Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 10/1 p. 15-20
  • Patuloy na Hanapin ang Kaharian at ang Katuwiran ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patuloy na Hanapin ang Kaharian at ang Katuwiran ng Diyos
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Panalangin na Nakalulugod sa Diyos
  • Mag-imbak ng Kayamanan sa Langit
  • Pananampalataya na Nag-aalis ng Pagkabalisa
  • Pagtatamo sa Kaharian ng Diyos at sa Kaniyang Katuwiran
  • Katuwiran Hindi sa Pamamagitan ng mga Sali’t Saling Sabi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Maging Tagatupad ng Salita, Huwag Tagapakinig Lamang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Ang Pasalitang Batas—Bakit Ito Isinulat?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Ang Tanyag na Sermon sa Bundok
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 10/1 p. 15-20

Patuloy na Hanapin ang Kaharian at ang Katuwiran ng Diyos

“Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”​—MATEO 6:33.

1, 2. Ano ang ginagawa ng mga eskriba at mga Fariseo sa mga bagay na mabuti sa ganang sarili, at anong babala ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?

ANG mga eskriba at mga Fariseo ay humanap ng katuwiran ayon sa kanilang paraan, na hindi yaong paraan ng Diyos. Hindi lamang iyan, kundi pagka sila’y gumagawa ng mga bagay na mabuti sa ganang sarili, ang mga ito ay ginagawa nila nang paimbabaw upang makita ng mga tao. Sila’y naglilingkod, hindi sa Diyos, kundi sa kanilang sariling kapritso. Ang kaniyang mga alagad ay binabalaan ni Jesus laban sa gayong pagkukunwari: “Mag-ingat kayo na huwag sa harap ng mga tao magsigawa ng katuwiran upang makita nila iyon; sapagkat kung hindi ay wala kayong ganti buhat sa inyong Ama na nasa langit.”​—Mateo 6:1.

2 Pinahahalagahan ni Jehova ang mga nagbibigay sa dukha​—ngunit hindi ang mga nagbibigay na gaya ng pagbibigay ng mga Fariseo. Si Jesus ay nagbabala sa kaniyang mga alagad na huwag silang tutulad sa mga iyon: “Kaya nga pagka ikaw ay nagkakawanggawa, huwag kang hihihip ng pakakak sa harap mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga daan, upang sila’y purihin ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kanilang tinatanggap ang kanilang gantimpala nang buo.”​—Mateo 6:2.

3. (a) Sa papaano binayaran nang buo sa kanilang pagbibigay ang mga eskriba at mga Fariseo? (b) Papaanong ang paninindigan ni Jesus sa pagbibigay ay ibang-iba?

3 Ang salitang Griego para sa ‘kanilang tinatanggap nang buo’ (a·peʹkho) ay isang termino na malimit makikita sa mga resibong pangkalakalan. Ang paggamit nito sa Sermon sa Bundok ay nagpapakita na “kanilang tinanggap na ang kanilang gantimpala,” samakatuwid nga, “kanilang pinirmahan na ang resibo ng kanilang gantimpala: ang kanilang karapatan na tanggapin ang kanilang gantimpala ay nakamit na, sa tiyakan ay para bagang sila’y nagbigay na ng resibo para roon.” (An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine) Ang mga kaloob para sa mga dukha ay ipinangangalandakan sa mga lansangan. Sa mga sinagoga ang pangalan ng mga nagkakawanggawa ay iniaanunsiyo. Yaong mga nagbibigay ng malalaking halaga ang lalong higit na pinararangalan sa pagbibigay sa kanila ng mga upuan na kasunod ng sa mga rabbi sa oras ng pagsamba. Sila’y nag-aabuloy upang makita ng mga tao; sila’y nakikita nga at pinupuri ng mga tao; kaya, sa kanilang ibibigay na resibo para sa gantimpala na dulot ng kanilang pagbibigay ay maititimbre nila ang “Binayaran Nang Buo.” Ibang-iba ang paninindigan ni Jesus! Magbigay “nang lihim; kaya naman ang iyong Ama na nakakakita sa lihim ang gaganti sa iyo.”​—Mateo 6:3, 4; Kawikaan 19:17.

Mga Panalangin na Nakalulugod sa Diyos

4. Bakit ang mga panalangin ng mga Fariseo ay nag-udyok kay Jesus na tawaging mga mapagpaimbabaw ang mga lalaking iyon?

4 Pinahahalagahan ni Jehova ang mga pananalangin sa kaniya​—ngunit hindi gaya ng pananalangin ng mga Fariseo. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Pagka kayo’y nananalangin, huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagkat mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa panulukan ng malalaking daan upang makita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinatanggap na nila ang buong kagantihan sa kanila.” (Mateo 6:5) Ang mga Fariseo ay maraming mga panalangin na dinarasal sa araw-araw, sa espesipikong mga panahon, saanman sila naroroon. Sa sariling kuru-kuro, sila’y mananalangin sa lihim. Subalit, dahil sa masamang hangarin, nagawa nila na sila’y lumagay “sa panulukan ng malalaking daan,” nakikita ng mga taong dumaraan sa apat na direksiyon, pagsapit ng oras ng pananalangin.

5. (a) Ano pang mga gawain ang dahilan kung bakit ang mga panalangin ng mga Fariseo ay hindi dinirinig ng Diyos? (b) Anu-anong mga bagay ang inuna ni Jesus sa kaniyang modelong panalangin, at ang mga tao ba sa ngayon ay sumasang-ayon diyan?

5 Sa pagkukunwaring banal, sila’y “bumibigkas ng mahahabang panalangin.” (Lucas 20:47) Ayon sa sali’t saling sabi: “Ang mga lalaking banal noong una ay naghihintay ng isang oras bago nila dasalin ang Tefillah [panalangin].” (Mishnah) Pagsapit ng sandaling iyon lahat doon ay tiyak na nakakita na ng kanilang pagkabanal at hahanga sa kanila! Ang gayong mga panalangin ay aabot lamang sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo. Ipinayo ni Jesus na manalangin nang lihim, nang hindi paulit-ulit, at siya’y nagbigay sa kanila ng isang simpleng modelo. (Mateo 6:6-8; Juan 14:6, 14; 1 Pedro 3:12) Sa modelong panalangin ni Jesus ay ganito inuna ang mga bagay: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo.” (Mateo 6:9-13) Kakaunting mga tao sa ngayon ang nakaaalam ng pangalan ng Diyos, at lalong hindi nila gusto na pakabanalin iyon. Sa gayo’y ginagawa siya na isang diyos na walang pangalan. Dumating nawa ang Kaharian ng Diyos? Marami ang may paniwala na iyon ay naririto na, nasa kalooban nila. Marahil ay nananalangin sila na mangyari nawa ang kalooban niya, ngunit ang ginagawa ng karamihan ay ang kanilang sariling kalooban.​—Kawikaan 14:12.

6. Bakit hinatulan ni Jesus ang mga pag-aayuno ng mga Judio bilang walang kabuluhan?

6 Ang pag-aayuno ay sinasang-ayunan ni Jehova​—ngunit hindi gaya ng pag-aayuno ng mga Fariseo. Gaya ng pagkakawanggawa at ng pananalangin ng mga eskriba at mga Fariseo, sinabi rin ni Jesus na ang kanilang pag-aayuno ay walang kabuluhan: “Pagka kayo’y nag-aayuno, huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw, na may mapapanglaw na mukha, sapagkat kanilang pinapapangit ang mga mukha nila upang makita ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinatanggap na nila ang buong gantimpala sa kanila.” (Mateo 6:16) Utos ng kanilang mga sali’t saling sabi na samantalang nag-aayuno kailangan na ang mga Fariseo ay huwag maghuhugas ni magpapahid man ng anuman sa kanilang sarili kundi dudungisan nila ng abo ang kanilang ulo. Pagka hindi nag-aayuno, ang mga Judio ay palagiang naghuhugas ng kanilang katawan at kinukuskos iyon ng langis.

7. (a) Papaano dapat mag-ayuno ang mga tagasunod ni Jesus? (b) Kung tungkol sa pag-aayuno, ano ang ibig ni Jehova noong kaarawan ni Isaias?

7 Tungkol sa pag-aayuno, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Langisan mo ang iyong ulo at hilamusan mo ang iyong mukha, upang makita ka na nag-aayuno, hindi ng mga tao, kundi ng Ama mo.” (Mateo 6:17, 18) Noong kaarawan ni Isaias ang suwail na mga Judio ay nangatuwa sa kanilang pag-aayuno, ang kanilang mga kaluluwa’y pinagdalamhati, nagyuko ng kanilang mga ulo, at nauupo sa sako at abo. Ngunit ang ibig ni Jehova ay kanilang palayain ang mga naaapi, pakanin ang nagugutom, bigyan ng tahanan ang mga walang tahanan, at bigyan ng damit ang mga hubad.​—Isaias 58:3-7.

Mag-imbak ng Kayamanan sa Langit

8. Ano ang dahilan kung bakit hindi nakita ng mga eskriba at mga Fariseo kung papaano kakamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, at anong simulain, na nang malaunan ay ipinahayag ni Pablo, ang kanilang kinaligtaan?

8 Sa kanilang paghanap sa katuwiran, hindi nakita ng mga eskriba at mga Fariseo kung papaano kakamtin ang pagsang-ayon ng Diyos at sa paghanga ng mga tao itinutok nila ang kanilang pansin. Sila’y lubhang napahilig sa mga sali’t saling sabi ng mga tao kung kaya’t isinaisang-tabi nila ang nasusulat na Salita ng Diyos. Ang kanilang mga puso ay inilagak nila sa mga katungkulan sa lupa imbis na sa makalangit na kayamanan. Kanilang ipinagwalang-bahala ang isang simpleng katotohanan na isinulat pagkaraan ng ilang mga taon ng isang Fariseong naging Kristiyano: “Ano man ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong-kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao, yamang nalalaman ninyo na kay Jehova kayo tatanggap ng nararapat na gantimpalang mana.”​—Colosas 3:23, 24.

9. Anong mga panganib ang maaaring nagbabanta sa makalupang kayamanan, ngunit ano ang magbibigay ng kasiguruhan sa tunay na kayamanan?

9 Si Jehova ay interesado sa iyong debosyon sa kaniya, hindi sa iyong naiimpok sa bangko. Batid niya na ang iyong puso ay naroroon sa kinaroroonan ng iyong kayamanan. Ang iyo bang kayamanan ay masisira ng kalawang at tangà? Ang mga magnanakaw ba ay makahuhukay sa ilalim ng mga pader na matitibay at makananakaw niyaon? O sa modernong mga panahong ito ng kawalang-katatagan ng kabuhayan, dahil ba sa implasyon ay patuloy na liliit ang halaga ng pera o dahil sa pagbagsak ng stock-market ay mawawalan na ito ng kabuluhan? Ang mabilis na pagdami ba ng krimen ay magiging sanhi ng pagnanakaw ng iyong kayamanan? Hindi magkakaganiyan kung ito ay doon sa langit nakatago. Hindi kung ang iyong mata​—isang ilawan na nagbibigay-liwanag sa iyong buong katawan​—​ay simple, nakatutok sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran. Ang kayamanan ay may paraan ng pag-alis sa iyo. “Huwag kang magpagal upang magkamit ng kayamanan. Tumigil ka ng panghahawakan sa iyong sariling kaunawaan. Iyo bang itinitig sa wala ang iyong mga mata? Sapagkat tiyak na ito’y nagkakapakpak na gaya ng agila at saka lilipad patungo sa kalangitan.” (Kawikaan 23:4, 5) Kaya bakit hindi ka patutulugin ng kayamanan? “Ang kasaganaan ng mayaman ay hindi nagpapatulog sa kaniya.” (Eclesiastes 5:12) Alalahanin ang babala ni Jesus: “Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa Kayamanan.”​—Mateo 6:19-24.

Pananampalataya na Nag-aalis ng Pagkabalisa

10. Bakit lubhang mahalaga na ang iyong pananampalataya ay mapalagak sa Diyos imbis na sa materyal na mga ari-arian, at anong payo ang ibinigay ni Jesus?

10 Ibig ni Jehova na ang iyong pananampalataya ay mapalagak sa kaniya, hindi sa materyal na ari-arian. “Kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam sa kaniya, sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.” (Lucas 12:15) Ang milyun-milyong naimpok sa bangko ay hindi makapagpapagaling sa mga bagang may-sakit o patuloy na magpapapintig sa isang nahahapong puso. Kaya nga “sinasabi ko sa inyo,” ang patuloy pa ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Tumigil kayo ng pagkabalisa tungkol sa inyong mga kaluluwa kung ano baga ang inyong kakanin o ano ang inyong iinumin, o tungkol sa inyong mga katawan kung ano ang inyong daramtin. Hindi baga ang kaluluwa’y mahigit kaysa pagkain at ang katawan kaysa pananamit?”​—Mateo 6:25.

11. Saan kinuha ni Jesus ang marami sa kaniyang paghahalimbawa, at papaano ito ipinakikita sa Sermon sa Bundok?

11 Si Jesus ay isang dalubhasa sa berbalang paghahalimbawa. Kaniyang pinag-iisipan ang mga ito saan man siya magmasid. Kaniyang nakita ang isang babaing naglalagay ng isang sinindihang ilawan sa lalagyan niyaon at iyon ay ginawa niya na isang paghahalimbawa. May nakita siyang isang pastol na nagbubukud ng mga tupa sa mga kambing; iyon ay ginamit na halimbawa. Natanaw niya ang mga batang naglalaro sa may pamilihan; iyon ay ginamit na isang halimbawa. Kung kaya iyon ay nasa Sermon sa Bundok. Samantalang siya ay nagsasalita tungkol sa pagkabalisa sa pisikal na pangangailangan, siya’y nakabuo ng mga paghahalimbawa tungkol sa mga ibon na nagliliparang paroo’t parito at sa mga liryo na saganang tumutubo sa mga tagiliran ng burol. Ang mga ibon ba ay naghahasik at nagsisigapas? Hindi. Ang mga liryo ba ay nagsusulid at humahabi? Hindi. Ginawa sila ng Diyos; siya ang nangangalaga sa kanila. Gayunman, kayo ay mahalaga kaysa mga ibon at mga liryo. (Mateo 6:26, 28-30) Kaniyang inihandog ang kaniyang Anak alang-alang sa inyo, hindi alang-alang sa kanila.​—Juan 3:16.

12. (a) Ang paghahalimbawa ba tungkol sa mga ibon at sa mga bulaklak ay nangangahulugan na hindi na kailangan pang magtrabaho ang mga alagad ni Jesus? (b) Anong punto ang ipinakikita ni Jesus tungkol sa paggawa at sa pananampalataya?

12 Dito hindi sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na sila’y hindi na kailangang magtrabaho upang pakanin at paramtan ang kanilang sarili. (Tingnan ang Eclesiastes 2:24; Efeso 4:28; 2 Tesalonica 3:10-12.) Nang umagang iyon ng tagsibol, ang mga ibon ay walang tigil ng kakakahig para humanap ng kanilang pagkain, nagsusuyuan, gumagawa ng mga pugad, lumilimlim sa mga itlog, nagpapakain ng kanilang mga inakay. Sila’y nagtatrabaho ngunit hindi nababalisa. Ang mga bulaklak ay abala rin ng pagtutulak ng kanilang mga ugat upang bumaon sa lupa sa paghanap ng tubig at mga mineral at paglaladlad ng kanilang mga dahon upang masikatan ng liwanag ng araw. Ang mga ito ay kailangang gumulang at mamulaklak at mapahagis upang mapapunla ang kanilang binhi bago sila mamatay. Sila’y nagsisigawa ngunit hindi nag-aalala. Ang Diyos ay naglalaan para sa mga ibon at mga liryo. ‘Hindi ba lalo niyang paglalaanan kayo, kayong may kakaunting pananampalataya?’​—Mateo 6:30.

13. (a) Bakit angkop para kay Jesus na gumamit ng isang sikong pansukat nang banggitin ang tungkol sa pagpapahaba ng buhay ng isang tao? (b) Papaanong ang iyong buhay ay mapahahaba mo nang walang-hanggang milyun-milyong milya, wika nga?

13 Kaya sumampalataya. Huwag mabalisa. Hindi dahil sa pagkabalisa ay mababago ang anuman. “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa,” ang tanong ni Jesus “ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” (Mateo 6:27) Ngunit bakit ba iniugnay ni Jesus ang isang pisikal na sukat ng distansya, isang siko, sa isang sukat ng panahon sa haba ng buhay? Marahil dahilan sa malimit sa Bibliya ang haba ng buhay ng mga tao ay inihahalintulad sa isang paglalakbay, gumagamit ng mga pananalitang gaya ng “ang daan ng mga makasalanan,” “ang landas ng matuwid,” isang ‘maluwang na daan tungo sa kapahamakan,’ at isang ‘makipot na daan tungo sa buhay.’ (Awit 1:1; Kawikaan 4:18; Mateo 7:13, 14) Ang pagkabalisa tungkol sa araw-araw na pangangailangan ay hindi makapagpapahaba sa buhay ng isang tao nang kahit na isang kudlit, “isang siko,” wika nga. Ngunit may paraan upang mapahaba ang iyong buhay nang walang-hanggang milyun-milyong milya, wika nga. Hindi sa pagiging balisa at pagsasabing: “Ano ang aming kakanin?” o “Ano ang aming iinumin?” o “Ano ang aming daramtin?” Kundi sa pagkakaroon ng pananampalataya at paggawa ng sinasabi sa atin ni Jesus na gawin natin: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”​—Mateo 6:31-33.

Pagtatamo sa Kaharian ng Diyos at sa Kaniyang Katuwiran

14. (a) Ano ba ang tema ng Sermon sa Bundok? (b) Sa anong maling paraan hinanap ng mga eskriba at mga Fariseo ang Kaharian at ang katuwiran?

14 Sa pambungad na pangungusap ng kaniyang Sermon sa Bundok, tinukoy ni Jesus ang Kaharian ng langit bilang pag-aari ng mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan. Sa ikaapat na pangungusap, sinabi niya na yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay sasapatan sa kanilang pangangailangang ito. Dito ang Kaharian at ang katuwiran ni Jehova ang inilalagay ni Jesus na una. Ang mga ito ang tema ng Sermon sa Bundok. Ang mga ito ang sagot sa pangangailangan ng lahat ng tao. Subalit sa pamamagitan ng ano natatamo ang Kaharian ng Diyos at ang katuwiran ng Diyos? Papaano natin patuloy na hinahanap ang mga ito? Hindi sa paraan ng mga eskriba at mga Fariseo. Kanilang hinanap ang Kaharian at ang katuwiran sa pamamagitan ng Kautusang Mosaiko, na inaangkin nilang saklaw pati ang mga sali’t saling sabi, yamang sila’y naniniwala na ang kapuwa nasusulat na Kautusan at ang mga sali’t saling sabi ay ibinigay ng Diyos kay Moises sa Bundok Sinai.

15. (a) Sang-ayon sa mga Judio, kailan nagsimula ang kanilang mga sali’t saling sabi, at papaano nila itinaas ang mga iyan nang mataas pa sa nasusulat na Kautusang Mosaiko? (b) Kailan talagang nagsimula ang mga sali’t saling sabing ito, at ano ang naging epekto sa Kautusang Mosaiko?

15 Ang kanilang sali’t saling sabi tungkol dito ay may ganitong sinasabi: “Tinanggap ni Moises ang Kautusan [talababa, “Ang ‘Bibigang Kautusan’ ”] buhat sa Sinai at ibinigay iyon kay Josue at ibinigay naman ni Josue sa mga matatanda, at ibinigay ng matatanda sa mga Propeta; at ibinigay naman ng mga Propeta sa mga lalaki ng Dakilang Sinagoga.” Nang sumapit ang panahon ang kanilang bibigang kautusan ay napataas pa nang higit kaysa nasusulat na Kautusan: “[Kung] kaniyang susuwayin ang mga salita ng [nasusulat na] Kautusan, siya’y hindi nagkakasala,” ngunit kung “siya’y nagdaragdag sa mga salita ng mga Eskriba [mga sali’t saling sabi], siya ay nagkakasala.” (Mishnah) Ang kanilang mga sali’t saling sabi ay hindi nagmula sa Sinai. Sa katunayan, ang mga ito ay nagsimulang dumami nang mabilis mga dalawang siglo pa bago kay Kristo. Ang mga ito ay nagdagdag, nagbawas, sa nasusulat na Kautusang Mosaiko at iyon ay niwalang-kabuluhan.​—Ihambing ang Deuteronomio 4:2; 12:32.

16. Papaano matatamo ng sangkatauhan ang katuwiran ng Diyos?

16 Ang katuwiran ng Diyos ay natatamo hindi sa pamamagitan ng Kautusan kundi hiwalay dito: “Sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman ang aariing matuwid sa harap niya, sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay nagkakaroon ng tumpak na kaalaman ng kasalanan. Datapuwat ngayon hiwalay sa kautusan ay nahayag ang katuwiran ng Diyos, na sinasaksihan ng Kautusan at ng mga Propeta; oo, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo.” (Roma 3:20-22) Samakatuwid ang katuwiran ng Diyos ay natatamo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Jesus​—ito ay sapat na “pinatotohanan ng Kautusan at ng mga Propeta.” Ang Mesiyanikong mga hula ay natupad kay Jesus. Kaniya ring tinupad ang Kautusan; iyon ay inalis na sa pamamagitan ng pagpapako niyaon sa kaniyang pahirapang tulos.​—Lucas 24:25-27, 44-46; Colosas 2:13, 14; Hebreo 10:1.

17. Sang-ayon kay apostol Pablo, papaano hindi nakilala ng mga Judio ang katuwiran ng Diyos?

17 Sa gayon, si apostol Pablo ay sumulat tungkol sa pagkabigo ng mga Judio sa paghanap ng katuwiran: “Sapagkat ako’y nagpapatotoo na masigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman; sapagkat, dahilan sa di-pagkaalam ng katuwiran ng Diyos kundi sa paghahangad na maitayo ang sa kanilang sarili, hindi sila napasakop sa katuwiran ng Diyos. Sapagkat si Kristo ang katapusan ng Kautusan, upang bawat sumasampalataya ay mapasa-matuwid.” (Roma 10:2-4) Si Pablo ay sumulat din tungkol kay Kristo Jesus: “Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin, upang tayo’y maging katuwiran ng Diyos sa pamamagitan niya.”​—2 Corinto 5:21.

18. Sa “Kristong ibinayubay,” papaano ang pagkakilala ng mga Judiong nagtataguyod ng sali’t saling sabi, ng mga pilosopong Griego, at “sa mga tinawag”?

18 Ang tingin ng mga Judio sa isang naghihingalong Mesiyas ay isang mahina na walang kabuluhan. Ang mga pilosopong Griego ay nanlibak sa ganoong Mesiyas at itinuring na iyon ay kamangmangan. Gayumpaman, iyon ay gaya ng ipinahayag ni Pablo: “Kapuwa ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda at ang mga Griego ay humahanap ng karunungan; ngunit ipinangangaral namin si Kristong ibinayubay sa tulos, sa mga Judio ay katitisuran ngunit sa mga bansa ay kamangmangan; subalit, sa mga tinawag, kapuwa mga Judio at mga Griego, si Kristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay lalong marunong kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay malakas kaysa mga tao.” (1 Corinto 1:22-25) Si Kristo Jesus ay isang kapahayagan ng kapangyarihan at karunungan ng Diyos at siyang paraan ng pagkatatag ng katuwiran ng Diyos at pagbibigay ng buhay na walang-hanggan sa masunuring mga tao. “Sa sinumang iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.”​—Gawa 4:12.

19. Ano ang ipakikita ng susunod na artikulo?

19 Ang susunod na artikulo ay magpapakita na kung ibig nating makaligtas sa pagkapuksa at magtamo ng buhay ng walang-hanggan, patuloy na hanapin natin ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. Iyan ay kailangang gawin hindi lamang sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ni Jesus kundi rin naman sa pamamagitan ng paggawa ng mga iyan.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Ano ang ginagawa ng mga Judiong relihiyonista sa kanilang mga kaloob na pagkakawanggawa, mga panalangin, at mga pag-aayuno?

◻ Saan ang ligtas na dako para pagtaguan ng iyong kayamanan?

◻ Bakit tayo’y dapat umiwas sa pagkabalisa tungkol sa ating mga materyal na pangangailangan?

◻ Anong maling pag-aangkin tungkol sa pinagmulan ng kanilang mga sali’t saling sabi ang ipinahayag ng mga Judio?

◻ Sa pamamagitan ng ano matatamo ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran?

[Larawan sa pahina 16]

Ang mga Fariseo ay mahilig manalangin na nakatayo sa mga panulukang daan, na kung saan sila’y makikita ng mga tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share