Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pangangaral ng Mabuting Balita sa “Kadulu-duluhang Bahagi ng Lupa”
“ANG mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ganiyan ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad ilang saglit bago siya namatay. Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, sinabi pa rin niya: “Kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Mateo 24:14; Gawa 1:8) Sa ngayon, ang mga hulang ito ay natutupad sa mahigit na 200 lupain, kasali na ang bansa ng Peru sa Timog Amerika.
Mahigit na 32,000 Saksi ang nangangaral ng mabuting balita sa magandang lupaing ito, at sa kanilang teritoryo ay tunay ngang kasali ang ilan sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa, ang mataas na Andes, na umaabot sa kataasang nasa pagitan ng 4,000 at 4,500 metro, at gayundin ang mainit na kagubatan ng Amazon, na kung saan ang mga tao ay mararating lamang sa pamamagitan ng mga bangka sa ilog. Ang sangay sa Peru ay nag-uulat ng ganito:
◻ “Sa kagubatan, kami’y may walong special pioneer na naatasan na mag-asikaso ng dalawang maliliit na bangka sa ilog na tinatawag na mga lantsa. Ang dalawang maliliit na bangkang ito ay nagagamit sa taas ng tubig na .3 metro, kaya nagawa na mapalawak ang pangangaral ng mabuting balita hanggang sa maraming mga bagong lugar sa maliliit na ilog. Hanggang sa kasalukuyan, ang mga kapatid na gumagamit ng mga bangkang ito ay nakapagpasakamay ng daan-daang libong mga magasin, mga aklat, at mga Bibliya sa buong kalaparan ng Peruvian Amazon Valley. Kaya bilang tuwirang resulta, apat na mga bagong kongregasyon ang naitatag, kasama ang limang mga grupong nakabukod na nag-uulat ng kanilang nagawa at nagdaraos ng mga pulong. Inaasahan na ang mga grupong ito ay magiging mga kongregasyon sa malapit na hinaharap.”
◻ Isang bayan sa kagubatan ang umunlad sa palibot ng isang istasyon ng langis para sa Trans-Andean oil pipeline, na nagdadala ng langis buhat sa kagubatan tungo sa mataas na Andes hanggang sa west coast. Dahilan sa mayroon doon na mga manggagawa sa oil pipeline, ang bayang ito ay may mga 20 bar at napatanyag bilang isang lugar para sa paglalasingan at paggu-good time. Gayunman, pagkatapos na magbigay ng isang lubos na pagpapatotoo ang mga special pioneer, marami ang tumugon sa mensahe ng Kaharian, at ngayon aapat na lamang bar ang natira sa bayan! Sa isang kamakailang pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, 189 katao ang nakinig ng pahayag pangmadla. Mayroon na ngayong isang grupo ng 7 mamamahayag sa bayan, at mahigit na 45 katao ang dumadalo sa lahat ng mga pulong. Di-magtatagal, sa pagpapala ni Jehova, ito ay magiging isang kongregasyon.
◻ Sa isa sa 221 kongregasyon sa kabiserang lunsod ng Peru, Lima, isang 29-taóng-gulang na lalaki ang nagbibida kung papaano siya tumanggap ng katotohanan. Nang siya’y huminto ng pag-aaral sa edad na 13, nakipagbarkada siya sa isang pangkat ng mga basagulero at nagsimula ng isang karera ng pakikipag-away, paggamit ng ibinabawal na gamot, at pamimihasa sa imoralidad. Pagkatapos ng dalawang taóng sapilitang pagseserbisyo sa hukbo, siya’y nagsimulang magkaroon ng diperensiya sa pag-iisip. Pagkatapos, noong 1983, isang mapagpakumbaba, mahinhing sister ang nakatagpo sa kaniya sa kaniyang pagbabahay-bahay. Noon unang-unang pagkakataon narining niya ang tungkol sa bagong sanlibutan ng pag-ibig at kapayapaan. Isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan, at sa pamamagitan ng maibiging tulong buhat sa kongregasyon at sa kalakasan ni Jehova, kaniyang napagtagumpayan ang kaniyang mga bisyo. Noong 1986 siya’y nabautismuhan at ngayo’y naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Tunay, ang mga salita ni Jesus na ang Kaharian ay ipangangaral sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa” ay natutupad sa Peru at may kahanga-hangang bunga, sa kapakinabangan ng marami sa lupaing iyan na nagugutom at nauuhaw sa katotohanan.