Masada—Bakit Nangyari Iyon?
“MAGMULA noon, kaming matatapang na magkakasama, kami’y desididong huwag maglingkod sa mga Romano ni sa kanino pa man kundi sa Diyos lamang . . . Halikayo, habang ang ating mga kamay ay malayang makahahawak ng tabak . . . Tayo’y magpakamatay bago maging mga alipin ng ating mga kaaway, at sama-samang lisanin natin ang buhay na ito bilang malalayang lalaki kasama ang ating mga anak at mga asawa!”
Ang salat sa pag-asang pananawagang ito ay iniulat na ibinigay ni Eleazar, anak ni Jair (o Ben Ya’ir), sa mga tagapagtanggol ng Masada. Ito’y isinulat ng unang-siglong historyador na si Josephus sa kaniyang aklat na The Jewish War. Bakit ang lider na Judiong iyan ay nagpayo sa kaniyang mga kasamahan na sila’y lansakang mamaslang at magpatiwakal, na labag sa kautusan ng Diyos? (Exodo 20:13) Higit sa lahat, papaanong ang kaalaman sa mga kalagayan ay tutulong sa iyo na makaligtas sa kasalukuyang marahas na sanlibutan?
Ang mga Lalaking De-Punyal ng Masada
Bago sumiklab ang paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E., isang garisong Romano ang nakahimpil sa Masada, isang nakukutaang taluktok ng burol malapit sa Dagat na Patay. Bagaman ang Masada ay nasa ilang na lugar, si Herodes na Dakila ay nagpatayo roon ng isang magandang palasyong pantaglamig. Siya’y nagpatayo ng isang sistema ng poso upang magkaroon doon ng mainit na tubig na maipaliligo. Datapuwat, higit na maselan, sa ilalim ng pananakop ng mga Romano sa kuta ay may nakatagong isang malaking sisidlan ng mga armas. Nang mag-alab ang damdamin laban sa mga Romanong sumasakop sa Palestina, ang mga armas ay nanganib na mahulog sa kamay ng mga rebolusyonaryong Judio. Isa sa gayong grupo ay ang Sicarii, na ang ibig sabihin ay “mga lalaking de-punyal,” binanggit sa Bibliya bilang mga kasangkot sa isang paghihimagsik.—Gawa 21:38.
Noong 66 C.E. ang mga lalaking de-punyal ang bumihag sa Masada. Sa pamamagitan ng kanilang bagong katitipong mga armas, sila’y nagmartsa sa Jerusalem sa pagtangkilik sa paghihimagsik laban sa pamamahala ng Roma. Ang ginawang pamamaslang ng mga rebolusyonaryong Judio sa mga garisong Romano sa kapuwa Masada at Jerusalem ang pumukaw ng poot ng Imperyong Romano laban sa kanilang mga kababayan. Bago natapos ang 66 C.E., ang Ikalabindalawang Lehiyong Romano sa ilalim ni Cestius Gallus ay nagmartsa papasók sa Judea at nagkampamento sa labas ng Jerusalem. Sa lahat ng panig ay inatake ng mga Romano ang lunsod at sila’y humantong hanggang sa pagsira sa hilagang mga pundasyon ng templo. Biglang-biglang umurong si Gallus at ang kaniyang mga tropa at sa walang anumang malinaw na dahilan ay nilisan nila ang Judea. “Kung siya’y nagtiyaga lamang ng kaunti pa marahil ay nabihag niya karakaraka ang Lunsod,” ang isinulat ng mismong nakasaksing si Josephus.
Ngunit ang mga Romano ay hindi pa nagtatapos. Makalipas ang apat na taon ang heneral na Romanong si Tito ay nagmartsa patungo sa Jerusalem kasama ang apat na lehiyon.a Noon ay napuksa ang buong lunsod, at ang Judea ay muling sumailalim ng mabagsik na pamamahala ng Roma. Lahat maliban sa Masada.
Palibhasa’y desididong durugin ang huling moog na ito ng mga lumalaban, ang ginawa ng mga Romano ay pinalibutan ang kuta ng isang makapal na pader na bato at walong kampo na pinaderan ng bato. Sa wakas ay nagtayo sila ng isang rampa ng lupa na patungo sa taluktok—isang gawang-taong de-klibe na may habang 197 metro at may taas na 55 metro! Dito ay nagtayo sila ng isang tore at nagpuwesto ng isang battering ram para sa pagbutas sa pader ng Masada. Panahon lamang ang kailangan bago ang mga kawal-Romano ay dumagsa at sakupin ang huling kutang ito ng Judea!
Sa ngayon ang malinaw na balangkas ng mga kampong Romano, ang nakapalibot na pader na kumukubkob, at ang malapad na rampa ay nagpapatotoo tungkol sa kung papaano natapos ang paghihimagsik ng mga Judio. Isang puspusang paghuhukay ng mga arkeologo sa Masada ang natapos noong 1965. Tungkol sa mga natuklasan, ganito ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica (1987): “Ang mga paglalarawang ginawa ng Romanong-Judiong mananalaysay na si Josephus, na hanggang noon ay siya lamang detalyadong pinagkukunan ng kasaysayan ng Masada, ay nasumpungan na lubhang may kawastuan.”
Subalit nang mga sandaling ang mga Romano’y makakalusot na lamang sa mga pader, papaano nga ang iginawi ng mga lalaking de-punyal sa talumpati ng pagpapatiwakal na binigkas ni Eleazar, anak ni Jair? Ganito ang ulat ni Josephus: “Lahat ay sabay-sabay na nagligpit sa kani-kanilang pamilya; . . . pagkatapos, nang mapili na nila ang sampung lalaki sa pamamagitan ng palabunutan upang maging berdugo ng nalalabi pa, bawat isa’y humigang kasiping ng kaniyang asawa at mga anak, at, pagkatapos na yakapin sila, ang kanilang mga lalamunan ay inihantad sa mga taong magsisilbing tagapagsagawa ng masaklap na tungkulin.b Itong huli ang walang lingon-likod na pumaslang sa kanilang lahat, pagkatapos ay sinundan ng gayunding kilos ng isa’t isa, . . . ngunit isang matandang babae, kasama ang isa pa . . . ang nakatakas . . . Ang mga biktima ay may bilang na siyam na raan at animnapu, kasali na ang mga babae at mga bata.”
Bakit nga napakalagim ang naging wakas ng paghihimagsik ng mga Judio? Ito ba ay may kinalaman sa buhay at kamatayan ni Jesus ng Nasaret?
[Mga talababa]
a Sa Masada, nakatagpo ang mga arkeologo ng daan-daang mga barya na may nakaguhit sa Hebreo na tumutukoy sa selebrasyon ng paghihimagsik, tulad halimbawa ng “Ukol sa kalayaan ng Sion” At “Jerusalem na Banal.” Si Dr. Yigael Yadin sa kaniyang aklat na Masada ay nagpapaliwanag: “Ang mga siko na natuklasan namin ay kumakatawan sa lahat ng mga taon ng paghihimagsik, mula sa taóng uno hanggang sa totoong pambihirang taóng lima, ang huling taon nang mawalang-bisa ang siklo, katumbas ng taóng 70 AD nang ang Templo ng Jerusalem ay mawasak.” Pansinin ang barya sa itaas.
b Sa isang estratehikong lugar malapit sa isa sa mga pintuan ng Masada, 11 maliliit na piraso ng nabasag na palayok ang natuklasan, na may maikling palayaw na Hebreo na nakasulat sa bawat isa. May mga iskolar na nagsasabing baka ang mga pira-pirasong ito ang tinutukoy ni Josephus. Ang nakasulat sa isa ay “Ben Ya’ir,” na ang ibig sabihin “anak ni Jairus.” “Ang pagkatuklas ni Yadin ng mga piraso, kasali na ang isa na may nakasulat na pangalang Ben Jair, ay isang nakalalagim na patunay sa pag-uulat ni Josephus,” ang sabi ni Louis Feldman sa Josephus and Modern Scholarship.
[Larawan sa pabalat]
Masada—Patotoo ba na Naparito na ang Mesiyas?
[Larawan sa pahina 4]
Isang Judiong barya noong 67 C.E., na bumabanggit sa “Taóng 2” ng pakikidigma sa Roma
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.