Ang Bethlehem—Sagisag ba ng Kristiyanong Pagkakaisa at Pag-ibig?
“ANG Bethlehem . . . ay isang katunayan ng walang-hanggang pag-ibig, ito’y isang aral sa pagpapakumbaba.”—Maria Teresa Petrozzi, autor ng aklat na Bethlehem.
Ganiyan ba ang kahulugan sa iyo ng Bethlehem? Marahil nga, yamang daan-daang milyong taimtim, maibigin sa kapayapaan na mga tao sa buong daigdig ang may-pagsambang nakatanaw sa kinaroroonan ng Bethlehem, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan. Kanilang nagugunita na ang munting siyudad na ito sa Gitnang Silangan ang lugar na sinilangan ng “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo. Sa loob ng daan-daang taon nagsihugos dito ang mga manlalakbay upang dalawin ang isa sa pinakabanal na dako sa Sangkakristiyanuhan, at marahil upang sumamba roon. Ito ay yaong Grotto na Pinanganakan, ang tradisyonal na dakong pinanganakan kay Jesu-Kristo. Ito ay nasa malaki, makasaysayang complex na tinatawag na Simbahan na Pinanganakan.—Isaias 9:6; Mateo 2:1.
Gayunman, sa katunayan, ang kinagisnan bang mga banal na dakong ito ay nagsilbing pinakasentro ng pagkakaisa, pag-ibig, at pagpapakumbabang Kristiyano? Ano ba ang masasabi mo buhat sa sumusunod?
Ang Katolikong manunulat na si Maria Teresa Petrozzi ay nagkukumento sa Bethlehem: “Pasimula noong ika-16 na siglo, [ang Bethlehem] ay dumanas ng kahirapan buhat sa mapapait at madudugong mga labanan sa pagitan ng mga Latin [Romano Katoliko] at mga Griego [mga mananampalatayang Griego Orthodox] ukol sa paghahawak ng kapangyarihan sa simbahan na Pinanganakan.” Ang muli’t muling sumisiklab na “madudugong labanan” na ito para makapamayani sila ay kalimitan nakasentro sa bituing pilak sa Grotto na Pinanganakan, na doon matatagpuan sa ilalim ng lupa, sa may bandang ibaba ng Simbahan na Pinanganakan. Ang bituing ito ay sinasabing nagsisilbing tanda sa aktuwal na dakong sinilangan ng Kristo. Si R. W. Hamilton ay nag-uulat sa kaniyang aklat na The Church of the Nativity, Bethlehem: “Kilalang-kilala na dalawa sa mga tanong na pinagtatalunan ng Pransiya at Rusya na humantong sa Crimean war ay tungkol sa magkakaribal na pag-angkin ng pag-aari sa mga susi ng mga malalaking pintuan ng basilica at ng yungib [Grotto na Pinanganakan], at sa misteryosong pagnanakaw isang gabi noong 1847 ng bituing pilak na may sulat Latin at ipinasok sa isang malapad na tipak ng marmol sa gawing ibaba ng dambana na Pinanganakan.”
Dahilan sa patuloy na pag-aaway-away ng mga denominasyon sa loob ng kung ilang mga siglo sa mga karapatan sa mga lugar na ito, “ang mga karapatan ng bawat denominasyon ay maingat na itinakda ngayon. Halimbawa, sa 53 lampara sa grotto ang takda sa mga Franciscano ay 19. Ang Dambana na Pinanganakan ay pag-aari ng mga Griego, at ang mga Latin ay hindi pinapayagan na gumanap ng mga serbisyo roon.”—Historical Sites in Israel.
Sa panahon ng Kapaskuhan, kung ipinahihintulot ng mga kalagayang pulitikal, ang bawat isa sa relihiyosong mga komunidad ng Sangkakristiyanuhan na naroroon ay nagdaraos ng kaniyang sariling Misa sa Pasko at ito’y nagpuprusisyon sa buong Bethlehem. Kung Disyembre 24 at 25, ang mga Latin ay may prusisyon at Misa sa hatinggabi sa Saint Catherine’s Church, kasunod ng Simbahan na Pinanganakan, na ngayon ay kapuwa ginagamit ng mga simbahang Orthodox ng Griego at Armeniano. Kung Enero 6, ang Griego, Syriano, at ang mga simbahang Coptic Orthodox ay may selebrasyon ng kanilang mga Misang Pamasko. Kung Enero 18, ginaganap ang Pamaskong Misa ng Armenian Orthodox, na may prusisyon kung Enero 19.
Ang binanggit ba ay nagpapahiwatig na ang tradisyonal na mga dakong banal ng Bethlehem ay ‘isang katunayan ng walang-hanggang pag-ibig, isang aral sa pagpapakumbaba’? Isa pa, sa mga ito ba ay masisinag ang katotohanan tungkol sa mga pangyayari sa kapanganakan ni Jesus? Halimbawa, kailan siya ipinanganak? Siya ba’y aktuwal na isinilang sa lugar na sa ngayon ay Grotto na Pinanganakan? At ikaw ba o sinuman ay dapat sumamba sa kaniyang dakong sinilangan?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.