Asal na Nagpapaganda sa Aral ng Diyos
Kamakailan, ang pangasiwaan ng isang kompanya sa Caracas, Venezuela, ay nagpahatid ng isang liham sa matatanda at ministeryal na mga lingkod ng isang karatig na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Doon ay binanggit nila: “Kami po ay tumanggap ng napakaiinam na pagkatukoy tungkol sa mga tao sa inyong relihiyon may kinalaman sa kanilang pagkakilala sa pananagutan at pagkamatapat. Kaya naman ngayon ay lumalapit kami sa inyo. Dahilan sa kasalukuyang kakulangan namin ng mga manggagawa, kami’y mahigpit na nangangailangan ng dalawang tao upang umokupa ng sumusunod na mga puwesto: isa upang maging tsuper at ang isa naman ay upang mangasiwa sa aming bodega. Lubhang pahahalagahan namin ang anumang impormasyon na maibibigay ninyo kung tungkol sa sinuman buhat sa inyong kongregasyon o sa alinmang karatig. Talaga naman pong hindi namin nais na kumuha ng mga kawaning di-Saksi. Pakisuyo po, ipagbigay-alam ninyo sa amin kahit na kung walang sinumang maaaring makuha, yamang kami’y maghihintay ng inyong kasagutan bago gumawa ng anumang desisyon.”
Pagkatapos matagpuan ang liham sa ilalim ng pinto ng Kingdom Hall, isa sa mga matatanda ng kongregasyon ang dumalaw sa may-ari ng kompanya na tinutukoy. Ang may-ari ay nagkaroon na pala ng mga pakikitungo sa mga Saksi ni Jehova nang may 15 taon at naaalaala pa niya na wala siyang naranasang malulubhang suliranin sa pakikitungo sa kaniyang mga empleyadong Saksi. Kaniyang tinukoy sila bilang seryoso, responsable, mapagtapat, at masisipag na mga manggagawa. Saka isinusog niya: “Batid ko na hindi kayo kunsintidor sa mga manggagawa ng masama, at sila’y inyong itinitiwalag. Iyan ay nagpapakita na ang inyong kongregasyon ay ayaw na maging kasabuwat ng gayong mga tao.”
Ang gayong asal ay nagpapaganda sa aral ng Diyos. (Tito 2:10) Ito’y resulta ng isang tunay na hangaring kumapit nang mahigpit sa mga simulain ng asal na binalangkas sa Bibliya.