Unawain ang Buong Katotohanan!
“KAILANMAN ay hindi ko nakita ang pangalang iyan sa aking Bibliya,” ang sabi ni Francisco. Ang pangalang Jehova ay nabanggit sa isang pakikipagtalakayan sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Totoo, marahil ay hindi pa niya nakikita ang pangalan ng Diyos sa kaniyang Bibliya, isang 1969 edisyon ng Portuges na bersiyong Almeida. Ang pangalang Jehova ay hindi makikita roon. Bilang isang Katoliko sa Brazil, si Francisco ay regular na nakikinig ng Misa kung mga araw ng Linggo at natutuwa naman siyang magbasa ng Bibliya sa kaniyang tahanan. Ngunit nakaintriga sa kaniya ang pangalang Jehova.
Sino ang Diyos?
Nang sumunod na linggo, siya’y dinalhan ng Saksi ng isa pang edisyon ng bersiyong Almeida. Kanilang pinaghambing ang dalawang edisyon sa Awit 83:18. At ano ang kanilang natagpuan? Aba, sa edisyong iyon nang 1966, ay ganito ang mababasa sa tekstong ito: “Ikaw, na siya lamang may pangalang JEHOVA, ang Kataas-taasan sa buong lupa”! Subalit, sa edisyon ng 1969, sa halip na “JEHOVA” ang terminong “PANGINOON” ang ginagamit. “Alam mo, sila’y gumawa ng pagbabago rito,” ang sabi ng Saksi at pagkatapos ay nagtanong siya: “Tunay na ang ‘Panginoon’ ay hindi isang pangalan, di ba?” “Hindi,” ang sabi ni Francisco. Medyo napikon siya, at isinusog niya: “Papaano nga nila nagawa iyan?”
Ito’y nagbukas ng daan para sa kaunting pagsasaliksik tungkol sa pangalan ng Diyos. Halimbawa, napag-alaman ni Francisco na sang-ayon sa The Catholic Encyclopedia (1910), Jehova “ang pantanging pangalan ng Diyos sa Matandang Tipan.” Kaniyang napag-alaman din na sa “Matandang Tipan,” na ang karamihan ay nasulat sa wikang Hebreo, ang pangalang iyan ay makikita nang halos 7,000 ulit. Walang tagapagsalin ang may karapatang halinhan ang pantanging pangalang Jehova ng di-tiyak na titulong Panginoon. Ibig ni Francisco na malaman ang katotohanan tungkol sa pangalang Jehova, at naunawaan naman niya iyon buhat sa Bibliya mismo at sa pamamagitan ng pananaliksik na may tamang giya.
Ano ba ang Posisyon ni Jesus?
Gaya ng mapapansin sa naunang artikulo, maraming katotohanan ang hinaluan ng makasanlibutang mga relihiyon. Sabihin pa, sa kanilang ministeryo sa pagbabahay-bahay, ang mga Saksi ni Jehova ay may pagkakataon na alamin kung ano ang paniwala ng mga tao. Kung sa bagay, ito’y nagkakaiba-iba sa sarisaring lugar, ngunit may mga paniniwala na palasak. Halimbawa, pagka tinanong, ‘Sino ang Diyos?’ may mga maybahay na nagsasabi, ‘Si Jesus.’ Dito ang ibig nilang sabihin ay si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ngunit ang ganito bang ideya ay kumakatawan sa katotohanan?
Pag-isipan ang sumusunod na mga punto. Si Jesus ay nanalangin sa kaniyang Ama: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at tungkol sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Napansin mo ba na ang tinukoy ni Jesus ay hindi ang kaniyang sarili kundi ang kaniyang makalangit na Ama bilang ang “tanging tunay na Diyos”? Samakatuwid, ang mga unang alagad ni Jesus ay tama nang kanilang sabihin sa kaniya: “Ikaw talaga ang Anak ng Diyos.” Si Jesus mismo ang nagsabi: “Ako ang Anak ng Diyos.” Samakatuwid, ang katotohanan ay na hindi si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, kundi siya ang Anak ng Diyos na Jehova.—Mateo 14:33; Juan 10:36.
Ano ba ang Katutunguhan ng Lupa?
Kumusta naman ang katutunguhan ng salinlahing ito at ng lupa? Si John F. Kennedy, yumaong pangulo ng Estados Unidos, ay nagsabi sa isang pagtatalumpati sa UN General Assembly: “Tayo’y may kapangyarihan na ito’y gawin na pinakamagaling na salinlahi ng sangkatauhan sa kasaysayan ng daigdig—o ito ang gawing pinakahuli.” Ang kasalukuyang mga pinunò ng daigdig ay makikitang ganiyan din ang paniwala. Ang malimit na naririnig ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo ay na sa katapusan ng sanlibutan, ang planetang Lupa ay mapupuksa sa apoy o sa isang digmaang nuklear. Bilang alalay sa paniniwalang ito, binabanggit ng iba ang Apocalipsis 21:1, na nagsasabi: “Nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam, at ang dagat ay wala na.”
Sa Bibliya ay malimit na ginagamit ang terminong “lupa” sa diwang makatalinghaga, na tumutukoy sa sangkatauhan. Ang isang halimbawa ay makikita sa Genesis 11:1, na nagsasabi: “Ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika at iisa ang salita.” (Tingnan din ang 1 Hari 2:1, 2; Awit 96:1.) Sa Apocalipsis 21:1, “ang unang lupa” ay tumutukoy, hindi sa planetang ito, kundi sa balakyot na lipunan ng mga tao na pupuksain. Ito’y magbibigay-daan para sa pagsasauli ng Paraiso sa lupa. (Lucas 23:43; 2 Tesalonica 1:6-9; Apocalipsis 21:4) At ito’y kasuwato ng natitirang bahagi ng Bibliya, na nagpapakitang ang literal na lupa ay hindi kailanman pupuksain. Halimbawa, sa Awit 104:5 ay sinasabing ang Diyos ang siyang “naglagay ng mga patibayan ng lupa; upang huwag makilos hanggang sa panahong walang takda.” (Ihambing ang Eclesiastes 1:4.) Tunay, ‘ginawa [ni Jehova] ang lupa upang tahanan’ magpakailanman.—Isaias 45:18.
Bakit Kailangang Unawain ang Buong Katotohanan?
Ang naunang tinalakay ay mga halimbawa lamang ng maling mga paniwala na palasak sa ngayon. Gayunman, pagka ang isang maybahay ay handang makipagkatuwiranan, tulad sa kaso ni Francisco, ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod sapagkat nabuksan ang daan para sa isang nagbibigay-linaw na talakayan ng mga katotohanan sa Kasulatan.
Ang hindi pag-unawa sa buong katotohanan ay maaaring humantong sa malungkot na kahihinatnan. Isang halimbawa: Nang narito sa lupa si Jesus, marami ang nahikayat maniwala na siya’y isa lamang anak ni Maria at ni Jose, isa lamang dating karpintero na taga-Nazaret. Kaya naman, siya’y hindi nila gaanong binigyang-pansin. Sa isang banda, sila’y tama. Si Jesus ay anak ni Maria, ipinaglihi sa pamamagitan ng banal na espiritu. Siya ay inampong anak ni Jose, at talaga namang siya’y nagtrabaho bilang isang karpintero. (Marcos 6:3) Subalit, iyon ba ang buong katotohanan tungkol sa kaniya? Hindi! Siya ang Mesiyas at ang sa hinaharap ay magiging “Hari ng mga hari”! (Apocalipsis 17:14; Lucas 1:32-35; Gawa 2:36) Dahil sa hindi pag-unawa sa buong katotohanan tungkol kay Jesus hindi nakamit ng maraming mga tao ang pribilehiyong hindi na muling mauulit—ang personal na pakikihalubilo kay Jesus sa lupa.
Saliksikin ang Buong Katotohanan
Ang lunsod ng Berea (tinatawag ngayon na Véroia) sa sinaunang Macedonia ay kilalang-kilala ng mga mambabasa ng Bibliya dahilan sa kapuri-puring iginawi ng mga tao roon noong unang siglo. Ano ba ang kanilang iginawi? Ang ulat ay nagsasabing: “Kanilang tinanggap ang salita [na ipinangaral ni apostol Pablo] nang buong pagsisikap, at sinusuri sa araw-araw ang mga Kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.” Ang resulta? “Marami sa kanila ang nagsisampalataya, at gayundin sa mga kilalang babaing Griego at sa mga lalaki ay hindi kakaunti.”—Gawa 17:11, 12.
Kapuri-puri rin ang naging saloobin ng sinaunang mga propeta ng Diyos. Sila’y gumawa ng “isang masikap na pag-uusisa at isang maingat na pagsasaliksik” tungkol sa kaligtasan na darating sa pamamagitan ng Mesiyas. (1 Pedro 1:10) Pinagpala naman ng Diyos ang kanilang pagsisikap. Malinaw, kung gayon, na walang pinaikling paraan. Ang matiyagang pagsasaliksik at maingat na pagsusuri sa mga turo—ito ang paraan upang maunawaan ang buong katotohanan buhat sa Bibliya!
Marahil ay magtatanong ka, ‘Saan ba ako dapat magsimula?’ Pagkatapos na mabasa ang ilang mga lathalaing Kristiyano, isang babaing naninirahan sa Brazil ang sumulat: “Di nagtagal kami [siya at ang kaniyang asawa] ay nakabatid na kailangan namin ang higit pa sa ganiyang uri ng kaalaman, upang makamit ang mga sagot sa maraming tanong namin . . . Pakisuyo po, papaano ako magkakaroon ng isang Bibliya at ng iba pang aklat na tutulong sa akin na makaalam nang higit pa tungkol sa ating makalangit na Ama?” Siya’y nasa tamang landas: pagbabasa ng Bibliya sa tulong ng may katotohanang salig-Bibliyang mga babasahin. Kung ikaw ay nagnanais din naman ng buong katotohanan, buksan ang iyong puso sa Diyos na Jehova at patulong ka sa kaniya. At pakisuyong pag-isipan ang nakapagpapatibay-loob na mga salitang ito: “Kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, patuloy na humingi siya sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nanunumbat; at iyon ay ibibigay sa kaniya. Ngunit siya’y patuloy na huminging may pananampalataya, na walang anumang pag-aalinlangan.”—Santiago 1:5, 6.
Milyun-milyong mga tao ang nakikipagtalakayan ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, sa gayo’y gumagawa ng masikap na pag-uusisa at isang maingat na pananaliksik ng katotohanan. Ang pagkuha at pagkakapit ng gayong tumpak na kaalaman sa tunay na Diyos at kay Jesu-Kristo ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan. (Juan 17:3) Ang dakilang pagpapalang iyan ay maaaring makamit mo kung ikaw ay magsasaliksik nang masikap at uunawain mo ang buong katotohanan.
[Larawan sa pahina 7]
Ang buong katotohanan tungkol kay Jesus ay na siya ang Mesiyas, hindi lamang isang karpintero