Makasusumpong Ka ng Kayamanang Higit Kaysa Ginto!
ANG mga katotohanan sa Bibliya ay maihahalintulad sa ginto, pilak, o iba pang natatagong kayamanan. Bagaman marahil hindi ka nakapagmimina ng literal na ginto o pilak, malamang na nalalaman mong sa paggawa nito’y nangangailangan ng puspusang pagtatrabaho at tiyaga. At malimit na ang gayong naghahanap ng mina ay nabibigo.
Subalit, ang gayong pagkabigo ay hindi nangyayari pagka ang hinahanap mo’y ang natatagong kayamanan sa Bibliya. Pansinin ang nagpapatibay-loob na garantiya nito: “Kung patuloy na hahanapin mo itong parang pilak, at patuloy na sasaliksikin mo na parang kayamanang natatago, kung magkagayo’y mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman ng Diyos.” (Kawikaan 2:4, 5) Ngunit ikaw ay kailangang magsaliksik.
“Magsaliksik Ka at Tingnan Mo”
“Magsaliksik ka at tingnan mo na walang propeta na lilitaw sa Galilea.” Ito ang payo na ibinigay kay Nicodemo, isa ring Fariseo, ng ilang Judiong mga Fariseo noong unang siglo. “Magsaliksik ka at tingnan mo.” Mabuting payo nga iyan. Posible na magsaliksik at masumpungan ang katotohanan—isang bagay na lalong higit na mahalaga kaysa ginto.
Gayunman, sa partikular na kasong iyan, ang mga nagbigay ng payo na “magsaliksik ka at tingnan mo” ay hindi nagsikilos nang naaayon sa kanilang sinabi. Sa papaano nga?
Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ay nagsugo ng mga punong kawal upang dakpin si Jesu-Kristo. Palibhasa’y humanga sila sa kaniyang paraan ng pagtuturo, ang mga punong kawal ay nagsiuwi na walang dala. Kaya naman, ang mga Fariseo ay nagtanong sa kanila: “Kayo man ba ay nangailigaw rin?” Si Nicodemo ang nagsalita at nagsabi: “Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao malibang siya muna’y dinggin at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa?” Ang mga salitang ito ang nag-udyok upang ipayo na “magsaliksik ka at tingnan mo.”—Juan 7:32, 45-52.
Papaano nabigo ang mga saserdote at ang mga Fariseo? Hindi nila alam o kinilala na bagaman si Jesus ay lumaki sa Galilea, siya’y isinilang sa Bethlehem. Ang propetang si Mikas ay humula: “Mula sa iyo [Bethlehem] ay lalabas sa akin ang isa na magpupunò sa Israel.” (Mikas 5:2) Kaya ang mga nangungunang lalaking iyon ay hindi nagsaliksik at nakita ang mga patotoo na si Jesus ay isang propeta, isa na magpupunò sa Israel. Nakalulungkot ang ibinunga nito, at nakikita kung papaano mahalaga na magsaliksik at unawain ang buong katotohanan tungkol sa mga bagay-bagay. Ngunit ano ang malimit na pagkakilala sa katotohanan?
Ang Katotohanan ay Hinaluan
“Ang dalisay na katotohanan, tulad ng dalisay na ginto, ay nasumpungang di-angkop na ikalat, sapagkat natuklasan ng mga tao na mas higit na kombinyente na haluan ang katotohanan kaysa dalisayin ang kanilang sarili,” ang sabi ng isang manunulat noong ika-19 na siglo. Anong talas ng mga salitang ito hanggang ngayon tungkol sa larangan ng makasanlibutang mga relihiyon! Ang nasa likod ng paghahalong ito sa katotohanan ay “ang ama ng kasinungalingan,” si Satanas na Diyablo. (Juan 8:44; Apocalipsis 12:9) Kaniyang ginagamit ang huwad na relihiyon upang haluan ang mga turong katotohanan tungkol sa mahahalagang tanong na gaya nito: Sino ang Diyos? Ano ba ang kaugnayan ni Jesus sa kaniya? Ano ba ang katutunguhan ng lupa at ng sangkatauhan?
Ang mga saserdote at ang mga Fariseo ay nagsaliksik sana ng katotohanan at masusumpungan nila ito. Kaipala’y nakasumpong sila ng kayamanan na higit kaysa ginto. Oo, kanila sanang natagpuan ang buong katotohanan tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng ‘pakikinig sa kaniya at pagkakaroon ng kaalaman sa kaniyang ginagawa,’ gaya ng mungkahi ni Nicodemo. Kung sila’y taimtim sa paggawa nito, walang pagsalang ipaliliwanag sa kanila ni Jesus ang mga bagay-bagay, gaya ng ginawa niya sa kaniyang mga alagad. (Marcos 4:34) Subalit saan ba natin matatagpuan ang dalisay na katotohanan sa ngayon? Sa katunayan, mayroon bang garantiya na magtatagumpay tayo ng pagsasaliksik at pag-unawa ng buong katotohanan?
[Larawan sa pahina 4]
Ang mga pinunong relihiyoso ay nagkamit sana ng buong katotohanan tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng ‘pakikinig sa kaniya’