Ikaw ba ay Nagsisikap Makaabot?
“Kung ang sinumang lalaki ay nagsisikap na makaabot sa katungkulang tagapangasiwa, siya’y naghahangad ng isang mabuting gawain.”—1 TIMOTEO 3:1.
1. Ang pagtupad sa anong tunguhin ang pangunahing mahalaga sa mga Saksi ni Jehova?
ANG mga Saksi ni Jehova ay may wastong mga tunguhin na pinapatnubayan at isinasagawa sa maka-Diyos na paraan. Ito ay hindi katakataka, yamang ang kanilang Diyos ay may dakilang mga tunguhin at sa tuwina’y naisasagawa ang kaniyang mga layunin. (Isaias 55:8-11) Ang mga lingkod ni Jehova ay hindi dapat tumulad sa mga taong kulang ng mainam na tunguhin at walang pakundangang nabubuhay na walang gaanong ginagawa upang ang sarili lamang nila ang makinabang at hindi ang iba. Ang pangunahing mahalaga sa mga Saksi ng Diyos ay ang pagtupad sa dakilang tunguhin na maibalita ang mensahe ng Kaharian at ibahagi sa iba ang nagbibigay-buhay na kaalaman sa Salita ng Diyos.—Awit 119:105; Marcos 13:10; Juan 17:3.
2. Anong tunguhin para sa mga lalaking Kristiyano ang binanggit ni Pablo sa 1 Timoteo 3:1?
2 Sa organisasyon ni Jehova, mayroon ding iba pang mga dakilang tunguhin. Isa na rito’y binanggit ni Pablo nang siya’y sumulat: “Tapat ang pasabing iyan. Kung ang sinumang lalaki ay nagsisikap na makaabot sa katungkulang tagapangasiwa, siya’y naghahangad ng isang mabuting gawain.” Ang gayong tao ay nagnanasang makagawa ng isang bagay sa ikabubuti ng iba. Siya’y naghahangad ng “isang mabuting gawain,” hindi ng isang buhay ng kaginhawahan at kaluwalhatian. Isa pang salin ang nagsasabi: “Totoo namang masasabi na ang isang taong naglalagak ng kaniyang puso sa pangunguna ay may kapuri-puring ambisyon.”—1 Timoteo 3:1, Phillips.
Mga Panganib sa Matatanda
3, 4. Bakit dapat pakaingatan ang puso ng isang lalaking nagsisikap makaabot sa pagka-tagapangasiwa?
3 Sa papaano ang isang taong naglalagak ng kaniyang puso sa pagka-tagapangasiwang Kristiyano ay may “kapuri-puring ambisyon”? Bueno, ang ambisyon ay isang masigasig na hangaring makamit ang isang natatanging tunguhin. Totoo, may mararangal at di-mararangal na ambisyon. Ngunit kung ang isang tao’y may kapakumbabaang nagsisikap makaabot sa katungkulang tagapangasiwa dahilan sa ibig niyang maglingkod sa iba, ang kaniyang paglilingkod ay ginagawa na taglay ang matuwid na mga motibo, at maaaring magbunga ng espirituwal na mga pagpapala. Ngunit kailangang pakaingatan niya ang kaniyang puso.—Kawikaan 4:23.
4 Ang ibang ambisyosong mga tao’y humahanap ng kaluwalhatian. Ang iba’y may hangaring magpunò sa kanilang mga kapuwa tao. Ang pagkagahaman na mapatanyag o maghawak ng kapangyarihan ay tulad ng isang nabubulok na ugat na maaaring magpabagsak kahit na sa isang punungkahoy na waring walang diperensiya kung titingnan. Ang isang Kristiyano rin naman ay maaaring padala sa gayong ambisyon na may maling motibo. (Kawikaan 16:18) “Ako’y sumulat ng ilang bagay sa kongregasyon,” ang sabi ni apostol Juan, “ngunit si Diotrephes, na ang gusto’y siya ang kilalanin na pangunahin sa kanila [“na ibig maging ulo sa lahat ng bagay,” Phillips], ay hindi kami tinatanggap nang may paggalang. Kaya pagpariyan ko ay uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya, ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At, palibhasa’y hindi pa siya nasisiyahan dito, ayaw na niyang tanggapin ang mga kapatid na dumarating ay hinahadlangan pa niya at itinitiwalag sa kongregasyon ang mga may ibig tumanggap sa mga iyon.” (3 Juan 9, 10) Ang ambisyon ni Diotrephes ay di-maka-Kristiyano. Ang kapalaluan at ang ambisyosong paghahangad ng kapangyarihang pamahalaan ang iba ay walang dako sa gitna ng mga tunay na tagasunod ni Jesus.—Kawikaan 21:4.
5. Anong saloobin ang dapat na taglay ng mga tagapangasiwang nag-aasikaso sa kanilang mga tungkulin?
5 Ang isang Kristiyanong tagapangasiwa na nag-aasikaso sa kaniyang mga tungkulin na may tamang motibo ay hindi magtataguyod ng mapag-imbot na mga ambisyon. Kaniyang isasaalang-alang na ang mabuting gawaing ito ng pagka-tagapangasiwang Kristiyano ay isang bigay-Diyos na pribilehiyo at siya’y magpapastol sa kawan ng Diyos “hindi sa paraang sapilitan, kundi na may pagkukusa; ni dahil man sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi na may pananabik; ni gaya ng [siya’y] panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi magiging [isang halimbawa] sa kawan.” (1 Pedro 5:2, 3) Oo, ang mga tagapangasiwa ay dapat pakaingat na sila’y huwag maging mapagmataas at huwag maghangad na abusuhin ang kapangyarihan.
6. Bakit ang isang matanda ay hindi dapat mag-astang panginoon sa bayan ng Diyos?
6 Ang isang matanda ay hindi dapat mag-astang panginoon sa mga ibang Kristiyano, sapagkat siya’y isang kamanggagawa nila, hindi ‘isang panginoon sa kanilang pananampalataya.’ (2 Corinto 1:24) Nang may mga apostol na naghangad na sila’y mapatanyag, sinabi ni Jesus: “Alam ninyo na ang mga pinunò ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa kanila at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng autoridad sa kanila. Sa inyo’y hindi magkakagayon; kundi sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay kailangang maging ministro ninyo, at sinuman sa inyo na ibig mauna ay kailangang maging alipin ninyo. Kung papaanong ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” (Mateo 20:20-28) Ang isang matanda ay hindi siyang Punong Pastol kundi isa lamang katulong na pastol. Kung siya’y nag-aastang panginoon sa kawan, siya’y nagpapakita ng espiritu ng pagmamataas. Kapinsalaan ang lalong higit na ibubunga kung kaniyang aakitin ang iba na tulungan siya na maipagtagumpay ang kaniyang palalong mga ambisyon. Isang kawikaan ang nagsasabi: “Bawat palalo sa puso ay kasuklam-suklam kay Jehova. Bagaman maghawakan sa kamay, gayunman ay hindi malilibre ang isa sa kaparusahan.”—Kawikaan 16:5.
7, 8. (a) Bakit kailangan na ang Kristiyanong matatanda ay maging mapagpakumbaba? (b) Magbigay ng isang halimbawa ng isang mapagpakumbabang matanda.
7 Ang Kristiyanong matatanda samakatuwid ay dapat ‘magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.’ Ang pagmamataas ay isang hadlang sa espirituwal na kakayahang magamit, sapagkat tanging ang mga mapagpakumbaba ang nasa watong kalagayan ng puso at isip na gawin ang banal na kalooban. “Ang Diyos ay sumasalansang sa mga palalo, ngunit siya’y nagbibigay ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5, 6) Oo, pinagpapala ni Jehova ang mga mapagpakumbabang-isip. Sa ganitong mga uri nanggagaling ang kuwalipikadong mga lalaki na hinihirang maglingkod bilang Kristiyanong matatanda.
8 Ang modernong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay punô ng mga pag-uulat ng mapakumbabang paglilingkod ng maka-Diyos na mga tao. Halimbawa, isaalang-alang ang may mahinahong asal na si W. J. Thorn, naging isang pilgrim, o naglalakbay na tagapangasiwa, at isang matagal-na-panahong manggagawa sa Bethel. Tungkol sa kaniya, isang Kristiyano ang nagsabi: “Hinding-hindi ko makakalimutan ang isang pangungusap ni Brother Thorn na tumulong sa akin hanggang sa araw na ito. Sinabi niya, at sinisipi ko iyon, ‘Kailanman at labis na iniisip ko ang aking sarili, ang sarili ko’y dinadala ko sa isang sulok, wika nga, at sinasabi ko: “Ikaw na isang butil na alabok. Ano ba ang iyong ipinagmamalaki?” ’ ” Anong kapuri-puring katangian para sa matatanda at sa mga iba pa na ipakita! Alalahanin, “ang bunga ng pagpapakumbaba at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”—Kawikaan 22:4.
Ang Bigay-Diyos na Hangaring Maglingkod
9. Bakit masasabing ang hangaring maglingkod bilang isang tagapangasiwa ay bigay-Diyos?
9 Ang hangarin bang maglingkod bilang isang tagapangasiwa ay bigay-Diyos? Oo, sapagkat ang espiritu ni Jehova ang nagkakaloob ng pampasigla, tibay ng loob, at lakas na maghandog sa kaniya ng banal na paglilingkod. Halimbawa, ano ba ang nangyari nang ang pinag-uusig na mga tagasunod ni Jesus ay nanalanging bigyan sila ng lakas ng loob na mangaral? “Nayanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at napuspos silang lahat ng banal na espiritu at kanilang sinalita nang tahasan ang salita ng Diyos.” (Gawa 4:27-31) Yamang ang banal na espiritu ay nagbunga ng ganiyan, ito ay makapagpapakilos din naman sa isang tao upang magsikap na makaabot.
10. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit ang isang lalaking Kristiyano ay marahil hindi nagsisikap makaabot? (b) Kung tayo’y pinagkakalooban ng Diyos ng isang pribilehiyo sa paglilingkod, ano ang matitiyak natin?
10 Bakit ang isang may-gulang na Kristiyano ay marahil hindi nagsisikap makaabot? Marahil siya ay isang espirituwal na lalaki ngunit iniisip niyang siya’y kulang ng kakayahan. (1 Corinto 2:14, 15) Kung sa bagay, tayo’y dapat magkaroon ng isang mahinhing pagkakilala sa ating sarili, na kinikilala na limitado ang ating nagagawa. (Mikas 6:8) Sa halip na mangahas mag-isip na tayo ang pinakamagaling sa mga may kakayahan para sa isang pananagutan, makabubuting tandaan na “ang karunungan ay nasa mahihinhin.” (Kawikaan 11:2) Ngunit dapat din nating tantuin na kung tayo’y pinagkakalooban ng Diyos ng isang pribilehiyo sa paglilingkod, siya’y magbibigay rin ng lakas na kailangan upang magampanan iyon. Gaya ng sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay-lakas sa akin.”—Filipos 4:13.
11. Ano ang maaaring gawin ng isang Kristiyano na hindi nagsisikap makaabot dahil sa kaniyang iniisip na siya’y kulang ng sapat na karunungan upang makapagpayo?
11 Baka ang isang Kristiyano ay hindi nagsisikap makaabot dahil sa iniisip niya na siya’y kulang ng sapat na karunungan upang makapagpayo. Bueno, marahil siya’y makapagtatamo ng karunungan sa pamamagitan ng pagiging isang higit pang masikap na mag-aarál ng Salita ng Diyos, at tunay na siya’y dapat manalangin upang humingi ng karunungan. Si Santiago ay sumulat: “Kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, patuloy na humingi siya sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay sa lahat at hindi nanunumbat; at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ngunit siya’y patuloy na huminging may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan, sapagkat siyang nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinataboy ng hangin at ipinapadpad sa kung saan na lamang. Sa katunayan, huwag akalain ng taong iyon na siya’y tatanggap ng anuman kay Jehova; siya’y walang katatagan, mabuway sa lahat ng kaniyang lakad.” (Santiago 1:5-8) Bilang sagot sa panalangin, si Solomon ay binigyan ng Diyos ng “isang pantas at maunawaing puso” na nagbigay sa kaniya ng kakayahan na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama pagka humahatol. (1 Hari 3:9-14) Ang kaso ni Solomon ay natatangi, ngunit sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral at sa tulong ng Diyos, ang mga lalaking pinagkatiwalaan ng pananagutan sa kongregasyon ay makapagpapayo sa iba sa matuwid na paraan. “Si Jehova ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”—Kawikaan 2:6.
12. Kung dahilan sa pagkabalisa ang isang lalaki ay hindi nagsisikap makaabot, ano ang maaaring makatulong sa kaniya?
12 Ang kaunting pagkabalisa ay maaaring pumigil sa isang tao sa pagsisikap na makaabot. Baka akalain niya na hindi niya magagawang balikatin ang mabigat na pananagutan na pagiging isang matanda. Kahit na si Pablo ay umamin: “May nakababalisa sa akin sa araw-araw, ang pagkabalisa sa lahat ng kongregasyon.” (2 Corinto 11:28) Ngunit batid ng apostol kung ano ang kailangang gawin pagka dumaranas ng pagkabalisa, sapagkat siya’y sumulat: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng isip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, ang panalangin at pagtitiwala sa Diyos ay makatutulong upang mapawi ang pagkabalisa.
13. Papaano makapananalangin ang isang tao kung siya’y balisa tungkol sa pagsisikap na makaabot?
13 Kung may kaunti pa ring pagkabalisa, ang isang taong balisa tungkol sa pagsisikap na makaabot ay makapananalangin na gaya ng panalangin ni David: “Siyasatin mo ako, Oh Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang bumabagabag sa akin na mga kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang lakad ng kasamaan, at patnubayan mo ako sa daang walang-hanggan.” (Awit 139:23, 24) Ano man ang uri ng ating mga kaisipan na “bumabagabag” o “nakababalisa” sa atin, tayo’y matutulungan ng Diyos na daigin ang mga iyan upang tayo’y sumulong sa espirituwalidad. (Tingnan ang The New International Version.) Gaya ng mainam na pagkasabi sa isa pang awit: “Nang aking sabihin: ‘Ang aking paa ay natitisod,’ patuloy na inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Jehova. Nang ang mga kaisipang bumabagabag sa akin ay dumami sa loob ko, ang iyong mga pag-aliw ay nagbigay-lugod sa aking kaluluwa.”—Awit 94:18, 19.
Masayang Maglingkod Ayon sa Kalooban ni Jehova
14. Bakit ang isang lalaking hindi nagsisikap makaabot ay dapat manalangin para humingi ng banal na espiritu ng Diyos?
14 Kung dahilan sa pagkabalisa, pagkadama ng kakulangan ng kakayahan, o kakulangan ng pampasigla ang isang lalaking Kristiyano ay hindi nakaabot, tunay na nararapat manalangin para humingi ng espiritu ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:13) Yamang ang kapayapaan at ang pagpipigil-sa-sarili ay kabilang sa mga bunga ng espiritu, ang espiritung ito ay makatutulong sa atin na daigin ang pagkabalisa o pagkadama ng kakulangan ng kakayahan.—Galacia 5:22, 23.
15. Anong uri ng mga panalangin ang makatutulong sa mga taong kulang ng pampasigla upang maghandog ng sarili para sa mga pribilehiyo sa paglilingkod?
15 Kumusta naman ang tungkol sa kakulangan ng pampasigla? Bilang bautismadong mga Kristiyano, ating ipanalangin na pakilusin tayo ng Diyos na gawin ang nakalulugod sa kaniya. Si David ay nagsumamo: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Jehova . . . Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako.” (Awit 25:4, 5) Ang mga panalanging katulad nito ay tutulong sa atin na iwasan ang maling landas, at tayo’y makapananalangin sa katulad na paraan kung tayo’y kulang ng pampasigla upang magsikap na makaabot. Tayo’y makahihiling kay Jehova na pasiglahin tayo upang magnasang tumanggap ng mga pribilehiyo sa paglilingkod. Sa katunayan, kung tayo’y mananalangin para humingi ng espiritu ng Diyos at paaakay tayo sa patnubay nito, walang alinlangan na ihahandog natin ang ating sarili kung tayo’y inaalok ng mga pribilehiyo sa paglilingkod. Sa kabila ng lahat, sa anumang paraan ay hindi nanaisin ng mga lingkod ng Diyos na salansangin ang kaniyang espiritu.—Efeso 4:30.
16. Anong saloobin ang nagsisilbing matinding pampasigla upang ang isa’y magsikap na makaabot sa anumang pananagutan sa kongregasyon?
16 Sa pagkakaroon ng “pag-iisip ni Kristo,” tayo’y may kaluguran sa paggawa ng banal na kalooban. (1 Corinto 2:16) Si Jesus ay nagkaroon ng ganiyan ding saloobin na gaya ng salmista, na nagsabi: “Aking kinalulugdang sundin ang iyong kalooban, Oh Diyos ko, at ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.” (Awit 40:8) Sinabi ni Kristo: “Narito! Ako’y naparito upang gawin ang iyong kalooban,” at iyon ay nakarating hanggang sa sukdulan na kamatayan sa pahirapang tulos. (Hebreo 10:9, 10) Ang pagnanasang gawin ang lahat ng posibleng gawin sa paglilingkod kay Jehova ang nagsisilbing matinding pampasigla upang magsikap na makaabot sa anumang pananagutan sa kongregasyon.
Tumingin sa Hinaharap
17. (a) Bakit ang mga lalaking hindi na ngayon lubusang makapaglingkod na gaya ng dati ay hindi dapat masiraan ng loob? (b) Ano ang pinakadakilang pribilehiyo sa lahat?
17 Dahilan sa mga suliranin sa kalusugan o sa mga iba pang dahilan, ang iba na dating nag-aasikaso ng mahahalagang tungkulin sa kongregasyon ay sa kasalukuyan wala nang gayong pribilehiyo. Ang mga ito ay hindi dapat masiraan ng loob. Batid natin na maraming tapat na mga lalaki na ngayo’y hindi na lubusang makapaglingkod na gaya ng dati ang naninindigan pa ring matatag bilang mga tapat. (Awit 25:21) Totoo nga, ang mapakumbabang matatanda na naglingkod nang mahabang panahon ay makapagpapatuloy na ihandog ang kanilang karanasan sa pamamagitan ng pananatili sa lupon ng matatanda. Bagaman baldado na dahilan sa edad o iba pang mga kapansanan, hindi naman kailangan na sila’y magbitiw. Samantala, hayaang mahalin ng bawat Saksi ni Jehova ang pinakamainam na pribilehiyo sa lahat, ang ‘pagsasalita tungkol sa kaluwalhatian ng paghahari ng Diyos’ bilang mga tagapagtaguyod ng kaniyang banal na pangalan.—Awit 145:10-13.
18. (a) Kung sakaling ang isang matanda o isang ministeryal na lingkod ay naalis, ano ang maaaring gawin? (b) Ano ang mahusay na saloobing ipinakita ng isang matanda na inalis?
18 Kung ikaw noong nakaraan ay isang matanda o isang ministeryal na lingkod ngunit ngayon ay hindi naglilingkod sa ganiyang tungkulin, tiyak na may malasakit pa rin sa iyo ang Diyos, at marahil kaniyang pagkakalooban ka ng mga ilang di-inaasahang pribilehiyo sa hinaharap. (1 Pedro 5:6, 7) kung kailangan na gumawa ka ng mga ilang pagbabago, tanggapin mo na ikaw ay nagkamali at ituwid mo iyon sa tulong ng Diyos. Ang iba na inalis bilang matatanda ay tinubuan ng saloobing di-maka-Kristiyano, at ang ilan ay huminto sa paglilingkod o humiwalay sa katotohanan. Ngunit anong laking karunungan ang tumulad sa mga nagpakita ng mahusay na espiritu! Halimbawa, nang ang isang matanda na naglingkod nang kung ilang mga taon na sa Central America ang alisin, sinabi niya: “Dinaramdam kong lubos ang pagkawala ng pribilehiyo na aking minahal nang mahabang panahon. Subalit ako’y magpapagal nang puspusan sa anumang paraan na ibig ng mga kapatid na gamitin ako at gagawa upang mabawi ang aking mga pribilehiyo sa paglilingkod.” Nang sumapit ang panahon, ang kapatid na ito ay binigyan ng pribilehiyo na maglingkod uli bilang isang matanda.
19. Anong angkop na payo ang ibinibigay sa isang kapatid na naalis bilang isang matanda o isang ministeryal na lingkod?
19 Sakaling naalis ka bilang isang matanda o isang ministeryal na lingkod, kung gayon, manatiling may espiritu ng pagpapakumbaba. Iwasan na magkaroon ng saloobin ng pagkapoot na maaaring mag-alis ng iyong kuwalipikasyon para sa hinaharap na mga pribilehiyo. Ang isang maka-Diyos na espiritu ay umaani ng paggalang. Sa halip na masiraan ng loob, pag-isipan kung papaano pinagpapala ni Jehova ang iyong ministeryo o ang iyong sambahayan. Patibayin sa espirituwal ang iyong pamilya, dalawin ang maysakit, at palakasing-loob ang mahina. Higit sa lahat, pakamahalin ang iyong pribilehiyo ng pagpuri sa Diyos at paghahayag ng mabuting balita bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.—Awit 145:1, 2; Isaias 43:10-12.
20. Papaanong ang isang lupon ng matatanda ay makatutulong sa isang dating tagapangasiwa o ministeryal na lingkod?
20 Dapat matalos ng isang lupon ng matatanda na ang pag-aalis sa isang dating tagapangasiwa o ministeryal na lingkod ay maaaring magdala sa kaniya ng kaigtingan ng kalooban, kahit na kung kusang nagbitiw siya sa pribilehiyo. Kung siya’y hindi naman itiniwalag, ngunit nakikita ng matatanda na ang kapatid na iyon ay nanlulumo, sila’y dapat maglaan ng mapagmahal na tulong sa espirituwal. (1 Tesalonica 5:14) Dapat nilang tulungan siya na matantong siya’y kinakailangan sa kongregasyon. Kahit na kung sakaling kinailangan na bigyan siya ng payo, marahil ay hindi kakailanganin ang isang napakahabang panahon bago ang isang mapagpakumbaba at mapagpasalamat na lalaki’y muling tumanggap ng karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod sa kongregasyon.
21. Sino ang mga naghintay ng mga pribilehiyo sa paglilingkod, at ano ang iminumungkahi sa mga naghihintay nito sa ngayon?
21 Kung nagsisikap ka na makaabot, baka kailanganin na maghintay ka sandali bago tumanggap ng higit pang mga pribilehiyo sa paglilingkod. Huwag kang mawawalan ng tiyaga. Si Moises ay naghintay ng may 40 taon bago siya ginamit ng Diyos sa pagpapalaya sa mga Israelita buhat sa pagkaalipin sa Ehipto. (Gawa 7:23-36) Bago inatasan na maging kahalili ni Moises, si Josue ay matagal na naglingkod bilang kaniyang katulong. (Exodo 33:11; Bilang 27:15-23) Si David ay naghintay ng kaunting panahon bago napaluklok na hari sa Israel. (2 Samuel 2:7; 5:3) Si Pedro at si Juan Marcos ay maliwanag na dumaan sa mga panahon ng pagpapadalubhasa sa kanila sa gagampanang gawain. (Mateo 26:69-75; Juan 21:15-19; Gawa 13:13; 15:36-41; Colosas 4:10) Samakatuwid kung ikaw sa kasalukuyan ay walang tungkulin sa kongregasyon, marahil ay pinapayagan ka ni Jehova na mahubog sa pamamagitan ng pagtatamo ng higit pang karanasan. Sa anumang kaso, hanapin ang tulong ng Diyos samantalang ikaw ay nagsisikap na makaabot, at marahil ay pagpapalain ka niya sa pagbibigay sa iyo ng karagdagang pribilehiyo sa paglilingkod. Samantala, gumawang masikap upang maging kuwalipikado sa pananagutan sa kongregasyon at ipakita mo ang espiritu ni David, na nagsabi: “Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ni Jehova; at purihin ng lahat ng laman ang kaniyang banal na pangalan hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga ay magpakailanman.”—Awit 145:21.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa anong mga panganib dapat magpakaingat ang mga Kristiyanong matatanda?
◻ Ano ang makatutulong sa mga hindi nagsisikap makaabot dahilan sa pagkabalisa o pagkadama ng kakulangan ng kakayahan?
◻ Ano ang maaaring magpasigla sa isang tao upang ipagkaloob ang kaniyang sarili para sa pananagutan sa kongregasyon?
◻ Taglay ang anong saloobin dapat tumingin sa hinaharap ang dating matatanda at mga ministeryal na lingkod?
[Larawan sa pahina 19]
Si W. J. Thorn ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa bilang isang mapagpakumbabang matanda
[Larawan sa pahina 21]
Tulad ni Jesus, handa ka bang gawin ang lahat ng posibleng gawin sa paglilingkod kay Jehova?