May Kagantihan ang Tunay na Pag-ibig
“Hindi liko ang Diyos upang limutin ang inyong mga gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa kaniyang pangalan.”—HEBREO 6:10.
1, 2. Bakit ang tunay na pag-ibig ay may dalang personal na kagantihan sa atin?
ANG walang-imbot na pag-ibig ang pinakadakila, pinakamarangal, pinakamahalagang katangian na maaari nating maipakita. Ang pag-ibig na ito (Griego, a·gaʹpe) ay di-nagbabago ang malaking kahilingan sa atin. Ngunit dahilan sa tayo’y nilalang ng isang Diyos ng katarungan at pag-ibig, ating nakikita na ang walang-imbot na pag-ibig ay tunay ngang may kagantihan. Bakit nga ganito?
2 Ang isang dahilan kung bakit may dalang kagantihan ang tunay na pag-ibig ay may kinalaman sa simulaing saykosomatiko, ang epekto ng mga kaisipan at mga emosyon sa ating katawan. Isang autoridad sa kaigtingan ang nagsabi: “ ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa’ ang isa sa pinakapantas na payo ng mga manggagamot na kailanma’y naibigay.” Oo, “ang taong maawain ay gumagawa ng mabuti sa kaniyang sariling kaluluwa.” (Kawikaan 11:17) May nahahawig na kahulugan ang mga salitang: “Ang kaluluwang mapagbigay ay sa kaniyang sarili tataba, at siyang saganang dumidilig sa iba sa ganang sarili niya ay saganang didiligin.”—Kawikaan 11:25; ihambing ang Lucas 6:38.
3. Papaano kumikilos ang Diyos upang gantihin ang tunay na pag-ibig?
3 Ang pag-ibig ay may kagantihan din naman sapagkat ginaganti ng Diyos ang kawalang-imbot. Ating mababasa: “Siyang nagpapakita ng awa sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran [ng Diyos] sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Ang mga Saksi ni Jehova ay kumikilos na kasuwato ng mga salitang ito pagka kanilang inihahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Batid nila na ‘hindi liko ang Diyos upang limutin ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakita nila sa kaniyang pangalan.’—Hebreo 6:10.
Ang Ating Pinakamainam na Halimbawa
4. Sino ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa na ang tunay na pag-ibig ay may kagantihan, at papaano niya ginawa iyon?
4 Sino ang nagpapakita ng pinakamainam na halimbawa na may kagantihan ang tunay na pag-ibig? Aba, ito’y walang iba kundi ang Diyos mismo! “Gayon na lamang ang pag-ibig [niya] sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” (Juan 3:16) Ang pagbibigay ng kaniyang Anak upang yaong mga tatanggap sa haing pantubos na iyan ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan ay tiyak na pinagkagastahan ni Jehova nang napakalaki, at iyon ay malinaw na nagpapakitang siya’y may pag-ibig at gayundin may empatiya. Ito’y ipinakikita pa rin ng bagay na ‘sa panahon ng kadalamhatian ng Israel sa Ehipto, iyon ay nagdulot sa kaniya ng pagdadalamhati.’ (Isaias 63:9) Hindi baga lalong malaking dalamhati ang idinulot kay Jehova nang pagkakitang ang kaniyang Anak ay nagdurusa sa pahirapang tulos at marinig siyang naghihimutok ng: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”—Mateo 27:46.
5. Ano ang naganap dahil sa napakalaking pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kung kaya’t ibinigay niya ang kaniyang Anak bilang isang hain?
5 Ang kaniya bang sariling pagpapahayag ng tunay na pag-ibig ay nagdulot kay Jehova ng kagantihan? Tunay na tunay na gayon nga. Unang-una, anong tinding kasagutan ang mukhaang naisumbat ng Diyos sa Diyablo dahilan sa pinatunayan ni Jesus na siya’y tapat sa kabila ng lahat ng naaring gawin ni Satanas sa kaniya! (Kawikaan 27:11) Sa katunayan, lahat ng maisasagawa ng Kaharian ng Diyos na pag-aalis ng upasala sa pangalan ni Jehova, pagsasauli ng Paraiso sa lupang ito, at pagbibigay sa milyun-milyon ng buhay na walang-hanggan ay magaganap sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kung kaya’t ibinigay niya ang pinakamamahal na kayamanan ng kaniyang puso bilang isang hain.
Ang Mainam na Halimbawa ni Jesus
6. Ang pag-ibig ay nag-udyok kay Jesus na gawin ang ano?
6 Ang isa pang mainam na halimbawa na nagpapatunay na may kagantihan ang tunay na pag-ibig ay yaong sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Kaniyang iniibig ang kaniyang makalangit na Ama, at ang pag-ibig na iyan ang nag-udyok kay Jesus na gawin ang kalooban ni Jehova anuman ang mangyari. (Juan 14:31; Filipos 2:5-8) Si Jesus ay patuloy na nagpakita ng kaniyang pag-ibig sa Diyos kahit na kung minsan ay nangangahulugan iyan na siya’y kailangang magmakaawa sa kaniyang Ama “taglay ang matinding paghihimutok at pagluha.”—Hebreo 5:7.
7. Sa papaano napatunayan ni Jesus na may kagantihan ang tunay na pag-ibig?
7 Si Jesus ba ay ginanti sa gayong pag-ibig na mapagsakripisyo sa sarili? Tunay nga na siya’y tumanggap ng kagantihan! Isipin ang kagalakan na natamo niya buhat sa lahat ng mabubuting bagay na kaniyang ginawa sa panahon ng kaniyang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo. Anong laki ng naitulong niya sa mga tao sa espirituwal at sa pisikal! Higit sa lahat, sa pagpapakita na ang isang taong sakdal ay lubusang makapananatili sa katapatan sa Diyos sa kabila ng lahat ng maaaring idulot sa kaniya ni Satanas, si Jesus ay nagkaroon ng kasiyahan ng pagpapatunay na sinungaling ang Diyablo. Isa pa, bilang isang tapat na lingkod ng Diyos, tinanggap ni Jesus ang dakilang gantimpalang pagkawalang-kamatayan pagkatapos na buhayin siya ukol sa buhay sa langit. (Roma 6:9; Filipos 2:9-11; 1 Timoteo 6:15, 16; Hebreo 1:3, 4) At anong kagila-gilalas na mga pribilehiyo ang naghihintay sa kaniya sa Armagedon at sa panahon ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, pagka ang Paraiso ay naisauli na sa lupa at bilyun-bilyon ang binuhay na sa mga patay! (Lucas 23:43) Walang anumang alinlangan na napatunayan ni Jesus na may kagantihan ang tunay na pag-ibig.
Ang Halimbawa ni Pablo
8. Ano ang naging karanasan ni Pablo dahilan sa kaniyang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang kapuwa-tao?
8 Si apostol Pedro ay nagtanong kay Jesus noong minsan: “Narito! Iniwan namin ang lahat ng bagay at kami’y nagsisunod sa iyo; ano nga ba ang mapapala namin?” Sa isang bahagi, si Jesus ay tumugon: “Bawat isang nag-iwan ng mga bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ama o ina o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan ay tatanggap ng makapupong higit pa at magmamana ng buhay na walang-hanggan.” (Mateo 19:27-29) Tayo’y may isa pang mariing halimbawa nito kay apostol Pablo, na nagtamasa ng maraming pagpapala, gaya ng iniulat lalung-lalo na ni Lucas sa aklat na Mga Gawa. Ang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang kapuwa ang nag-udyok kay Pablo na iwanan ang kaniyang karera bilang isang dinarakilang Fariseo. Pag-isipan din ang mga bagay na tiniis ni Pablo na mga panggugulpi, halos kamatayan, mga panganib, at mga kahirapan—pawang dahilan sa tunay na pag-ibig sa Diyos at sa banal na paglilingkod sa Kaniya.—2 Corinto 11:23-27.
9. Papaano ginantimpalaan si Pablo sa pagpapakita ng tunay na pag-ibig?
9 Si Pablo ba ay ginantimpalaan ni Jehova dahilan sa pagiging isang mainam na halimbawa sa pagpapakita ng tunay na pag-ibig? Bueno, pag-isipan kung papaano naging mabunga ang ministeryo ni Pablo. Siya’y nakapagtatag ng sunud-sunod na kongregasyong Kristiyano. At anong daming himala ang pinapangyari ng Diyos na maisagawa niya! (Gawa 19:11, 12) Si Pablo ay nagkaroon din ng pribilehiyo na tumanggap ng kahima-himalang mga pangitain at sumulat ng 14 na mga liham na ngayo’y bahagi ng Kasulatang Griegong Kristiyano. Sa kasukdulan ng lahat ng ito, siya’y pinagkalooban ng gantimpalang pagkawalang-kamatayan sa langit. (1 Corinto 15:53, 54; 2 Corinto 12:1-7; 2 Timoteo 4:7, 8) Tiyak na napatunayan ni Pablo na ginagantimpalaan ng Diyos ang tunay na pag-ibig.
Ang Tunay na Pag-ibig ay May Kagantihan sa Ating Kaarawan
10. Ano ang maaaring maging kapalit upang maging mga alagad ni Jesus at maipahayag ang ating pag-ibig kay Jehova?
10 Napatunayan din ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon na ang tunay na pag-ibig ay may kagantihan. Baka sa pagpapahayag ng ating pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng ating paninindigan sa kaniyang panig at pagiging mga alagad ni Jesus ay maging kapalit ang ating buhay bilang mga tapat. (Ihambing ang Apocalipsis 2:10.) Kaya naman sinabi ni Jesus na tayahin muna natin ang magugugol. Ngunit hindi natin ginagawa iyan upang matiyak kung ang pagiging isang alagad ay may kagantihan o wala. Bagkus, ginagawa natin iyan upang tayo’y maging handa na gugulin ang anumang hinihingi ng pagkaalagad.—Lucas 14:28.
11. Bakit ang iba’y hindi nag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos?
11 Sa ngayon marami—tiyak na milyun-milyon—ang naniniwala sa mensahe na dinadala sa kanila ng mga Saksi ni Jehova buhat sa Salita ng Diyos. Ngunit sila’y umuurong ng pag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos at hindi napababautismo. Ito kaya ay dahil sa wala silang tunay na pag-ibig sa Diyos na gaya ng taglay ng iba? Marami ang hindi kumukuha ng mga hakbang ng pag-aalay at bautismo sapagkat ibig nilang manatiling may pagsang-ayon ng isang kabiyak na di-sumasampalataya. Ang iba naman ay hindi nagsisilapit sa Diyos sapagkat mayroon sila ng saloobin ng isang mangangalakal na nagsabi sa isang Saksi: “Gusto ko ang kasalanan.” Maliwanag, ang gayong mga tao ay hindi nagpapahalaga sa lahat ng ginawa para sa kanila ng Diyos at ni Kristo.
12. Ano ang sinabi ng magasing ito na nagtatampok sa kagantihan ng kaalaman na lalong naglalapit sa atin sa Diyos sa tunay na pag-ibig?
12 Kung tayo’y may tunay na pagpapahalaga sa lahat ng ginawa para sa atin ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo, ito’y ating ipakikita sa pamamagitan ng kusang paggugol ng anuman upang makapaglingkod sa ating makalangit na Ama at maging isa sa mga alagad ni Jesus. Dahilan sa tunay na pag-ibig sa Diyos, ang mga lalaki at mga babae sa lahat ng baytang ng buhay—matagumpay na mga mangangalakal, prominenteng mga manlalaro, at iba pa—ay nagbago ng kanilang mga karerang makasarili at ministeryong Kristiyano ang inihalili roon, gaya ng ginawa ni apostol Pablo. At kanilang itinakuwil ang lahat kapalit ng kagantihan ng pagkakilala at paglilingkod sa Diyos. Sa bagay na ito, minsan ay sinabi ng The Watch Tower: “Kung minsan ay naitatanong namin, Ilang mga kapatid ang papayag na tumanggap ng isang libong dolyar para sa nalalaman nila tungkol sa Katotohanan? Walang sinumang nagtaas ng kamay! Sino ang papayag na tumanggap ng sampung libong dolyar? Wala! Sino ang tatanggap ng isang milyong dolyar? Sino ang tatanggap sa buong sanlibutan kapalit ng kaniyang nalalaman tungkol sa Diyos at sa Plano ng Diyos? Wala isa man! Pagkatapos ay sinabi namin, Kayo ay hindi yaong pulutong na totoong diskontento, mahal na mga kaibigan. Kung inaakala ninyong kayo’y totoong mayaman na anupa’t hindi kayo tatanggap ng anuman bilang kapalit ng inyong kaalaman sa Diyos, kung gayo’y inaakala ninyong kayo’y kasingyaman namin.” (Disyembre 15, 1914, pahina 377) Oo, ang tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga layunin ang lalong naglalapit sa atin sa kaniya sa tunay na pag-ibig na totoong may kagantihan.
13. Papaano natin dapat malasin ang personal na pag-aaral?
13 Kung ating iniibig ang Diyos, tayo’y magsusumikap na makilala siya at gawin ang kaniyang kalooban. (1 Juan 5:3) Magkakaroon tayo ng isang seryosong pangmalas sa personal na pag-aaral, panalangin, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Lahat na ito ay nangangailangan ng pagsasakripisyo-sa-sarili, sapagkat ang mga gawaing ito ay nangangailangan na gugulan ng panahon, lakas, at iba pang mga tinatangkilik. Baka tayo’y kailangang pumili sa pagitan ng panonood ng isang palabas sa telebisyon at pagsasagawa ng personal na pag-aaral sa Bibliya. Ngunit gaano ang inilalakas ng ating espirituwalidad, gaano ang inihuhusay ng ating kakayahang magpatotoo sa iba, at gaano nga ang higit pang napapakinabang natin sa mga pulong Kristiyano pagka ang gayong pag-aaral ay ginawa nating seryoso at gumugol tayo ng isang sapat na panahon para roon!—Awit 1:1-3.
14. Gaano kahalaga ang panalangin at ang isang mabuting relasyon sa Diyos na Jehova?
14 Tayo ba’y regular na naliligayahan ng pakikipag-usap sa ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng ‘pagtitiyaga sa pananalangin’? (Roma 12:12) O tayo baga’y malimit na lubhang abala upang bigyan ng panahon ang mahalagang pribilehiyong ito? ‘Pananalanging walang patid’ ang mahalagang paraan upang mapatibay ang ating relasyon sa Diyos na Jehova. (1 Tesalonica 5:17) At walang anumang maipapantay sa isang mabuting relasyon kay Jehova upang makatulong sa atin pagka tayo’y nakaharap sa mga pagsubok. Ano ba ang tumulong kay Jose na paglabanan ang tukso buhat sa asawa ni Potiphar? At bakit si Daniel ay hindi huminto ng pananalangin nang pagbawalan siya ng kautusan ng mga Medo at ng mga Persiyano na manalangin kay Jehova? (Genesis 39:7-16; Daniel 6:4-11) Aba, ang isang mabuting relasyon sa Diyos ang tumulong sa mga taong ito na magtagumpay, gaya rin kung papaano tutulong sa atin ito na magtagumpay!
15. Papaano natin dapat malasin ang mga pulong Kristiyano, at bakit?
15 Kung gayon, gaano bang kaseryoso tayo tungkol sa pagdalo sa ating limang lingguhang mga pulong? Pinapayagan ba nating ang pagkapagod, ang bahagyang karamdaman, o ang medyo masungit na panahon ay makahadlang sa ating obligasyon na huwag pabayaan ang pagkakatipon kasama ng ating mga kapananampalataya? (Hebreo 10:24, 25) Nakita ng isang malaki-kita na makinistang Amerikano na ang kaniyang trabaho ay paulit-ulit na nakahahadlang sa kaniyang pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Kaya kaniyang binago ang kaniyang trabaho, anupa’t siya’y pumayag na mabawasan nang malaki ang kaniyang kita upang makadalo nang palagian sa lahat ng mga pulong sa kongregasyon. Sa ating mga pulong ay nasisiyahan tayo na tumanggap ng pampatibay-loob at magbigay rin naman nito sa iba at magpalakasan ng pananampalataya ng isa’t isa. (Roma 1:11, 12) Sa lahat ng mga bagay na ito, hindi ba napatutunayan natin na “siyang naghahasik nang sagana ay mag-aani rin naman nang sagana”? (2 Corinto 9:6) Oo, ang pagpapakita ng tunay na pag-ibig sa gayong mga paraan ay nagbibigay ng malaking kagantihan.
Ang Tunay na Pag-ibig at ang Ating Ministeryo
16. Ano ang maaaring maging resulta pagka inudyukan tayo ng pag-ibig na magpatotoo sa impormal na paraan?
16 Ang tunay na pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na mangaral ng mabuting balita bilang mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, ito’y nag-uudyok sa atin na lumahok sa impormal na pagpapatotoo. Baka tayo’y nag-aatubiling magbigay ng impormal na patotoo, ngunit ang pag-ibig ang pupukaw sa atin na magsalita. Oo, ang pag-ibig ang tutulong sa atin na umisip ng mataktikang mga paraan upang makapagsimula ng isang pag-uusap at pagkatapos ay idirekta iyon sa Kaharian. Bilang paghahalimbawa: Sa isang eroplano, isang elder (matanda) na Kristiyano ang may nakatabing isang paring Romanong Katoliko. Sa una, ibinangon ng elder sa pari ang mga katanungan na hindi nakasasakit. Gayunman, nang dumating ang sandaling ang pari’y bababa na sa eroplano, ang kaniyang interes ang nag-udyok sa kaniya na kumuha ng dalawa nating aklat. Anong inam na resulta ang ibinunga ng gayong impormal na pagpapatotoo!
17, 18. Ang pag-ibig ay mag-uudyok sa atin na gawin ang ano kung tungkol sa ministeryong Kristiyano?
17 Ang tunay na pag-ibig ay mag-uudyok din sa atin na palagiang makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay at sa iba pang anyo ng ministeryong Kristiyano. Hanggang sa sukdulang nagagawa natin na makipagtalakayan sa Bibliya, ating madadalhan ng karangalan ang Diyos na Jehova at matutulungan ang tulad-tupang mga tao na lumakad sa daan na patungo sa buhay na walang-hanggan. (Ihambing ang Mateo 7:13, 14.) Kahit na kung tayo’y hindi magkaroon ng mga pakikipagtalakayan sa Bibliya, ang ating mga pagsisikap ay hindi mawawalang-kabuluhan. Ang mismong pagdalaw natin sa mga tahanan ng mga tao’y nagsisilbing isang patotoo, at tayo mismo ay nakikinabang sa ministeryo, sapagkat hindi natin maihahayag ang mga katotohanan sa Bibliya nang hindi pinalalakas ang ating pananampalataya. Totoo, kailangan ang pagpapakumbaba upang makapagbahay-bahay, na ‘ginagawa ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang tayo’y maging mga tagapagbahagi niyaon sa iba.’ (1 Corinto 9:19-23) Ngunit dahilan sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa-tao, mapakumbabang tayo’y gumagawa ng pagsisikap at ginaganti ng saganang pagpapala.—Kawikaan 10:22.
18 Nangangailangan din ng tunay na pag-ibig upang ang mga lingkod ni Jehova ay maging masikap ng pagdalaw-muli sa mga taong interesado sa katotohanan ng Bibliya. Ang pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya patuloy linggu-linggo at buwan-buwan ay isang kapahayagan ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, sapagkat ang gawaing ito’y nangangailangan ng paggugol ng panahon, lakas, at materyal na tinatangkilik. (Marcos 12:28-31) Sa kabila nito, pagka nakita natin na ang isa sa mga mag-aarál na ito ng Bibliya ay napabautismo at marahil pumasok sa buong-panahong ministeryo, hindi ba tayo kumbinsido na ang tunay na pag-ibig ay may kagantihan?—Ihambing ang 2 Corinto 3:1-3.
19. Ano ang kaugnayan ng pag-ibig at ng buong-panahong paglilingkod?
19 Ang walang-imbot na pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na isakripisyo ang materyal na mga kaginhawahan alang-alang sa buong-panahong paglilingkod kung iyon ay magagawa natin na lumahok sa gayong gawain. Libu-libong mga Saksi ang makapagpapatotoo na ang gayong pagpapahayag ng kanilang pag-ibig ay may pinakamalaking kagantihan. Kung ang mga kalagayan ay nagpapahintulot sa iyo na makibahagi sa buong-panahong ministeryo ngunit hindi mo sinasamantala ang mga iyan, hindi mo talagang nalalaman kung anong mga pagpapala ang iyong pinalalampas.—Ihambing ang Marcos 10:29, 30.
May Kagantihan sa mga Ibang Paraan
20. Papaano tumutulong sa atin ang pag-ibig upang tayo’y maging mapagpatawad?
20 Ang isa pang paraan na nagbibigay ng kagantihan ang tunay na pag-ibig ay yaong tulong na ibinibigay nito sa atin na maging mapagpatawad. Oo, ang pag-ibig ay “hindi inaalumana ang masama.” Sa katunayan, “ang pag-ibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan.” (1 Corinto 13:5; 1 Pedro 4:8) Ang ‘karamihan’ ay nangangahulugan ng maraming kasalanan, di ba? At anong laking kagantihan na maging mapagpatawad! Pagka ikaw ay nagpatawad, ikaw at ang isang nagkasala laban sa iyo ay gumaganda ang pakiramdam. Ngunit higit na mahalaga ay yaong bagay na maliban sa tayo’y nagpatawad na sa mga nagkakasala laban sa atin, hindi natin maaasahan na patatawarin tayo ni Jehova.—Mateo 6:12; 18:23-35.
21. Papaano tumutulong sa atin ang tunay na pag-ibig upang tayo’y maging mapagpasakop?
21 Isa pa, ang tunay na pag-ibig ay may kagantihan dahil sa tinutulungan tayo na maging mapagpasakop. Kung ating iniibig si Jehova, tayo’y magpapakumbaba sa ilalim ng kaniyang makapangyarihang kamay. (1 Pedro 5:6) Ang pag-ibig sa kaniya ay magpapakilos din sa atin na pasakop sa kaniyang piniling kinakasangkapan, “ang tapat at maingat na alipin.” Kasali na rito ang pagiging mapagpasakop sa mga nangunguna sa kongregasyon. Ito’y may kagantihan sapagkat ang hindi paggawa ng gayon ay “makapipinsala” sa atin. (Mateo 24:45-47; Hebreo 13:17) Mangyari pa, ang simulaing ito ng pagiging mapagpasakop ay kumakapit din sa loob ng sambahayan. Ang gayong hakbangin ay may kagantihan sapagkat sa pamilya’y magbibigay ito ng kagalakan, ng kapayapaan, at ng pagkakasundu-sundo samantalang binibigyan tayo ng kasiyahan na kalakip ng pagkaalam na tayo ay nakalulugod sa Diyos.—Efeso 5:22; 6:1-3.
22. Papaano nga tayo magiging tunay na maligaya?
22 Kung gayon, maliwanag na ang pinakadakilang katangian na maaari nating pagyamanin ay ang a·gaʹpe, ang walang-imbot, na may simulaing uri ng pag-ibig. At walang bahagya mang pag-aalinlangan na ang tunay na pag-ibig ay may kagantihan. Kung gayon, tayo’y magiging tunay na maligaya nga kung ating pinagyayaman at ipinahahayag ang katangiang ito nang higit at higit sa ikaluluwalhati ng ating maibiging Diyos, si Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Sa anu-anong paraan nagpakita ang Diyos na Jehova ng tunay na pag-ibig?
◻ Papaano nagpakita ng pag-ibig si Jesu-Kristo?
◻ Anong halimbawa ang ipinamalas ni apostol Pablo sa pagpapakita ng tunay na pag-ibig?
◻ Papaano nagpapakita ang mga Saksi ni Jehova ng pag-ibig?
◻ Bakit mo masasabing ang tunay na pag-ibig ay may kagantihan?
[Larawan sa pahina 16]
Ang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan ang nagpakilos sa kaniya na ibigay ang kaniyang Anak upang tayo’y magtamo ng buhay na walang-hanggan. Iyo bang pinahahalagahan ang gayong tunay na pag-ibig?
[Larawan sa pahina 18]
Ang tunay na pag-ibig kay Jehova ang magpapakilos sa atin na “magmatiyaga sa pananalangin”