Manindigang Matatag sa Kalayaang Kristiyano!
Mga Tampok Buhat sa Mga Taga-Galacia
SI Jehova ang Diyos ng kalayaan. (2 Corinto 3:17) Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagsabi: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) At bilang pagtulad kay Kristo, ipinangaral ni apostol Pablo ang mabuting balita ng kalayaan.—Roma 6:18; 8:21.
Sa paghahayag ng mensaheng iyan na nagbibigay-kalayaan, itinatag ni Pablo ang mga kongregasyon ng Galacia (isang lalawigang Romano sa Asia Minor) sa panahon ng kaniyang unang paglalakbay misyonero (47-48 C.E.). Batid ng mga taga-Galacia ang pasiya ng lupong tagapamahala na ang pagtutuli ay hindi kahilingan sa mga Kristiyano. (Gawa 15:22-29) Ngunit ang mga tagapagtaguyod ng Judaismo ay nagsisikap na sila’y dalhin sa pagkaalipin sa pamamagitan ng paggigiit na sila’y magpatuli. Kaya idiniin ni Pablo ang kalayaang Kristiyano sa liham na kaniyang isinulat sa mga taga-Galacia buhat sa Corinto o Antioquia sa Syria humigit-kumulang 50-52 C.E. Halimbawa, sinabi niya: “Sa . . . kalayaan kaya tayo pinalaya ni Kristo. Manindigan nga kayong matatag, at huwag na kayong pasakop uli sa pamatok ng pagkaalipin.”—Galacia 5:1.
Ipinagtatanggol ni Pablo ang Kaniyang Pagka-Apostol
Una muna’y ipinakita ni Pablo na ang kaniyang pagka-apostol ay “sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng Diyos.” (1:1–2:14) Dahilan sa isang pagkahayag, si Pablo (kasama si Bernabe at si Tito) ay naparoon sa Jerusalem tungkol sa suliranin sa pagtutuli. Doon ay kinilala nina Santiago, Cephas (Pedro), at Juan na siya’y binigyang-kapangyarihan na maging isang apostol sa mga bansa. At nang si Pedro noong malaunan ay bumukod sa mga mananampalatayang Gentil sa Antioquia dahil sa siya’y nangangamba sa mga Kristiyanong Judio na galing sa Jerusalem, siya’y sinaway ni Pablo.
Papaano ba Inaaring Matuwid?
Iniharap din ng apostol ang mariing punto na tanging sa pananampalataya lamang kay Jesu-Kristo maaaring ariing matuwid ang isa. (2:15–3:29) Tinanggap ng mga taga-Galacia ang espiritu ng Diyos, hindi dahil sa mga gawa ng kautusan, kundi dahil sa pagtanggap sa mabuting balita taglay ang pananampalataya. Ang mga tunay na anak ni Abraham ay may pananampalataya, ngunit ang mga nagsisikap na patunayan na sila’y matuwid sa pamamagitan ng “mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa.” Bakit? Dahil sa hindi naman nila masunod na lahat ang Kautusan. Ang totoo, dahil sa Kautusan ay nahayag ang mga pagsalansang at nagsilbi iyon na isang “tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo.”
Manindigang Matatag!
Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, ‘pinalaya [ni Kristo] ang mga nasa ilalim ng kautusan.’ Ngunit ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang manindigang matatag sa kalayaang Kristiyano. (4:1–6:18) Kaya ang mga taga-Galacia ay kailangang sumalungat sa kaninumang nagsisikap na hikayatin sila na pailalim sa pamatok ng pagkaalipin. Isa pa, sila’y hindi dapat mag-abuso ng kanilang kalayaan kundi umiwas sa “mga gawa ng laman” at ang ipamalas ay ang bunga ng espiritu ng Diyos. Yaong mga naghahangad na sila’y paalipin sa Kautusan ay nagnanais na “magkaroon ng isang kalugud-lugod na anyo sa laman,” umiwas sa pag-uusig, at magkaroon ng dahilan ng pagmamapuri. Subalit, ipinakita ni Pablo na walang anuman ang pagtutuli ni ang di-pagtutuli. Bagkus, “ang isang bagong nilalang ang mahalaga.” Siya’y nanalangin na kapayapaan at kaawaan ang dumoon sa espirituwal na Israel, yaong mga kabilang sa bagong nilalang na iyon.
Ang liham ni Pablo sa mga taga-Galacia ay tumulong sa kanila na sumalansang sa mga naghahangad na umalipin sa kanila sa espirituwal. Harinawang ito’y tumulong din sa atin na magpakita ng mga bunga ng espiritu at manindigang matatag sa kalayaang Kristiyano.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Mga Nakaherong Tatak: “Sinuman ay huwag bumagabag sa akin,” ang isinulat ni Pablo, “sapagkat dala ko sa aking katawan ang mga nakaherong tatak ng isang alipin ni Jesus.” (Galacia 6:17) Sa gitna ng mga ilang sinaunang pagano, ang mga alipin ay nilalagyan ng hero upang makilala kung sino ang may-ari sa kanila. Sarisaring disenyo ang isinusunog o inihehero sa kanilang laman. Walang pagsala, ang maraming mga pisikal na pag-aabusong ginawa sa katawan ni Pablo dahilan sa kaniyang ministeryong Kristiyano ay nag-iwan ng mga pilat, na nagpapatotoo sa kaniyang pag-aangkin na siya’y isang tapat na alipin ni Kristo, isang pinag-uusig dahil sa Kaniya. (2 Corinto 11:23-27) Marahil ito ang “mga nakaherong tatak” na tinukoy ni Pablo, o baka ang iniisip niya’y ang buhay na kaniyang pinagdaanan bilang isang Kristiyano, na nakitaan ng mga bunga ng espiritu ng Diyos at ng kaganapan ng kaniyang ministeryo.
[Larawan]
Ang mga aliping Romano ay napipilitang maglingkod sa kanilang mga panginoon, ngunit si Pablo ay kusang-loob at nagagalak na alipin ni Jesu-Kristo