iskolar bilang nagsasabi sa pagtugon sa mga natuklasan ni Wood: “Walang alinlangan na ang malaking bahagi ng impormasyon na nasa Bibliya ay may butil ng katotohanan.” Gayunman, habang parami nang paraming ulat ng Kasulatan ang sinusuhayan ng modernong mga tuklas ng mga siyentipiko at mga arkeologo, nagliliwanag sa mga taong walang pagkiling na ang Bibliya ay malayo sa pagiging isang koleksiyon ng kasinungalingan na may halo manakanaka ng mga butil ng katotohanan. Gaya ng sinasabi mismo ng Bibliya: “Hayaang masumpungang tapat ang Diyos, bagaman bawat tao ay masusumpungang sinungaling.”—Roma 3:4.
Samantalang ang kasalukuyang mga interpretasyon ng mga paghuhukay ng mga arkeologo sa Jerico ay kawili-wiling maalaman, ang mga tunay na Kristiyano ay ‘lumalakad ayon sa pananampalataya, hindi ayon sa paningin.’ (2 Corinto 5:7) Ang kanilang pananampalataya ay hindi nakasalalay sa arkeolohiya. Mayroon man o walang patotoo ng mga arkeologo, ang Bibliya ay paulit-ulit na nagpapatunay na isang maaasahang pagkukunan ng impormasyon tungkol sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap.—Awit 119:105; 2 Pedro 1:19-21.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga kaguhuan ng Jerico, na kung saan ang mga Israelita ay binigyan ni Jehova ng tagumpay
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.