Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 8/1 p. 15-20
  • Pinahahalagahan Mo ba ang Ginawa ng Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinahahalagahan Mo ba ang Ginawa ng Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pananampalataya at mga Gawa
  • Apektado ang mga Buhay
  • Pananaig sa mga Hadlang sa Bautismo
  • Materyal na mga Bagay
  • Maka-Diyos na Paglilingkod sa Tulong ng Diyos
  • Ano ang Dapat Nating Gawin Upang Maligtas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Pananampalataya
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Maituturing Tayong Matuwid Dahil sa Pananampalataya at mga Gawa Natin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 8/1 p. 15-20

Pinahahalagahan Mo ba ang Ginawa ng Diyos?

“Kung ang sinumang tao ay ibig sumunod sa akin, tumanggi sa kaniyang sarili at pasanin sa araw-araw ang kaniyang pahirapang tulos at sumunod sa akin nang patuluyan.”​—LUCAS 9:23.

1. Ano ang ilan sa kahanga-hangang mga kaloob na ibinigay ng Diyos?

UTANG natin sa Diyos ang ating buhay. Kung hindi niya nilalang ang tao, disin sana’y hindi tayo ipinanganak. Ngunit higit pa kaysa buhay ang nilalang ng Diyos. Ginawa niya tayo na ganito upang tamasahin natin ang napakaraming bagay: ang lasa ng pagkain, ang init ng sikat ng araw, ang tunog ng musika, ang kasariwaan ng isang araw sa tagsibol, ang magiliw na pag-ibig. Higit pa sa riyan, tayo’y binigyan ng Diyos ng isang isip at ng hangarin na makilala siya. Kaniyang kinasihan ang pagsulat ng Bibliya, na nagbibigay sa atin ng matatag na patnubay, nagpapakita sa atin kung papaano mamumuhay nang mas maligaya, at nagbibigay ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Ibinibigay rin ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, ang pagtulong buhat sa isang lokal na kongregasyon, at maibiging nakatatandang mga lalaki at babae na nakatutulong sa atin na manatiling matatag sa paglilingkuran sa kaniya.​—Genesis 1:1, 26-28; 2 Timoteo 3:15-17; Hebreo 10:24, 25; Santiago 5:14, 15.

2. (a) Ano ang pinakamahalaga na nagawa na ng Diyos para sa atin? (b) Makakamit ba natin ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa?

2 Bukod sa lahat ng iyan, sinugo ng Diyos ang kaniyang sariling panganay na Anak upang sabihin sa atin ang higit pa tungkol sa inaasahan ng Ama sa atin at upang maglaan ng “katubusan sa pamamagitan ng pantubos” para sa sinuman na tatanggap niyaon. (Efeso 1:7; Roma 5:18) Ang Anak na iyan, si Jesu-Kristo ay nagsabi: “Ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya kaniyang ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak, upang sinumang sasampalataya sa kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16, King James Version) Ang kaligtasan na makakamit dahilan sa pantubos na iyan ay may lubhang napakataas na halaga kung kaya’t lubusang walang paraan upang sinuman ay makagawa ng anuman upang makamit iyon sa pamamagitan ng mga gawa, tiyak na hindi yaong mga gawang dating ginagawa sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Sa gayon, si Pablo ay sumulat: “Ang isang tao ay inaaring-matuwid, hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan, kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Kristo Jesus.”​—Galacia 2:16; Roma 3:20-24.

Ang Pananampalataya at mga Gawa

3. Ano ang sinabi ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa?

3 Ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit ang pananampalataya at pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ng Diyos ay dapat magpakilos sa atin. Ito ang dapat magpakilos sa atin na gumawa ng mga bagay na nagpapamalas ng ating pananampalataya. Ang kinakapatid ni Jesus na si Santiago ay sumulat: “Ang pananampalataya, kung walang mga gawa, ay patay sa ganang sarili.” Sinabi pa niya: “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na hiwalay sa mga gawa, at ipakikita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa.” Binanggit ni Santiago na maging ang mga demonyo man ay “naniniwala at nagsisipanginig pa,” ngunit maliwanag na ang mga demonyo ay hindi gumagawa ng mga gawang maka-Diyos. Si Abraham naman, sa kabilang dako, ay may kapuwa pananampalataya at mga gawa. “Ang kaniyang pananampalataya ay gumawang kalakip ng kaniyang mga gawa at sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ay naging sakdal ang kaniyang pananampalataya.” Inulit ni Santiago: “Ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.”​—Santiago 2:17-26.

4. Ano ang sinabi ni Jesus na dapat gawin ng mga taong ibig sumunod sa kaniya?

4 Ipinakita rin ni Jesus ang kahalagahan ng matuwid na mga gawa, na nagsasabi: “Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” “Kung ang sinumang tao ay ibig sumunod sa akin, tumanggi sa kaniyang sarili at pasanin sa araw-araw ang kaniyang pahirapang tulos at sumunod sa akin nang patuluyan.”a Kung ating ‘tinatanggihan’ ang ating sarili, ating ipinagpaparaya ang marami sa ating personal na piniling mga bagay. Ating kinikilala na utang natin ang lahat sa Diyos, kaya ating ibinibigay sa kaniya ang ating sarili bilang kaniyang mga alipin, na hinahangad nating matutuhan at gawin ang kaniyang kalooban, gaya ng ginawa ni Jesus.​—Mateo 5:16; Lucas 9:23; Juan 6:38.

Apektado ang mga Buhay

5. (a) Ano ang ipinakita ni Pedro na dapat makaapekto sa ating buong pamumuhay? (b) Anong mabubuting gawa ang ipinayo niya na gawin?

5 Binanggit ni Pedro na ang “mahalagang dugo” ni Kristo, na ibinigay alang-alang sa atin, ay may gayon na lamang kalaking halaga na anupa’t ang ating pagpapahalaga roon ay dapat na makita sa ating buong pamumuhay. Binanggit ng apostol ang maraming mga bagay na dahil sa ating pagpapahalaga ay dapat mag-udyok sa atin na gawin. Kaniyang ipinayo: “Iwaksi ang lahat ng kasamaan.” “Magnasa kayo nang may pananabik sa gatas na walang daya na ukol sa salita.” “Inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman hanggang sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.” “Tumalikod kayo sa masama at gumawa nang mabuti.” “Lagi kayong handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo.” “Ang [inyong] nalalabing panahon sa laman ay ipamuhay ninyo, hindi ukol sa mga pita ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.”​—1 Pedro 1:19; 2:1, 2, 9; 3:11, 15; 4:2.

6. (a) Papaano ipinakita ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kanilang pananampalataya? (b) Anong halimbawa ang dapat na ipakita nito sa atin?

6 Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay namuhay ayon sa kanilang pananampalataya. Binago nito ang kanilang pangmalas at ang kanilang mga pagkatao, na nagtulak sa kanila na ang kanilang mga buhay ay iayon sa kalooban ng Diyos. Sila’y nakaranas na ipinatapon, binato, ginulpi, ibinilanggo, at dumanas ng kamatayan imbis na labagin ang kanilang pananampalataya. (Gawa 7:58-60; 8:1; 14:19; 16:22; 1 Corinto 6:9-11; Efeso 4:22-24; Colosas 4:3; Filemon 9, 10) Ang kilalang historyador Romano na si Tacitus, isinilang noong mga 56 C.E., ay nagsasabi na ang mga Kristiyano’y “hinatulang ihagis sa apoy at sunugin, upang magsilbing mga tanglaw sa gabi-gabi, pagka kumagat na ang dilim.” Gayunman sila’y hindi nag-atubili!​—The Annals, Book XV, parapo 44.

7. Ano ang kalagayan ng mga ibang tao?

7 Sa ilang mga kongregasyon marahil ay makakakita ka ng mga taong kung ilang mga taon nang dumadalo sa mga pulong. Kanilang iniibig ang organisasyon ni Jehova, inaakalang ang kaniyang mga lingkod ang pinakamahuhusay na mga taong kanilang nakilala, magagaling magkomento tungkol sa katotohanan, at ipinagtatanggol ang katotohanan sa mga tagalabas. Subalit may isang bagay na nakahahadlang sa kanila, pumipigil sa kanila. Sila’y hindi gumagawa ng mainam na hakbang na ginawa ng 3,000 noong araw ng Pentecostes, na tungkol doo’y nagtanong ang sumasampalatayang Etiope, o yaong ipinayo ni Ananias kay Saul na gawin sa sandaling maunawaan ng dating mang-uusig na iyan na si Jesus talaga ang Mesiyas. (Gawa 2:41; 8:36; 22:16) Ano ba ang kulang sa gayong mga tao sa ngayon? Bakit hindi sila gumawa ng hakbang na tinatawag ng Bibliya na “ang paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi”? (1 Pedro 3:21) Kung sakaling ikaw ay nasa ganitong kalagayan​—nakaaalam ng katotohanan ngunit nag-aatubiling kumilos tungkol doon​—​ituring mong ang artikulong ito ay inihanda dahil sa natatanging pag-ibig sa iyo.

Pananaig sa mga Hadlang sa Bautismo

8. Kung dati’y hindi ka isang mabuting estudyante, ano ang matalinong dapat gawin ngayon?

8 Ano kaya ang nakahahadlang sa iyo? Ang naunang artikulo ay nagpakita na marahil ang personal na pag-aaral ay isang suliranin para sa mga iba. Tayo’y binigyan ng Diyos ng kamangha-manghang mga isip, at kaniyang inaasahan na gagamitin natin ito sa paglilingkod sa kaniya. Ang ibang mga tao na hindi marunong bumasa ay nagsumikap na makabasa upang matuto pa nang higit tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Kumusta ka naman? Kung ikaw ay marunong nang bumasa, ikaw ba naman ay talagang nag-aaral, gaya ng ginawa ng mga taga-Berea, “maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw” upang patunayan ang mga bagay na ito? Iyo bang nasaliksik na “ang luwang at ang haba at ang taas at ang lalim” ng katotohanan? Iyo bang nahukay na nang may sapat na lalim ang Salita ng Diyos? Natuklasan mo na ba kung hanggang saan talaga ang dulot nitong kabutihan? Nagkaroon ka na ba ng tunay na hangaring makaalam ng kalooban ng Diyos? Mayroon ka bang tunay na pagkagutom sa katotohanan?​—Gawa 17:10, 11; Efeso 3:18.

9. Ano ang tamang gawin kung mayroon kang isang suliranin sa pakikitungo sa kaninuman sa kongregasyon?

9 Kung minsan ang mga tao ay napipigil dahilan sa isang tunay o guniguning suliranin sa pakikitungo sa kaninuman sa kongregasyon. Mayroon bang sinuman na nagkasala sa iyo nang mabigat? Kung gayon ay sundin ang alituntunin na inihahayag ng mga salita ni Jesus: “Pumaroon ka at ipakilala ang kaniyang pagkakamali nang ikaw at siya lamang.” (Mateo 18:15) Baka magtaka ka kung matalos mo na hindi man lamang alam ng taong iyon na ikaw ay nagdamdam. Ngunit kahit na nalalaman niya, baka iyo pa ring ‘mahikayat ang iyong kapatid,’ gaya ng sinabi ni Jesus. Baka iyo pa ring matulungan siya na huwag na uling makatisod sa iba. Isa pa, kung pag-iisipan mo iyon, sino talaga ang iyong pinaglilingkuran​—ang tao bagang iyon o ang Diyos? Ang iyo bagang pag-ibig sa Diyos ay lubhang makipot na anupa’t hahayaan mong ang anumang kamalian ng taong di-sakdal ay makahadlang sa iyong pag-ibig sa Kaniya?

10, 11. Ano ang dapat mong gawin kung may lihim na kasalanang pumipigil sa iyo?

10 Ang isang lihim na kasalanan ay marahil pumipigil sa isang tao sa pagpapabautismo. Ito’y baka isang bagay na nangyari noong nakaraan, o maaaring isang patuloy na pagkakamali. Kung ito ay suliranin mo, hindi baga panahon na para ituwid ang ganiyang kamalian? (1 Corinto 7:29-31) Marami sa mga lingkod ni Jehova ay nangailangan na magsagawa ng mga pagbabago sa kanilang pamumuhay. Ang Bibliya’y nagsasabi: “Kaya nga magsisi kayo, at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang dumating ang mga panahon ng kaginhawahan buhat sa personang si Jehova.”​—Gawa 3:19.

11 Anuman ang iyong nagawa noong nakaraan, ikaw ay makapagsisisi, makapagbabago, at makahihingi sa Diyos ng kapatawaran. “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong mga katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasa . . . Hubarin ninyo ang matandang pagkatao, pati ang mga gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.” Ang iyong buhay ay maiaayon mo sa kaniyang mga daan, tatamasahin mo ang isang malinis na budhi, at magkakaroon ka ng pag-asang mabuhay nang walang-hanggan sa kaniyang matuwid na bagong sanlibutan. Hindi ba iyan ay sulit gaano man ang gawin mong pagpapagal tungkol diyan?​—Colosas 3:5-10; Isaias 1:16, 18; 1 Corinto 6:9-11; Hebreo 9:14.

12. Ano ang dapat mong gawin kung ang tabako, pag-aabuso sa alak, o pagkasugapa sa droga ang pumipigil sa iyo sa pagkakaroon ng malinis na budhi?

12 Ang paggamit ba ng tabako, pag-aabuso sa alak, o pagkasugapa sa droga ay humahadlang sa iyo sa pagkakaroon ng malinis na budhi? Hindi ba ang ganiyang nagsasapanganib-sa-buhay na mga bisyo ay nagpapakita ng di-paggalang sa kahanga-hangang regalo ng Diyos na buhay? Kung ang ganiyang mga bisyo ay nakahahadlang sa iyo, tiyak na panahon na upang iwaksi ang mga iyan. Ang mga bisyo bang ito ay katumbas ng iyong buhay? Sinabi ni Pablo: “Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan ng takot sa Diyos.” Iyo bang pinahahalagahan ang malilinis at matutuwid na mga daan ng Diyos upang magawa mo iyan?b​—2 Corinto 7:1.

Materyal na mga Bagay

13, 14. (a) Ano ba ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa materyal na mga tunguhin? (b) Bakit mahalaga na unahin ang makalangit na mga bagay?

13 Sa kasalukuyang sanlibutan ang tagumpay at “ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan” ang iniuuna sa halos ano pa man. Subalit “ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapandayang kapangyarihan ng kayamanan” ay inihalintulad ni Jesus sa “dawagan” na umiinis sa salita ng Diyos. Kaniya ring itinanong: “Ano ang pakikinabangin ng tao kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang buhay?”​—1 Juan 2:16; Marcos 4:2-8, 18, 19; Mateo 16:26.

14 Binanggit ni Jesus na isinaayos ng Diyos na ang mga ibon ay makahanap ng pagkain at ang mga liryo ay mamulaklak nang buong kagandahan. Pagkatapos ay itinanong niya: “Gaano pa nga kayong kahalaga kaysa mga ibon? . . . Gaano pa nga kayo na hindi pararamtan [ng Diyos]!” May kapantasan, sinabi sa atin ni Jesus na “huwag mabalisa” tungkol sa materyal na mga bagay. Aniya: “Patuluyang hanapin ang kaharian [ng Diyos], at ang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Kaniyang binanggit na ang makalangit na mga bagay ang dapat nating unahin sapagkat ‘kung saan naroroon ang ating kayamanan, doroon din ang ating puso.’​—Lucas 12:22-31; Mateo 6:20, 21.

Maka-Diyos na Paglilingkod sa Tulong ng Diyos

15. Anong mainam na pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ng halimbawa ng mga Kristiyano noong unang siglo?

15 Ang pagpapatotoo ba sa iba ay waring nagiging isang suliranin para sa iyo? Ang pagkamahiyain ba ang pumipigil sa iyo? Kung gayon, mahalaga na alalahaning ang mga Kristiyano noong unang siglo ay may ganiyan ding damdamin na gaya ng taglay natin sa ngayon. Hindi pinili ng Diyos ang maraming marurunong at makapangyarihang mga tao, kundi kaniyang pinili “ang mahihinang bagay ng sanlibutan, upang ang malalakas na bagay ay mailagay niya sa kahihiyan.” (1 Corinto 1:26-29) Ang makapangyarihang mga pinunong relihiyoso ay sumalansang sa “karaniwan” na mga taong ito at iniutos sa kanila na sila’y huminto ng pangangaral. Ano ang ginawa ng mga Kristiyano? Sila’y nagsipanalangin. Kanilang hiniling sa Diyos na palakasin ang kanilang loob, at ganoon nga ang ginawa niya sa kanila. Bilang resulta, ang Jerusalem ay napuno ng kanilang mensahe at nang maglaon ay niyanig ang buong sanlibutan!​—Gawa 4:1-4, 13, 17, 23, 24, 29-31; 5:28, 29; Colosas 1:23.

16. Ano ba ang ating natutuhan buhat sa makapal na “ulap ng mga Saksi” na tinukoy sa Hebreo kabanata 11?

16 Kung gayon, ang takot sa mga tao ay di-dapat makahadlang sa atin sa paglilingkod sa Diyos. Ang Hebreo kabanata 11 ay tumutukoy sa isang makapal na “ulap ng mga saksi” na nangatatakot, hindi sa tao, kundi sa Diyos. Tayo’y dapat magpakita ng nakakatulad na pananampalataya. Ang apostol ay sumulat: “Yamang isang napakakapal na ulap ng mga saksi ang nakapalibot sa atin, iwaksi rin natin ang bawat pabigat at ang kasalanang madaling pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin.”​—Hebreo 12:1.

17. Anong pampatibay-loob ang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias?

17 Ang Diyos ay makapagbibigay sa kaniyang mga lingkod ng napakalaking tulong. Ang Maylikha ng sansinukob ay nagsabi kay Isaias: “Yaong mga nagsisiasa kay Jehova ay manunumbalik ang lakas. Sila’y paiilanlang na may mga pakpak na parang mga agila. Sila’y magsisitakbo at hindi mangapapagod; sila’y magsisilakad at hindi manghihina.”​—Isaias 40:31.

18. Papaano mo madadaig ang iyong pagkamahiyain upang makibahagi sa pangangaral ng Kaharian?

18 Ang may tibay-loob at maliligayang mga Saksi na nakikita mo sa lokal na kongregasyon ay isang munting bahagi lamang ng mahigit na tatlo at kalahating milyong masisigasig na mga lingkod sa buong lupa. Sila’y nagagalak na magkaroon ng bahagi sa gawain na inihula ni Jesu-Kristo mismo sa mga salitang ito: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Kung sakaling ang pakikibahagi sa pangangaral ng kaharian ay nagsisilbing isang suliranin para sa iyo bagaman ikaw ay kuwalipikado na gawin iyon, bakit hindi hilingin sa isang Saksi na may kasanayan sa ministeryo na ipagsama ka upang makibahagi sa pangangaral? Ang Diyos ay talagang nagkakaloob ng “kapangyarihan na higit kaysa karaniwan,” at marahil ay magtataka ka pagka naranasan mo ang kagalakan na dulot ng maka-Diyos na paglilingkurang ito.​—Mateo 24:14; 2 Corinto 4:7; tingnan din ang Awit 56:11; Mateo 5:11, 12; Filipos 4:13.

19. Anong gawaing pagtuturo ang iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?

19 Inaasahan ni Jesus na yaong mga nagpapahalaga sa mensahe ng Kaharian ay kikilos tungkol dito. Sinabi niya: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.”​—Mateo 28:19, 20.

20. Kung ikaw ay sumusulong sa espirituwal, anong tanong ang marahil napapanahon nang itanong mo?

20 Ang iyo bang pagpapahalaga sa mga pagpapala ng Diyos, sa “mahalagang dugo” ni Jesus, at sa kahanga-hangang pag-asang buhay na walang-hanggan ay nagpapakilos sa iyo? (1 Pedro 1:19) Ang iyo bang buhay ay iniayon mo na sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos? Ikaw ba ay nakikibahagi nang palagian sa paggawa ng mga alagad? Iyo bang tinanggihan na ang iyong sarili at inialay sa Diyos ang iyong buhay? Kung ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay isang tiyak na oo, marahil ay panahon nang isa sa matatanda sa kongregasyon na dinadaluhan mo ay tanungin ng kaparehong tanong na itinanong kay Felipe ng sumasampalatayang Etiope: “Ano ba ang nakahahadlang sa akin sa pagpapabautismo?”​—Gawa 8:36.

[Mga talababa]

a Ang pagkasalin dito ng The Jerusalem Bible ay “renounce himself” (itakuwil ang kaniyang sarili). Ang bersiyon ni J. B. Phillips ay nagsasabi naman na “talikdan ang lahat ng karapatan ng kaniyang sarili.” Ang The New English Bible ay nagsasabi “iwanan na ang sarili.”

b Para sa impormasyon sa paghinto sa ganiyang mga bisyo, tingnan ang The Watchtower, Pebrero 1, 1981, pahina 3-12; Hunyo 1, 1973, pahina 336-43; at Awake!, Hulyo 8, 1982, pahina 3-12; Mayo 22, 1981, pahina 3-11. Maaaring ito ay nasa aklatan ng lokal na Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.

Natatandaan Mo Ba?

◻ Ano ang ating pantanging mga dahilan upang pasalamat sa Diyos?

◻ Dahil sa pananampalataya at pagpapahalaga, ano ang mapakikilos tayo na gawin?

◻ Anong mga suliranin ang maaaring makahadlang sa atin sa pagsunod sa Diyos, at ano ang magagawa natin tungkol sa mga iyan?

◻ Anong mga tanong ang maaaring itanong sa kanilang sarili ng mga taong hindi pa bautismado?

[Kahon sa pahina 18]

‘Ano bang uri ng “lupa” ako?’

Si Jesus ay nagbigay ng isang ilustrasyon ng isang taong naparoon upang maghasik ng binhi. Ang ilan sa mga binhi ay nahulog sa tabi ng daan at kinain ng mga ibon. Ang iba naman ay nahulog sa mga lugar na mabato na walang gaanong lupa. Ito’y tumubo nga, ngunit nang sumikat ang araw, nalanta naman at namatay. Ang iba pa ring mga binhi ay nahulog sa dawagan at ininis ng mga tinik. Sinabi ni Jesus na ang tatlong grupong ito ay kumakatawan: una, sa taong “nakaririnig ng salita ng kaharian ngunit hindi nakauunawa niyaon”; ikalawa, yaong tumatanggap sa salita ngunit hindi nagpapatuloy dahilan sa init ng “kapighatian o pag-uusig”; at ikatlo, ang taong “ang kabalisahan sa sistemang ito ng mga bagay at ang daya ng kayamanan ay siyang umiinis sa salita.”

Ngunit sinabi rin ni Jesus na may ibang binhi na nahulog sa mabuting lupa. Ang sabi niya: “Ito ang nakikinig sa salita at nakauunawa niyaon, na talagang nagbubunga.”​—Mateo 13:3-8, 18-23.

Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Ano bang uri ng “lupa” ako?’

[Kahon sa pahina 19]

Sila’y nangamatay alang-alang sa kanilang pananam-palataya

May nakikilala ka bang handang mamatay imbis na labagin ang kaniyang pananampalataya? Libu-libong mga Saksi ni Jehova ang nakagawa na niyaon. Sa The Nazi State and the New Religions: Five Case Studies in Non-Conformity, si Dr. Christine E. King ay sumulat: “Isa sa bawat dalawang Saksing Aleman ang ibinilanggo, isa sa apat ang namatay.”

Nang ang kakilabutan ng mga kampamento’y natapos sa wakas noong 1945, “ang bilang ng mga Saksi ay lalong lumaki at hindi nagkaroon ng anumang pakikipagkompromiso.” Sa The Nazi Persecution of the Churches, si J. S. Conway ay sumulat tungkol sa mga Saksi: “Walang ibang sekta ang nakitaan ng anumang nakakatulad ng determinasyon sa harap ng buong puwersa ng terorismong Gestapo.”

Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi pinag-usig dahilan sa pulitika o lahi. Bagkus, sila’y nagdusa nang dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kanilang pagtangging labagin ang kanilang sinanay-sa-Bibliyang mga budhi.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share