Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w90 11/15 p. 24
  • Tiyak ang Pagkakaisa sa Pamamagitan ni Kristo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tiyak ang Pagkakaisa sa Pamamagitan ni Kristo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkakaisa ang Layunin ng Diyos
  • Mga Salik na Nagpapaunlad ng Pagkakaisa
  • Pagkakaisang Kristiyano​—Lumuluwalhati sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Aklat ng Bibliya Bilang 49—Mga Taga-Efeso
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Efeso, Liham sa mga Taga-
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Nagtatamasa ng Napakahalagang Pagkakaisa ang Pamilya ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
w90 11/15 p. 24

Tiyak ang Pagkakaisa sa Pamamagitan ni Kristo

Mga Tampok Buhat sa Mga taga-Efeso

MAAGA noong 52 C.E., si apostol Pablo ay nangaral sa Efeso. Ang mayamang komersiyal na siyudad na ito ng Asia Minor ay isa ring sentro ng huwad na relihiyon. Ngunit ang Kristiyanismo ay lumago roon pagkatapos na si Pablo’y bumalik sa Efeso, malamang noong taglamig ng 52/53 C.E. Sa araw-araw ay nagbigay siya ng mga pahayag sa isang auditorium ng paaralan at nagpatotoo sa bahay-bahay nang siya’y mamalagi roon nang may mga tatlong taon.​—Gawa 19:8-10; 20:20, 21, 31.

Samantalang nakabilanggo sa Roma mga 60-61 C.E, si Pablo ay sumulat sa mga Kristiyano sa Efeso. Pakikipagkaisa kay Jesu-Kristo at sa pamamagitan niya ang tema ng kaniyang liham. Sa katunayan, ito’y may 13 pagtukoy sa ‘pakikipagkaisa kay Kristo,’ higit kaysa anumang ibang liham na isinulat ni Pablo. Tulad ng mga taga-Efeso, tayo’y makikinabang buhat sa mga salita ni Pablo tungkol sa ginagampanang papel ni Kristo, na iniiwasan ang imoralidad at nilalabanan ang hukbo ng masasamang espiritu.

Pagkakaisa ang Layunin ng Diyos

Una, ipinaliwanag ni Pablo kung papaano magdadala ang Diyos ng pagkakisa sa pamamagitan ni Kristo. (1:1-23) ang layunin ni Jehova ay tipunin ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa upang muling magkasama-sama sa pamamagitan ng “isang pangasiwaan” (isang paraan ng pangangasiwa ng mga bagay). Sa pamamagitan ni Kristo, pagkakaisahin ng Diyos sa kaniya yaong mga pinili ukol sa buhay sa langit at ang mga iba na mamumuhay sa lupa. Sa ngayon, pinagkaisa ng Diyos ang mga pinahiran at ang “isang malaking pulutong,” at ang ‘pagtitipon sa lahat ng bagay sa lupa’ ay magpapatuloy hanggang yaong mga nasa libingang alaala ay makarinig sa tinig ni Jesus at magsilabas. (Apocalipsis 7:9; Juan 5:28, 29) Ito’y dapat nating ipagpasalamat, gaya ni Pablo na nanalanging ang mga taga-Efeso ay magpahalaga sana sa mga paglalaan ng Diyos ukol sa kanila.

Ang sumunod na pinagtutukan naman ng pansin ay ang mga Kristiyanong Gentil, na dati’y patay sa kanilang pagkakasala. (2:1–​3:21) Sa pamamagitan ni Kristo, ang Kautusan ay pinawi at inilagay ang saligan para ang mga Judio at ang mga Gentil ay magkaisa at maging isang templo ukol sa Diyos upang tahanan niya sa pamamagitan ng espiritu. Si Pablo’y ginawang katiwala na magpapakilala sa banal na lihim na ang mga Gentil ay maaaring maging kaisa ni Kristo, na sa pamamagitan niya sila’y makalalapit sa Diyos na taglay ang kalayaan ng pagsasalita. Si Pablo ay muling nanalangin para sa mga taga-Efeso, ngayon ay hinihiling na tulungan sila ni Jehova upang makatayong matatag sa pamamagitan ng pananampalataya at pag-ibig.

Mga Salik na Nagpapaunlad ng Pagkakaisa

Ipinakita ni Pablo na naglaan ang Diyos ng mga salik na tumutulong sa ikapagkakaisa. (4:1-16) Kabilang na rito yaong espirituwal na katawan na siyang kongregasyon. Ang katawang ito ay kumikilos nang may pagkakaisa sa ilalim ng pagkaulo ni Kristo. At siya’y naglaan ng kaloob sa mga lalaki upang tumulong sa lahat para magkaisa sa pananampalataya.

Pinapangyari rin ni Jehova na mapatanghal ang mga katangiang Kristiyano na nagpapaunlad ng pagkakisa. (4:17–​6:9) Palibhasa’y nagbihis na ng “bagong pagkatao,” ang mga Kristiyano’y umiiwas sa gayong kalikuan na tulad baga ng malaswang pananalita. Sila’y lumalakad nang may kapantasan, nagpapakita ng paggalang kay Kristo, at nagpapakita ng wastong pagpapasakop.

Karagdagan pa rito, pinapangyayari ng Diyos na ang mga Kristiyano’y manaig sa hukbo ng masasamang espiritu na nagsisikap sirain ang ating pagkakaisa. (6:10-24) Ang espirituwal na baluti buhat sa Diyos ang nagbibigay ng gayong proteksiyon. Kaya’t gamitin natin ito at manalangin nang buong ningas, na sa ating pagsusumamo ay isinasali pati ang ating mga kapananampalataya.

Anong inam na payo ang ibinigay ni Pablo sa mga taga-Efeso! Harinawang ating sundin ito sa pamamagitan ng pag-iwas sa imoralidad at paglayo sa hukbo ng masasamang espiritu. At lubhang pahalagahan natin ang pagkakaisa na ating tinatamasa sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.

[Kahon/Larawan sa pahina 24]

Nagniningas na Suligi: Kasali sa espirituwal na baluti “ang malaking kalasag ng pananampalataya” na ipapatay, o magpapawalang-bisa, sa “nagniningas na suligi” ni Satanas. (Efeso 6:16) Ang ibang mga suligi na ginagamit ng mga Romano ay may guwang na mga tambo na may nakakabit na sisidlang bakal sa ilalim ng bahaging punô ng nagniningas na petrolyo. Ang mga ito ay itinitira buhat sa maluluwag na mga busog upang huwag mamatay ang apoy, at pagka winisikan ng tubig ay lalo lamang tumitindi ang lagablab ng apoy. Ngunit malalaking kalasag ang nagbibigay-proteksiyon sa mga kawal buhat sa gayong mga pana, kung papaano ring ang pananampalataya kay Jehova ang tumutulong sa kaniyang mga lingkod “upang patayin ang lahat ng nagniningas na suligi ng masama.” Oo, ang pananampalataya ang tumutulong sa atin na labanan ang mga bagay na tulad baga ng mga pag-atake ng mga balakyot na espiritu at gayundin ang mga tukso na gumawa ng masama, sumunod sa isang materyalistikong paraan ng pamumuhay, at magbigay-daan sa takot at pag-aalinlangan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share